Sunod-sunod ang pagtungga ko sa alak sa aking harapan. Nandito ako sa bar na madalas kong puntahan kapag nagpapalamig ng ulo. Hindi rin naging maganda ang pagpunta ko sa golf club kanina at gusto kong sisihin ang mga naunang kamalasan ko kaninang umaga pa lamang. Kaya naman heto, magpapalamig ako ng ulo sa pag-inom ng alak.
"Sir, mukhang nakakarami na ulit kayo, ah," pagpuna sa akin ng waiter na nasa harapan ko.
Ano bang pakialam niya, 'di ba?!
Tiningnan ko lang siya nang masama at hindi na siya umimik pa. Ilang beses na rin akong pinapansin ng waiter na ito sa tuwing napaparami ang inom ko. Ano bang problema niya, eh, nagbabayad naman ako?
Maya-maya ay tumunog ang aking cellphone at napamura ako nang malakas nang makita kong si Mama ang tumatawag. Alas-diyes na nang gabi at nakalimutan kong tawagan si Mama kanina bago ako nagpunta rito. Palagi kasing tumatawag si Mama para kumustahin ang isa naming kumpanya na lumago na rin nang lumago. Hindi ko naman iyon pinapabayaan pero minsan lang ay naiirita na rin ako sa palaging pagtawag ni Mama. Si Papa naman ay hindi ganoon. Sana man lang ay naging pareho sila ng ugali...
Nagmamadali na lang akong lumabas sa bar at naglakad papunta sa gilid kung saan tahimik. Doon ko siya kakausapin upang hindi niya marinig ang music sa loob ng bar. Hindi nila alam ang pagba-bar ko at wala akong balak sabihin sa kanila. Kailangang mapanatili ko ang pagiging mabait at responsableng anak dahil iyon naman talaga ako.
"Hello, Mama," pagsagot ko sa tawag sa tonong inaantok. Kailangang mapaniwala ko siyang inaantok na ako.
"Bogart, anak, natutulog ka na ba?" ang tanong kaagad ni Mama.
Napangiti ako. Success ang pagpapanggap kong inaantok. Ako pa ba naman...
"Hmmm... Opo, 'Ma. Napagod kasi ako maghapon," humihikab kong tugon. Kailangang may kasamang hikab upang mas maging kapani-paniwala.
"Ganoon ba? O, sige, tatawagan na lang kita ulit bukas. Magpahinga ka na muna," sagot ni Mama na ikinahinga ko nang maluwag.
"Goodnight, 'Ma!" may sigla kong tugon na tila nakalimutan kong nagpapanggap nga pala akong inaantok. Minsan talaga ay mahirap pigilan ang bugso ng damdamin kapag nagdidiwang ka sa nangyayari.
"A-ah... G-goodnight, anak," tila nagtataka ang boses na tugon ni Mama. At bago pa siya makapagtanong, kaagad ko ng pinatay ang tawag. Mahirap na, baka mabuking pa ako nang tuluyan. Tiyak namang hindi na ulit siya tatawag. At para mas sigurado ay pinatay ko ang aking cellphone. Kung sakali mang tumawag ulit siya ay hindi niya na mapapa ring ang cellphone ko. Kapag tinanong niya bukas, sasabihin ko lang na nalobat dahil hindi ko na naicharge sa sobrang antok ko.
Napapailing na lang akong naglakad papunta sa aking sasakyan. Wala na akong ganang bumalik pa sa loob lalo na at nahihilo na rin talaga ako. Mukhang naparami nga ang inom ko ngayon. Dala ko ang personal kong kotse kaya wala akong kasamang driver. Isa pa ay tuwing araw lang ako may driver kapag pumupunta ako sa kumpanya o kaya ay sa golf club.
Pagkapasok ko sa loob ng sasakyan ay sumubsob muna ako sa manibela. Hilo talaga ako pero kailangan kong umuwi. Ayaw kong makatulog lang dito at isa pa, baka hindi rin ako makatulog. Mas masarap matulog ng nakahiga sa kutson at mayroong aircon. Kaya naman mabilis ko ng binuhay ang makina at umalis na ako roon. Habang binabaybay ko ang kalsada ay sumisinok-sinok na ako. Ramdam kong anumang oras ay masusuka na ako. Dahil doon ay kaagad kong kinabig ang manibela pakaliwa upang sumuka muna sa gilid. Ang daan kasi sa kaliwa ay maliit lamang at bibihira ang mga sasakyan doon. Kabisado ko na ang pasikot-sikot sa kahit saang lugar sa dami na ng napuntahan ko.
"Aarrrrkkkk!" hindi pa man ako nakakababa nang tuluyan sa aking sasakyan ay bumulwak na ang aking suka.
"s**t!" napamura na lang nga ako dahil nasukaan ko ang aking suot na sapatos.
Nagawa ko pa ring magpunta sa gilid upang doon ituloy ang pagsusuka. Pakiramdam ko ay mas lalong umikot ang aking paligid. Ngunit hindi ako maaaring bumigay doon. Hindi puwedeng magisnan ako ng kahit na sinong tao na mukhang kawawa roon kaya naman kahit tutumba-tumba na ako sa paglalakad, nagawa kong makabalik sa loob ng aking kotse. Binuhay ko iyong muli at pinasibad na muli.
Ilang sandali lang ay may namataan akong itim na pusa sa gitna ng dinadaanan ko. Naalala ko ang kilalang kasabihan na huwag ka raw tutuloy sa iyong pupuntahan kapag may nakasalubong kang itim na pusa. Napangisi na lang naman ako dahil hindi naman ako naniniwala roon. Para sa akin, walang malas-malas. Walang pag-aatubili kong sinagasaan ang kawawang pusa. Kung mamatay man siya, kasalanan niya. Aba! Ano ba kasing ginagawa niya sa kalsada, 'di ba?
Ngunit nagulat na lamang ako nang marinig ko ang nakakabinging tunog ng aking gulong sa hindi ko maipaliwanag na dahilan. Kasabay niyon ang malakas na hiyaw ng pusa. Pagkatapos ay naramdaman kong tila nahulog ako sa kailaliman kasama ang aking kotse.
"Aaaahhhhhh!" malakas kong sigaw habang unti-unting nagliliwanag ang paligid at napahinto lang ako nang malakas na bumagsak ang kotseng kinaroroonan ko.
Ang lakas ng kabog ng aking dibdib at habol ko rin ang aking hininga habang nanlalaki pa ang aking mga mata at deretso lang ang tingin. Hindi ko alam kung gaano ako katagal sa ganoong posisyon bago umikot ang aking mga mata. Hindi ko rin alam kung nananaginip lang ba ako dahil nakikita kong kulay green ang kalangitan. Nakakapagtaka na makitang iba na ang aking kinaroroonan samantalang nasa kalsada lang naman ako kanina. Pinili kong manatili sa loob ng aking sasakyan habang sinisilip ang paligid. Maraming naglalakihang mga ibon akong nakikita sa himpapawid. Tila disyerto sa unang tingin ang paligid ngunit nakita ko namang madaming naglalakihang mga puno. Mga punong kakaiba. Iba-iba ang laki ng mga dahon at iba-iba ang itsura. May mga naglalakihang bato rin akong nakikita na hindi ko matukoy kung kulay ginto ba o kulay silver dahil na rin sa mataas na sikat ng araw. Gagalaw na sana ako nang makarinig ako ng tila mabibigat na yabag. At palapit nang palapit sa akin ang tunog na iyon...