Kabanata 3

875 Words
Napanganga ako nang mula sa aking pagkakaupo ay makita ko sa windshield ang isang nilalang na papalapit. Pakiramdam ko ay hihimatayin ako sa aking nakikita. Isang kakaibang nilalang! Doble yata ng aking tangkad ang taas ng nilalang na nakikita ko. Malapad ang katawan nito at ang buong katawan pa nito ay mayroong kulay itim na balahibo. Mayroon siyang mga paa at kamay na parang sa aso habang tayong-tayo naman ang mga tenga niya na para namang sa isang pusa. Kulay asul ang mata ng nilalang na ito at hindi ko mawari kung may ilong ba siya o wala. Mayroon siyang bibig na parang sa bibig din ng karaniwang tao ngunit malaki iyon at kulay itim at napansin ko rin na mayroon siyang mahahabang bigote at makakapal na mga kilay. Para sa akin ay isa itong halimaw! Matagal akong nakipagtitigan sa nilalang na iyon na nakatitig lang din sa akin. Pagkatapos ay napahalakhak na lamang ako nang malakas. Iiling-iling akong napasandal sa aking upuan at ipinikit ko ang aking mga mata. Panaginip. Isa lamang itong masamang panaginip! Itutulog ko lamang ito at sa paggising ko ay natitiyak kong hindi ko na makikita ang kulay green na langit at ang halimaw na ito! Paggising ko ay ang kulay rainbow kong kisame na kulay puti naman talaga ang sunod ko ng masisilayan. "Beauty and the beast... La, la, la, la," pag-awit ko hanggang sa unti-unti na nga akong makatulog at umaasang sa paggising ko ay nasa loob na ako ng aking kuwarto... ***************************** Unti-unting dumilat ang aking mga mata at saka ko rin iniunat ang aking mga kamay kasabay ng isang paghikab. Napangiwi pa ako dahil sa nararamdaman kong pangangalay ng aking mga paa. Nang tuluyan akong dumilat ay bigla akong kinabahan habang nakatitig ako sa aking mga paa. Malinaw na nasa loob ako ng aking sasakyan at naalala ko ang mga kakatwa kong nakita kanina bago ako natulog. Ngunit saglit lamang ang kabang naramdaman ko dahil kaagad din akong ngumiti at saka nag-angat ng paningin. Sa pag-angat ko ng aking paningin ay unti-unting nawala ang ngiti sa aking mga labi... "Aaaahhhhhhh!" sa pagkakataong ito ay mas malakas ang aking sigaw kaysa kaninang lasing pa ako. Nasa harapan ko ang halimaw na nakita ko rin kanina! Ano ito?! Hindi ako nananaginip lang? Bigla namang napaatras ang tinutukoy kong halimaw. Marahil ay nagulat siya sa sigaw ko? Pero sino ba ang dapat na magulat sa amin? "H-hindi i-ito t-totoo... H-hindi... P-panaginip p-pa r-rin i-ito," habol ko ang hininga na bulong ko sa aking sarili at saka ko sinampal ang magkabilaan kong pisngi. Yumuko at pumikit ako at paulit-ulit kong kinurot nang matindi ang aking tagiliran. Pagkatapos ay unti-unti akong nag-angat ng paningin ngunit muli lang akong napasigaw dahil sa pagkakataong iyon ay nakadikit na ang mukha ng halimaw sa aking windshield! Kita ko pa ang pagngiwi ng halimaw at ang palitang pagtaas baba ng mga kilay nito. Sa itsura nito ay parang siya pa ang nagugulat sa akin! "Dyusko, patawarin Mo ako! H-hindi ko sinasadyang sagasaan ang pusa! Ibalik Mo na ako sa reyalidad!" malakas kong sabi habang nanlalaki ang aking mga mata. Naalala ko lang naman ang pusa at kung hindi nga ako nananaginip, inisip kong baka pinarurusahan ako ng Panginoon sa ginawa ko sa pusa. Magmula ngayon ay maniniwala na akong malas kapag may nakasalubong kang itim na pusa! Maya-maya ay umikot ang halimaw papunta sa gilid ng bintana kung saan ako nakaupo. Napausod ako sa kabila at napaigik lang naman ako dahil tumama ang aking scrotum sa kambiyo! Kahit sa ganitong sitwasyon na may halimaw sa aking harapan, hindi ko pa rin naiwasang maramdaman ang sakit sa pagkakatama nito sa kambiyo. Naalarma lang akong muli nang mapansin kong tila hinahanap ng halimaw kung paano mabubuksan ang pinto. "Huwaggggg!" sigaw ko nang hatakin na nang malakas ng halimaw ang pinto at buong-buong natanggal ang pinto ng aking sasakyan. Nanginginig akong napasiksik sa kabilang pinto. Sa buong buhay ko, ngayon ko lang naramdaman ang takot na ito... "H-huwag kang l-lalapit..." mahina ngunit mariin kong sabi nang sumilip ang halimaw. "Sino ka?" Napalunok ako ng makailang ulit nang marinig ko siyang magsalita. Nakakapagsalita siya! Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o ano! Dahil hindi ako makasagot, umikot muli ang halimaw at saka ko na-realize na ang pintong kinasasandalan ko naman ang sunod niyang hinatak! Napaigik akong muli sa sakit dahil bumagsak na ako sa labas ng sasakyan nang matanggal niyang muli ang pinto na kinasasandalan ko. Ngayon nga ay nakahiga ako habang iniinda ang sakit ng aking likod dahil sa pagkakabagsak ko. "Sino ka?" Napalunok akong muli nang unti-unti siyang yumuko at itanong muli iyon. Halos ilang hibla lang ang layo ng mukha niya sa mukha ko. Gustuhin ko mang lumayo ay hindi ko magawa dahil hindi ako makakilos mula sa aking pagkakabagsak. "Sino ka?" ulit niya pa at mas lalo kong natitigan ang nakakatakot niyang mukha. Kahit na takot na takot ako, pinilit kong sumagot dahil baka kung ano pa ang gawin niya sa akin. "B-bo... B-bo..." nanginginig ang boses ko at hindi ako makapagsalita nang ayos. "Anong ginagawa mo rito, Bobo?" Hindi ko tuloy alam kung matatakot pa ba ako sa sinabi niyang iyon. Sa sitwasyong ganito, itatama ko pa ba ang pangalan ko sa kaniya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD