Parang sasabog ang dibdib ko sa sobrang takot habang nakatingin pa rin sa malahalimaw na malahayop na nasa harapan ko. Ang asul niyang mga mata ay tila kulay pula dahil pakiramdam ko ay matutupok o masusunog na ako ngayon sa mga titig niya.
"Ang sabi ko, anong ginagawa mo rito, Bobo?" pag-uulit pa ng halihayop na ito sa aking harapan.
Yes, tingin ko ay matatawag ko talaga siyang halihayop—halimaw na hayop.
"Bobo?" untag niya sa akin sa malakas na boses at halos bumigay pa ang aking kanang kamay sa pagkakatulod ko sa lupa dahil sa gulat.
Hindi ko alam kung sinisigawan niya ba ako o kung sadyang malakas lang ba ang boses niya dahil sa napakalaki niya ngang nilalang. Pero nakakaramdam na rin ako ng pamumula sa aking pisngi. Marahil ay dahil sa inis? Sa paulit-ulit niyang pagtawag sa akin ng "bobo"? Ngunit may karapatan ba akong mainis ngayon? Mabuti sana kung si Virgilio lang ito at siguradong may karapatan akong mainis o mabuwisit.
Napalunok at napaatras ako mula sa pagkakaupo ko rito sa lupa nang bigla niyang ihakbang ang kaliwa niyang paa palapit sa akin. Kapag ito nagkamali ng hakbang, malamang sa malamang ay mapisa ako! Kaya naman pinagpapawisan na talaga ako nang sobra.
"Hindi ka taga rito sa aming mundo. Iba ang iyong hitsura. Sino ka at sino ang nagpadala sa 'yo rito?" tanong niyang muli.
Hindi ko alam kung naguguluhan lang ba ako, pero bakit parang pakiramdam ko ay may bahid ng galit ngayon ang kaniyang pagtatanong hindi tulad kanina?
"Mukhang sa Alwahan ay magsasalita ka na at sasagutin ang mga tanong kong kanina pa naghihintay ng mga sagot," aniya at nanlaki ang aking mga mata nang basta na lamang niya akong dakmain na parang isang kumpol ng basura!
"Wo-woaaa!" unti-unting lumabas ang boses ko habang nakakulong ako sa kanang palad niya. Kulong na kulong ako sa kaniyang palad at napapikit pa ako dahil tumutusok ang makakapal na balahibong pusa ng palad niya sa aking mga mata.
Alam kong naglalakad siya dahil tila idinuduyan ako ng palad niya at dinig ko ang bawat hakbang ng kaniyang mga paa. Sinubukan kong tumayo sa pagbabakasakaling makawala ako ngunit nakaramdam lang ako ng liyo nang mula sa awang ng mga daliri niya ay makita ko ang nakakalulang taas pala ng kinaroroonan ko. Kung balakin ko mang tumalon kahit pa magkasya ako sa awang sa bawat daliri niya, siguradong hindi naman ako mabubuhay. At ayaw ko pang mamatay. Mas lalong hindi rito. Hindi sa mundong ito at mas lalong hindi sa kamay ng halihayop na ito!
Ilang segundo pa ay naramdaman ko ang may kalakasang pagbagsak ko. Kagaya ng dati, siya na naman ang aking nasilayan. Wala na ba akong ibang puwedeng makita na mas may hitsura kesa sa kaniya?
"Nasaan ang asul na kristal?" seryoso niyang tanong sa akin.
Ano raw?! Asul na kristal?! Anong malay ko sa kristal niya!
"Kung hindi ka magsasalita ay wala na akong magagawa kundi ang ilagay ka sa Alwahan," saad niya at akmang dadakmain na naman ako ngunit mabilis akong nakatakbo sa kabilang gilid.
Literal talagang nangingig ang mga kamay at tuhod ko.
"A-anong A-al-alwa-han? H-hindi k-ko m-ma-maintindi-han ang m-mga si-si-sinasabi m-mo..." sana naintindihan niya ang sinabi ko. Alam kong pautal-utal ako pero sana maintindihan niyang dahil natatakot lang ako.
"Ano?" mabilis niyang sagot na halos ikalaglag ng panga ko.
"S-sabi m-mo A-al-alwa—" hindi ko natapos ang aking sasabihin dahil bigla siyang napabuga dahilan para liparin akong parang papel mabuti na lamang at napasiksik ako sa loob ng isang puno...
Pero sandali... P-puno nga ba itong kinasiksikan ko? M-may m-mga malalaking dahon na kakaiba akong nakikita na tila nakasabit sa tuktok ng kinaroroonan kong ito. P-pero... B-bakit parang gumagalaw at pumipisil-pisil sa maskulado kong katawan?
"Mabuti na lamang at nasalo ka ng Alwahan. Hindi ko naman akalaing isa ka palang mahinang nilalang para liparin lang ganoon."
Napalingon ako kay halihayop at gustong-gusto ko siyang ipabugbog dahil sa sinabi niyang isa akong mahinang nilalang. Pero isinantabi ko na muna iyo dahil bahagyang napaawang ang aking mga labi at hindi ko alam kung dinadaya na lang ba ako ng aking paningin. Sa pagkakatanda ko naman kasi, mas matangkad siya sa akin ng mga tatlong beses. Ngunit sa pagkakataong ito, nakayuko ako ng tingin sa kaniya. Ibig sabihin, mas matangkad nga ako sa kaniya! Ngayon... Pero... P-paano nangyari iyon?
"Ipaubaya mo na siya sa akin upang mawalan ka na ng sakit ng ulo."
Pakiramdam ko ay bigla akong naging yelo sa sobrang panlalamig nang marinig ko ang boses na iyon na tila nanggagaling sa kinasisiksikan ko ngayon.
"Sandali lamang, baka magbago na ang isip niya at umamin na siya," pagpigil ni halihayop sa kung sinong kinakausap niya na hindi ko nakikita.
Pagkatapos ay saka siya muling tumitig sa akin. Pasimple ko namang inililibot ang aking paningin sa pagbabakasakaling makita ko ang sinumang tao—o halimaw din na kausap niya. Ayaw kong i-entertain ang sinasabi ng utak ko na ang masikip at madilim na kinasisiksikan ko ngayon ang kausap ni halihayop. Tingin ko talaga ay isa itong katawan ng puno na buka sa loob kung saan ako naroroon. Kita ko pa rin ang labas, ang naglalakihang dahon sa bandang gilid at ang kinaroroonan ni halihayop.
"Magsasayang ka lamang ng iyong oras sa nilalang na ito. Kesa pagtuunan mo siya ng pansin, mas mabuti pang gugulin ang iyong oras sa paghahanap kung saan niya man dinala ang asul na kristal," eto na naman nga ang boses. Napakalalim at tila boses ng matandang hinihika.
"Huling pagkakataon, Bobo..." at bumuntunghinga pa siya habang nakatitig pa rin sa akin. Kung nasa normal na sitwasyon lang ako, ipagsisigawan ko siguro sa kaniyang hindi ako bobo... Ipamumukha ko sa kaniya kung gaano ako ka-successful sa buhay. Kung gaano kalaki ang kayaman ko.
Pero wala ako sa mundo ko... Ang saklap...
"Nasaan ang asul na kristal?"
Napailing na ako nang tuluyan sa tanong niya na namang iyon. Ilang beses ko bang sasabihin na wala akong alam sa sinasabi niyang asul na kris—
Natigilan ako. Wala pa nga pala akong sinasabing ayos.
"H-hindi k-ko nga alam ang tu-tungkol sa asul ninyong kristal..." sinubukan kong 'wag magpautal-utal kahit mahirap.
"Baka gusto mong baguhin ang katigasan ng iyong paninindigan sa mga nagpadala sa iyo, Bobo!" singhal niya sa akin. Nakakainsulto na talaga ang pagtawag niya sa akin ng bobo!
"Maniwala ka naman..." mahina ang boses na saad ko. Parang mawawalan na kasi ako ng pag-asa.
"Ang iyong kinalalagyan ngayon ay ang Alwahan na nasa pangangalaga ni Al," pagsasalita muli nitong si halihayop.
Seryoso? Alwahan na nasa pangangalaga raw ni Al? Mayroon pa ba akong maririnig na weird na mga pangalan o mga salita rito?
"Sa sandaling pahintulutan na ni Al ang Alwahan na lamunin ka na nang tuluyan, kahit pa magbago na ang isip mo ay wala na akong magagawa. Ang ibinibigay ko sa 'yo ngayon ay isang pagkakataon lamang," pagpapatuloy pa niya sa akin.
Sandali. Lalamunin ako nang buo? Hindi maaari! Hindi ako puwedeng mamatay! Paano na ang mga sasakyan ko na karamihan ay hindi ko pa nagagamit? Paano na ang kayaman ko? Paano na ang mga babaeng hindi pa nasisilayan ang ka-guwapuhan ko?!
"Paalam, Bobo..."
Doon na ako naalarma nang tuluyan sa pamamaalam ni halihayop sa akin. Lalo na nang maramdaman kong tila unti-unting sumisikip ang aking kinaroroonan. Parang pipigain ako.
"S-sandali! Sandali lang, halihayop!" malakas kong sigaw habang pilit kong itinutulak ang magkabilaang gilid na nais pumisa sa akin.
Nasulyapan ko pa ang pagtaas ng kanang kamay ni halihayop habang nakatingin sa bandang itaas ko. Tingin ko ay pinahihinto niya itong si Al na sinasabi niya sa pagpisa sa akin. Salamat naman kung ganoon.
"Anong itinawag mo sa akin?" tanong ni halihayop at kitang-kita ko ang bahagyang pag-alon ng kaniyang dibdib.
Galit ba siya?
Bakit ko pa ba ito itinatanong sa sarili ko, eh, kanina pa naman siyang galit...
"Anong itinawag mo sa akin?" tanong niyang muli sa akin.
Pero tinantiya ko muna kung hindi ba siya galit. Malinaw kasing narinig niya ang pagtawag ko sa kaniya ng halihayop at baka hindi niya iyon nagustuhan. Pero nakakapagtaka, bakit siya magagalit samantalang isa naman talaga siyang halimaw na hayop...
"Halihayop, ang kaniyang winika," sagot naman nitong si Al na ikinalunok ko ng sunod-sunod. Kailangan niya ba talagang makialam?
"Halihayop? Anong ibig sabihin niyon?" nagtataka ng tanong ni halihayop habang nakatingin pa rin sa akin.
Kailangan kong magsinungaling kung ayaw kong galitin siyang lalo.
"S-sa a-aming w-wi-wi-wika, a-ang ha-hal-haliha—"
"Maaari mo bang ayusin ang iyong pananalita dahil hindi kita maintindihan," pagputol niya sa pagsasalita ko.
'Okay, Bogart. Ayusin mo ang pananalita mo dahil mas lalong lumalaki ang ilong ni halihayop kapag nagtataka o nagagalit.' pagbulong ko sa aking sarili.
Humugot ako nang malalim na hininga at makailang ulit na napalunok saka humandang magsalita nang ayos. "Halihayop... Ibig sabihin sa aming wika ay patawad..." pagsisinungaling ko sa kanila. Hindi ko puwedeng sabihin ang totoo, sa ngayon siguro.
"Humihingi ka ng patawad. Ibig bang sabihin ay handa ka ng ituro sa amin kung nasaan ang asul na kristal?" tanong ni halihayop na hindi ko alam kung paano sasagutin ng hindi siya nagagalit.
"Ano ba kasi iyang kristal na iyan?" medyo hopeless kong tanong at pakiramdam ko ay lukot na lukot na ang guwapong mukha ko dahil sa mga nangyayaring ito.
Sukat doon ay biglang sumenyas si halihayop dito kay Al at alam ko na ang ibig sabihin niyon. Ngunit mabilis akong sumigaw upang pigilan sila sa balak sa akin.
"Sandali lang! Kung talagang iniisip ninyong ako ang kumuha sa asul na kristal, hindi ba dapat ay huwag ninyo akong patayin?!" sigaw ko nang malakas. Hindi ako sigurado kung makakaligtas nga ako sa sinabi kong ito ngunit mas maganda ng sumubok kaysa hayaan kong pisain ako nitong si Al!
"Sasabihin mo na sa akin kung saan mo dinala ang asul na kristal?" paglingon ni halihayop sa akin.
Ano bang dapat kong sabihin? Iyong katotohanan na magpapahamak sa akin o kasinungalingan na makakaligtas sa akin?
"Puwede bang pakawalan niyo muna ako at saka kita kakausapin?" sinubukan kong ipakiusap.
Kita ko ang bahagyang pagtango ni halihayop kay Al kaya nagdiwang ang aking pakiramdam.
Sa wakas...
Biglang lumuwang ang kinaroroonan ko at saka ko narinig ang sinabi ni Al.
"Bilisan mong lumabas dahil kung hindi ay baka basta ka na lamang lamunin ng Alwahan ko," aniya na ikinataranta ko.
Dahil nga gusto kong makalabas na kaagad, patalon akong lumabas dito.
"Aaaaaahhhhhhhhhhh!" humalo sa ere ang malakas kong sigaw habang nakapikit nang mariin. Mataas pala kasi ang kinaroroonan ko kaya naman heto at nasa ere ako dahil sa aking pagtalon. Hindi nga ako napisa sa Alwahan na sinasabi ni halihayop, wasak naman ang katawan ko sa sandaling bumagsak na ako.
Ngunit ang takot na naramdaman ko ay unti-unting nawala nang may malambot akong maramdaman na tila sumalo mula sa aking pagkakabagsak. Pinilit kong labanan ang malakas na t***k ng aking dibdib at unti-unti akong nagdilat ng mga mata para lang mapapikit muli dahil sa kung anong tumusok sa aking mata.. Padapa pala ang aking pagkakabagsak. At ang sumalo sa akin ay walang iba kundi ang mabalahibong kamay ni halihayop. Iniligtas niya ako kaya naman may utang na loob pa tuloy ako sa kaniya.
"Ngayon ay sabihin mo na sa akin kung nasaan ang asul na kristal."
Napailing na lang ako sa muling tanong ni halihayop sa akin.
"Parang awa mo na, hindi ko talaga alam ang tungkol sa asul na kristal... Isa lamang akong ordinaryong tao na hindi ko alam kung paano akong napunta rito," saad ko sa malungkot at malamyang boses. Sana naman ay paniwalaan niya ako.
"Nilansi mo lamang pala ako upang makaalis ka sa Alwahan... Hindi mo ba alam na kaya ka rin naman naming ibalik doon?" tingin ko ay nagbabaga na naman ang asul na mata ni halihayop sa akin sa mga sinabi niyang iyon.
Ayaw ko na... Mukhang susukuan ko na lang ang mundong ito...
Mama, Papa, kayo na ang bahala sa mga maiiwan ko.
Tatanggapin ko na lamang na mawawala na ang pinakaguwapong mukha sa buong mundo...