Maaliwalas ang aking mukha nang magkita kami nina Lu at Ku sa labas ng kanilang tinitirhan. Nakatayo naman sa bandang kanan ko si halihayop at maluwang ang pagkakangiti. Hindi ko maipaliwanag, pero parang ang gaan-gaan ng pakiramdam ko ngayon. "Mukhang maganda at maayos ang naging pahinga ng ating mga manlalakbay," nakangiting salubong ni Ku sa amin kasunod si Lu. "Sabihin na nating ganoon nga. Kaya humanda ka, dahil tiyak na wala pang isang oras ay tapos ko na ang iyong pagsubok," may pagyayabang kong sabi kay Ku. Likas na nga siguro sa akin ang kayabangan, normal ko ito. "Kung ganoon ay sasabihin ko na ang aking pagsubok. Sana ay makuha mo ang tamang teknik sa pagsubok na ito..." makahulugan niyang wika sa akin na hindi ko naman masyadong inintindi. "Sige, ilatag mo na ang pagsubok n

