KARA
"Anak, gising na! Ngayon ang interview mo sa papasukan mong trabaho, hindi ba?" Pagyugyog sa akin ni Mama.
Kaagad kong namulat ang aking mga mata. Madali akong bumangon at tiningnan ang orasan sa gilid na table.
"Male-late na ako!"
Mabilis akong tumayo at tumakbo papuntang banyo. Ni-hindi ko na pinansin si Mama.
Sinirado ko kaagad ang pinto at hinubad ang mga damit ko. Nag-umpisa na akong magbuhos ng tubig sa katawan.
"Dahan-dahan naman, baka madulas ka! Diyos ko, itong batang 'to talaga," rinig kong sabi ni Mama sa labas. Napangiwi na lamang ako.
Si Mama na ang gumigising sa akin tuwing umaga, dahil walang kwenta ang alarm clock ko, dahil hindi naman ako nagigising nito.
Dati nag-set ako ng alarm para hindi ma-late sa school, pero tinanghali pa nga sa paggising at na late pa. Kung hindi lang ako ginising ni Mama, hindi sana ako nakakapasok no'n sa school.
Hindi ko nga alam kong bakit hindi na ako nagigising sa alarm ko. Hindi naman ako ganito dati. Kung kailan 20 years old na ako, saka ako nagkaganito. Ang hirap gisingin. At kung tulog ako, kahit may gera pa sa tapat ng bahay ay hindi talaga ako nagigising. Pero kapag ginalaw naman ang katawan ko, do'n lang ako nagigising.
"Pagkatapos mo dyan, bumaba ka kaagad, ha! Para makakain na," wika ulit ni Mama.
"Opo!"
Nagmadali na akong maligo. Hinilod ko ang lahat ng libag na mayroon ang katawan ko. Maputi pa naman ako. Nakakahiya kapag may dumi sa katawan na makikita! Yucks. Ano na lang ang masasabi ng mag-i-interview sa akin, baka hindi pa ako tanggapin.
Nagsabon ulit ako sa katawan. Dalawang beses lang naman akong nagsasabon para tanggal lahat ng libag sa katawan.
Isang tabo pa at natapos rin akong maligo. Mabilis lang akong maligo, late na, e. Gano'n talaga, filipino time.
Lumabas na ako sa banyo at naghanap ng white t-shirt at jeans sa closet, at kaagad ko itong isinuot. Ito ang susuotin ko paalis. Okay lang naman ito, di 'ba? Simple nga, eh.
Bumaba na rin ako pagkatapos kong mag-ayos ng sarili. Patakbo akong bumaba sa hagdan papunta sa hapag-kainan.
Nakita ko kaagad sila Mama, Papa at ang dalawa kong kapatid sa hapagkainan, na nauna nang kumain.
"Good morning!" magiliw kong bati sa kanila.
"Nandyan ka na pala. Oh, sige kumain ka na. Male-late ka na naman n'yan," ani Mama.
"Good morning, ate!" Bumati naman sa'kin si Claire, ang mabait at cute naming bunso.
"Hello, bunso!" Kaagad kong pinisil ang kanyang pisngi. Hindi ko talaga mapigilan ang pang-gigilan siya sa pisngi!
"Aray!" reklamo niya at sumimangot sa'kin. Napangiti na lamang ako.
"Mas maganda ka pa sa morning," nagsalita naman si Rea. Napangiwi na lamang ako sa sinabi niya.
Siya ang pangalawa sa aming magkakapatid. Puro babae lang kaming magkakapatid, at malayo ang agwat ng edad naming tatlo. Kwento sa'kin ni Mama ay nahirapan siyang magbuntis ulit pagkatapos niya akong isilang sa mundo. Kaya naman noong nakabuo sila ulit ay sunod-sunod naman siyang nagbuntis sa dalawa.
"Hindi niyo naman ako hinintay." Napasimangot ako. Umupo na ako sa tabi ni Claire. Kumuha na rin ako ng kanin at ulam at inilagay ito sa plato ko.
"Magugutom na kami kung hihintayin ka pa namin, no. Paano kasi, ang bagal-bagal mong kumilos. Kaya lagi kang nale-late, eh," sagot naman ng magaling kong kapatid na si Rea sabay subo ng kanin.
"Sus, dami mong sinasabi. Ito na nga, oh, bibilisan na po."
Mabilis na akong kumain, at kaagad din akong natapos. Nag-toothbrush na ako, at pagkatapos ay ni-check ko na rin ang mga gamit na dadalhin ko.
Nang mahanda ko na ang mga gamit at sarili ko, kaagad na rin akong nagpaalam kina Mama at Papa para umalis.
Mabilis akong naglakad papuntang bus station. Nang makarating ako ay kaagad akong pumasok sa loob ng bus at sakto naman dahil bumyahe kaagad ito.
Palinga-linga ako sa loob ng bus. Naghanap ako ng bakanteng upuan at doon umupo. Tinutok ko na sa bintana ang aking paningin nang maka-upo ako.
***
Thirty minutes na ang lumipas pero hindi pa rin ako dumadating sa destinasyon ko. Ang bagal naman kasing magpatakbo nitong si Manong drayber. Hindi naman sana traffic. Wala na, late na talaga ako. Huhu!
Binaling ko na lang ulit ang aking paningin sa bintana. Ilang minuto lang ang lumipas ay huminto ulit ang bus at maraming tao ang sumakay.
Kaagad naagaw ng aking pansin ang pinakahuling pumasok sa bus. Napataas ako ng kilay habang nakatitig sa lalaki na ngayo'y nakatayo malapit sa hagdan ng pinto ng bus. Medyo malayo siya sa gawi ko dahil nasa may gitnang halera ako.
Sinuri ko siya nang mabuti, at masasabi kong may lahi siya. Una kong napansin ang hugis diyamante niyang mukha. May manipis siyang kilay, matangos na ilong at manipis na labi na kulay rosas. Matangkad din siya, 5'9 yata.
Palinga-linga siya sa paligid at naghahanap ng pwedeng mauupuan.
Hindi ko pa rin matanggal ang mga mata ko sa kanya. Sinulit ko siyang titigan habang hindi pa niya ako napapansin. Nadi-distract ako sa kanya! Ang pogi naman kasi!
Buong buhay ko ay ngayon lang ako nakaramdam ng ganito sa isang lalaki. Nakakapanibago.
Sumilay sa aking labi ang munting ngiti na kaagad ring naglaho nang bumaling siya sa kinaroroonan ko.
Lagot.
Mabilis kong naibalik ang paningin ko sa bintana at umayos ako ng pagkaka-upo para matakasan ang hiya. Napalunok ako.
Nakakahiya! Alam kong napansin niya ako!
Sineryoso ko ang aking mukha. Pasimple naman akong sumulyap muli sa lalaki para tingnan kong nakatingin pa rin ba ito sa akin. At hindi nga ako nagkamali, dahil na sa akin pa rin ang kanyang paningin. Gosh!
Bago ulit ako nag-iwas ng tingin ay nakita ko naman ang pagsilay ng munting ngiti sa kanyang labi. Luh!
Nakita ko sa gilid ng aking mata ang paghakbang niya.....papunta sa......aking gawi?
Nanatili pa rin akong nakatingin sa bintana at kunwari'y hindi ko siya nakikita. Ngunit sa kaloob-looban ko ay nagrarambulan na ang mga laman-loob ko, lalo naman ang dibdib ko!
Maya-maya'y naramdaman ko na ang presensya niya sa gilid ko. Ramdam ko na pinagkatitigan niya ako habang may malawak na ngiti sa labi.
"Pwede ba akong umupo rito, miss?"
Nagsalita rin!
Napulunok ako sa mahina pero malalim nitong boses. Parang nang-aakit pa ang tono ng boses nito! Bakit ba siya lumapit dito sa upuan ko?
Matapang naman akong bumaling sa kanya at sandaling luminga sa paligid. Tsk! Wala ng bakanteng upuan maliban dito sa upuan ko.
Pilit akong ngumiti sa kanya na hanggang ngayon ay taimtim na nakatitig at matamis na nakangiti sa akin. Napahinga na lamang ako ng malalim bago tumango sa kanya. Kaagad siyang umupo sa tabi ko.
Tsk, dapat nasa malayo siya para malaya ko siyang mapagmasdan!
Lumipas ang ilang sandali, nangunot naman ang aking noo dahil hanggang ngayon ay nakatitig pa rin siya sa akin at may malawak na ngiti pa rin sa labi.
Napangiwi ako at nag-iwas na lamang ako ng tingin rito. Ang weird naman ng lalaking ito. Tumitibok tuloy ang puso ko.
Ilang sandali ulit ang lumipas ay hindi pa rin siya natigil. Ramdam ko ang pasimple niyang pagsulyap sa akin. Nakita ko sa gilid ng aking mata ang hindi mawala-wala nitong ngiti sa labi.
Pinagtitripan yata ako ng lalaking 'to!
Nanatili lamang kaming tahimik sa nagdaang minuto. Hindi ko naman siya pinapansin dahil nasa bintana ang paningin ko. Pero hindi na talaga ako komportable pa sa pwesto ko. Tumitibok ng mabilis ang puso ko. Kahit anong iwas ang gawin ko ay nakikita ko siyang nakangiti. At..parang malalaglag ang panty ko sa sarap ng kanyang ngiti! Bakit ko ba nararamdaman ito? Masyado naman yata akong OA.
Nanatili pa rin akong kalmado. Ngayon ko lang naranasan ito at parang mali itong nararamdaman ko. No! No! Hindi ako dapat magpaapekto sa kanya.
"Okay ka lang ba, miss?"
Naputol ang pag-iisip ko nang magsalita ang katabi ko. Ramdam ba niyang hindi ako okay?
Nakakunot-noo ko siyang binalingan. Pero ayan na naman siya, nakangiti pa rin. Ano kayang nakakatuwa?
Pilit naman akong ngumiti sa kanya.
"Ang ganda po siguro ng araw niyo, kanina pa po kayong nakangiti," ngiwi kong sabi sa kanya. Ang creepy na tuloy niya. Gwapong creeps.
Mas lalo namang lumapad iyong ngiti sa labi niya.
"Yea, maganda nga," sagot niya sabay kindat sa akin.
Biglang nawala ang peke kong ngiti. Nanumbalik ang malakas na t***k ng aking puso. Shocks! Pa-fall ang loko. Akala mo yata mahuhulog ako sa 'yo, ah.
Sinamaan ko siya ng tingin at inirapan. Hmp! Narinig ko naman ang mahina niyang tawa.
"Ako nga pala si Nash. Ikaw, anong pangalan mo?" Naglahad siya ng kamay sa harapan ko at nagpakilala.
Napatitig akong muli sa kanya at nataasan ko siya ng kilay. Hindi ako makapaniwala. Dito talaga?
"Po?"
"Ang sabi ko, anong pangalan mo?" tanong niya ulit. Hindi talaga mawala-wala ang ngiti sa labi niya.
Pinangsingkitan ko siya ng mata. Akala niya siguro ay uubra sa'kin ang kagwapohan niya. Hindi mo ako mabubudol, no!
Hindi ko siya sinagot at muli akong bumaling sa bintana. Kahit pogi ka, creepy ka pa rin, no. Ngiti nang ngiti. Okay sana no'ng una, e.
"Hoo! Grabi, parang first time ko yatang ma-ignore!"
Nagulat na lamang ako at nanlaki ang aking mga mata nang biglang sumigaw itong katabi ko. Nabaling kaagad sa amin ang atensyon ng ibang pasahero at nagtatakang tumitig sa amin. Ayts, nakakahiya!
Muli kong nilingon ang lalaki at pinanlakihan ng mata, ngunit parang natutuwa pa yata siya sa ginawa niya.
"Pangalan mo ulit?" tanong niya na parang wala siyang ginawang kalokohan! Argh! May ngiti pa sa labi na kay sarap punitin!
"Unknown!" Wala sa sarili ko siyang nasigawan.
"Anong unknown? Walang gano'ng pangalan, ah." Tinawanan niya ako.
Luh, ang kulit!
"Miss, sagutin muna 'yan. Hindi ka titigilan niyan," sabat naman ng manong sa likod. Tumawa pa ito. Pati tuloy ang ibang pasahero ay nakitawa na rin.
"Bigyan mo ng pag-asa 'yong bata, kahit pangalan lang. Hindi na rin naman kayo magkikita ulit niyan," wika rin nang ginang sa unahan. Naghalakhakan na silang lahat.
Tsk.
Bumaling ulit ako sa lalaking ngayon ay parang nanalo sa lotto dahil sa lawak ng ngiti nito. Ngunit mas lalo lamang akong nainis.
"Anong pangalan mo ulit?"
"Kara!" inis kong sagot sa kanya at inirapan siya. Nakita ko naman ang pagsimangot niya.
"Tingnan niyo po, oh, sinusungitan ako."
Napanganga ako. Para siyang batang nagsusumbong sa Mama niya. Ngumisi rin naman siya. Pinapahiya talaga ako ng lalaking 'to.
Napahinga ako ng malalim. Sinamaan ko siya ulit ng tingin. Sobrang kulit! Tumikhim muna ako bago nagsalita.
"Kara. Kara po ang pangalan ko," mahinahon kong sagot sa kanya.
Parang wala nang kapantay iyong mga ngiti niya ngayon. Kumikislap iyong mga mata niya habang nakatitig sa akin.
Nag-iwas kaagad ako ng tingin dahil may nararamdaman akong kakaiba na hindi ko maintindihan. Pag-ibig ba? Hindi. Hindi naman ako ganito.
Napahinga ako ng malalim. Sinagot ko na lamang siya para matigil ang kabalbalan niya. Ramdam ko namang mabait siya. Pero nakakainis pa rin siya! Nakakahiya iyong ginawa niya.
Nakita kong muli sa gilid ng aking mata ang pagsimangot niya bago muling ngumiti at nagdaldal.
"Maka 'PO' ka naman. Magkasing-edad nga lang yata tayo, eh. Ilang taon ka na ba?"
Napairap na naman ako sa hangin at sinagot siya. "Secret na po 'yon, KUYA," pinagdiinan kong sagot.
"Ouch! Alam mo bang masakit tawaging kuya?" Hinawakan niya ang kaliwa niyang dibdib at umaakting na nasasaktan. Bahagya akong natawa at napailing. Hindi talaga ako makapaniwala rito.
"Pero hula ko, twenty-three ka na, kase twenty-three na rin ako, e," proud niyang sabi.
Mali! Mukha ba akong matanda? bata pa ako, no!
Hindi ko na lamang siya pinansin at hinayaan lang siyang magsalita. Ilang minuto akong nagtiis sa kadaldalan niya na siyang nagpapasaya naman sa akin bago huminto ang bus at nagsitayuan ang mga pasahero para bumaba.
"Tapos, ayon nga, simula no'n naging bestfriend ko na sila," patuloy pa rin niyang kwento kahit hindi ko naman siya pinapansin. Mukhang hindi rin niya napansin ang paghinto ng bus. Napakadaldal kasi.
Kaagad na akong tumayo at dumaan sa harapan niya, na siyang nagpatigil sa kanyang magdaldal.
"Alis na ako, KUYA!" Nagmadali akong bumaba ng bus dahil iniisip ko ang papasukan kong trabaho!
Pagbaba ko ay kaagad namang umandar ulit ang bus kaya hindi na siya nakahabol pa.
"Ha, teka sandali! Kara, hindi ko pa nakuha ang number mo!" rinig kong sigaw niya sa loob, pero wala na, nakaalis na ang bus.
Pero kung gusto niya talagang makuha itong number ko, pwede naman siyang bumaba, pero hindi niya naman ginawa. Hmp.
Bahala siya.