CHAPTER 2: Man In the Bus

1721 Words
LUMABAS na ako sa building ng Smith kung saan ginanap kanina ang interview ko. Ang sabi ni Ma'am Z ay hintayin ko raw na tumawag sila sa'kin. Doon ko rin malalaman kong tanggap ako sa trabaho. Napahinga na lamang ako ng malalim. Napagdesisyonan kong maglakad papuntang Baywalk. Malapit lang sa Baywalk ang building ng Smith. Noong nakita ko sa online na naghiring sila ng finance ay agad akong nag-apply. Nalaman ko rin na malapit sa dagat ang building nila at maganda ang tanawin, kaya ito rin ang isa sa dahilan kung bakit gusto ko ritong magtrabaho. Pang-inspired lang. Char. Para mawala ang pagod sa work, ganon. Paano pa kaya kapag nasa tuktok na ako ng building? Sobrang ganda siguro doon! Pinapakalma kasi ako ng dagat lalo na sa mainitin kong ulo. Kung gustuhin ko nga ay habang buhay na lang akong nakatitig sa dagat. Tumawid na ako sa kalsada. Nasa unahan pa kasi ang Baywalk. Ilang sandali lang ay natanaw ko na rin ang dagat at simoy ng hangin na bumati sa akin. Ang sarap! Agad akong naghanap ng bakanteng upuan kung saan walang tao. Umupo rin ako sa concrete na upuan at pinagsawaang tingnan ang kagandahan ng karagatan. Napangiti ako. Sobrang kalma ng dagat. Wala itong masyadong alon. Habang nakatingin ako sa malawak na karagatan, hindi ko naman maiwasang isipin ang mga responsibilidad ko. Matanda na ako at dapat maging responsable sa buhay. Ang totoo niyan ay natatakot akong harapin ito. Pero alam ko naman na gagabayan ako ni God. Kaya tiwala lang din ako. Kapag natanggap ako sa trabaho, ipinapangako kong ibibigay ko ang lahat ng pangangailangan ng pamilya ko. Mahirap lang kami. Namamasada lang si Papa. Minsan malaki ang kita, minsan naman konti lang. hehe. Si Mama naman ay naglalabada. Kaunti lang rin iyong kinikita niya. 'Yong mga kapatid ko naman ay nag-aaral, at nakatira kami sa munti naming palasyo, at katabi namin ang mga kapitbahay naming marites. Nakakainis nga, e, kung ano-anong pinagsasabi tungkol sa'kin. Ibang-iba raw ako sa mga kapatid ko. Tapos, sinasabihan pa akong ampon. Hmp! Bawat membro ng pamilya may special, kaya special ako, no! Pinaglihian yata ako ni Mama sa isang diyosa. Hindi ko mapigilan ang mapangiti sa tuwing naiisip ko sila. Ang masasaya nilang mukha. Ngunit bigla na lamang nawala ang ngiti sa labi ko ng sumagi sa isip ko ang poging lalaki na nakatabi ko kanina sa bus. Hays, nababaliw na yata ako. *** Gabi na nang makauwi ako sa bahay. Tumambay pa kasi ako doon ng ilang oras at gumala rin sa syudad bago umuwi. Tinipid ko na lang ang perang meron ako. Snacks lang din naman ang binili ko. Gusto ko lang talagang gumala. Minsan lang din akong nakakalabas ng bahay kay sinulit ko na kanina. Naka-uwi na rin si Papa galing namamasada. Si Mama naman ay nasa kusina at nagluluto. Kasama ko naman ngayon itong dalawa kong kapatid. Nasa sala kami, at nasa gitna nila akong dalawa dahil nag-aaway na naman sila kanina. Barbie ang gustong panoorin ni Claire, habang si Rea naman ay action. Kaya ayon, umabot sa sakitan. Itong si Rea naman kasi, pinapatulan ang kapatid niya. Hays. Buti na lang ngayon, tumahimik na sila. Nanonood pa rin sila ng movie, pero movie choice ko na iyong pinapanood nila. Horror! Akala ko nga ay matatakot sila e, pero tutok na tutok naman sila sa T.V. Hindi ko namalayan na kanina pa pala akong nakatulala. Nagising na lamang ako nang mahinang ginalaw ni Claire ang braso ko. Kanina pa pala siyang nakatitig sa akin. "Ate, bakit parang ang lalim ng iniisip mo? May problema ka po ba?" mausisang tanong ni Claire. Hindi naman kaagad ako nakasagot. "Baka in love 'yan si Ate!" Nagulat naman ako nang sumigaw si Rea sabay buhakhak. Mabilis ko siyang nilingon at sinamaan ng tingin. Nakita ko naman siyang natakot at dali-daling lumipat sa tabi ni Claire. Hays. Mapapa-face palm ako sa batang 'to. Muli akong bumaling kay Claire. Nginitian ko siya. Inilapit ko siya sa akin at mahigpit siyang niyakap. "Paano mo naman nasabi 'yan, aber?" "Ate naman, ang higpit nang yakap mo," reklamo niya. Mahina akong natawa. Niluwagan ko ang pagkakayakap ko sa kanya. "Obvious naman kasi, ate, e. In love ka!" sabat na naman ni Rea. Tinaasan ko siya ng kilay. "Talaga, ate, inlab ka?" Nalipat namang muli kay Claire ang paningin ko. Napahinto ako at hindi agad makasagot. In love ba ako? Bigla ko na lang narinig ang malakas na bungisngis ni Rea at sumigaw. "Mama, Papa, in love na po si Ate!" Namilog ang mga mata ko at agad kong tinakpan ang bibig niya. Hays, pahamak! Nakita ko na si Mama na naglalakad patungo sa mesa, bitbit ang niluto niyang ulam. "Ano 'yang inlab, inlab na 'yan, ha? Pakitulungan nga ako rito nang makakain na tayo." Tumayo na rin kaming tatlo, pero iyong isa, tawa pa rin ng tawa. Tsk, nababaliw na ang batang 'to. Tumulong na ako kay mama na maglagay ng plato, kutsara, at baso sa mesa. "Wala po iyon, Ma. Ewan ko dyan kay Rea, kung ano-ano ang sinasabi." Binalingan ko siya ulit at pinanlakihan ng mata. Pero hindi na natakot. Nagpapa-cute na. "Itigil niyo na 'yang biruan ninyo." Lumapit na rin si Papa. Tumino na kaming tatlo. Umupo na kaming lahat sa upuan at nagsimulang kumain. "Kamusta naman ang interview mo, anak?" tanong sa akin ni Mama. "Okay naman po, Ma. Sabi ay hintayin ko raw ang tawag nila." Ngumiti at mahinang tumango si Mama. "Basta anak, ha, kung may bumabagabag man sa 'yo, isipin mong nandito lang kami." Gumaan naman ang pakiramdam ko sa sinabi ni Mama. "Huwag po kayong mag-alala, Ma, maayos lang po ako. Itong bata na 'to kasi, eh." Bumaling ulit ako kay Rea. Mahina kaming nagtawanan sa hapagkainan. Nagpatuloy na rin kami sa pagkain. Nang matapos kumain ay niligpit ko naman kaagad ang aming pinagkainan. Kaagad ko itong hinugasan. Habang naghuhugas, nakangiti naman akong lumilingon sa gawi nila Mama, Rea at Claire. Nasa sala sila at masayang nagtatawanan sa pinapanood nila. Nakakatuwa silang pagmasdan. Pagkatapos kong maghugas ay lumabas naman ako para tingnan si Papa sa kanyang ginagawa, at para magpahangin na rin. Napangiti ako ng makita ko siyang pinupunasan ng mabuti ang tricycle niya. Iyong pamamasada niya ng tricycle at paglalabada ni Mama ang bumubuhay sa amin. Minsan rin ay namamasada siya ng jeep. Nakakakain kami ng maayos at nakakapagbayad ng mga gastusin sa bahay dahil sa kasipagan nila. Kaya malaki ang pasasalamat ko sa mga sakripisyo nila. Nakapagtapos nga ako ng college kahit nasa kahirapan kami. Nakakapagtaka nga minsan, dahil alam kong kaunti lang ang kita ng mga trabaho nila pero natataguyod pa rin nila kami. Pero masipag naman talaga sila, at madiskarte rin. "Papa, gabi na po." Lumingon si papa sa akin. Nginitian niya ako. "Ikaw pala, anak. Tatapusin ko lang 'to at papasok na rin ako sa loob," sagot niya habang patuloy na pinupunasan ang bawat sulok ng kanyang tricycle. Alagang- alaga. Umupo ako at pinagmasdan ang ginagawa niya nang nakangiti. Muli siyang lumingon sa akin at ngumiti ulit. "Kamusta naman po kayo, Pa?" tanong ko sa kanya. "Maayos ang Papa, anak. Malakas pa ito, oh," sagot niya sabay pakita ng payat niyang braso. Kaya pang magbuhat ng mabibigat na bagay iyan. Natawa naman ako sa kanya. Mabiro rin talaga si Papa at palaging positive sa buhay. Nanatili akong tahimik at pinagmasdan lang siya hanggang sa matapos siya sa ginagawa niya. "Ang tahimik mo talaga, anak. Napakaseryoso. Alam mo ang buhay, hindi dapat masyadong sineseryoso. Tumawa ka rin, hindi 'yong ngiti-ngiti lang. Lakasan mo ang pagtawa, papa-cute ka pa, eh." Bigla naman naming narinig ang malakas na tawanan ni Mama at ng mga kapatid ko sa loob. Napangiti kami ni Papa habang pinagmamasdan sila. "Oh, kita mo 'yang Mama mo? Ang lakas tumawa, 'di ba? Sus, 'di ka man lang nagmana sa Mama mo." Muli akong natawa sa sinabi ni Papa. "Saan po kaya ako nagmana, Pa?" tanong ko sa kanya habang may pilyong ngiti sa labi. Ngunit unti-unti namang naglaho ang mga ngiti sa aking labi at kumunot ang aking noo, dahil biglang nawala ang ngiti sa labi ni Papa. Napahinto siya, tila hindi inasahan ang tanong kong iyon. Kaagad siyang nag-iwas ng tingin sa akin. May nasabi ba akong masama? Muli siyang ngumiti pero alam kong pilit iyon. "Tapos na pala ito. Sige na, papasok na ako sa loob. Pumasok ka na rin para makatulog ka nang maaga." Agad siyang tumalikod at pumasok sa loob. Sinundan ko siya ng tingin, dumiretso siya sa kusina para siguro ibalik ang mga gamit niya. Napasimangot na lang ako. Ano kayang nangyari do'n? Tumambay ako sa labas ng halos apatnapung minuto bago nagpasyang pumasok sa loob ng bahay. Nilalamig na rin kasi ako. Pagkapasok ko sa loob, nakita ko si Mama na nagdo-doble check kung naka-lock na ba ang lahat ng pinto. Hindi ko na nakita ang dalawa kong kapatid at si Papa sa sala. Nasa kwarto na siguro ang mga 'yon. "Ma," tawag ko kay Mama. Kaagad naman siyang lumingon sa akin. Nakatayo pa kasi ako sa sala. "Anak, matutulog ka na ba?" Lumapit rin siya sa akin. "Opo, aakyat na rin po," ngiti kong sagot. Mahina naman siyang tumango. Tiningnan niya ako nang ilang segundo. Napangiwi naman ako sa klase ng mga titig niya sa akin. "Bakit po, Ma?" "Nababagabag lang ako sa sinabi ng kapatid mo kanina. May nangyari ba?" Nakita ko ang pilyong ngiti sa labi niya. Napahinto ako sa tanong niya. Lagot ka sa'kin bukas, Rea! Huminga ako ng malalim. Wala akong planong sagutin ang tanong niya, pero alam kong pipilitin niya lang akong paaminin. "May lalaki po akong nakilala sa bus. Kaso makulit, madaldal, hindi ko siya type," diretso kong sagot kay Mama na parang wala lang. Baka magduda pa. Lumawak naman ang ngiti sa labi niya. "Sus, kunwari ka pa, eh!" Kaagad niya akong kinurot sa tagiliran na siya namang mabilis kong inilagan. Mahina akong natawa. Binigyan niya ulit ako ng matamis na ngiti. "Sige na, matutulog na ako, ha. Ikaw rin matulog ka na. At 'wag mo nang isipin ang lalaking 'yon. Sa bus mo lang pala nakilala 'yon, e. Hindi na kayo magkikita ulit no'n," bungisngis niyang sabi sabay tumalikod at umakyat sa itaas. Napasimangot na lamang ako sa sinabing iyon ni Mama. 'Wag naman gano'n.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD