CHAPTER 9

1218 Words
  ‘Mmyang 1 pm ha!’ text sa akin ni Bryan kinaumagahan One PM? Anong mangyayari sa One PM? Tanong ko sa aking sarili habang nagkukusot ng mata. Wala akong maalalang usapan namin ng One PM. ‘Ano meron?’ reply ko. ‘Meet tyo Sta. Lu db? Sundo kita punta samin.’ Napaupo ako bigla sa kama! Ha? May usapan ba kami kahapon? Napaisip ako at naalalang may sinasabi nga siya tungkol sa usapan kahapon! ‘Sige ala-una’ reply ko na lang. ‘Dala ka xtra damit.’ pahabol pa niya. Ano nga bang gagawin namin?   Buti na lang at pinayagan ako nina Kuya Brent at Ate Althea! Hinatid nila ko by car sa Sta. Lucia, kung saan kami magkikita ni Bryan sa tapat ng Mekeni Rogers. “Sigurado ka bang hindi na kayo magpapahatid?” tanong ng over protective ko’ng Kuya sa akin. “Hindi na Kuya, para naman matuto na rin akong mamasahe.” sabi ko sa kanya. “Oo, Kuya ako na po bahala kay Daryl.” singit ni Bryan, “Ihahatid ko na rin po s’ya pabalik dito sa Sta. Lucia mamaya.” “Sige, Daryl, text ka lang pang pauwi ka na ha?” sabi ni Ate.   Sa wakas, iniwan na rin kami ng dalawa kong kapatid na balak namang manood ng sine. “Bili muna tayo sitsirya bago tayo tumuloy sa amin.” aya ni Bryan. “Ano bang paborito mo? Ako na sagot!” “K-kahit ano...” actually Cheetoz Jalapenos, kaya lang alam kong mahal yun... “Ako Cheepee na blue at Nova.” kumuha na nga siya nito at iba pang tsitsirya, tapos ay kumuha rin siya ng dalawang 1.5 litro na softdrinks. Naglalakad na kami papuntang counter nang makita ko sila. Biglang nagsikip ang dibdib ko. Para itong nadaganan ng hollow blocks na pilit na pinipigilan ang mabilis na pagtibok ng puso ko. Nagsimula na ring bumilis at lumalim ang paghinga ko. “Anong problema? Daryl?” nag-aalalang tanong ni Bryan sa tabi ko. Hinawakan n’ya ako sa braso. Napakapit ako sa kamay niya. Mahigpit, habang patagong pinapanood ang grupo nang apat na lalaking papalapit sa amin. Matatangkad sila. Mga mestizo at puro matitikas ang pangangatawan. Halatang galing sila sa mga may kayang pamilya sa mga suot nilang puro branded. Sila ang grupo ng mga Beverly boys na kilala sa dating school namin bilang Four Riders of the Apocalypse. Lahat kasi nang bumabangga sa kanila, nagugunaw. Sila rin ang apat na starting players namin sa basketball. Ang apat sa pinaka mayayaman at maimpluwensya sa batch namin, at ang apat na laging nang-bu-bully sa akin. “Gusto mo bang umupo muna?” tanong ni Bryan sa akin. Tumango ako. Pumunta kami sa tabi kung saan may mga upuan para sa mga senior citizens. Buti na lang at walang naka-upo doon at the time. Tumayo naman si Bryan sa tabi ko at hinimas ang aking likod. Dumadaan na sila ngayon sa harapan ko. Nanatili akong nakayuko, itinakip ang kamay ko sa mukha ko at pilit na inayos ang aking paghinga. Salamat at nandito si Bryan. Parang mas mabilis mawala ang anxiety attacks ko `pag hinihimas n’ya ako sa likod. Inalis ko na ang kamay ko sa mukha at napatingin sa kanan. Para kasing may nakatingin sa – Muling kumalabog ang aking dibdib. Nakatayo sa kabilang counter ang apat, nakapila para magbayad, at ang isa sa kanila nakatitig sa akin. Si Ivan. Ang pinaka leader nila na pinalayawang ‘Death’ dahil sa talim niyang makatingin. “Okay ka na ba?” tanong sa akin ni Bryan na yumuko sa harap ko, blocking my view. “O-okay na... b-bayad na tayo...” “Sige, doon tayo sa kabilang counter. Makakalakad ka ba, o bitbitin kita?” seryoso niyang tanong. “K-kaya ko na!” agad akong tumayo, although medyo nanginig ang tuhod ko. All the while, nasa harap ko si Bryan, inaalalayan ako. Nagpunta kami sa isang counter sa kabilang direction at doon kami nagbayad, at laking pasalamat ko dahil `di ko na nakita ang apat. Later, naka sakay na kami ng jeep. “Bayad po, dalawa, Maric” “M-magkano ba?” inilabas ko ang pitaka ko, pero pinigilan ako ni Bryan. “Okay lang, ako na, isang linggo n’yo naman akong nilibre sa pamasahe, eh, libre aircon pa ko sa kotse n’yo!” “S-salamat.” “Walang anu-man.” sagot niya. “So, sino ba yung apat na `yun kanina?” Gulat akong napatingin sa kanya. “K-ka-ka-kanina?” “Yung apat na matangkad? Bigla kang nag anxiety attack nang nakita mo sila.” Napansin n’ya pala `yun? Sa bagay, kahit sino mapapansin ang isang dambuhalang biik na bigla na lang mag-iinarte sa... Ay sandali... hindi na nga pala ako mataba... at mukhang hindi rin nila ako nakilala. Dahil kung sakaling makilala man nila ako... sigurado ako, lalapit sila sa akin at... “Mga kaklase mo ba sila noon?” tanong uli ni Bryan. “Madalas ka ba nila asarin dati?” Hindi lang asar. Ang trip nila, susuntukin ang tagiliran ko at titignan kung hanggang saan lulubog ang kamao nila. They would laugh then, when they hear me squeal. ‘Just like a f*****g pig!’ Pero siyempre, hindi ko masasabi kay Bryan ito. Nakakahiya. “Malapit na tayong bumaba.” napatingin ako sa kanya. Nakasilip s’ya sa bintanang mababa. “Sa tabi lang po manong. Halika na, dito na tayo.” nakangiti n’yang sinabi sa akin, at parang usok na hinipan ng hangin ang masasakit na alaala sa isipan ko.   Naglakad lang kami papunta sa bahay nila. Isa itong two storey house na may mga apartment sa likod, at sa harap naman ay may gym. “Welcome to Lorenzo Gym!” pagmamalaki n’ya sa akin na malaki ang ngisi sa mukha. Napatitig nanaman ako sa kanya, pati sa cute niyang sungki na ngipin. “So, isa-sign-up kita for membership ha!” sabi niya. “Eh?” tanong ko. “One week free s’ya, kaya `yung tatlo na lang na weekends ang bayaran mo, bale 600 na lang ang una mong buwan! One-to-sawa na yun, kahit buong araw tayo dito, okay lang!” paliwanag niya habang papasok kami sa loob. Hindi kalakihan ang gym nila Bryan, although maayos ito at maaliwalas. May malaking fresco na nakapaint sa buong pader nito sa likod, isang depiction ng ancient olympics. `Yun ang unang napansin ko, dahil mukhang buhay na buhay ang pagkaka-paint ng mga tao rito. “Kuya Bernie!” tawag ni Bryan sa isang guwapong lalaki sa likod ng counter sa right side corner ng gym. “`Eto yung kaibigan kong sabi ko magme-member sa atin!” “Ah, eto ba si Daryl?” ngumiti s’ya sa akin. Magkapatid nga sila, magkahawig sila `pag ngumingiti, pero ang Kuya ni Bryan, walang sungki. Perfect ang pearly white teeth nito. “Kamusta? Salamat at naisipan mong mag-member sa amin!” idinipa n’ya sa akin ang braso niyang namumutok ang mga muscles, inabot ko naman iyon. “N-nice to meet you...” mahina kong sagot. Ang laki ng kamay niya! Tumagilid ang mukha niya, bumagsak ang bangs n’ya, bahagyang natakpan ang kanyang mga mata. “Nice meeting you too, buti pumayag parents mo na dito mag gym, taga-Antipolo ka pa, `di ba?” hinawi niya ang bangs n’ya, pati na ang bagsak na buhok niyang hanggang balikat. “O-opo...” “Usapan kasi namin, ako ang magiging personal trainer n’ya.” sagot ni Bryan na umakbay pa sa akin. Nag-init ang mukha ko. “Mula ngayon, mag t-train kami every Saturdays!” So, ito pala ang sinasabi niyang usapan... “Ganoon ba?” tanong uli ni Kuya Bernie na kakaiba ang tingin sa akin. “O-opo.” sagot ko, sabay iwas ng tingin. Tumuloy na kami sa loob ng gym. “Saan mo gustong magsimula?” tanong sa akin ni Bryan matapos naming mag-stretching. “Kahit saan?” “Ano bang muscle groups ang gusto mong unahing i-train? Chest and shoulders, obliques or abs, back and the biceps, o calves and the glutes?  Naalala ko ang mala-monay na stomach ni Bryan. Kahit si Rylie hindi ganoon ka defined... “S-sa abs na muna...” sabi ko. “Sige, ako ang bahala sa iyo!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD