"Ang daming tao… kaya ko ba 'to?" bulong ko sa sarili habang inaayos ang visual aids namin. Nanginginig ang kamay ko habang ikinakabit ang poster sa corkboard.
"Relax lang, Cha. Ang ganda ng gawa mo," sabi ni Mia, sabay tapik sa balikat ko.
Napatingin ako kay Jake, nakaupo sa harap at tahimik na nagmamasid. Napansin kong nakangiti siya nang bahagya.
"Cha, kaya mo 'yan," bulong niya mula sa malayo, sapat para marinig ko.
Huminga ako nang malalim, pilit na nilalabanan ang kaba. Kung naniniwala siya sa akin, siguro… kaya ko nga. Napangiti ako, kahit konti lang.
"Group 3: Dela Cruz, Monteverde, Villamor," tawag ng teacher. Halos manlamig ang kamay ko habang tumatayo.
"Relax, Cha. Kaya natin 'to," sabi ni Jake, kasunod ang isang nakakalma niyang ngiti.
Si Lexa naman, na nauuna nang umakyat sa stage, ay tila isang reyna sa kumpiyansa. "Huwag kayong papalpak!" sabi niya habang tumingin sa amin ng pasimple.
Tumayo ako sa harap ng stage, pilit na pinapatatag ang sarili. Sa gilid ng mata ko, nakita kong nakatingin si Marco mula sa audience, tila ba mas kinakabahan pa siya kaysa sa akin. Si Mia naman, kumakaway at masiglang sumisigaw ng, "Go, Cha!"
Ang dami nilang naniniwala sa akin... Hindi ako pwedeng sumuko.
Pag-on ko ng projector, walang lumabas na kahit ano sa screen. "Hala! Bakit hindi gumagana?" bulong ko, nanginginig ang mga kamay habang pinipindot ang remote.
"Anong nangyayari?" tanong ni Lexa, halata ang inis sa tono niya. "Ayusin mo 'yan, Cha! Hindi pwedeng ganito!"
Kinabahan ako nang husto. Pakiramdam ko, bumigat ang mga mata ng buong klase sa amin. "Sorry… baka may problema sa cable," sagot ko, halos pabulong.
Lumapit si Jake sa likod ko, hawak ang balikat ko. "Okay lang 'yan. Kaya mo 'to. Kung ayaw gumana, improvise tayo," bulong niya, sapat para pakalmahin ako kahit kaunti.
Napatingin ako sa audience. Nakatitig si Marco, parang gusto niya akong sabihang tumigil na lang. Pero sa likod niya, sumisigaw si Mia, "Laban, Cha! Go lang!"
Huminga ako nang malalim. Hindi pwedeng dito na lang matatapos 'to. Tumayo ako sa harap ng klase, iniwasang tumingin kay Lexa na halatang frustrated.
"Pasensya na po, hindi gumagana ang projector namin. May sumpa po ata ako." sabi ko, at sabay nagtawanan naman ang iba. "Pero ipapaliwanag ko pa rin ang lahat ng nilalaman ng project namin."
Tahimik ang klase habang nagsalita ako. Nang matapos, nakita ko ang gulat sa mukha ni Jake—hindi dahil sa problema, kundi dahil nagawa kong tumayo sa gitna ng takot.
Habang nagpapaliwanag ako, ramdam ko pa rin ang kaba. Pero sa bawat salitang binibitawan ko, parang unti-unting bumabalik ang kumpiyansa ko. Naramdaman kong nakatingin si Jake. Nang magtama ang mga mata namin, bahagya siyang ngumiti, parang sinasabing ituloy mo lang, kaya mo 'yan.
"Cha, siguro mas okay kung idagdag mo na rin 'yung impact ng project sa community," biglang sabi ni Jake, tumayo at kinuha ang pointer. Lumapit siya sa akin, sabay turo sa poster namin.
Nagulat ako pero tumango. "Oo, tama. So, ang goal talaga ng project na 'to ay makatulong hindi lang sa mga estudyante, pero pati sa mga pamilyang nasa paligid ng Hugotville High."
Habang nagsasalita si Jake, kitang-kita ang pagkabilib sa kanya ng audience. Napatingin ako kay Lexa, at napansin kong nakakunot ang noo niya. Tumayo siya at sumali sa usapan.
"Dagdag ko lang, ma'am," sabi ni Lexa sa guro. "Part din ng project na 'to ang pagiging eco-friendly. Ginamit namin ang mga recyclable materials para hindi lang practical, kundi makabawas din sa basura."
Halata ang kumpiyansa sa boses niya. Pero sa gilid ng mata ko, napansin kong sumulyap siya kay Jake, na para bang inaasahang purihin siya nito.
Naging maayos ang daloy ng presentasyon. Pero hindi ko maiwasang mapansin ang tensyon sa pagitan nina Jake at Lexa.
Pagkatapos ng presentasyon, nilapitan ako ni Mia. "Grabe, Cha! Ang galing mo! Akala ko kanina aatras ka na," sabi niya, halos tumalon sa tuwa.
"Hindi ko rin alam kung paano ko nagawa 'yun," sagot ko, nangingiti. Pero bago pa kami mag-usap pa, narinig ko ang boses nina Jake at Lexa sa may hallway.
"Jake, ano ba? Bakit parang masyado kang concerned kay Cha? Hindi naman siya gano’n kagaling," narinig kong sabi ni Lexa, ang tono niya na puno ng inis.
"Lexa, tumigil ka nga. Hindi ito tungkol sa'yo," sagot ni Jake, malamig ang boses.
Bigla akong napatigil. Ano 'to? Nag-aaway ba sila dahil sa akin?
"Alam mo, Jake, kung gusto mo siya, sabihin mo na lang. Pero huwag mo nang gawing obvious," sagot ni Lexa, sabay lakad palayo.
Pagpasok ni Jake sa classroom, nagulat siya nang makita akong nakatingin sa kanya. "Cha..." nagsimula siyang magsalita, pero hindi ko na siya hinintay matapos.
"Okay lang, Jake. Salamat sa tulong kanina," sabi ko, pilit na ngumingiti. Pero sa loob-loob ko, gulong-gulo na ang utak ko. May gusto ba si Jake kay Lexa? O may gusto siya sa akin?
Umalis ako at hinanap si Marco. Kailangan ko ng tahimik na sandali. Pero paglapit niya, tila nahirapan siyang magsalita.
"Cha, ang galing mo kanina," sabi niya, nakangiti, pero halatang nagpipigil ng sasabihin.
"Salamat, Marco," sagot ko, pero sa isip ko, maraming tanong na naghahalo sa damdamin ko. Si Jake, si Lexa, si Marco—lahat sila parang may gustong sabihin, pero lahat tahimik.
Habang papasok ako sa pintuan ng classroom, "Second place?!" narinig ko ang sigaw ni Lexa habang pinapakita ng guro ang mga resulta. Ramdam ang pagkadismaya sa tono niya, pero hindi na siya nagsalita pa.
Ako naman, pinilit ngumiti. "At least, hindi tayo huling-huli," biro ko, kahit ang totoo, masakit din. Naramdaman kong tumingin si Jake sa akin.
"Cha, maganda ang ginawa mo. Kung wala ka, baka mas mababa pa ang nakuha natin," sabi niya, malumanay.
Nginitian ko siya. "Pero feeling ko kulang pa rin."
Pagkatapos ng announcement, nilapitan ako ni Lexa sa hallway. Tila may gusto siyang sabihin.
"Cha," panimula niya, nakatayo ng tuwid at parang naghahanda para sa isang mahabang usapan. "Good job kanina. Pero alam mo ba, si Jake, mahirap basahin ang totoong intensyon niyan."
Napakunot ang noo ko. Akala ko magagalit siya sa akin, or sisigawan niya ako for being a loser. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
Ngumiti siya, pero may halong bahagyang panunuya. "Well, gusto ka niyang tulungan, pero… baka hindi 'yun para sa'yo. Jake cares about his image more than anything."
Tahimik akong tumitig sa kanya, pilit na iniintindi ang mga sinabi niya. Ganoon ba talaga si Jake?
"Anyway," patuloy ni Lexa, "wala lang. Good luck sa kanya. I hope tama 'yung iniisip mo." Tumalikod siya at iniwan akong nag-iisip.
Lumipas ang ilang minuto, at naupo ako sa bench malapit sa plaza. Malalim ang iniisip ko—tungkol kay Jake, at sa sinabi ni Lexa. Totoo ba? Bakit parang may bahagi ng sarili kong gusto siyang paniwalaan?
"Cha?" tawag ni Marco, bigla akong naalimpungatan.
"Uy, Marco," sagot ko, pilit na ngumingiti.
Umupo siya sa tabi ko, halatang may gusto ring sabihin.
“May problema ba?” tanong niya, tila nag-aalangan.
"Medyo." Napatingin ako sa langit, pilit iniiwasang tignan siya. Ayoko namang ipakita kung gaano ako nalilito.
Tahimik lang si Marco. Alam kong gusto niyang sabihin ang nararamdaman niya, pero tulad ko, parang takot din siyang masaktan.
Ang dami naming hindi nasasabi sa isa’t isa. At sa kabila ng lahat, parang ako ang may pinakamalaking tanong: ano ba talaga ang lugar ko sa kanila?
"Alam mo, hindi pala kailangang perpekto," habang pinagmamasdan ang mga resulta sa blackboard.
"Cha, proud ako sa'yo," sabi ni Jake, nakangiti habang papalapit siya sa tabi ko.
Napatingin ako sa kanya, at sa unang pagkakataon, naniwala akong totoo ang sinabi niya. "Pero sa totoo lang, mas proud ako sa sarili ko ngayon."
Hindi man kami nanalo, ramdam kong may napatunayan ako. Hindi na mahalaga kung second place lang. Ang mahalaga, nagawa kong tumayo kahit takot ako.
Habang umaalis si Lexa palabas ng classroom, ngumiti siya at bahagyang tumango sa akin. Siguro, kahit papaano, may respeto na rin siya.
"Plaza tayo mamaya, treat ko!" masiglang sabi ni Mia.
"Sure, deserve natin 'to," sabi ni Jake, habang nakatingin sa akin.
Nakangiti akong tumango. Sa kabila ng lahat, ramdam kong okay na kami bilang grupo.
Habang nasa plaza, naramdaman kong may nakatingin sa akin. Napalingon ako at nakita si Jake, nakangiti. Parang may bagong simula, Cha. Baka naman... baka pwede. Napangiti ako sa kilig, mahina pero buo.
"Cha, may bagong kompetisyon daw!" masiglang balita ni Mia habang tumatakbo papalapit sa amin.
"Cha, ikaw at si Jake daw ang mag-partner," nakangiti, at may bahid ng kilig.
Napatingin ako sa kanya, kinakabahan pero nasasabik. Baka ito na ang pagkakataon...