“Ito po ang magiging kwarto ninyo, Ma’am.” Magalang na inilahad ni Allan ang kamay sa unang pintuan na nadaanan nila saka iyon binuksan. “’Yong sa dulong kwarto, kay Mericel naman po ’yon. Rest day niya ngayon kaya wala siya. Bukas ng umaga na po ang balik niya.”
“Huwag mo na po akong tawaging, 'Ma’am’.” Kiming ngumiti si Czerina Dulce. “Czerina Dulce Evares po ang pangalan ko, eighteen years old. Pero pwede n’yo po akong tawaging Cedee.”
Inilahad ng dalaga ang kanang kamay kay Allan. Pilit niyang tinakpan ang kahihiyang naramdaman kanina upang maipakilala ang sarili sa lalaking kaharap.
Hindi siya ipinakilala ni Slyth Aeryx sa driver na sumundo sa kanila mula sa airport kaya nagkusa na siyang magpakilala.
“Ako naman si Allan Santiago.” Nagpakawala ng malapad na ngiti ang binata. Lumitaw ang isang malalim na biloy sa kanang pisngi ng lalaki na nagpadagdag sa karisma nito. “Twenty four years old na ako,” dagdag pa ni Allan.
Inabot nito ang kamay na inilahad niya, saka marahang pinisil. Habang pinagmamasdan ang binata, napansin niya ang pagkakahawig nito sa isang lalaking artista na crush na crush ng Lola Carina niya–si Alden Richards na madalas nitong panoorin tuwing tanghali.
“Pasensiya ka na nga pala kung ikaw pa ang naghila ng maleta mo,” maya-maya’y ungkat ng lalaki sa nangyari kamakailan lang. Napakamot pa ito sa ulo. “Ayaw naming galitin si Sir. Magmula kasi ng mamatay si Ma’am Atasha, naging mainitin na ang ulo niya,” pagpapatuloy pa nito sa malungkot na tinig.
“A-Ayos lang, Kuya. Hinila ko lang naman, hindi naman ako nahirapan.”
Napayuko si Czerina upang itago ang guilt na muling lumukob sa kaniyang dïbdīb dahil sa pagkawala ni Atasha. Pakiramdam niya, kahit kailan ay hindi na maaalis sa kaniyang sistema ang ganoong damdamin sa tuwing mapag-uusapan ang babaeng dapat ay mapapangasawa ng lalaking minamahal niya.
Ginulo ng binata ang buhok ng dalaga, tila naaaliw sa pagiging mahiyain niya. “Sige na, pumasok ka na para makapagpahinga ka,” nakangiting utos ni Allan.
Bahagya siyang nag-angat ng tingin subalit muli ding itinungo ang ulo. “S-Sige po.” Hila ang maleta, dahan-dahang humakbang papasok sa silid ang dalaga.
“Aalis na ako, Cedee.” Lumingon si Czerina sa binata. “Magpahinga ka na muna. Pagod ka pa sa biyahe,” dagdag nito nang makapasok siya sa loob.
Nang makaalis si Allan, pinasadahan niya ng tingin ang kabuoan ng silid. Kagaya ng kwarto niya sa mansiyon ng mga Del Castillo, hindi iyon kalakihan subalit maaliwalas naman at maayos.
“Baby, ito na ang magiging tirahan ni Mama.” Dumako ang mga mata ni Czerina sa impis niyang tiyan. Hinaplos iyon ng dalaga. Gumuhit ang isang ngiti sa kaniyang mga labi–ngiting puno ng pait at lungkot.
“Malapit na kaming ikasal ng Daddy mo, pero heto at pinarurusahan niya ako.”
Lumakad si Czerina patungo sa higaan habang hila pa rin ang maleta. Naupo siya sa malambot na kama at malungkot na napabuntong-hininga.
“Pero okay lang,” pagpapatuloy niya. “Buong puso kong tatanggapin ang bawat parusa na ipapataw niya, mabawasan lang ang galit niya para sa ’kin.” Muli niyang hinaplos ang kaniyang tiyan. “Kaya kapit ka lang po diyan, ha?”
Ang buong akala niya’y isinama siya ni Slyth Aeryx upang mas makilala nila ang isa’t isa. Subalit nanlumo siya nang marinig mula mismo sa bibig nito ang tunay na dahilan kung bakit siya kasamang bumalik sa Makati.
Nangilid ang mga luha sa mga mata ni Czerina, hanggang sa unti-unting pumatak ang mga iyon sa kaniyang pisngi. “Ano ba ’yan, naiiyak na naman ako!”
Pinahid niya ang mga luha, tumingala siya at ilang ulit na huminga nang malalim upang hindi na muling mapaiyak. “Kumalma ka na, baka maging iyakin ang baby mo kapag ipinanganak.”
Nang tuluyang huminto sa pagpatak ang mga luha, bumangon siya at isa-isang isinalansan sa cabinet ang mga damit at ilang personal na gamit na kaniyang dala.
Pagkatapos ayusin ang mga gamit, nahiga si Czerina sa pang-isahang kama. Dala ng pagod sa biyahe at pagdadalang-tao, hapon na nang magising ang dalaga.
“Ano’ng oras na kaya?” aniya sa isip.
Bumangon siya at dinampot ang cellphone na nakapatong sa bedside cabinet. Ngunit agad siyang napasinghap nang makita ang oras sa kaniyang gadget. “Three thirty na!” bulalas niya habang namimilog ang mga mata.
Muli niyang inilapag ang cellphone. Dali-dali siyang bumaba sa kama at lumakad patungo sa pinto. Subalit halos mapasigaw siya sa gulat nang bumungad sa kaniya si Slyth Aeryx na halos patayin na siya sa sama ng tingin.
“Alam mo ba kung anong oras na, ha?!” bungad nito sa kaniya.
Bahagyang napaatras si Czerina. Bumilis ang tíbôk ng kaniyang puso dahil sa galit na nababakas sa mga mata ng binata.
“S-Sorry po, Kuya Aeryx. Hindi ko po napansin na napahaba ang tulog ko,” hinging paumanhin niya sa binata.
“Ang sabi ko ’di ba hindi kita isinama dito para magbuhay prinsesa?” Nagtagis ang mga bagang ni Slyth Aeryx. Dinig na dinig niya ang pagkikiskisan ng mga ngipin nito. “Kung hindi pa nagluto si Allan, wala tayong kakainin dahil patulog-tulog ka!”
“S-Sorry po talaga, Kuya.” Umatras siya ng dalawang hakbang nang umabante ang lalaking kaharap.
“Sorry?” ulit nito sa sinabi niya sa nang-uuyam na tinig. “Kung hindi kaya kita pakainin dahil diyan sa kapabayaan mo?”
Nanikip ang dib dib ni Czerina sa nakikitang galit sa mga mata ni Slyth Aeryx. Ang mga mata na dating laging nakangiti, ngayo’y puno na ng pagkasuklam at poot para sa kaniya.
“H-Hindi na po mauulit.” Nagyuko siya ng ulo. Hindi niya kayang salubungin ang nag-aapoy na mga titig nito.
“Dapat lang!” asik pa ni Slyth Aeryx kay Czerina. “Lilinawin ko lang ha?” Iniangat ng binata ang kaniyang mukha, mariing pinisil kaya napilitan siyang mapatingin sa lalaki.
“Dinala kita dito sa bahay namin ni Atasha para gawing kasambahay. Kaya huwag kang patulog-tulog lalo na kung may mga trabaho ka pa na dapat gawin. Naiintindihan mo?!” sigaw nito, mas diniinan ang pagkakahawak sa kaniyang pisngi.
Sunod-sunod siyang napatango habang iniinda ang pananakit ng pisngi na mariing pisil ni Slyth Aeryx.
Nang bitawan siya ng binata, mâlakas na napasïnghap ang dalaga. Dahil sa takot, hindi niya namalayang pinipigilan na rin pala niya ang paghinga.
Dinama ng dalaga ang kaliwa niyang dib dib. Sunod-sunod na umagos ang mga luha sa kaniyang pisngi.
Wala pang isang araw na kasama niya sa iisang bubong ang lalaking mapapangasawa, ngunit ilang beses na siya nitong nabulyawan.