“Hi Cedee!” masiglang bati ni Allan sa dalaga na kalalabas lang mula sa silid.
“H-Hello!” kiming tugon ni Czerina. “Pasensiya ka na nga pala, hindi ko namalayang nakatulog ako nang matagal. Ikaw tuloy ang nagluto ng tanghalian,” hinging paumanhin niya sa binata.
Napayuko ang dalaga habang kagat ang ibabang lâbī, hindi niya magawang salubungin ang mga mata ng lalaking kaharap. Nahihiya siya sa kaniyang nagawa lalo at kararating niya lang sa pamamahay ni Slyth Aeryx.
“Ayos lang, Cedee,” nakakaunawang tugon ni Allan habang nakangiti. “Pagod ka sa biyahe kaya hindi na kita ginising para magluto.”
“Salamat, Allan. Pasensiya ka na ulit.”
Sinamahan siya ni Allan sa kusina. Pagkatapos kumain, sinabi nito ang mga tungkulin niya bilang kasambahay ayon na rin umano kay Slyth Aeryx.
Habang kausap ang driver ng lalaking mapapangasawa, nababasa niya sa mga mata ng binata na may mga bagay na bumabagabag sa isip nito subalit hindi siya nito inusisa–na kaniyang ipinagpasalamat sapagkat hindi na niya nais pang maungkat ang tungkol sa dahilan kung bakit siya isinama ng amo nito.
Mabigat ang kaniyang loob sa ginagawang pagtrato sa kaniya ni Slyth Aeryx. Buong akala niya’y isinama siya ng lalaki upang mas makilala nila ang isa‘t isa batay na rin sa sinabi ng ina nito. Iyon pala‘y nais lamang siya nitong parusahan.
“MAG-IIMPAKE PO?” may pagtatakang usisa ni Czerina kay Slyth Aeryx. “Bakit n’yo po ako pinag-iimpake ng mga gamit?” Tinambol nang malakas ang kaniyang dib dib sa pag-aakalang paalisin siya ng binata sa pamamahay nito kahit gabi na.
Katatapos niya lang maglaba ng sariling damit. Pinagbawalan siya ng lalaki na gumawa ng mga bagay na walang kinalaman sa tungkulin niya kapag oras pa ng trabaho. Hindi rin siya maaaring magpahinga hangga’t hindi niya nagagawang tapusin ang mga gawain.
Gusto ni Slyth Aeryx na araw-araw ay linisan niya ang buong bahay. Madalas siya nitong sigawan kapag may nakaligtaan siya sa mga ipinag-uutos nito.
“Stop asking so many questions!” bulyaw ng binata. “Sumunod ka na lang sa ipinag-uutos ko sa ’yo!”
Tinalikuran siya ni Slyth Aeryx. Ngunit bago pa makalayo sa kaniya ang lalaki, kaagad niya itong pinigilan sa braso.
“P-Paaalisin n’yo po ba ako ngayong gabi?” kinakabahang usisa ni Czerina Dulce habang nakahawak ang kanang kamay sa matigas na braso ng mapapangasawa.
Tinapunan ng matalim na tingin ni Slyth Aeryx ang kamay ng dalaga na nakahawak sa braso nito. Agad na napabitaw si Czerina sa takot na baka ikagalit na naman ng binata ang ginawa niyang paghawak dito, lalo na at malamig at medyo basa pa ang kaniyang kamay dahil katatapos niya lang maglaba.
Noong naninilbihan pa siya sa mansiyon ng mga magulang ni Slyth Aeryx, tuwing ikalawang araw kung sila ay mag-general cleaning. Iyon ay utos na rin mimso ng binata sa kanila upang hindi na umano sila mahirapan lalo at hindi naman laging maalikabok ang bahay.
Pakiramdam ni Czerina Dulce, sinasadya na lang nito na paglinisin siya parati upang mas lalo siyang mahirapan. Pinagbakasyon din nito ang isa nitong kawaksi kaya siya lahat ang gumagawa ng mga gawaing bahay.
“Why the hell can’t you just do what I tell you?” naiiritang sikmat ni Slyth Aeryx sa kaniya.
“S-Sige po, mag-iimpake na po ako, Kuya Aeryx.”
Bumalik siya sa sariling silid na hindi nakukuha ang sagot sa kaniyang katanungan. Walang oras na hindi siya binubulyawan ng binata sa tuwing makikipag-usap sa kaniya. Palagi rin itong nakakunot-noo lalo na kapag magkaharap silang dalawa.
“CONGRATULATIONS, Cedee and Slyth!” kumikislap ang mga mata na bati ni Aelinor sa bagong kasal.
Máhïgpit nitong ikinulong sa mga bisig si Czerina. Nangingilid ang mga luha sa mga mata nito habang pinagmamasdan siya suot ang isang bestidang puti. Bagaman simple ang disenyo, bumagay pa rin iyon sa sukat ng kaniyang katawan.
“Thank you po, Ma’am, Lin,” tugon naman ng dalaga sa ginang.
Araw ng kanilang kasal, subalit nakasambakol ang mukha ng kaniyang asawa. Hindi na niya nakita pang ngumiti ang lalaki mula pa nang magtungo sila sa Baguio upang doon idaos ang kanilang pag-iisang dib dib.
Matapos siya nitong utusan mag-impake, kinabukasan ay basta na lang siya pinasama ng binata ng hindi sinasabi ang lugar na kanilang patutunguhan. Wala rin siyang lakas ng loob na magtanong dito sapagkat natatakot siyang mabulyawan na naman.
Napag-alaman na lang niya na doon na sila ikakasal dahil na rin kay Aelinor. Nauna sila ni Slyth Aeryx, sumunod naman ang magkaibigan.
Tanging sina Santina at Aelinor lang ang dumalo sa kanilang kasal. Wala kaibigang inimbita ang lalaki. Maging siya ay hindi na rin ipinaalam sa ibang kasamahan at kaibigan sa kanilang isla ang tungkol sa kaniyang pag-aasawa.
“’Mommy!’ Hindi 'Ma’am Lin',” pagtatama nito sa kaniyang tinuran saka siya pabiro at mahinang hinampas sa kaliwang balikat.
“Oo nga naman!” segunda naman ni Santina. “From now on, sanayin mo na ang sarili mo na tawagin siyang 'mommy', hindi 'Ma’am'. At Ako naman, 'Tita Santi' na lang din ang itawag mo sa ’kin,” dagdag pa nito.
Uminit ang magkabilang pisngi ni Czerina, bahagya niyang itinungo ang ulo. “Sige po, m-mommy, Tita Santi,” nahihiya niyang tugon.
Kahit papaano, gumaan ang kaniyang pakiramdam. Sa kabila ng malamig na pakikitungo sa kaniya ni Slyth Aeryx, tila may mainit na kamay na humaplos sa kaniyang dib dib dahil sa mainit na pagtanggap sa kaniya ng dalawang nakatatandang babae.
“By the way, congratulations sa inyong dalawa, Iha!” bati ni Santina. “Ipagdarasal kong maging maayos ang pagsasama ninyong dalawa.”
“Marami salamat po, T-Tita Santi. Sana nga po ay maging maayos ang buhay mag-asawa naman ni Aeryx.”
Lumingon siya sa gawi ni Slyth Aeryx kung saan kausap nito ang Mayor na siyang nagkasal mismo sa kanilang dalawa. Kaibigan ng kaniyang asawa ang lalaki.
Nang matapos ang seremonya ng kanilang pag-iisang-dibd!b, iniwan siya ni Slyth Aeryx nang lumapit sina Santina at Aelinor sa kanila. Kinausap nito ang alkalde ng hindi man lang nagpapaalam sa kaniya.
“Iha, bukod sa masipag, mabait, at maalaga kang bata, maganda ka rin at matalino. Balang araw ay matututunan ka rin na mahalin ng anak ko,” mahinahon at puno ng pag-asang turan ni Aelinor sa manugang.
Tipid na ngiti lang ang itinugon niya sa biyenang babae. Sa mga pagtrato ni Slyth Aeryx sa kaniya magmula noong dinala siya sa bahay nito na napag-alaman niyang regalo nito kay Atasha, natitiyak niyang imposible siyang mahalin ng lalaki.
Walang oras na hindi siya tinatapunan ng matalim na tingin ng binata sa tuwing makakasalubong niya ito. Kaya hangga’t maaari ay iniiwasan niyang makasalubong ang binata sa tahanan nito upang hindi niya gaanong makita ang galit na nababakas sa mg mga nito.