“What are you doing here, Dad?” Kumunot ang noo ni Slyth Aeryx nang pagpasok niya sa sariling opisina ay nadatnan si Silverio na prenteng nakaupo sa kaniyang executive chair.
Nakapatong pa ang dalawang paa ng kaniyang ama sa mesa habang naninigarilyo. Tinatanaw nito sa labas ng salaming dingding ang mga nagtatayugang buildings na makikita sa kanang bahagi ng kaniyang opisina.
Ilang linggo niyang iniwasan ang ama, maging ang mga tawag at mensahe nito ay hindi niya sinagot. Hindi niya nais na mapaugnay sa mga babaeng gusto nitong ireto.
Pakiramdam niya, hindi maganda ang idudulot sa kaniya ng mga babaeng nagkaroon ng ugnayan kay Silverio. Hindi lang niya mawari kung ano ang posibleng dahilan at ganoon ang kaniyang nararamdaman.
“Bakit hindi mo sinasagot ang mga tawag ko? Kahit ang mga chat at messages ko sa ’yo sa cellphone number mo hindi mo nire-reply-an,” kalmadong tanong ni Silverio subalit bakas ang galit sa mga mata nito.
Ibinaba ng kaniyang ama ang mga paa, saka inikot ang upuan paharap sa kaniya. “Iniiwasan mo ba ’ko?” tanong pa nito.
“I was busy, Dad. Marami akong inaasikaso,” pagdadahilan ni Slyth Aeryx sa ama. Humakbang siya palapit sa harap ng kaniyang mesa, at naupo sa isa sa dalawang leather guest chairs.
“Gusto ka ng makilala ng babaeng irereto ko para sa ’yo,” ungkat nito sa napag-usapan nila bago niya isama si Czerina sa bahay na ineregalo niya para kay Atasha. “Kung hindi mo siya magustuhan, marami kang pagpipilian. Marami akong kakilala.”
Kung kanina’y may talim ang mga mata ni Silverio habang nakatingin sa kaniya, ngayon nama’y bakas ng saya at excitement ang mukha nito.
“Sige, tatawagan kayo ng secretary ko para makapag-set ng date kung kailan ako pwede,” sinang-ayunan na lang niya ang nais nito upang hindi na humaba pa ang usapan.
Gumuhit ang isang malapad na ngiti sa mga labi ni Silverio. “Mabuti naman kung gano’n.” Tumayo ang kaniyang ama, lumapit sa kaniya at tinapik ang kaliwa niyang balikat. “Marami akong mairereto sa ’yo, at natitiyak kong magiging mabuting asawa sila balang araw,” sabi pa nito bago lumabas sa kaniyang opisina.
Mariing ikinuyom ni Slyth Aeryx ang mga kamao nang makalabas si Silverio. Hindi niya nagugustuhan ang ginagawa nitong pagmamanipula sa personal niyang buhay.
“Mas gugustuhin ko pang pagtiyagaan si Czerina kaysa ang mga babaeng irereto mo, Dad,” tiim ang bagang na sambit niya.
Kailan lang natuklasan ni Slyth Aeryx ang ginagawang pangbababae ni Silverio. Isang kakilala ang nakapagsabi sa kaniya na madalas umano pumunta sa isang high-end bar ang ama noong hindi pa nito ipinapasa sa kaniya ang pamamahala sa kanilang kompanya.
Mula nang manatili sa kanilang isla ang ama, may mga nakararating ding usap-usapan sa kaniya na madalas umaalis si Silverio sa kanilang mansiyon, sumasakay sa yate at ilang araw bago bumalik.
Gusto niyang sitahin si Silverio sa ginagawa nitong pagliliwaliw na tila ba walang asawa. Sa halip na tulungan ang kabiyak sa pamamahala sa planta, inuuna pa nitong aliwin ang sarili. Kahit ang ipasyal ang kaniyang ina ay hindi nito magawa kahit wala namang ibang pinagkakaabalahan.
Noong maliit pa lamang siya, madalas ipagmalaki ni Aelinor na isang masipag na manggagawa si Silverio ng kaniyang lolo at lola. Ang kaniyang ama umano ang pinakaunang nagtatrabaho sa taniman ng mga saging na ginagawa nilang banana chips, at ito din ang pinakahuling umuuwi dahil tinitiyak umano nitong maayos ang iniwang trabaho.
“Alam mo ba, nag-working student din ang daddy mo para lang makapag-aral sa kolehiyo?” nagniningning ang mga matang kuwento ni Aelinor sa kaniya noong siya’y pitong taong gulang pa lamang.
“Working student po?” ulit ni Slyth Aeryx, dumako ang nagtatanong na mga mata niya sa ina. “’Yon po bang nagwo-work while studying, Mommy?”
Ngumiti si Aelinor. “Yes po, anak. Ganoon nga,” tugon ng ina habang tumatango.
Lumaki ang respeto niya kay Silverio dahil sa mga magagandang kuwento ni Aelinor tungkol sa asawa. Lingid sa kaniyang kaalaman, ginagawa lamang iyon ng kaniyang ina upang hindi siya magtanim ng galit sa sariling ama.
Nabawasan ang kaniyang pagdaramdam noong mga panahong hindi niya maramdaman ang pagmamahal nito. At magmula noon, ipinangako niya sa sarili na magsisikap din siya at gagayahin din niya ang pagiging masipag at matiyaga ng ama.
Masipag, matalino, at maaasahan si Silverio, mga katangiang bumihag sa puso ng anak ng pinakamayamang negosyante sa isla Clementez. Idagdag din na makisig at magandang lalaki ang kaniyang ama noong kabataan nito.
Noon pa ma’y madalas walang oras si Silverio sa kanilang mag-ina, subalit iniisip na lang ng kaniyang ina na dahil lang iyon sa pagiging masipag nito.
Ngunit ngayo’y napatunayan niyang tila sadyang walang pagpapahalaga ang kaniyang ama sa binuo nitong pamilya, lalo na sa kaniyang ina. Sa halip na bumawi kay Aelinor ngayong hindi na ito parating abala sa trabaho, mas inuna pa ng ama ang casino at pangbababae.
“HELLO po, good afternoon!” nakangiting bati ni Czerina kay Slyth Aeryx nang makababa ang huli sa sasakyan.
Subalit hindi niya sinuklian ang mainit na pagsalubong sa kaniya ng asawa. Walang kibo na inabot niya dito ang attache case. Mabilis siyang naglakad papasok sa bahay na para bang hindi narinig ang pagbati nito.
“Saan mo gustong magmeryenda?” usisa ni Czerina habang nakasunod kay Slyth Aeryx. “Sa terrace ba ng kwarto mo o sa sala na lang?”
“Sa taas,” tipid niyang sagot sa asawa.
Binilisan niya ang lakad kahit alam niyang nakasunod sa kaniya si Czerina. Ayaw niyang nasa malapit niya ang babae, naiirita siya sa presensiya nito.
Habang nagmemeryenda, tumawag kay Slyth Aeryx ang secretary niyang si Lance.
“Good afternoon, Sir...” tila nag-aalangang bungad ng empleyado sa kaniya.
“Yes, Lance, what is it?”
“Kinukulit po kasi ako ng daddy n’yo, kung anong date daw po kayo makikipagkita sa inirereto niya.”
Nagpakawala ng malalim na paghinga si Slyth Aeryx. Hinilot niya ang sintido at tila nahahapong sumandal sa upuan.
Subalit bigla ay may pumasok na ideya sa kaniyang isipan. Umangat ang likod niya at napangiti ng malapad.
“Tomorrow evening at exactly seven, magpa-reserve ka na sa restaurant na pinuntahan natin noong isang araw,” aniya sa napipilitang tinig.
Pansamantala niyang pagbibigyan ang kagustuhan ni Silverio. Gagamitin niya ang mga babaeng ipakikilala nito sa kaniya upang pahirapan si Czerina.
Napahiya siya sa unang babae na dinala niya sa hotel. Nasaktan niya ang damdamin ng asawa, subalit mas masakit ang sinapit ng magkabilang pisngi niya. Hindi niya akalaing magagalit sa kaniya nang husto ang babaeng nakilala niya sa bar kaya siya nasampal nito.
Dadalahin niya sa bahay ang bawat babaeng makikilala. Lahat ng paraan na pwede niyang gawin ay gagawin niya mawala lang sa landas niya ang asawa na sumira sa kaniyang buhay.
Araw-araw niyang pagbabayarin si Czerina sa ginawa nitong pang-áākit sa kaniya upang labis na pagsisihan ng asawa ang ginawang panlilinlang sa kaniya at pagpapanggap nito bilang si Atasha.