VEGA AMARA'S P.O.V: ~ 13 years ago ~ INGAY NG PALIGID ko ang siyang namamayani sa aking tainga habang nakasubsob ako sa aking mesa sa loob ng aming classroom. Nagkukwentuhan. Nagtatawanan. Iyon ang aking naririnig nang ako ay maalimpungatan mula sa aking malalim na pagkakatulog sa aking mesa. Walang professor. Nasa meeting sila. Umahon ako mula sa pagkakasubsob sa mesa at saka naihilamos ang aking palad sa inaantok ko pang mga mata at saka napatitig sa labas ng bintana. Tanghali na. Mataas ang tirik ng sikat ng araw at nasisilaw ako doon kaya ibinalik ko na lamang sa aking harapan ang aking atensyon ngunit nagulat ako nang makita si Ellaine at Myca na nakaupo na sa aking harapan at nakatunghay sa akin. "Problema ninyong dalawa?" pagsusungit ko dahil nga sa kagigising ko lang.

