Prologue
PATULOY ang pag-ulan. Tila ba walang tigil ang pagbuhos ng tubig mula sa kalangitan. Habang patuloy na naglalakad si Mikaela sa gilid ng kalsada, dala-dala ang kanyang isang malaking bag na puno ng kanyang mga gamit, parang hindi yata alintala ng dalaga ang malakas na pagbuhos ng ulan sa kanyang katawan. Ni hindi man lang niya naisipang sumilong muna sa mga nadadaanan niyang waiting sheds. Alam din niyang pinagtitinginan na siya ng mga tao. Pero wala siyang pakialam doon. Lugmok na lugmok siya sa mga nangyayari sa kanyang buhay. Hindi niya alam kung ano ang gagawin.
Mahina siyang naglalakad. Paika-ika siya dahil nabibigatan siya sa dala niyang bag. Habang naglalakad siya ay hindi rin maiwasan ni Mikaela na maluha. Sumasabay sa tubig-ulan ang kanyang luha na patuloy na tumutulo sa kanyang pisngi. Napapapikit na lamang siya kapag naaalala ang mga nangyari sa kanyang buhay.
Naisip ni Mikaela na deserved niya talagang mapag-isa. Deserved niyang masaktan, at deserved siyang iwanan ng mga taong minahal niya ng lubusan. Pakiramdam niya ay parang hindi siya importante. Pakiramdam niya ay parang walang nagmamahal sa kanya. Ginawa naman niya ang lahat upang maging masaya ang mga taong kasama niya, ngunit hindi pa rin talaga sapat ang mga magagandang ginawa niya para rito. Lalo na’t kinamumuhian na siya dahil lamang sa isang pagkakamali na hindi naman niya sinasadya.
Nagmahal lang naman siya ng maling tao. Iniwan at nasaktan dahil pinagpalit siya sa iba. Akala niya na ‘yong lalaking iyon na ang magiging forever niya. Ngunit nagkakamali pala siya.
Hiyang-hiya siya sa kanyang sarili. Binigay niya ang lahat para lang maging masaya ito. Doon lang niya talaga napagtuunan na mali ang ginawa niya. Mali ang desisyon niya. Dapat pala nakinig siya noon sa sinabi ng kanyang Tita Alma. Kasi ngayon, nagsisisi na talaga siya sa ginawa niya.
Napahinto si Mikaela sa paglalakad. Pabagsak na inilagay niya ang malaking bag sa sahig at napatingala sa itim na kalangitan. Sobrang itim nito na animo’y parang kulay ng buhay niya ngayon. Sumasabay rin ang ihip ng malamig na hangin.
Napapikit siya. Pinakiramdaman ang pagpatak ng ulan sa kanyang mukha, at saka napamulat ng mga mata.
Napailing siya. Naisip niya kasi na hindi niya kailangan na maging ma-drama ngayon. Kailangan niyang kumilos. Kailangan niyang magpatuloy.
Sa kabilang bahagi ng kalsada ay may nakita siyang isang waiting shed. Walang tao roon. Naisipan ni Mikaela na sumilong muna.
Muli niyang kinuha ang bag. Binitbit ito at hindi nagdalawang-isip na tumawid sa kalsada kahit na wala siya sa pedestrian lane.
Pero isang liwanag ng kotse ang kanyang nahagip. Malakas na bumusina ito at napatingin siya sa direksiyon nito.
Pigil-hiningang napapikit si Mikaela. Ito na yata ang magiging katapusan niya. Natumba na lamang siya sa kalsada nang huminto ang sasakyan sa kanyang harapan. Hindi siya nabangga nito, hindi rin siya nasaktan.
Dito na lamang niya narinig ang boses ng isang lalaki na galit na galit at sinisigawan siya.
“Ano ba?! Gusto mo bang magpakamatay! Kung magpapakamatay ka, huwag mo akong idamay! Ang dami ko ring problema sa buhay!”
Napatingin si Mikaela sa lalaki. Hindi niya maaninag ang mukha nito dahil sa nakasisilaw na ilaw na tumatama sa kanyang paningin. Naririnig pa rin ni Mikaela na patuloy pa itong nagsisigaw dahil sa tangang pagtawid niya ng kalsada.
“Ano?! Wala ka bang planong tumayo diyan!? Hindi naman kita nabangga, ah! Tumayo ka dahil nagmamadali rin ako!”
Hindi pinakinggan ni Mikaela ang sinabi ng lalaki sa kanya. Nanginginig siya dahil sa takot, dahil sa trauma. Mabuti na lang at hindi siya nabunggo ng sasakyan.
Nagkakaroon na rin ng kumusyon sa lugar na iyon. May mga tao na rin ang nagsisilapitan. Nagkakaroon na rin ng traffic sa kalsada. Ngunit parang wala yatang plano na tumayo si Mikaela. Balisang-balisa siya sa nangyayari. Hindi siya makagalaw. Nakararamdam din siya ng panghihina sa sarili. Dito siya biglang nawalan ng malay.