“DIANA, naalala mo pa ba iyong driver ng motorsiklo na nasakyan ko last week?” Umupo si Arrielle sa tabi ng kaibigan. Nakadapa ito sa kama habang gumagawa ng assignment.
“Oo. Bakit mo naitanong?” tugon nito nang hindi tumitingin sa kanya. Nakatutok ang mga nito sa sinasagutan nitong papel.
“Nakita ko kasi siya kanina.”
Biglang huminto si Diana sa pagsusulat. Napatingin ito sa kanya. “Talaga? So nagkakilala na kayo? Anong pangalan niya?”
Napakamot siya ng ulo. “Hindi naman kami nagkausap, eh. Basta nakita ko lang siya.”
“Gano’n? Eh, paano mo nalaman na siya nga iyong driver? Hindi ba sabi mo naka-helmet siya noong ihatid ka niya?” Nakatingin sa kanya ang kaibigan na para bang hindi makapaniwala sa sinasabi niya.
“I’m sure, siya iyon. Pamilyar sa akin ang hugis ng mukha niya. Besides, titig na titig nga siya sa akin noong magkita kami kanina.”
Bumangon si Diana mula sa pagkakadapa. Itinabi nito ang papel at ballpen saka humarap sa kanya.
“Arrielle, kahit sinong lalaki ay mapapatingin ng husto sa iyo. Bulag at baliw lang ang hindi makakakita kung gaano ka kaganda. Mas maganda ka pa nga kaysa sa nanalong Miss SMU.”
“Ibig mo bang sabihin ay baka hindi siya iyong driver na naghatid sa akin?” seryosong tanong niya.
“Baka ibang tao iyong nakita mo. Kasi kung siya iyon talaga, dapat nilapitan ka niya. Wala naman akong makitang dahilan para hindi ka niya kausapin. Tama ba ako?”
Wala siyang maisagot sa sinabi ng kaibigan niya. Lalo siyang naguluhan. Nagkamali nga ba siya ng akala? Kamukha nga lang ba ng driver iyong nakita niya kanina?
KANINA pa naiinis si Arrielle. Ilang beses na siyang nagbuga ng hangin. Ilang beses na rin siyang nagbura sa ginagawa niya. Ngunit hindi pa rin niya matapos-tapos ang ini-sketch niyang gown. Magda-dalawang oras na siyang nagdo-drawing. May kalahating oras na lang siya para tapusin ito. Kailangan pa man din niyang kulayan ito ng water color bago niya ipasa.
Dati-rati ay hindi siya inaabot ng gano’n katagal sa pagdo-drawing. Ngayon lang nangyari sa kanya ito. Masama kasi ang pakiramdam niya. Nang gumising siya kaninang umaga ay sobrang sakit ng ulo niya. Kaninang tanghali ay may sinat na siya. Sinabihan nga siya ni Diana na huwag nang pumasok. Nagpumilit lang siya kasi ayaw niyang matambakan ng drawing plates tulad ng ginagawa niya ngayon.
Muli na naman niyang dinampot ang eraser nang biglang kumulog nang malakas. Kasunod nito ay may marinig siyang nagsalita sa likuran niya. “Bilisan na natin. Baka maabutan tayo ng malakas na ulan.”
Oh, no! Mauulanan pa yata siya sa pag-uwi niya mamaya. Mabuti na lang at may dala siyang payong.
“Anong nangyari sa iyo? Bakit ngayon ka lang natapos?” nagtatakang tanong ni Miss Veracruz nang ipasa niya rito ang kanyang drawing plate. Siya na ang kahuli-hulihang nagpasa.
“Pasensiya na po, Ma’am. Masama po kasi ang pakiramdam ko,” katwiran ni Arrielle.
“O, sige. Umuwi ka na para makapagpahinga ka. Baka lumakas pa ang ulan.”
Tumango lang siya. Binalikan niya ang kanyang gamit. Pagkatapos magpaalam kay Miss Veracruz ay lumabas na siya ng kuwarto. Naglalakad na siya papunta sa main entrance ng building nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Biglang nagtakbuhan ang mga estudyante pabalik ng lobby. Napilitan siyang makipagsiksikan na rin dito. Maya-maya pa ay may dumating na mga tricycle. Nag-unahan ang mga estudyanteng sumakay dito.
Gusto rin niya sana na sumakay ng tricycle para makauwi na siya agad. Ngunit ayaw naman niyang makipag-unahan. Nang humina ang ulan ay sumabay siya sa mga estudyanteng naglakad palabas ng building. Hindi pa man sila natatagalang naglalakad nang bumuhos na naman ang malakas na ulan. Wala na siyang nagawa kundi sumama sa mga estudyanteng nakisilong sa students’ hall ng katabi nilang College of Engineering and Technology.
May limang minuto na siyang nakatayo nang makarinig siya ng nag-uusap. Nilingon niya ang pinanggalingan ng tinig. Napansin niya ang dalawang lalaking naglalakad palabas ng lobby. Parehong guwapo ang dalawa at halos magkasintaas din. Pamilyar sa kanya ang mukha ng mga ito.
“Aalis na ba kayo?” tanong ng mas maliit sa dalawa.
“Oo, mauna na kami. Ingat ka na lang sa pagda-drive. Madulas ang kalsada ngayon. Baka sa infirmary kayo dumiretso ng motor mo,” natatawang sagot ng kausap nito.
Tinapik ng naunang lalaki ang kasama nito. “Ikaw din, mag-ingat. Huwag kang mag-alala. Mamaya pa ako uuwi. Malakas pa itong ulan.”
Tumango ang kausap nito. Binuksan nito ang dalang payong saka nagtungo sa parking area. Lumapit ito sa nakaparadang silver na Honda City. Nang mabuksan ito ay saka pumasok sa loob.
Nang lingunin niya ang naiwan nitong kasama ay nakatayo na ito sa bungad ng students’ hall. Nawala ang atensiyon niya rito nang maramdaman niyang may bumunggo sa kanya mula sa likuran. Nahulog tuloy ang hawak niyang payong.
“Oops, sorry Miss.” Tinig ng isang lalaki ang narinig niya.
Nang lumingon siya ay napansin niya ang matangkad at mestisong lalaki na nakatingin sa kanya. Guwapo ang lalaki. Mukhang artistahin.
“It’s okay,” walang anumang sabi niya. Yumuko siya upang pulutin ang nahulog na payong. Ngunit naunahan siya nito.
“Here.” Inabot nito ang payong sa kanya.
“Salamat,” matipid niyang sagot.
“Halika, sumabay ka na sa akin. May dala akong kotse. Ihahatid na kita pauwi sa inyo,” malapad ang ngiting wika nito.
Kung ibang babae siguro ang inalok ng lalaki ay matutuwa ng husto sa imbitasyon. Ngunit hindi siya interesado. Ayaw niya sa lalaking mayabang kahit gaano pa ito kaguwapo.
“Sorry pero may kasama ako.” Nilingon niya ang lalaking nakita niya kanina. Seryosong nakatingin ito sa kanilang dalawa. Isang ideya ang pumasok sa isip niya. Nilapitan niya ang lalaki. Humawak siya sa braso nito saka niya ito binulungan. “Dali, akbayan mo ako,” pasimpleng sabi niya rito.
Nakatingin lang sa kanya ang lalaki na para bang hindi narinig ang sinabi niya.
“Girlfriend mo siya, Garcia?” gulat na tanong ng lalaking nakabunggo sa kanya.
“Oo. Girlfriend nga niya ako.” Siya na sumagot sa tanong nito. Lalo din niyang hinigpitan ang paghawak sa braso ng katabi niyang lalaki.
“Hindi ako makapaniwala,” umiiling na sabi ng lalaking kausap niya. “Napakaganda naman ng girlfriend mo, Garcia. Ginayuma mo ba siya?”
“Wala kang pakialam, Zamora!” ang mariing sabi ng lalaki na nasa tabi niya.
“Miss, kapag inaway ka ni Garcia, i-break mo siya. Sa akin ka na lang. Mas bagay tayo.” Kumindat pa ang lalaki sa kanya.
Biglang kumuyom ang mga palad ng katabi niya. “Umalis ka na, Zamora!” pasigaw nitong sabi.
Itinaas ng kausap nito ang dalawang kamay. “Okay, okay. Aalis na ako.” Dahan-dahan itong umatras bago tumalikod sa kanila. Nang mawala ito sa paningin nila ay saka siya binalingan ng lalaki sa tabi niya.
“Puwede mo nang alisin ang kamay mo. Wala na siya.”
Masama man sa loob niya ay napilitan siyang bumitiw dito. “Salamat, ha? Tinulungan mo akong makaiwas sa mayabang na lalaking iyon,” nakangiting pahayag niya.
“Walang anuman,” balewalang sagot nito.
“Ako nga pala si Arrielle Marie Dominguez. Ikaw si...”
“Enrico. Enrico Lukas Garcia.”
“Nice to meet you, Enrico.” Iniabot niya ang kamay dito.
Tinanggap ng lalaki ang kamay niya. He give her a firm handshake. Saka nito binitiwan ang kamay niya.
Napansin niyang humina na ang ulan. “Kailangan ko nang umuwi,” nakangiting saad niya bago siya tumalikod. Nakailang hakbang pa lang siya nang makaramdaman siya ng pagkahilo. Napilitan siyang huminto dahil umiikot na rin pati ang paningin niya.
“Arrielle…” Narinig niya ang pagtawag ni Enrico.
Nang lingunin niya ito ay naramdaman niyang bumangga siya sa isang matigas na bagay. Nang kapain niya kung ano ito ay naramdaman niyang dibdib pala ng tao ang nabunggo niya. Nang tingalain niya kung sino ito ay nag-aalalang mukha ni Enrico ang sumalubong sa titig niya.
“Arrielle, okay ka lang?” Inalis nito ang kamay niyang nakapatong sa dibdib nito.
Imbes na sagutin ito ay pumikit siya at mahigpit na yumakap sa lalaki. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman ng oras na iyon. But she find comfort just by embracing him. Naamoy niya ang panlalaking pabango nito.
“Arrielle, anong nangyayari sa iyo? Ang init mo, ah. May sakit ka ba?” Pilit na kumakawala si Enrico sa kanya. Ngunit lalo naman niyang hinihigpitan ang pagyakap dito. “Kailangan mo ng umuwi. Gumagabi na. Saka kanina pa tayo pinagtitinginan ng mga estudyante dito,” pabulong nitong sabi.
Napilitan siyang magbukas ng mata at tumingala dito. “Hindi ko na kayang maglakad. Nahihilo ako,” wika niya habang nakayakap pa rin dito.
“Tara na at ihahatid kita sa infirmary.” Muli na namang inaalis ni Enrico ang maga kamay niyang nakapulupot sa katawan nito.
Naiinis man ay napilitan siyang kumalas sa pagkakayakap dito. Ngunit nanghihina ang kanyang mga tuhod kaya humawak siya sa braso nito. “Ayoko sa infirmary. Ihatid mo na lang ako sa dorm. Bahala na si Diana sa akin.”
“Pero sobrang init mo.” Ipinatong ni Enrico ang kamay nito sa noo niya. “Ang taas na ng lagnat mo. Doon ka na lang sa infirmary para mabigyan ka ng gamot.”
“No, ayoko!” mariing sabi niya. Kinatatakutan niyang pumunta sa ospital maliit man ito o malaki. Ang ospital ang isa sa mga nagpapaalala sa kanya sa aksidenteng nangyari na ikamatay ng Yaya niya at ng asawa’t anak nito. “Kung ayaw mo akong ihatid sa dorm ay uuwi na lang akong mag-isa.” Pagkasabi nito ay tumalikod na siya. Ngunit bago pa siya makalayo ay hinila siya ni Enrico.
“O, sige na. Ihahatid na kita sa dorm,” sabi nito at inalalayan na siya palabas ng students’ hall.
“Saan tayo pupunta?” Napansin niyang hindi sa kalsada ang tungo nila kundi sa parking area.
“Pupuntahan natin iyong motor ko. Doon tayo sasakay.”
Bingo!
Nang makarating sila sa kinaroroonan ng motorsiklo ni Enrico ay noon niya napatunayang totoo ang hinala niya. “Sa iyo ba ang motorsiklong ito?” tanong niya habang pinagmamasdan ang itim na Honda 155.
“Oo, akin ito. Dito ka lang muna. Kukunin ko lang iyong helmet ko. Naiwan sa locker.” Hindi na nito hinintay ang sagot niya. Umalis na ito agad.