“ANO? GINAWA mo talaga iyon?” gulat na tanong ni Diana nang ikuwento ni Arrielle ang nangyari sa kanya kaninang umaga.
“Desperado na ako, eh. Ayoko namang ma-late dahil baka hindi na ako payagang mag-exam,” sagot ni Arrielle nang hindi tumitingin dito. Kasalukuyan siyang nag-aayos ng laman ng kanyang bag. Inihahanda na niya ang mga dadalhin niya bukas para sa pangalawang araw ng prelim exam nila.
“Hindi ka natakot? Ni hindi mo nga kilala iyong tao pero sumama ka pa rin sa kanya.”
Tumaas ang kilay niya. “Bakit naman ako matatakot sa kanya? Mabait naman iyong tao, ah. Inihatid nga niya ako nang walang reklamo.”
Natahimik bigla ang kaibigan niya sa sinabi niyang iyon. Nang sulyapan niya ito ay napansin niyang seryoso itong nakatitig sa kanya.
“Nagkataon lang siguro na mabait ang lalaking iyon. Pero sa susunod ay huwag mo nang ulitin ang ginawa mo. Baka sa susunod na sumama ka sa hindi mo kilala ay mapahamak ka. Sa ganda mong iyan, walang sinumang lalaki ang tatanggi kapag sumama ka sa kanila.”
Napangiti siya ng mapait sa sinabi ng kaibigan. “Maraming salamat sa concern. Pero alam ko mababait ang mga tao dito sa probinsiya. Mas mahirap magtiwala sa mga tao sa Manila. Minsan kahit kakilala mo na iyong tao ay lolokohin ka pa rin.”
“Hey! Nagda-drama ka na naman. Kalimutan mo na ang nangyari noon. Wala ka nang magagawa para baguhin pa ang nakaraan. Isipin mo na lang na may magandang dahilan kung bakit nangyari iyon sa iyo.” Lumapit si Diana sa kanya at pinisil siya nito sa balikat.
Sana ganoon lang kadali ang lumimot. Pero kahit dalawang taon na ang nakaraan ay hindi pa rin maalis na isip niya ang pinakamasamang bangungot sa buhay niya.
Dadalawa lang silang magkapatid ng Ate Andrea niya. Siya ang bunso at may limang taong pagitan sila ng Ate niya. Bata pa lang siya ay dama na niya na malayo ang loob sa kanya ng mga magulang niya. Mas pinapaboran nila ang Ate niya kaysa sa kanya. Hindi niya maramdaman na mahal siya ng mga magulang niya. Hindi siya gaanong pinapansin na para bang hindi siya anak ng mga ito kung ituring. Para sa mga magulang niya ay wala siyang gagawing mabuti. Lagi na lang siyang pinapagalitan kahit na sa maliliit na bagay lamang. Kaya noong magdalaga siya ay natuto siyang magrebelde. Pagtuntong niya ng high school ay natuto na siyang makipagbarkada. Nasa huling taon na siya ng high school nang matutunan niyang uminom ng alak at manigarilyo. Lalo lamang napalayo ang loob sa kanya ng magulang niya. Walang araw na hindi siya pinagalitan ng mga ito.
Nang mag-kolehiyo siya ay pinilit siya ng mga magulang niya na mag-enrol ng medical course katulad ng Ate niya na kumukuha ng Medisina noong mga panahong iyon. Umayaw siya dahil wala naman siyang hilig sa gaanong kurso. Ang gusto niya ay Fashion Designing ngunit ayaw siyang payagan. Napilitan siyang mag-enrol sa Architecture para lang makapagpatuloy ng pag-aaral.
Nasa kalagitnaan siya ng unang semester nang mangyari ang kinatatakutan ng mga magulang niya. Naimbitahan siya ng isa sa mga kaibigan niya na sumama sa birthday party ng isa nilang kaklaseng lalaki. Palibhasa mahilig sa party, sumama siya kahit hindi pa niya gaanong kakilala ang kaklase nilang iyon. Hindi alam ng mga magulang niya na umalis siya ng gabing iyon. Ang Yaya Rosanna lamang niya ang nakakaalam kung saan siya pupunta. Ito mismo at si Manong Andy, ang family driver nila na asawa ng Yaya niya ang naghatid sa kanya sa party.
Tatlong oras ang lumipas ay marami na siyang nainom na alak. Kaya tinawagan niya ang kanyang Yaya na sunduin siya. Nang magpaalam siya sa birthday celebrant na uuwi na siya ay ayaw nitong pumayag. Sa halip ay kinaladkad pa siya nito papunta sa isa sa mga kuwarto ng bahay nila. Nanlaban siya ngunit sinuntok siya nito sa sikmura. Nakaramdam siya ng panghihina at panlalabo ng paningin hanggang sa tuluyan na siyang nawalan ng malay.
Nang magkamalay siya ay natagpuan niya ang sariling nasa ospital na. Tatlong araw na pala siyang hindi nagkakamalay. Ayon sa Mama niya ikinuwento daw ng kaibigan niya ang nangyari sa party. Nang sunduin siya ng Yaya niya ay inabutan siya sa isang kuwarto na walang malay at wala na ring damit kasama ang birthday celebrant. Nang makita ni Manong Andy ang nangyari ay pinagsusuntok nito ang kaklase niya habang binibihisan siya ng kanyang Yaya. Pagkatapos ay nagmamadali silang umalis para maiuwi siya. Ngunit sa kasamaaang-palad ay binangga ng isang delivery truck ang kotseng sinakyan nila. Namatay agad si Manong Andy. Samantalang siya at ang Yaya niya ay dinala sa ospital. Walang gaanong napinsala sa kanya maliban sa mga gasgas sa katawan at sa sugat sa noo niya. Ngunit ang Yaya niya ay nabagok ang ulo at nagkaroon ng internal bleeding. Namatay din ito makalipas ang isang araw. Pati na ang bata sa tiyan nito ay nadamay.
Iyak siya ng iyak nang malaman niya ang nangyari. Hindi man siya tuluyang na-r**e ngunit nagsakripisyo naman ng buhay ang ibang tao. Kung hindi dahil sa kanya ay buhay pa sana ang mag-asawa pati na ang anak nila. Dahil sa pangyayaring iyon ay lalong lumala ang pakikitungo ng mga magulang niya sa kanya. Hindi pa rin lumambot ang puso ng mga ito sa kanya. Maging ang Ate niya lalong naging masungit sa kanya. Pakiramdam niya nang mga oras na iyon ay nag-iisa na lang siya. Nang dumating ang mga magulang ng Yaya niya sa burol ay lalong nadurog ang puso niya. Nakita niya kung paano iyakan ng matandang mag-asawa ang kanyang Yaya na nag-iisa pala nilang anak. Kaya nang kunin ng mga ito ang bangkay ng mag-asawang namatay ay nagpaalam siya sa mga magulang na sasama siya sa pag-uwi ng dalawang matanda sa Nueva Ecija. Agad namang pumayag ang mga magulang niya dahil gusto nilang magbakasyon muna siya.
Ngunit hindi na natapos ang bakasyon niya dahil nagustuhan niya ang pagtira sa piling ng dalawang matanda. Itinuring siya ng mga ito na parang tunay na apo. Hindi na rin siya mapilit ng mga magulang niya na umuwi kaya hinayaan na lamang siya. Bumibisita na lang ang mga ito sa kanya minsan sa isang buwan kasabay ng pagbibigay ng allowance niya. Pinili na rin niyang magpatuloy ng pag-aaral sa Saint Matthew University na pinakamalaking pribadong unibersidad sa probinsiya. Nag-enrol siya ng Clothing Technology at pinili niyang mag-major ng Fashion Designing. Ngayon ay nasa ikalawang taon na siya ng kursong iyon. Kahit maayos na ang kalagayan niya ay hindi pa rin niya makalimutan ang nangyari sa Yaya niya. Kinakain pa rin siya ng guilt paminsan-minsan.
"BRO, anong nangyari sa iyo? Hindi ka ba nag-review? Bakit ganito lang ang score mo?" seryosong nakatingin si Kurt sa hawak-hawak nitong mga testpapers. Kalalabas lang nila sa klase ni Engr. Sobejana. Habang naglalakad sila papunta sa students' hall ng College of Engineering ay pinagpipiyestahan ng mga kaibigan niya ang ibinalik ni Engr. Sobejana na mga testpaper nila nang mag-exam sila last week.
Tahimik lang na sinulyapan ni Enrico ang kaibigan. Wala siyang maisip na isagot dito. Kahit siya ay hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit ang baba ng score niya sa exam nila sa Thermodynamics. Sa sobrang baba ng score niya ay muntik na siyang bumagsak. Pati si Engr. Sobejana ay nagtaka sa kanya kung bakit gano'n lang ang nakuha niya. Major subject pa man din nila iyon. Kailangan niyang makahabol sa midterm at final exam kung hindi ay baka mawala sa kanya ang scholarship na ibinigay ng SMU. Iyon pa naman ang inaasahan ng magulang niya para makatapos siya ng Engineering.
Walang kakayahan ang mga magulang niya na pag-aralin siya sa kolehiyo. Ang Tatay Ernesto niya ay nakikisaka lamang samantalang ang Nanay Edna niya ay nagtitinda ng kakanin para makatulong sa gastusin. Bilang panganay sa kanilang tatlong magkakapatid ay tungkulin niyang tumulong para maiahon sa kahirapan ang mga magulang at pati na ang mga kapatid niya. Nasa high school na si Erika ang nakababata niyang kapatid. Kung magtatagal siya sa SMU ay baka magpang-abot silang dalawa sa kolehiyo. Kapag nangyari iyon ay lalong mahirapan ang mga magulang niya.
Malaking tulong din ang lumang motorsiklo na iniwan ng tiyuhin niyang nag-abroad. May magagamit siya sa pagpasok niya araw-araw. Hindi na rin siya gagastos sa pamasahe kapag umuuwi sa kanila tuwing Biyernes ng hapon.
"Bro, mas mataas pa ang score ko sa iyo, ah." Ang lapad ng pagkakangiti ni Steve. Halatang nang-aasar. Dati-rati kapag nag-e-exam silang lima ito ang may pinakamababang score. Sila ni Krypton ang may pinakamataas ng score. Ngunit ngayon siya na ang may pinakamababang score. Ang saklap ng kapalaran niya. Ginawa naman niya ang lahat para makasagot. Ngunit na-blangko talaga ang utak niya nang mga oras na iyon. Napagbali-baliktad niya ang mga formula na ginamit niya sa pagso-solve. Kung bakit kasi inukopa ng mahiwagang babae ang isip niya. Hindi niya tuloy naalala ang mga ni-review niya.
At ang babaeng gumulo sa isip ay nasa kabilang building lang. s**t! Pinaglalaruan ba siya ng imahinasyon niya? Bakit nakikita na naman niya ang .babaeng iyon? Niyugyog niya ang ulo. Nang tumingin siya sa kabilang building ay naroon nga ang babaeng naki-angkas sa motorsiklo niya. Kinusot niya ang mga mata, baka namamalikmata lang siya. Nang muli siyang tumingin ay saka niya napatunayang totoo nga ang nakikita niya. Mag-isang nakaupo ang babae sa bench at abala ito sa pagsusulat. Hindi nito pinapansin ang mga nag-iingay na estudyante na nasa kabilang upuan.
"Sino naman ang tinitingnan mo diyan?" Narinig niyang tanong ni Richard. Tinapik pa nito ang balikat niya saka ito umupo sa tabi niya.
"Wala. Wala naman," sagot niya nang lumingon dito.
"Ano? Kunwari ka pa diyan, kanina pa kita napansin na nakatingin sa magandang babae sa kabila."
"Hindi, ah. Guni-guni mo lang iyon." Ayaw niyang aminin ang totoo dahil siguradong kakantiyawan siya ng mga kaibigan niya.
"Richard, nasaan ang sinasabi mong maganda?" Lumapit na sa kanila si Steve.
"Huwag mo nang pansinin si Richard, nagbibiro lang siya. Hindi ko naman kilala ang sinasabi niya." Totoo namang hindi niya kilala ang babaeng iyon. Kaya kahit titigan pa niya ito ng husto ay hindi rin niya malalaman kung ano ang pangalan nito. Maliban na lang kung makikipagkilala siya mismo dito.
"Iyong nakaupo sa bench na nagsusulat," nakangiting sagot ni Richard.
Sinundan naman ng tingin ni Steve ang tinutukoy ni Richard. “Maganda nga siya,” nakangiting sabi nito. “Tara, lapitan natin at makipagkilala tayo,” anyaya nito sa kanila.
Biglang kinabahan si Enrico sa narinig. Hindi niya malaman kung matutuwa siya o maiinis sa ideya ni Steve. Natutuwa siya dahil gusto rin niyang makilala ang babaeng iyon. Ngunit may parte ng isip niya ang naiinis kay Steve. Para bang ayaw niyang makilala ng mga kaibigan ang babae. Pero bakit siya naiinis? Nagseselos ba siya?
Gusto niyang batukan ang sarili. Kung anu-ano na ang pumapasok sa utak niya. Hindi na niya yata kilala ang kanyang sarili.
“Tara na, Richard, Enrico. Puntahan na natin siya,” muling anyaya ni Steve. Nauna na itong tumayo. Sumunod na ring tumayo si Richard. Nang akmang tatayo na siya ay saka naman lumapit sa kanila sina Kurt at Krypton.
“O saan ang punta ninyo?” nagtatakang tanong ni Kurt.
“Huwag ka nang sumama. Maiwan na lang kayo dito ni Krypton. Baka hindi kami pansinin kapag sumama pa kayo,” seryosong sabi ni Steve. Halata sa mukha nito ang pagkainis. “Tara na,” wika nito at nauna nang maglakad. Kasunod nito si Richard.
Nag-aalangan naman siyang sumunod sa kanila.
“Saan kayo pupunta?” pabulong na tanong ni Krypton nang lumapit sa kanya.
Imbes na sumagot ay tumingin siya sa kabilang building kung saan naroon ang babae.
Eksakto namang tumayo ang babae at inayos ang mga gamit nito. Nang mag-angat ito ng tingin ay nagtama ang kanilang tingin. Gusto niyang umiwas ng tingin ngunit hindi niya magawa. Ang mga mata nito’y titig na titig sa kanya na para bang hinihigop siya. Ni hindi niya magawang kumilos. Hindi niya alam kung gaano sila katagal na nagtitigan. Napansin na lang niya na nagyuko ito ng ulo. Pagkatapos ay binitbit nito ang mga gamit saka tumalikod na.
“Sayang! Umalis na siya. Ang tagal kasi ninyo!” Narinig niyang sabi ni Steve. Nagkakamot naman ng ulo si Richard na nakasunod lang dito.
Hindi man niya gustong aminin ngunit nakaramdam siya ng relief. At hindi niya alam kung bakit gano’n ang pakiramdam niya sa nangyari.