Chapter 1

1433 Words
"MAGANDA ka na nga, nagpapaganda ka pa." Biglang napahinto si Arrielle sa ginagawa niyang pagpapahid ng blush on sa kanyang mukha. Napatingin ito kay Diana na nakasalampak sa ibabaw ng higaan nito. Nginitian lang niya ang kaibigan. Muli siyang tumingin sa salamin. Nang masigurong maayos na ang pagkalagay niya ng blush on ay ibinalik niya ang sponge sa lagayan. Kinuha niya ang lipgloss at nagsimulang maglagay sa kanyang bibig. Pagkatapos ay dinampot niya ang suklay at sinuklay ang hanggang beywang na buhok. "Anong oras ang exam mo?" tanong niya sa kaibigan nang hindi tumitingin dito. "Mamayang alas nueve pa ang unang exam ko. Bilisan mo na dyan baka ma-late ka na. Seven-fifteen na." Napatingin si Arrielle sa suot na relo. Tama ang sabi ni Diana malapit na nga ang time. Kailangan na niyang umalis. Nagmamadaling iniligpit niya ang kanyang mga gamit saka isinukbit ang shoulder bag. "Okay tutuloy na ako. Magkita na lang tayo mamaya." Pagkasabi nito ay namamadaling tinungo niya ang pintuan. "Galingan mo, ha?" Narinig niyang sigaw ni Diana pagkalabas niya ng pintuan. Napangiti na lang siya habang sumasabay sa mga estudyanteng palabas ng dorm. Nang makalabas siya ng dorm ay napansin niyang kanya-kanyang sakay na ng traysikel ang mga estudyante. Limang minuto pa ang lumipas ngunit hindi pa rin nakakasakay si Arrielle. Nagsisimula na siyang kabahan. Kapag na-late siya ng fifteen minutes ay baka hindi na siya payagang mag-exam. Prelim exam pa man din kaya mahalaga ito. Malabong mabigyan siya ng special exam kung wala siyang matinding dahilan. Muli siyang napatingin sa unahan ng kalsada. Wala siyang makitang parating na traysikel. Sinulyapan niya ang mga kasama niyang naghihintay ng sasakyan. Iilan na lamang sila na naroon. Marami sa kanila ay nakasakay na. Samantalang iyong iba ay pinili na lang maglakad. Hindi siya maaaring maglakad dahil bukod sa wala siyang kasabay ay nakasuot pa siya ng sapatos na may dalawang pulgada na heels. Maya-maya ay may narinig siyang ugong ng sasakyan. Nang tumingin siya sa kalsada ay napansin niya ang paparating na motorsiklo. Biglang may pumasok na ideya sa utak niya. Pumagitna siya ng kalsada at pinara ang paparating na motorsiklo. Napansin yata siya ng driver ng motor kaya biglang bumagal ang takbo nito. Huminto ito isang dipa ang layo sa kanya. Hindi na niya hinintay na makapagsalita ang driver nito. Nilapitan niya agad ito. "Hi! Puwede bang magpahatid sa College of Home Arts?" Iniangat ng driver ang salamin ng helmet. Bago pa ito makapagsalita ay biglang sumampa siya sa likuran nito at saka bumulong dito. "Sige na please, ihatid mo na ako. Male-late na kasi ako sa exam ko." Desperado na talaga siya at hindi na rin niya gustong bumaba pa ng motorsiklo. Pinagsalikop niya ang dalawang kamay sa beywang ng driver at saka sumandal sa likod nito. Wala na siyang pakialam kahit magalit pa ang driver. Hindi agad nakakilos ang driver. Ang. tangi lang niyang narinig ay ang malakas na buntonghininga nito. "Please..." ang muli niyang pakiusap dito. Noon pa lang kumilos ang driver at pinatakbo ang motorsiklo. Mabilis magpatakbo ang driver. First time niyang sumakay sa motor kaya humigpit ang pagyakap niya dito. Kinakabahan siyang anumang oras ay baka mahulog siya. Kung hindi lang niya inaalala ang exam niya ay baka hindi niya gugustuhing sumakay sa motorsiklo. Ipinikit na lang niya ang mga mata dahil nalulula na siya. Sana lang ay makarating agad sila. Dininig yata ng langit ang panalangin niya dahil nararamdaman na lang niya na biglang huminto ang motorsiklo. Pagmulat niya ng mata ay nasa harapan na sila ng building ng College of Home Arts. Nakahinga siya ng maluwag. Maingat siyang bumaba ng motorsiklo. Agad siyang napatingin sa suot na relo. May limang minuto pa bago magsimula ang exam niya. Sinulyapan niya ang driver ng motorsiklo. “Maraming salamat, ha?” nakangiting sabi niya sabay hawak sa kamay ng driver na nakapatong sa manibela. Pagkasabi nito ay tumuloy na siya sa loob ng building. Bago siya lumiko ay muli niyang sinulyapan ang driver. Naroon pa rin ito kung saan niya iniwan. Nakataas ang salamin ng helmet nito at nakatingin sa kanya. Nakangiting kinawayan niya ito saka niya muling ipinagpatuloy ang paglalakad. Nanghihinayang siyang hindi man lang nakilala ang lalaking naghatid sa kanya. Ano kaya ang pangalan nito? At ano kaya ang itsura nito kapag wala itong suot na face mask at helmet? Makikilala pa kaya nila ang isa’t isa kapag nagkasalubong sila sa daan? PAGKABABANG-pagkababa ni Enrico mula sa kanyang motorsiklo ay patakbo niyang tinungo ang kanilang kuwarto. Siya man ay may exam din ng oras na iyon. Kung hindi lang siya inabala ng isang babae kanina ay maaga sana siyang makakapasok. Hindi niya inaasahan ang nangyari kanina. Nagulat talaga siya nang bigla na lang lumitaw sa gitna ng kalsada ang babaeng iyon. Balak sana niyang lagpasan ito kanina. Ngunit hindi na niya ito naiwasan pa sa pag-aalala na may mabangga siya sa mga estudyanteng nag-aabang ng sasakyan sa tabi ng kalsada. Kaya wala na siyang nagawa kundi huminto sa harap nito. Mabuti na lang at nakuha pa niyang magpreno nang maayos kung hindi ay baka nabunggo niya ito. Hindi niya maintindihan kung bakit ginawa iyon ng babae. Akala niya noong una ay may balak itong magpakamatay. Ngunit nang hintuan niya ito ay saka niya nalaman ang totoong pakay nito. Magpapahatid lang pala ito sa kanya. Wala naman siyang balak tanggihan ito dahil magkalapit lang naman ang College of Home Arts at ang College of Engineering kung saan siya pupunta. Ngunit ikinagulat niya nang husto ang biglang pagsampa nito sa likuran ng motor at ang ginawa nitong pagkapit sa beywang niya. Sa ginawa nito ay tumayo yata lahat ng mumunting balahibo niya sa katawan. Bago pa niya mapatakbo ang motorsiklo ay nanigas na rin ang buong katawan niya. Pano ba nama’y isinandal ng babae ang ulo nito sa likuran niya at lalo pang hinigpitan ang pagyakap sa kanya? Nagpapasalamat na lamang siya dahil wala pang limang minuto ang biyahe nila. Hindi niya lubos maisip kung ano ang maaaring mangyari sa kanya kung sakaling mas tumagal pa ang pagbibiyahe nila. Hindi lang ang pagkakadikit ng mga katawan nila ang naging problema niya. Pati ang naamoy niyang halimuyak na nagmumula sa babae ay naghatid ng nakakalitong pakiramdam sa kanya. Hindi lang siya sigurado kung ang naamoy niya rito ay galing sa pabango o sabon na ginamit nito. Basta ang sigurado niya ay gustong-gusto niya ang amoy na iyon. Nang bumaba ang babae at matitigan niya ito na ng husto ay tuluyan nitong ginulo ang pagkatao niya. Ito na yata ang pinakamagandang babae na nakaharap niya sa buong buhay niya. Napakaamo ng mukha nito. Para itong anghel na bumaba sa lupa. Napakaputi nito. Kasing-kulay ng gatas ang makinis nitong balat. Ang mga mata nito ay hugis almond. Habang tinititigan niya ay nararamdaman niyang para siyang nalulunod sa mga titig nito. Makakapal ang mga kilay nito at mahahaba ang mga pilik mata. Matangos ang maliit nitong ilong. Mamula-mula ang pisngi nito pati na ang labi na para bang kaysarap halikan. Damn! Bakit ba niya naisip ang bagay na iyon? Wala siyang natatandaang babae na nakakuha ng husto sa interes niya gaano man ito kaganda maliban sa babaeng iyon. Ngayon lang nangyari sa kanya ito. May ilang babae na rin siyang naiangkas sa motorsiklo niya. Pero ni minsan ay hindi siya nakaramdam ng katulad ng nararamdaman niya sa babaeng kani-kanina lang niya naisakay. Hindi pa man din niya kilala ang babaeng iyon. Ngunit pamilyar sa kanya ang mukha ng nito. Parang nakita na niya ang babae, hindi nga lang niya maalala kung saan at kailan. Pero kung nagkita na sila dati, dapat maalala niya. Hindi ang tipo nito ang madaling makalimutan lalo na ang mukha nito. Baka naman kahawig lang nito ang nakita na niya noon. Nagpatuloy siya sa paglalakad. Pagdating niya sa kuwarto nila ay naroon na si Engr. Sobejano, ang instructor nila sa subject na iyon. Inabutan niya itong nag-aayos ng mga testpaper. “Good morning, Ma’am!” bati niya sa nakaupong babae. Nag-angat ng paningin ang binati niya. “Oh, Mr. Garcia! Why are you late?” nakataas ang kilay na tanong nito. Halatang nagulat ito nang makita siya. Naging instructor na niya ito noong second year pa lang siya kaya kilalang-kilala na niya ito. Pumapasok ito ng maaga sa klase kaya ayaw na ayaw nitong may nale-late sa mga estudyante nito. Maaga rin naman siyang pumapasok at ngayon lang talaga siya na-late. “Sori po, Ma’am. May inihatid pa po kasi ako,” nagkakamot ang ulong sabi niya. “Sino?” nagsasalubong ang kilay na tanong ni Engr. Sobejano. Wala siyang maisip na isagot. Hindi niya kasi alam kung paano ipapaliwanag ang mga nangyari. “Girlfriend mo?” muling tanong ng propesora nang hindi siya sumagot. Pinamulahan siya ng mukha. Hindi niya inaasahang iyon ang itatanong ni Engr. Sobejana. “Ka-kaibigan k-ko l-lang po,” nagkanda-buhol ang dila niya sa pagsagot. Umugong ang hiyawan sa buong klase. Napapikit siya. Sa sobrang hiya ay gusto niyang lumubog na lang sana sa kinatatayuan niya. Hindi siya sanay na kinakantiyawan o inaasar. Kung bakit ba kasi ininterbyu pa siya ng babaeng instructor niya. “That’s enough class!” biglang awat ni Engr. Sobejana. Binalingan siya nito. “Go to your seat, Mr. Garcia,” sabi nito sa mahinahong tinig. Yuko ang ulong dumiretso siya sa kanyang upuan sa bandang likuran. Ilang saglit pa ay umiikot na si Engr. Sobejana sa mga upuan. Nang huminto ito sa tabi niya ay tahimik na inabot niya ang kanyang exam permit. Pinasadahan lang nito ng tingin ang permit niya bago ibinalik sa kanya. Pagkatapos ay ibinaba nito sa desk ang testpaper na nakabaliktad sa kanya. Nang makabalik na si Engr. Sobejana sa mesa nito sa harapan ay saka nito inanunsiyo na maaari na silang magsimulang sumagot. Nang iharap ni Enrico ang testpaper ay bigla siyang kinabahan. Pinasadahan niya ng tingin ang dalawang pahinang testpaper. Napakamot siya ng ulo nang wala sa oras. Hindi niya malaman kung paano sasagutin ang kahit ni isa man sa mga tanong na naroon. Naglahong parang bula ang lahat ng ni-review niya sa mga nagdaang araw. Wala siyang maalala na kahit ano. Double s**t! Naramdaman niya na may sumipa sa paa niya. Napatingin siya kay Steve na nakaupo sa tabi niya. “Anong nangyayari sa iyo?” pabulong na tanong nito na halos hindi umabot sa pandinig niya. Napailing na lang siya rito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD