CHAPTER: 3

840 Words
Nakapikit ako habang nakaupo sa loob ng aking opisina. Hindi maalis sa isip ko ang nakita kanina, at hindi ko mapigilang makaramdam ng lungkot at pagsisisi. Napakapayat nang dalaga, at kitang-kita sa itsura nito kung gaano ito nasaktan at nahirapan sa mga nangyari. Kung sana lang ay hindi naantala ang pagdating ng mga materyales galing ibang bansa, mga kailangan namin para sa mga proyektong kinontrata ng kumpanya. Kung dumating lang ‘yun sa takdang oras, sana ay nasundo ko agad ng mas maaga pa si Nica. Hindi sana ito tumagal ng mag-isa sa loob ng malungkot na mansyon. Habang nag-iisip ako, biglang may mahinang katok mula sa pinto. Bumukas ito at sumilip si Manang Rosa, ang matandang kasambahay na matagal ko ng pinagkakatiwalaan. “Sir, tapos ko na paliguan at pakainin si Ms. Nica,” magalang nitong sabi. “Nakatulog na siya sa kwartong inihanda natin. Kahit kaunti lang ang nakain niya, mas mabuti na ‘yon kaysa wala talaga.” Dahan-dahan kong minulat ang aking mga mata at tumango. “Salamat, Manang. Malaking tulong ‘yan. Sa tingin mo, ano pa ang magandang gawin para unti-unting bumuti ang kalagayan niya?” Napabuntong-hininga muna ang matanda bago sumagot, tila pinipili ang tamang salita. “Sa palagay ko, Sir, ipatingin muna natin siya sa doktor. Kumuha ka rin ng nutrisyunista para malaman kung anong tamang pagkain at bitamina ang kailangan ng katawan niya. Pero higit pa doon… sa palagay ko, may sugat din sa kalooban na kailangang gamutin. Kailangan niya ng tulong ng psychologist. Mula nang dumating siya kanina, halos hindi tumitigil ang pagluha niya. Parang wala siyang ganang kumilos o mabuhay pa.” Tumango lang ako habang nakikinig. Ramdam ko ang sinseridad sa kanyang mga sinasabi, at kitang-kita sa mukha nito ang awa kay Nica. Pero paano naman hindi? Mula noong una ko siyang nakita kanina, parang may dumurog sa dibdib ko sa itsura nito. Maitim ang paligid ng kanyang mga mata na tanda ng mahabang panahong hindi makatulog ng maayos. Napakapayat nito kaya halos nakausli na ang kanyang mga buto sa balikat at dibdib. Lumubog ang kanyang mga pisngi at sobrang maputla ang balat, tila wala ng dugong dumadaloy. Napakalayo nito sa litrato na ipinadala sa akin ni Don Rafael isang taon pa lang ang nakalipas. Doon sa larawan, makikita ang isang dalagang may malusog na anyo, may kulay ang pisngi, at may kislap pa sa mga mata. Ngayon, parang ibang tao na ito. Hinilot ko ang aking noo habang pinipilit ayusin ang magulong isipan. Hindi ko inakala na ang babaeng itinakda para sa akin ay ganito kabata at ganito kahina ang pangangatawan. Naalala ko ang panahong pumirma ako sa kasunduan. Noon, wala na talaga akong matakbuhan. Lubog ang aking negosyo, ubos ang ipon, at tila nasa bingit na ng pagkawasak ang lahat ng meron ako na pinaghirapan ko ng mahabang panahon. Doon pumasok si Don Rafael at nag-alok ng malaking tulong na sapat para ibangon ang lahat, pero may kapalit: ang kasal sa kanyang nag-iisang anak. Wala akong ibang pagpipilian, kaya pumikit ako at pinirmahan ang lahat ng dokumento. May kasama itong mahigpit na kondisyon: Kung sakaling balewalain ko si Nica o magpasya kaming maghiwalay, ang lahat ng ari-arian, kumpanya, at yaman na ibinigay nito sa akin ay babalik ng buo sa kanya nag-iisang anak at tagapagmana. Kaya sa loob ng mga nakaraang taon, taon-taon ay tumatanggap ako ng mga litrato ng dalaga mula sa kanya. Sinusubaybayan ko ang paglaki ni Nica sa pamamagitan lamang ng mga larawan, habang hinihintay ang tamang panahon para tuparin ang kasunduan. Ngunit ngayong nasa harap ko na ang katotohanan, iba ang pakiramdam ko. Hindi lang ito basta kasunduan sa papel. Nasa harap ko ang isang batang nasaktan at inabandona ng lahat. “Gawin mo na lang ang lahat ng kailangan, Manang,” sabi ko ng seryoso. “Ipahanda mo ang lahat ng kailangan niya dito sa bahay. Bukas ng umaga, ipapatawag ko na ang doktor at ang nutrisyunista. Huwag nating madaliin ang lahat, hayaan nating maging komportable siya sa paligid.” “Sige po, Sir. Aalagaan ko siya ng maayos, huwag kayong mag-alala,” sagot nito bago marahang lumabas ng pinto at isara ito ng tahimik. Nang maiwan akong mag-isa, tumayo ako at lumapit sa malaking bintana ng aking opisina. Hinawi ko ang kurtina at tumingin ako sa malawak na hardin sa labas, ngunit wala akong makitang anuman maliban sa mukha ni Nica na paulit-ulit na bumabalik sa aking isipan. Hindi ko lang ito pwedeng ituring na bahagi ng isang kontrata. Kung ang ama nito ang tumulong sa akin noong wala akong anuman, ang utang na loob ko ay hindi lang sa kanya, kundi pati na rin sa anak na iniwan nito. Ngunit habang tumatagal, isang tanong ang lalong tumitimbang sa isip ko: Paano ko aalagaan ang babaeng itinakda kong maging asawa, kung sa paningin ko ngayon ay tila isang marupok na batang lamang ito na kailangan lang ng kalinga at proteksyon? At higit sa lahat… handa ba akong harapin ang lahat ng pagbabago sa aking buhay simula ngayong nandito na ito?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD