01

1599 Words
IRITADO SIYANG LUMIPAT ng upuan. Nasa loob sila ng salaming kuwarto sa may canteen na esklusibo lamang para sa kanila. Masyado nang naiingayan si Ashton kay Ian na panay ang tanong sa kaniya tungkol sa babaeng si X kung tawagin ni Paiver. Wala rin siyang alam, walang mapapala si Ian sa kaniya. Nakadadagdag lang ito sa ingay. Si Ian lang talaga ang maingay sa loob ng pribadong espasyo dahil sound proof ang salaming kuwartong kinaroroonan nila mula sa mga estudyanteng nasa labas, pero mula sa puwesto niya ay tanaw niya ang grupo ni Shasha na hindi nalalayo ang lamesa malapit sa counter. Nakasimangot ang anak ng opisyal at sa tabi nito ay naroon si Ruhence, pinakakalma ang bratinelang kasintahan. Muli siyang napailing. Bakit nga ba puwede na silang makipagrelasiyon sa kahit na sino? Naging malaya pero hindi pa rin talaga ligtas sa gulo na pinigilang mangyari noon ng mga opisyal ng batch ng Kuya niyang si Silver. May pagkakataon na nawawalan na rin ng galang sa kanila ang ibang estudyante lalo na kung may koneksiyon, malapit na ang ranggo sa ikasampu o anak ng opisyal. Mabuti na nga lang at si Shasha lang ang nag-iisang anak ng isa sa mga opisyal dahil kung mayroon pang iba, baka dumagdag pa ito sa sakit ng ulo nilang mga ranggo. Nag-angat siya ng paningin kay Yrrana, ang ikatlong ranggo na naglapag ng vegetable salad sa harapan niya, sa may lamesa. "Your usual order, right?" Walang emosyon nitong sinabi. Nakabukod pa rin ng classroom ang mga ranggong katulad niya pero ang mga regular na estudyante ay ipinagbukod na base sa uri: peculiar in mind, sight, hearing, at body. Kaya sa buong tatlong taon at siguradong hanggang ngayon, mahigpit ang kompetensiya sa bawat klasipikasiyon ng mga peculiar. Pinakamahigpit na magkalaban ang kampo ng mga peculiar in mind at peculiar in body. Sa ngayon ay lamang ang mga peculiar in mind, because the mind is really powerful. "Thanks," naiilang niyang sinabi. "Not to me, doon galing." Binalingan ni Yrrana ang babaeng agad na kumaway sa kaniya mula sa labas ng salamin na kuwartong kinaroroonan nila. "...kay Ahnia." Natatawa siyang tinapik ni Ian na hindi niya namalayang katabi niya na naman, nakipagpalit yata ng upuan kay Hazethe. Hindi niya ito pinansin, maging si Ahnia na nasa labas. Si Ahnia Castello rin ang nagbigay sa kaniya ng paper bag kanina. "Guwapo mo, Ash!" Nakalolokong tumili kunwari si Ian, inaasar siya. Nakitawa rin si Yrrana. Ang limang ranggo kasi ay may sariling mga mundo at kumakain, napagod yata sa komusiyon na ginawa ni Shasha kanina. Napayuko siya para hindi makita ang pagtawa ni Yrrana. Pakiramdam niya kasi ay namumula na ang mga pisngi niya. Yrrana is laughing at him! Napaingit sa sakit si Ian nang makatanggap ng pagbatok mula kay Laxy. "What's your problem witch?!" angal nito. Ian and Laxy are the best enemies he has ever known. "Masakit sa tainga," diretsang sinabi ni Laxy. Ngayon ay natuon na ang atensiyon ni Yrrana sa dalawa at hindi na sa kaniya. Thank God. Naging background music na lang ang pag-aaway ni Laxy at Ian sa tainga niya nang makita niya ang tahimik na pagpasok ng babae sa loob ng Canteen, si X. Natahimik ang lahat ng naroon, maging sina Laxy at Ian. Hinuha niya ay sabay na nilang pinanonood ng mga kapwa niyang ranggo ang reaksiyon ni Shasha. Ni hindi man lang lumingon si X sa kahit na sino, kundi dumiretso sa counter para um-order. "Ano kayang o-order-in?" Naging seryoso ang dating ni Ian para sa kaniya, kyuryoso gaya niya. Nagkatinginan sila ni Yrrana nang tumayo si Shasha at sinundan si X. Balak na sana niyang tumayo mula sa pag-upo pero nahinto sila nang muling magsalita si Paiver, bihira nga kasi talaga itong mangyari at mukhang dadalas dahil kay X. "What if we watch first?" Nakalolokong ngumisi si Paiver at ibinaba ang hawak na libro sa lamesa. Lahat sila ay nakaawang na ang labi habang nakatingin kay Paiver. "Seriously?" Juszine—and his usual reaction. "Yrrana? Ash?" Humingi naman ng permiso sa kanila si Nyttea. Yrrana just twitched her lips. "This curiosity of mine." Bumuntong-hininga siya. So, are they just going to watch again? Lahat ba ay ganito kainteresado sa gagawin at iaakto ni X? Halos sabay rin silang nagbalik ng tingin kina Shasha at X nang makita ang pagpatong ni Shasha ng kaliwang palad sa balikat ni X sa mayabang na paraan at hindi nila inaasahan na hihilain ni Shasha sa uniporme si X dahilan kaya ito napaharap sa grupo ni Shasha. "Kami muna." Ginamit niya ang ang pagiging peculiar in hearing niya para marinig ang nangyayari. Mayabang na umuna sa pila ang grupo ni Shasha at halos lahat ay sinadya pang banggain si X na walang imik at parang wala lamang ang ginagawang pang-aasar ng grupo nito. Natawa si Laxy at Ian na nasa likuran niya, nakita rin siguro ng mga ito ang reaksiyon ni Shasha, naiinis dahil walang pakialam si X. "Mysterious." Maging si Yrrana ay natawa na rin. Bilang ranggo, ganoon rin siguro ang gagawin niya kung sakaling siya ang nasa posisyon ni X, pero kung bilang Ashton. Nang makabili na ang mga ito ay muli nilang binangga isa-isa si X bago bumalik sa table ng mga ito pero huminto si Shasha, tiningnan nito ang hawak na tray bago tumingin sa nakatalikod na si X, abala ito sa pag-order. Agad na naalerto si Juszine at Yrrana kasabay ng pagtayo niya dahil alam na nila ang mangyayari. Bago pa man siya makapag-teleport ay iba na ang nangyari mula sa inaasahan nila. Imbis na kay X matapon ang tray na may laman na isang malaking mangkok ng dinuguan gaya ng plano ni Shasha, kay Shasha pa mismo iyon natapon nang mabilis na humarap si X at siniko iyon papunta sa direksiyon ni Shasha. Tumayo sa lamesa si Ruhence na kanina lang ay nakangisi at galit na pumunta sa komusiyon kasabay ng ilang estudyante na gumawa na rin ng bilog doon. "b***h!" sigaw ni Ruhence. Tumayo na rin si Juszine mula sa pag-upo na akmang bubuksan ang sliding door ng kuwarto nila pero pinigilan agad ito ni Yrrana gamit ang paghawak sa balikat nito. "Ash, baka masaktan si X. Yrrana!" Maging si Ian ay nataranta na. Ang batas na sinumpaan nilang mga ranggo: hindi nila maaring hayaan na makasakit ang kapwa nila ranggo ng regular na estudyante dahil pareparehas silang mananagot. "Seriously?!" Galit na tiningnan ni Juszine si Yrrana, agad namang pumunta sa tabi ni Juszine si Nyttea. "Ash? What now?" Si Hazethe naman ang nangulit sa kaniya. Dalawa talaga ang nasa isip niya pero mas nangingibabaw ang isa, mas nangingibabaw ang kyuryosidad. "Wala kang tiwala kay X, Juszine?" Nakangising komento ni Paiver na nanatiling prente sa pag-upo. Bakit sila magtitiwala sa taong hindi naman nila kilala? "Si Ruhence 'yon, Paiver. Lulumpuhin niya ang X na 'yan! Shasha's dripping in dirt right now!" galit na sinabi ni Juszine. "Yrrana, let us pass," si Laxy naman ngayon ang nagsalita nang tuluyan nang humarang si Yrrana sa pinto at nakaloloko pang sumandal doon. "Ash?!" Nawala ang atensiyon nilang lahat sa away nilang mga ranggo nang makitang nagtapon na ng suntok si Ruhence pero nakaiwas si X. Ang kamao ni Ruhence ay sa salaming harang ng counter tumama. Wala na roon ang mga canteen staffs. "Saan ka kumuha ng lakas ng loob para gawin 'yon, ha?!" galit na talagang sigaw ni Ruhence. Samantalang, nanatiling blangko ang mukha ni X sa kabila ng tensiyon sa paligid. "Yrrana!" Naiinis na sigaw ni Juszine. "What? Hindi naman tinamaan, e." Tumawa si Yrrana, matapos ay muling nanood mula sa labas. "Speak up, b***h!" Hinawakan ni Ruhence sa kuwelyo si X at inangat ito. Balak na sanang pagtulungan nina Ian at Juszine si Yrrana na tatawa-tawa lang paalis ng pinto pero sabay rin silang natigilan nang parang walang kahirap-hirap na alisin ni X ang kamay ni Ruhence mula sa kuwelyo nito. Nagkatinginan silang mga ranggo maliban kay Paiver na nanatiling nakangisi habang nanonood, at kay Yrrana na mukhang inaasahan nang mangyayari iyon. "Is she a peculiar in body?" Laglag panga na tanong ni Hazethe sa kaniya kasabay ng paglaglag rin ng daliri nito mula sa maiksing buhok na kanina lang ay kinukulot pa nito. Hindi niya sinagot si Hazethe dahil hindi niya rin sigurado. "She's strong," ika ni Nyttea na napalayo na lang bigla mula sa likuran ni Juszine na kanina lang ay sinusundan ito. Lumapit si Nyttea sa tabi niya kung saan mas makikita ang komusiyon sa labas. Samantalang, naiinis na humabol si Ruhence kay X na maglalakad na sana palabas ng canteen at muli nitong tinangka na hawakan sa braso si X pero nakaiwas agad si X at naglakad na nang tuluyan palabas na wala man lang kahit isang salitang sinasabi. Hindi na muling humabol si Ruhence, naisip siguro na tama na ang dalawang pagkapahiya. Naiinis na tinulak ni Shasha si Ruhence at ang bawat madaanan nitong estudyante na nakaharang, saka tinahak ang daan palabas. Hindi naman siguro nito susundan si X. Kilala niya si Shasha, hindi ito lalaban kapag walang kasama na makakikita ng kayabangan nito. Inis na lumingon si Ruhence sa kuwartong kinaroroonan nila, at nakalolokong nagwagayway ng kamay si Yrrana rito. Kumalma sina Juszine, Ian, at Laxy. Si Hazethe at Nyttea naman ay nanatiling laglag ang panga. Samantalang, si Paiver ay nagpatuloy na sa pagbabasa. Padabog na tumakbo si Ruhence para sundan ang kasintahan, sumunod din ang tatlong alipores ni Shasha. "And what the hell is that?" si Ian. Nanatili siyang walang imik, mas walang imik yata talaga siya kaysa kay Paiver na halos hindi na nabura ang ngisi sa labi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD