"Hindi pa bumabalik ang mga pinakawalan kong crow. Mukhang hindi pa nahahanap ang grupo ng mga bampira." bungad ni Sonja kay Lucian pagkabalik nito mula sa pagiikot sa loob base ng mga bampira. Pagkagaling sa ilog ay muli silang bumalik doon.
Nagdesisyon si Lucian na huwag bumalik sa base ng mga lycan. Maghihintay na lang sila nang balita mula sa crow at muling aatake. Wala silang aaksayahing oras.
Patay na ang lahat ng bampirang nahuli. Hindi na niya nakuhang maawa sa mga dating kasamahan dahil lahat ng iyon ay trinato rin naman siyang utusan. Bakit? Noong akusahan siyang traydor ay mayroong bang tumulong? Wala! Lahat sila ay ginusto rin naman siyang parusahan.
"Okay. Let's wait for the right moment." anito.
"Sir Lucian," tawag ni Vladimir. Pagharap ni Lucian sa kaibigan ay agad nitong ibinigay ang isang sulat. "Dumating ang messenger. Letter from the king."
Agad iyong binasa ni Lucian at napatingin sa kanya. "We need to go. Gusto kang makilala ni King Socorro." seryoso nitong saad.
Kinabahan si Sonja. Iyon na ang pagkakataon! Gayunman, kinalma niya ang sarili. She needed to think clearly and be wise. Tumango siya. "Kailan ang alis natin?"
"Ngayon na. We'll go to England. Doon siya nakabase at pinamumunuan ang buong lugar."
Tumango siya. "Hindi bale. Susundan naman ako ng mga crow ko kung nasaan man ako. Makakakuha pa rin tayo ng balita."
"Good." kuntentong sagot ni Lucian. Matapos ay tinawag nito si Vladimir at binilinan. "Bumalik muna kayo sa base. Huwag kayong kikilos hangga't wala ang go signal ko. Alam na ninyo ang gagawin oras na atakehin ang base."
"Yes. Fight 'till we die." seryosong sagot ni Vladimir.
Huminga nang malalim si Lucian at tinapik sa balikat si Vladimir. Mukhang nakuntento na. Hindi mapigilang mabilib ni Sonja sa nakikitang dedikasyon ng mga ito.
Hindi nagtagal ay tinawag na ni Vladimir ang mga kasamahan at binilinan. Ilang sandali pa ay kinuhanan silang dalawa ng kabayo.
Si Sonja naman ay gumawa ulit ng portal. Pinabalik na nila ang mga kasamahan sa base. Hindi nagtagal ay naiwanan silang dalawa ni Lucian. Sumakay na sila ng kabayo at nagbiyahe.
"Lucian—my crow!" bulalas ni Sonja nang makita ang crow na pinakawalan at sinalubong sila. Agad pinahinto ni Lucian ang kabayo at dumapo ang crow sa braso ni Sonja. Bumulong ang ibon. Matapos sabihin ang mga impormasyon ay bigla na lang iyong naging itim na usok at nawala.
Seryosong tinitigan ni Sonja si Lucian. "Norte ang tumbok ng mga bampira. Marami sila. I guess, lahat ng bampira rito sa Pilipinas ay nagsama-sama na." angil niya. Nakaramdam na naman siya ng ibayong galit. Alam niyang pakana iyon ni Silas!
"Okay. Ire-report ko na 'yan kay King Socorro. I will request another troop to help us hunt them down." anito at pinasibad na ang kabayo. Tahimik na lang silang nagbiyahe hanggang sa makarating sa daungan ng barko.
Hindi na nagsalita si Sonja. She was so mad to say the least. Hinding-hindi niya hahayaang magtagumpay sina Silas!