CHAPTER 14

1777 Words
Hindi nagsalita si Dwien ng kahit ano sa mga kasamahan niya . Hindi n'ya rin sinabi kay Ze ang nangyari. Sisipol-sipol siya habang naglalakad sa hallway ng munisipyo. Nakasalubong niya ang mga kasamahan na madalas ay inaasar siya. Hindi niya sila pinansin dahil nagmamadali na siya para makasabay niya si Ze pauwi. "Aldwien Benzon, buhay ka pa pala," nakangising sabi ni Simon. "Matagal patayin ang isang baklang tulad ko, Mayor Simon Astrino. Siya nga pala, natanggap ko ang text mo. Salamat, huh. Kinumusta mo pa ako kung namatay na ako. Ngayon ko lang nalaman na mahalaga pala ang buhay ko sa 'yo." Lalagpasan na sana ni Dwien ang dati niyang kaibigan subalit bigla siyang hinawakan sa braso ng mga tauhan nito. Hindi nagpakita ng kahinaan ang binata. Ngumisi lang siya at ipinabatid kay Simon na hindi siya nito pwedeng galawin. "Iyong text mo nga pala, naipasa ko na sa ilang tao. Kapag may nangyaring masama sa akin, alam na nila kung sino ang hahanapin nila," pananakot ni Dwien kay Simon. "Anong text ang sinasabi mo?" Humalakhak si Simon na parang demonyo. Buong akala niya ay niloloko lang siya ni Dwien katulad ng dati nitong ginagawa noong sila ay magkasama pa sa iisang dormitory. "Bitawan n'yo ako." Hiniklas ni Dwien ang kamay niya mula sa pagkakahawak ng mga lalaki at pilit niyang dinukot ang cellphone na nasa kaniyang bulsa. Halos ingudngod n'ya ang gadget na hawak sa mukha ni Simon. Nang makita naman ng mayor ang text na sinasabi ni Dwien ay biglang nagkulay suka ang mukha nito. Ngumiti naman si Dwien at sinabihan ang mga kasamahan ni Simon na huwag siyang hahawakan pa. "Simula sa araw na ito, hindi mo na pwedeng lapitan si Ze. Hindi ka kikilos nang kahit ano laban sa akin dahil sinisigurado ko sa 'yo, Mayor Astrino, na masisira ang pangalan mo sa buong bayan ng Ildefonso," banta ni Dwien. "Kapag nagsumbong ka sa mga nanang ni Ze ay malalaman ng lahat ang kahayupan mo." Dahil sa pananakot ni Dwien kaya galit na tinalikuran siya ng mayor ng kanilang bayan. Nakabuntot naman sa mayabang na lalaki ang mga tauhan nito. Pangiti-ngiti si Dwien habang nakasakay ng jeep pauwi sa Barangay San Diego. Nagtataka naman ang katabi niya kaya panay ang siko nito sa kaniya. Panay tanong ni Ze sa kababata niya kung ano ang nangyayari rito. Idinaan niya sa pamamagitan ng text ang gusto niyang sabihin sa binata. "We're free," sagot ni Dwien. "Talaga? Free saan, Dwien?" "Hindi na tayo guguluhin pa ni Simon. Ze, ang mga nanang mo na lang ang problema natin." Isang malungkot na emoji ang isinagot ni si sa katabi niya. Kapwa nanahimik ang dalawa hanggang sa makababa sila ng jeep. Isang Biyernes ng hapon ay may naisip na kalokohan si Dwien. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari sa kan'ya ngunit gusto niyang masolo ang kan'yang kasintahan. At may paraan siya kung paano mangyayari iyon. "Walang pasok bukas. Magpaalam kang maglalaba ka," utos ni Dwien kay Ze. "Ayaw ko ngang maglaba. Masakit 'yon sa likod. Maglilinis na lang ako ng bahay," wika ni Ze. "Gusto ko kasi sanang magkasama tayo bukas kahit doon lang sa ilog. Gusto kitang ma-solo," sabi ni Dwien. Biglang kumislap ang mga mata ni Ze. Nasasabik siya na makasama ang binata. Kahit hindi niya gusto ang paglalaba ay nagpaalam siya kinagabihan sa kan'yang mga nanang. "Zeikera, nilalagnat ka ba?" tanong ng Nanang Joan ng dalaga. "Hindi po. Naisip ko lang kasi na dapat ako na ang gumagawa ng mga gawaing gan'yan dahil matanda na kayo," sagot ni Ze. "Aba'y mabuti at naisip mo iyan. Tama ka nga, medyo masakit na sa likod kapag kami pa ng Nanang Clara mo ang magtratrabaho ng paglalaba. Dalaga ka na kaya kailangan ay marunong ka na ng gawaing bahay. Ayaw kong maikasal ka kay Mayor Simon nang wala ka pang kaalam-alam," sermon ng Nanang Joan ng dalaga. Hindi na umimik pa si Ze upang hindi na tumagal pa ang usapan. Tahimik lang kasing nakikinig ang Nanang Clara niya at kapag ito ang nagsalita ay siguradong sasama na naman ang loob niya. Pagkatapos maghugas ng plato ay dali-daling pumasok si Ze sa kan'yang silid. Nagbabakasakali kasi siyang pumasok mula sa bintana si Dwien. Upang hindi mainip sa paghihintay sa kan'yang kasintahan ay minabuti ni Ze na makipag-usap na lang muna kay Bhil o kay Kisses. "Kisses, bakit ang tagal ng update ng Lust in the Dark?" tanong ni Ze sa paborito niyang author. "Sobrang kinikilig kasi ako sa inyo ni Dwien kaya wala akong maisulat," tugon ni Kisses. Nagtatalon si Ze sa labis na tuwa nang mabasa niya ang sagot ng kaniyang paboritong author. Pakiramdam niya ay sila ni Dwien ang bida sa istorya at meron na silang tagahanga. "Kisses, balita ko ay may magnanakaw daw ng mga libro na ipinakulong ng sikat na author ng F2Reads. Totoo ba?" "Oo. Lihim na nagkaroon ng grupo ang mga authors at isa-isa nilang tina-track ang mga magnanakaw ng stories. Masyado na kasing talamak ang bentahan sa online. Kahit mga estudyante ay ginagawa na nilang hanapbuhay ang pagbebenta ng story na hindi naman nila pinaghirapan," sagot ni Kisses. Nagpaalam agad si Kisses sa kan'ya kaya kahit gusto pa ni Ze na maka-chat ang manunulat ay nag-goodbye na rin siya rito. Naiintindihan niyang marami pa itong gagawin lalo na't minsan ay nasabi ni Kisses na part time lang nito ang pagbuo ng kwento. May trabaho ito at hindi na naitanong ni Ze kung ano iyon. "Bhil, kumusta?" tanong ni Ze sa kaibigan. "Hindi ba masamang nagsinungaling ako sa mga nanang para lang pagbigyan ang kagustuhan ni Dwien?" "Hindi mo naman gagawin yon kung hindi sila mahigpit sa 'yo, 'di ba?" tanong ni Bhil. "Oo, Bhil." "Pwes, hindi kasalanan 'yan. Pagsunod iyan sa damdamin. Ano ka ba? Matandang dalaga ka na kaya dapat nasusunod na ang gusto mo at hindi ka na dapat dinidiktahan ng kung sino-sino," sabi ni Bhil. Hindi mapakali si Ze habang nakahiga. Gusto niyang makita si Dwien ngunit nahihiya siyang tanungin ang binata kung pupuntahan ba siya nito o hindi. Nagdadalawang-isip siya kung kailangan niya bang i-text o i-chat ang kababata n'ya. Katulad ng dati, kay Bhil siya humingi ng payo lalo na't hindi niya pwedeng i-chat pa si Kisses. "Sira! Asawa ka kamo, 'di ba? I-chat mo siya, Ze. Modern day na tayo ngayon. Hindi na uso si Maria Clara." Biglang nahiya si Ze dahil sa narinig niya. Lumaki siya sa puro pangaral pero hindi rin niya mapigilan ang puso. Naisip niyang kung siguro iba ang sitwasyon nila ni Dwien sa ngayon ay baka hindi sila nakagagawa ng masama. Baka legal ang lahat at hindi nila kailangang magtago pa. Nang gabing iyon ay hindi dumating si Dwien. Ang sabi ng binata ay masama ang pakiramdam niya at gusto niyang magpahinga ng maaga. Hindi na magreklamo pa si Ze. Batid niyang napakarami kasing trabaho ng kan'yang nobyo sa buong maghapon. Ang importante kay Ze ay ang bukas kung saan ay magtatagpo sila ng kasintahan sa ilog. Kinabukasan, maagang naghanda ang dalaga. Excited siya sa gagawin niya kahit hindi niya gusto ang maglaba. Isang linggong labahin ang inilagay niya sa planggana at ipinatong iyon sa kan'yang ulo. "Zeikera, huwag kang magtatangka na lumapit sa anak ni Jessa," pahabol na sabi ni Nanang Clara. "Opo, 'nang. Tatandaan ko ang bilin ninyo," sagot ni Ze. Kahit mabigat ang nakapatong sa kaniyang ulo ay hindi iyon alintana ng dalaga. Nagawa pa niyang kumanta habang naglalakad sa ilalim ng niyugan. "Ze, maglalaba ka rin ba?" Napalingon si Ze sa may-ari ng boses. Hindi siya natuwa sa kan'yang nakita. Si Stephanie kasi ang nakasunod sa kan'ya. "Anong pakialam mo kung maglalaba ako? Hindi mo naman ako tutulungan, 'di ba?" tanong ni Ze. "Sasama na lang ako sa 'yo para hindi ka mabagot habang naglalaba," sagot ni Stephanie. Halos malaglag ang mga balikat ni Ze sa kan'yang narinig. Kung pwede lang na hindi na niya ihakbang ang kan'yang mga paa upang hindi na matuloy ang dapat sana ay oras nila ni Dwien sa isa't isa. Pinagsabihan ni Ze si Stephanie na huwag itong sumama sa kan'ya bagkus ay humanap na lang ito ng magandang pwesto kung saan ay pwede rin siyang maglaba. "Bakit? Pag-aari mo ba ang ilog na pupuntahan mo kaya ayaw mo akong isama?" Nang-uusig na tanong ni Stephanie kay Ze. "Hindi!" iritadong sagot ni Ze. Para walang gulo ay hinayaan na lang ni Ze na sumama sa kan'ya si Stephanie. Ayaw niya ng gulo at sermon ng mga nanang niya kaya hinayaan na lang. Nanlaki ang mga mata ni Dwien nang nakita niya ang kan'yang nobya na may kasamang babae. Ang nasabing babae pa naman ay kinaiinisan niya. Mabilis na nilabahan ni Dwien ang mga damit nila ni Mamang Jessa. Wala siyang kakibo-kibo kahit kinakausap na siya ni Stephanie. Tinangka pa nahuli na halikan siya sa pisngi ngunit umiwas siya. .Sa halip na sa pisngi dumapo ang labi ni Stephanie ay nasubsob ito sa planggana na punong-puno ng sabon. "Ano ba, Dwien? Bakit ka umiwas? Hahalikan kita, eh!" sabi ni Stephanie habang binabanlawan ang mga bula sa kan'yang mukha. Pigil ang tawa ni Ze. Kumindat pa sa kan'ya si Dwien kaya alam niyang sinadya nito ang nangyari kay Stephanie. Nagdadabog naman si Stephanie habang binabasa ang mga labahin niya. Tahimik lamang si Ze habang pasulyap-sulyap sa kan'yang nobyo. Mabilis na tinapos ni Dwien ang kanyang mga labahin. Walang paalam na umalis siya sa ilog. Ite-text n'ya na lang si Ze at alam niyang maiintindihan siya nito. "Siguro kaya ka naglaba rito kasi magtatagpo kayo ni Dwien," usig ni Stephanie kay Ze. "Malay ko bang andito rin si Dwien. Sabagay hindi naman maiiwasan na magkita kami sa lugar na ito dahil nasa baba lang ito ng kanilang bahay," sabi ni Ze. Ilang oras pa ang lumipas ay biglang sumugod sa ilog ang Nanang Joan at Nanang Clara ni Ze. Napatayo si Ze dahil sa labis na gulat. "Nasaan si Dwien? Nasaan ang lalaking katagpo mo rito?" Nanlilisik ang mata na tanong ni Nanang Clara. "Nanang, si Stephanie po ang kasama ko rito." depensa ni Ze. "Bakit nadamay ako. Hindi naman talaga kita kasabay dito. Nagkataon lang, pero ang totoo ay naabutan po namin dito si Dwien." "Zeikera, totoo ba ang sinabi ni Stephanie?" tanong naman ng Nanang Joan ng dalaga. "Opo. Naabutan po namin dito si Dwien pero hindi totoo ang sinasabi ni Stephanie na nandito ako para katagpuin si Dwien. Kasinungalingan iyan!" pagsisinungaling ni Ze. Ngunit hindi tumigil si Stephanie para madiin siya lalo. Hanggang sa ang kasinungalingan nito ay naging totoo sa panigin ng kan'yang mga nanang. Dumagdag pa sa tensyon ang pagdating ni Dwien na may dalang pagkain niya para sa tanghalian.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD