Two

1088 Words
SA tantiya ni Yarra ay fifteen minutes pa ang naging biyahe nila bago sila nakarating sa bahay na tutuluyan niya. Handa na sana niyang titigan ang exterior view ng bahay, napaawang nga lang ang mga labi ni Yarra sa tanawing sumalubong sa mga mata niya pagbukas ng gate—isang higanteng hubad ang bumungad sa kanila! Sa tantiya ng dalaga ay six footer o mahigit pa ang lalaki, malaking bulas ito at nanipis ang buhok. Hantad ang pinagpapawisang upper body. Nangungupas na pantalong maong lang kasi ang suot. Sa paghinto ng sasakyan ay hindi niya napigilang daanan ng tingin ang katawan nito—na hindi naman niya dating ginagawa. Na-shock yata ang mga brain cells niya kaya nabuhay ang curiousity ni Yarra. Natukso siyang titigan ang lalaki na sa kilos ay parang walang anuman na hubad ito. Napalunok siya. Kumikinang pa ang pawis sa dibdib ng lalaki na parang sadyang hinubog ng mapagpalang mga kamay para gawing perpekto. May pinong balahibo sa dibdib, parang mga mumunting halaman na nagkumpol-kumpol at tumubo hanggang sa ibaba ng tiyan nito at pababa pa sa—bigla niyang inilayo ang tingin. Paulit-ulit na pinagalitan ang sarili sa ginagawa niyang pagtitig sa hindi niya dapat tinititigan sa sitwasyon niya ngayon. Bumusina si Lolo Dolf, ngumiti ang 'higante—kitang-kita niya ang pantay-pantay at mapuputing ngipin nito. Hindi lang pala katawan ng higante ang perpekto, pati ang mukha nito! Dalawang beses na ang naging paglunok ni Yarra. Nanuyo bigla ang lalamunan niya, nauhaw siya sa malamig na tubig. Bakit ba kasi niya tinititigan ang lalaki? At sino nga ba ito? Dalawang bagay ang naisip ni Yarra: Anak ito ni Lolo Dolf o kaya ay houseboy na katulong ng matanda. Napangiti siya sa huli. Kung katulad ng lalaking ito ang lahat ng houseboy sa Corazon ay baka gustuhin na niyang manatili roon habang-buhay—ang pagkilos ni Elle sa bisig niya ang pumutol sa tinatakbo ng utak ni Yarra. Ipinilig niya ang ulo at itinuon na lang sa sanggol ang atensiyon. Naroon siya sa Corazon para manahimik, hindi para sa kung ano pa man. Ang kailangan niyang gawin ay mag-recharge para sa pagbabalik niya sa Maynila ay may lakas siyang harapin ang bago niyang responsibilidad kay Elle—responsibilidad na hindi biro at pang-habang-buhay na. Iginarahe ni Lolo Dolf sa bakuran ang van, katabi ng kotseng naroon. Ipinagbukas siya nito ng pinto. Nakangiting nagpasalamat si Yarra. "Ako na diyan, Dolf," sabi ng lalaki, buong-buo ang boses nito na nagpalingon sa kanya sa direksiyon nito. Kinukuha na ng lalaki ang mga gamit niyang ibinababa ni Lolo Dolf mula sa likod ng van. Magiliw na ngiti ang tugon ni Lolo Dolf rito. Binigyan nito ng utos ang lalaki na dalhin sa taas ang mga gamit niya. Iisipin na sana niyang houseboy nga ito ni Lolo Dolf kung hindi lang niya narinig ang sinabi ng matanda nang makabalik na sa bakuran ang lalaki. "Ex, hijo," anang matanda na nagpatigil sa lalaki sa pagbitbit ng huling travel bag nila ni Elle. Binitiwan nito ang bag at tumuwid ng tayo, bumaling kay Lolo Dolf. "Ito si Yarra at ang baby niyang si Elle. Sila ang makakasama mo sa taas." Umawang ang mga labi ni Yarra. Ang...ang lalaking top less na ito ang makakasama niya sa bahay? Hindi niya napigilang mapalunok uli. Kung pagbabasehan niya ang tila walang anuman na pagbibilad nito ng perpektong upper body ay hindi yata siya ligtas—pero nang marahang ngumiti ito habang diretsong nakatitig sa mga mata niya ay nagbago ang isip ni Yarra. Totoo ang ngiti nito at naging masuyo ang ngiting iyon, maging ang tingin nang bumaba kay Elle ang mga mata nito. "Hindi mo sinabi agad na dalawang magagandang anghel ang housemate ko, Dolf," baling nito kay Lolo Dolf, nakangiti pa rin. Kung kanina ay tila hindi siya nito napansin, ngayon ay may warmth na ang tingin at ngiti ng lalaki. Tumawa nang magaan ang matanda. "Huli na rin naman ang pasabi nang dapat sana nilang kasama dito kaya wala na akong pagpipilian kundi ang patuluyin ka. Wala naman yatang problema kay Yarra na ikaw na ang makakasama nila sa bahay. Hindi ba, hija?" pagbaling niya sa matanda ay ngiting-ngiti ito. "W-wala naman ho..." "Mabait naman itong si Ex, hindi nga ba, hijo?" hirit pa ni Lolo Dolf. Umangat ang mga kilay ni Ex bago umiling kasunod ang pagtawa. "Mali ka ng hula, Dolf," anito, ang ngiti at naging ngisi na. "Hindi ako mabait," saka ito bumaling sa kanya. "Pero nasa 'baba lang ako kung sakaling kailangan n'yong mag-ina ang kahit anong tulong." Alanganin ang naging pagtango niya. "Salamat." "Hindi libre ang serbisyo ko," agap ni Ex na nagpabalik ng tingin niya rito. "May bayad." "Ganoon ba?" nasabi ni Yarra "Okay, wala namang problema sa amin ni Elle. Singilin mo na lang kami." Tumingin ito kay Lolo Dolf, nagtama ang mga mata ng dalawa at sabay pang nagtawanan. Hindi niya nakuha kung alin sa naging usapan nila ang nakakatawa dahil tila ang dalawa lang ang nagkaintindihan. Hindi na lang niya pinansin ang mga ito. "Aakyat na ho ako, Lolo Dolf," paalam niya mayamaya, "Ex," isang alanganing ngiti ang iniwan niya sa lalaki bago siya humakbang papasok sa kabahayan. Nasa second floor na siya nang maalalang wala pang susi na ibinigay sa kanya ang matanda. Eksakto paglingon niya ay patakbo nang sumusunod sa kanya si Ex. "Keys," sabi nito nang nasa tabi na niya. Lalo siyang naging hindi komportable nang magkalapit sila. Gusto niyang pagalitan ang sarili na nagpapaapekto siya sa hubad na katawan nito. Marami namang hubad na modelo sa mga Magazines, bakit wala siyang maramdamang ganoon tuwing nagbabasa siya? Ito na ang nagsusi sa pinto at binuksan nito iyon para sa kanya. Tumuloy siya sa loob. Bigla siyang napabalik nang makita niyang single bed lang ang nasa loob, madaling mahuhulog si Elle kung iiwan niya. Kailangan niyang magbanyo na, kanina pa niya pinipigilan iyon at hindi na niya kaya. Lumingon siya sa nakabukas pang pinto. "Ex?" Segundo lang ay sumilip na ito. "Tinawag mo ako—" hindi na nito naituloy ang tanong dahil inilapag na niya sa bisig nito si Elle. Inignora niya ang tila kuryenteng epekto sa kanya ng mabalahibong braso nito. "Pakikarga muna," sabi ni Yarra. "Sandaling-sandali lang, ha? Salamat!" at halos takbuhin na niya ang banyo. Nakahinga si Yarra nang maluwag pagkatapos niyang gumamit ng banyo. Lumabas na siya—at wala na ang Ex na pinag-iwanan niya kay baby Elle! Nag-panic agad si Yarra. Nagmamadaling lumabas siya ng silid at hinanap sa ibaba si Lolo Dolf.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD