CHAPTER 1
LLIANE POV
Napabuntong-hininga ako nang maramdaman kong bumabagal ang takbo ng sinasakyan kong kotse. Mula sa bintana, tanaw ko na ang entrance ng Belfort Group of Companies ang imperyong itinayo ng lolo ko, pinatatag ni Mommy Hazel, at ngayon ay ipapasa na sa akin.
Simula sa araw na ito, ako na ang bagong CEO.
At kung ako ang tatanungin, sana lang... matagalan nila ako.
“Andito na po tayo, Miss Llianne,” sabi ng driver sa magalang na tono.
Tiningnan ko siya sa rearview mirror, bahagyang nagtaas ng kilay. “Okay. You can go.”
Hindi ko naman talaga kailangan ng driver, pero mapilit ang lolo ko. Gusto niyang dumating ako sa unang araw ko bilang CEO na sakay ng sasakyan ng pamilya isang uri ng simbolo, daw, na isa akong Belfort-Imperial. Kung ako lang, mas gusto kong magmaneho mag-isa. Mas gusto kong ako ang may kontrol.
Binuksan ko ang pinto ng backseat, at marahan kong inilabas ang paa kong nakasuot ng pulang stiletto heels. Sumunod ang katawan ko, bumungad sa arawang may halong lamig ng umagang iyon. Ang suot kong fitted red polo dress ay sumunod sa bawat galaw ko; simple pero elegante. Sa pulang guwantes at matching bag, mukhang handa na akong sumabak hindi lang sa trabaho, kundi sa digmaan ng mga tingin at opinyon sa loob ng kumpanyang ito.
Habang naglalakad ako papasok sa main entrance, napansin kong may paparating na lalaki. Humahangos ito, tila ba takot na mahuli sa oras. Napakunot ako ng noo nang mapansin kong diretso siyang papunta sa akin.
“Ma’am Llianne! Ako po si Fred Atienza, ang inyong secretary,” hingal niyang sabi sabay ayos ng necktie.
Napataas ang isang kilay ko. “Secretary? So, lalaki pala.”
Medyo nakakatawa. Alam kong noong si Mommy pa ang CEO, puro babae ang nasa personal staff niya mas pinipili niyang malinis ang reputasyon ng kumpanya. I wonder kung anong drama ang meron ngayon.
“I’m Llianne Belfort,” malamig kong sabi, sabay lingon sa paligid. Kita kong nag-aabang sa may lobby ang ilang empleyado, tahimik pero halatang sinusuri ako mula ulo hanggang paa. Hindi ko na rin sila pinansin.
“Ito po ang schedule niyo ngayong araw,” sabi ni Fred, sabay abot ng folder. “May board meeting po kayo at exactly 10 A.M., tapos may—”
Tinaas ko ang kamay ko para pigilan siya. Hindi ko kailangan ng litanya niya ngayon.
“Are you seriously giving me my schedule before I even step inside the building?” malamig kong tanong, may halong irita sa boses ko.
Napatigil siya, halatang kinabahan.
“Hindi pa nga ako nakakaupo sa swivel chair ko, hindi pa nga ako nakakapasok sa opisina ko, tapos sasalubungin mo ako ng meetings? Seriously, Atienza?”
Namula ang tenga niya, napakamot sa ulo. “I I’m sorry po, Ma’am. Akala ko po—”
“Akala mo mali,” putol ko sa kanya. “Next time, think first before opening your mouth.”
Tumikhim ako at dumiretso sa loob, naramdaman ko ang malamig na hangin mula sa air conditioner na humaplos sa balat ko. Lahat ng tao sa lobby ay agad na nagsitayuan mga empleyado, guards, at receptionists. Ang iba, nakangiti. Ang iba, halatang kinakabahan.
Good. Gusto ko ‘yong ganitong atmosphere tahimik, maingat, takot. Mas madali ang trabaho kapag walang nagtatangkang sumuway.
Narinig kong humabol ng ilang hakbang si Fred sa likuran ko, bitbit pa rin ang folder na tinanggihan ko kanina.
“Ma’am, gusto niyo po ba ng kape?” tanong niya, halatang gusto bumawi.
“Kung gusto mo ng kape, ikaw uminom,” sagot ko nang hindi lumilingon.
Tahimik siya. Good choice.
Pag-akyat ko sa executive floor, sinalubong ako ng pamilyar na amoy ng polished wood at mamahaling pabango. Pareho pa rin ang layout mula noong si Mommy ang namumuno rito minimalist pero makapangyarihan. Ang logo ng Imperial Group ay nakaukit sa glass wall, kumikintab sa liwanag ng umaga.
Ito na nga talaga ‘yon.
Sa isang iglap, bumalik sa isip ko ang mga sinabi ni Mommy kagabi bago ako umalis ng bahay.
“Anak, tandaan mo ang pagiging CEO ay hindi lang tungkol sa tapang. Kailangan mo rin ng puso.”
Napangiti ako nang mapakla. Puso? Hindi ko alam kung meron pa akong gano’n.
Dati siguro, oo. Pero matagal ko nang itinapon iyon noong araw na nawala ang lahat ng tiwala ko sa mga taong dapat ay nagmamahal sa akin.
Huminga ako nang malalim at binuksan ang pinto ng opisina. Nasa harap ko ang malaking mesa na gawa sa imported na kahoy, may nakaupo pang maliit na plaka na may pangalan kong bagong ukit:
LLIANNE JANE IMPERIAL BELFORT - CHIEF EXECUTIVE OFFICER
Napangiti ako ng bahagya. Sa wakas.
Ngunit bago pa ako tuluyang makaupo, may isa pang boses na narinig mula sa pinto.
“Ma’am, may naghihintay pong guest sa lobby. Sabi niya, close daw po kayo.”
Napalingon ako kay Fred. “Guest? Anong pangalan?”
“Uh… Mr. Lucas Belfort, ma’am.”
Of course. My oh-so-perfect brother.
Bago pa ako makasagot, naramdaman kong unti-unting umaangat ang kilay ko. Mukhang hindi magiging payapa ang unang araw ko bilang CEO.
And if they think they can test me… they’re dead wrong.
Paglabas ko ng elevator, diretso agad ako sa lobby. Hindi ko man lang tiningnan ang mga empleyadong nagbabatian at nagbubulungan habang dumadaan ako. Alam kong ako ang pinag-uusapan nila ang bagong CEO na may reputasyon daw na “masungit, suplada, at mayabang.”
Kung alam lang nila, wala pa ‘yan sa kalahati.
Tahimik na nakasunod si Fred sa likod ko, parang batang hindi alam kung saan lulugar. Wala siyang imik, pero ramdam kong kabadong-kabado siya baka bigla ko raw siyang pagalitan ulit.
Ang tunog ng stiletto heels ko ay umaalingawngaw sa marmol na sahig, kasabay ng malamig na hangin ng air conditioner. Hanggang sa marating namin ang lobby, kung saan agad kong napansin ang isang pamilyar na pigura isang lalaki, nakaupo nang nakadekwatro sa sofa, nakasandal, at may hawak na paper cup ng kape na parang walang pakialam sa mundo.
Sa unang tingin pa lang, hindi ko mapigilang mapailing.
“Anong ginagawa mo dito, Lucas?” malamig kong tanong habang nilalapitan siya.
Ngumiti siya, ‘yung ngiti na kilalang-kilala ko ‘yung tipo ng ngiti na nang-aasar, nakakainis, at nakakapikon sa lahat ng antas.
“Wala naman. Kakamustahin ko lang ang kakambal ko. Kamusta ka? Wala ka bang namura ngayong araw?” sabay tawa niya, habang nagtaas pa ng kilay.
Napapikit ako nang mariin. Ayan na nga. Hindi pa man lumilipas ang isang oras mula nang dumating ako, nandito na agad ang lalaking pinakamagaling manggulo sa buong planeta ang kakambal kong si Lucas Belfort.
“Kung andito ka lang para mang-bwisit, umalis ka na,” madiin kong sabi. “Pumunta ka na sa ospital o sa kumpanya mo kung saan ka man hindi ko kailangang makita.”
Tumaas pa lalo ang kilay niya. “Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko,” aniya, sabay silip sa mga empleyado naming pasimpleng nakikinig. “May namura ka na ba, ha? Wala pa naman siguro? Imposibleng tumagal ka ng kalahating araw na tahimik.”
Naramdaman kong kumulo ang dugo ko. Nakikita kong nagtitinginan ang mga staff sa paligid, nagpapalitan ng sulyap, may ilan pang kinikilig dahil kahit gaano siya nakakainis, gwapo talaga si Lucas. Matangkad, matikas, at mukhang galing sa advertisement ng mamahaling kape. Too bad, may ugaling basura.
“Umalis ka na nga, Lucas,” matalim kong sabi. “Bago ikaw pa ang mumurahin ko rito.”
Ngumiti siya nang mayabang, bahagyang tumayo at lumapit pa sa akin. “Sawang-sawa na ako sa pagmumura mo, twin. Kaya kahit murahin mo pa ako, wala na ‘yang epekto.”
Tumawa pa siya, ‘yung nakakainis na halakhak na parang gusto mong ipasok sa bote.
Hindi ko na napigilan ang sarili ko.
“Tangina mo!” malutong kong sabi, sabay talikod at naglakad palayo.
Narinig ko pa ang malakas niyang tawa na umalingawngaw sa buong lobby, dahilan para mapalingon ang halos lahat ng empleyado.
“Good to see you too, sis!” sigaw pa niya bago uminom ng kape.
Mas lalo lang akong nainis. Ramdam ko ang pag-init ng tenga ko sa sobrang inis habang mabilis akong naglakad pabalik sa elevator.
Sa gilid ng paningin ko, nakita kong nakasunod pa rin si Fred, tila gustong magsalita pero pinili pa ring manahimik. Mabuti na lang. Isa pa siyang nagsalita, baka pati siya mapagbuntunan ko ng inis.
Pagkasara ng elevator, napasandal ako at pumikit saglit.
Huminga ako nang malalim, pilit pinapakalma ang sarili.
Unang araw mo pa lang, Llianne.
Hindi pa pwedeng sumabog. Hindi pa ngayon.
Pero to be honest, sa dami ng taong nakapaligid, sa dami ng matang naghihintay sa bawat kilos ko, mahirap pigilan ang sarili kong ugali. Hindi ako si Mommy Hazel na laging kalmado, maganda ang ngiti, at marunong humawak ng emosyon. Ako si Llianne prangka, mainitin ang ulo, at walang pakialam kung sino ang masaktan basta alam kong tama ako.
At si Lucas?
Siya lang ang taong nakaka-trigger sa lahat ng pasensya kong pinipilit kong buuin.
Pagdating ko sa executive floor, agad akong naglakad papunta sa opisina. Pagkapasok ko, huminga ako nang malalim at sinampal ng marahan ang pisngi ko para magising.
“Okay, Llianne,” bulong ko sa sarili. “You’re the boss now. Hindi ka pwedeng matalo ng emosyon mo. Lalo na sa harap ng mga demonyong kagaya ni Lucas.”
Kinuha ko ang tablet sa mesa, binuksan ang unang set ng reports, at pilit kong ibinaling ang atensyon sa trabaho. Pero sa totoo lang, hindi ko pa rin maalis sa isip ko ang tawa ng kakambal ko.
‘Wala ka bang namura ngayon?’
Paulit-ulit ‘yong linya sa isip ko, parang echo.
Hanggang sa mapangiti ako nang mapait.
“Well, congratulations, Lucas,” mahinang sabi ko. “Ikaw ang unang dahilan kung bakit nasira ang pangako kong walang mumurahin ngayong araw.”
Natawa ako nang mahina, sabay irap sa sarili.
At kung ganyan ang simula ng araw ko, mukhang mahaba-haba pa ang laban sa loob ng kumpanya ng Imperial.