Chapter 9
*Abby*
Maaga akong nagising. Hindi ko nga alam kung nakatulog pa ako o gising ako magdamag. Hindi maalis sa isip ko si Jason. Bumangon ako at kinuha ang battery kong naka-charge. Nakalimutan ko na kagabing tanggalin kaya inabot na ng umaga.
Nilagay ko sa phone ko ang battery pati na ang goma. Binuhay ko ang cell phone. Tatawagan ko si Jason para magpasalamat. Nang ma-open na ang cell phone ko ay tinawagan ko agad siya.
Kinabahan pa ako nang mag-ring. Tulog pa kaya ‘yon? Kaya hindi sumasagot. Ring lang nang ring kaya ibababa ko na sana nang bigla naman niyang sagutin. Bakit ganito na naman ang t***k ng puso ko? Hindi na naman normal.
“H-Hello,” mahinang bungad ko. Hindi siya sumasagot pero naririnig ko ang kaluskos sa kabilang linya.
“Good morning. Nagising ba kita? Natutulog ka pa yata?” wika ko. Umayos ako ng upo sa kama at hinintay ang sasabihin niya. Kung hindi pa rin siya magsasalita ay ibababa ko na ang tawag.
“Mmm… good morning,” paos niyang boses. Nagising ko nga yata siya.
“Ah, sige. Matulog ka na lang ulit. Pasensya na, naistorbo ko pa ang tulog mo,” nahihiya kong saad. Masiyado yatang maaga ang pagtawag ko.
Ano’ng oras na ba? Nilingon ko ang maliit na orasan at nakita kong alas sais pa lang! Napapikit pa ako ng mariin. Dapat pala tinignan ko muna kung ano’ng oras na bago tumawag.
“It’s okay,” wika niya na parang tuluyan nang nagising.
“What is it?” tanong niya. Narinig ko pa siyang tumayo yata.
Natahimik ako at pinapakinggan sa kabilang linya ang ginagawa niya. Narinig ko ang tunog tubig. Agad nagbaga ang magkabilang pisngi ko nang maisip na umiihi siya. Pero hindi ko magawang ilayo ang cell phone sa tenga at mas pinakinggan pa ang ginagawa niya. Ang manyak na talaga ng utak ko.
Nang huminto ay napalunok ako. Narinig ko ang pag-flash ng inidoro kaya doon ko nakumpirmang nasa banyo nga siya. Ano kayang itsura niya ngayon habang umiihi? Agad akong nahinto sa pag-iisip nang magsalita aiya.
“Hello? Andiyan ka pa?” tanong niya. Tumikhim ako.
“O-Oo,” wika ko. Nahirapan pa akong magsalita dahil sa iniisip ko. Ang manyak na ng utak ko. Umagang-umaga ganito ang takbo ng isip ko.
“May gusto kang sabihin? Gusto mo bang pumunta ako diyan?” tanong niya. Umiling ako kahit hindi niya nakikita. Ano naman ang gagawin niya dito?
“Hindi. Gusto ko lang mag-thank you sa mga regalo mo. Gumastos ka pa,” nahihiyang sabi ko. Kinagat ko pa ang ibabang labi dahil kanina pa hindi mapakali ang puso ko.
“Ah, ‘yon ba. Wala ‘yon. Nagustuhan mo?” wika niya.
“Oo. Magaganda lahat,” wika ko.
Tumawa naman siya ng mahina kaya nahiya ako lalo. “Mabuti naman at nagustuhan mo. Hindi kasi ako marunong pumili,” nahihiya niyang saad.
“Ano ka ba? Ang gaganda kaya,” wika ko naman.
Natahimik siya saglit kaya hindi ako umimik at pinakinggan lang ang kabilang linya. Iniisip ko pa kung may nasabi ba akong pangit kaya bigla siyang natahimik.
“Natahimik ka na,” wika ko. Alam kong nariyan pa rin siya dahil naririnig ko ang paghinga niya.
“I want to see you again,” bigla niyang saad kaya ako naman ang natigilan. Hindi na naman mapakali ang mga kulisap ko sa tiyan.
“Pwede ba?” dugtong niya. Hindi agad ako nakapagsalita. Hindi ko akalain na pagkatapos kahapon ay makikita ko ulit siya.
“I-Ikaw bahala,” nabuhol pa ang dila ko dahil sa kaba. Simula kahapon ay naging ganito na ako tuwing kakausapin ko si Jason. Hindi ko malaman kung bakit.
“Talaga? Pwede ba kita hiramin ulit sa Nanay mo?” excited niyang wika kaya natawa ako.
“Magpapaalam muna ako,” natatawang sagot ko.
“I can do that,” wika naman niya.
“Ako na lang,” saad ko.
“Ako na lang,” saad naman niya. Ayaw na naman magpatalo.
“Ako na nga lang,” natatawang saad ko. Ang kulit din ni Jason ‘e.
“Ako na lang para sa’yo,” bigla niyang sabi kaya nalusaw ang tawa ko. Nagkagulo pa ang mga paru-paro sa tiyan ko kasabay ng puso kong nagwawala na naman.
Hindi ko tuloy alam ang sasabihin. Paano magre-react sa sinabi niya. “Masiyado yata akong mabilis. Sorry,” wika niya na parang nagkamali ng sinabi.
Tumikhim ako para maibsan ang malakas na kabog sa dibdib. “Ano’ng oras ka ba pupunta dito?” pag-iiba ko.
Parang hindi pa ako handa sa gano’ng bagay. Alam ko ang ibig sabihin ni Jason. Kung papayag ako ay dapat maayos ko muna ang sarili ko. Dapat maayos kong mahiwalayan si Mark. Pero paano ko gagawin ‘yon kung nahihirapan ako.
Nahihirapan ang kalooban ko. Hindi ko alam kung paano ang gagawin. Nalilito ang damdamin ko. Masiyado kong pinapahalagahan ang mga ala-ala ko kay Mark.
“Before lunch,” wika niya.
“Sige. Hintayin kita,” saad ko. Pagkatapos naming magpaalam ay pinatay ko na ang tawag.
Kung bibigyan ko ng pagkakataon si Jason, kailangan kong tapusin na ang sa amin ni Mark. Huminga ako ng malalim.
Kapag nakita ko si Mark bukas sa school, makikipaghiwalay na ako. Lunes bukas kaya tiyak na papasok ‘yon. Bahala na kung ano ang sasabihin niya. Wala rin naman akong magandang mapapala. Kahit masakit para sa akin na bitawan siya, gagawin ko. Hindi naman ako naging mahalaga kahit kailan sa kaniya.
Muling kumirot ang dibdib ko at agad ang-init ang dulo ng mga mata. Hindi ko alam kung bakit minahal ko siya ng sobra. Sa sobrang pagmamahal ko sa kaniya, nawalan na ako ng pagmamahal para sa sarili ko. Nawalan na ako ng oras dahil siya lang palagi ang iniintidi ko.
Umagos ang masaganang luha ko. Tuwing iisipin ko ang mga pinagdaanan ko, hindi ko maiwasang maawa sa sarili ko. Naaawa ako dahil ubos na ubos ako. Binuhos ko lahat kay Mark at wala ng natira para sa’kin. Tapos ako pa ang nakakaranas lahat ng sakit.
Pinunasan ko ang luha sa pisngi. Alam ko, balang araw… magiging okay ako. Mabubuo ako ulit. Magiging matapang ako para sa sarili ko. Alam kong matagal akong maghihilom. Kailangan ng panahon at oras. Pero mabubuo ako ulit. Darating ako doon kapag hininto ko na ang puso ko para kay Mark. Kaya lang ay mahihirapan akong lumimot.
Tumayo ako at lumabas ng kwarto. Tumungo ako sa kusina para mag-almusal na. Hindi pwedeng hindi ako kakain dahil lang sa broken ako. Naabutan ko si Nanay na naghuhugas. Nakaalis na si Tatay dahil maaga siyang namamasada.
“Kain na. Ininit ko lang ‘yong inuwi mo kagabi. Sayang kasi kapag nasira,” saad ni Nanay.
Umupo ako sa hapag at tahimik na sumandok doon. Agad kong naalala ang mga nangyari kahapon kasama si Jason. Kung gaano kabait ang Mommy nila sa akin. Kaya nang kumain ako ay marami uli akong nakain tulad kahapon. Sumabay din sa akin si Nanay. Nasarapan din siya kaya marami rin siyang nakain. Kaya lang ay marami pa ring natira.
“Ipamigay na lang natin sa kapitbahay, anak? Hindi natin ito mauubos at masisira lang. Maayos pa naman at hindi pa sira,” wika ni Nanay. Masasayang lang kapag napanis. Kung ipamimigay namin ay hindi masasayang.
“Ako na lang po ang magbibigay ‘Nay. Kanino po ba?” saad ko habang nagliligpit. Kumuha si Nanay ng mangkok at nilagyan ‘yon.
“Diyan kina Ate mo Sherly. Sabihin mo, sobra sa handa mo,” wika ni Nanay kaya tumango ako. Hinintay ko matapos si Nanay at kinuha ang mangkok na may takip.
Bago pa ako makalabas sa kusina ay naalala kong wala nga pala akong bra. Kaya nagpasya muna akong magbihis. Inayos ko muna ang buhok bago lumabas sa bahay dala-dala ang mangkok.
Sa kabilang kalsada pa ang bahay nila Ate Sherly. May nadaanan pa akong umagang-umaga ay nag-iinuman na. Binilisan ko ang lakad para mabilis na makalagpas doon. Nang makarating ay agad akong tumawag sa labas ng bahay nila Ate Sherly.
“Oh, Abby,” nakangiting wika niya.
“Pinapabigay po ni Nanay. Natirang handa po kahapon,” saad ko.
“Ay birthday mo nga pala kahapon. Happy birthday! Belated na pala,” wika niya at tumawa pa sa huling sinabi.
“Salamat po,” magalang kong sabi. Inabot ko ang mangkok at kinuha niya ‘yon.
“Saglit lang ha? Isasalin ko lang ito,” wika niya kaya tumango ako.
“Sige po,” saad ko at tumalikod na siya.
Habang naghihintay ay nakita ko ang kababata kong si Boyet. May buhat siyang isang malaking lagayan ng mineral water. Iyon kasi ang trabaho niya. Hindi siya nakapagtapos at lola na lang niya ang kasama niya. Maaga siyang naulila dahil naaksidente ang mga magulang niya. Kasama sa mga nalunod lumubog na ferry.
Nakasuot siya ng sandong asul na sinadyang ginupit ang manggas kaya naging sando. Kupas na ‘yon at may ilang butas. Kupas na maong short ang pang-ibaba niya. Pero ang ngiti ni Boyet ang nakakapagpagaan ng araw. Sobrang positibo niyang tao.
Winagayway ko ang kamay para makita niya ako. Nang makita niya ako ay sinenyasan niya akong ibababa muna ang mineral water sa kalenderya. Nakita ko pang inabot ang bayad sa kaniya at sinilid niya ‘yon sa kaniyang kupas na body wallet.
Nakangiti siyang lumapit sa akin. “Uy, Abby. Kamusta na?” nakangiting bungad niya.
“Ayos lang. Ikaw kamusta na? Ang tagal na noong huli mo ‘kong nilibre ng barbeque,” nakangiting saad ko.
“Ayos naman ako. Ang tagal na noong huli tayong nag-bonding kasama pa noon si Esang. Gusto mo, gala tayo mamaya?” excited niyang saad. Gusto ko sanang pumayag kaya lang ay pupunta nga pala si Jason mamaya.
“Gusto ko sana… kaso, may lakad ako ‘e,” saad ko. Nagkamot naman siya sa ulo.
“Sasama ka na naman sa boyfriend mong gangster?” malasermon niyang tanong.
“Hindi,” agad ko namang sagot.
“Ay sus! Hindi raw. ‘E, halos diyan mo na nga siya patirahin sa inyo,” wika niya kaya nahiya ako bigla.
Natahimik ako. Minsan ay alam ni Boyet ang mga nangyayari sa buhay ko. Lalo na kung lalabas kaming dalawa at maglalakad-lakad lang, siya lang ang napagsasabihan ko. Si Esang kasi ay malayo ang bahay dito sa amin. Si Boyet lang ang malapit.
“Alam mo, kung ako sa’yo, hindi ko pagtatiyagaan ‘yong Mark na ‘yon. Saksakan ng yabang. Porket gwapo at naka-motor akala mo kung sinong umasta,” wika ni Boyet. Naiinis siya kay Mark. Palagi naman.
“Hindi ko nga alam kung bakit patay na patay ka doon. ‘Di hamak na mas masipag naman ako at mabait,” saad niya. Siningit na naman niya ang sarili niya. Palagi naman tuwing mapag-uusapan si Mark.
Matagal nang may gusto si Boyet sa akin at kaibigan lang ang turing ko sa kaniya. Hindi sa ayaw ko kay Boyet. Sa katunayan ay sobrang sipag niyang tao at mabait. Kung ano-anong raket ang pinapatos niya basta legal. Siya lang kasi ang kumakayod para sa kanilang mag-Lola.
Sinubukan ko rin namang buksan ang puso ko para kay Boyet. Kaya lang ay kaibigan lang talaga ang kaya kong ibigay. Hindi naman ako naghahangad ng mayaman. Hindi ko nga alam kung paanong napunta ako kay Mark. Siguro gano’n lang ang pag-ibig, masiyadong nakakabulag.
“Alam mo naman ang sagot ko diyan, Boyet,” seryosong wika ko.
“Oo alam ko, Abby. Gusto lang kitang magising sa katotohanang, wala kang mapapala sa Mark na ‘yan,” seryosong saad niya.
Natigilan kami pareho nang lumabas si Ate Sherly at dala na ang bagong hugas na mangkok namin. “Andiyan ka pala, Boyet. Magde-deliver ka ba mamaya? Dalhan mo ‘ko ng dalawang tubig,” saad ni Ate Sherly kay Boyet nang makita siya.
“Sige po, Ate Sherly,” saad naman niya.
“Salamat uli, Abby at Happy birthday,” wika ni Ate Sherly.
“Salamat din po, Ate,” saad ko.
“Ay sorry! Birthday mo nga pala ngayon. Nakalimutan ko,” wika ni Boyet at nagkamot pa ng ulo.
“Hindi pwedeng absent ako sa birthday mo. Halika, may halo-halo doon kina Aling Martina,” wika niya.
“Talaga?” excited ko namang tanong. Mukhang malilibre na naman ako ng meryenda nito.
“Oo. Kaya tara na!” excited na wika ni Boyet at hinila ang kamay ko. Nagpatianod naman ako. Ang lalaki pa ng hakbang niya dahil may katangkaran si Boyet. Kaya mabilis ang mga paa ko sa paghakbang para maabutan siya.
Hawak ni Boyet ang kamay ko habang patungo kami sa lamesang may nagkukuskus ng ice. Si Aling Martina. Paborito ko ang letche flan niya. At siguradong meron ‘yon sa halo-halo niya. Tapat lang naman ng bahay namin ang pwesto ni Aling Martina. Kaya kung hahanapin ako ni Nanay ay agad niya akong makikita dito.
Nang makarating kami ay hawak pa rin ni Boyet ang kamay ko at um-order ng dalawang baso ng halo-halo.
“May letche flan po, Aling Martina?” nakangiting tanong ko. Ngumiti naman siya sa’kin.
“Aba’y oo. Basta ikaw ay dadagdagan ko pa,” nakangiting saad niya kaya mas na-excite ako.
Nawala ang ngisi ko nang lumingon ako sa bahay namin. Bumundol ng malakas ang dibdib ko nang makita ang pulang magarang sasakyan na nasa harap ng bahay namin. Nakasandal doon si Jason na madilim yata ang awra. Kahit may dumadaang sasakyan ay parang tumatagos ang mga titig niya sa akin, sa amin ni… Boyet!
Agad kong hinila ang kamay ko kay Boyet. Bakit pakiramdam ko na naman may ginawa akong masama? Nakita niya kaya na hawak ni Boyet ang kamay ko? Bakit ba masiyado akong nanenerbyos ng ganito?! Para akong guilty. Nagtatakang nilingon ako ni Boyet. Alanganin lang akong ngumiti kaya nagkibit-balikat na lang siya.
Mas dumagundong ang puso ko nang makita kong naglalakad na patungo sa amin si Jason. Ang awra niya ay parang susugod sa laban. Masyadong palaban. Sunod-sunod na lang akong napalunok at hindi malaman kung ano ang gagawin.