Chapter 8
*Abby*
Hinintay ko munang magbihis si Jason bago kami umalis. Habang nasa byahe ay tahimik lang ako. May parte sa akin na nalulungkot ako at may parteng masaya ako.
Nalulungkot ako dahil matatapos na ang mga magagandang nangyayari sa akin ngayong araw. Masaya ako dahil kahit papaano ay naranasan kong pahalagahan. Narasanan kong bigyang ng atensyon na hindi ko naranasan kay Mark. Nagpapasalamat ako dahil naranasan ko lahat ‘yon.
Huminto ang sasakyan ni Jason sa tapat ng bahay namin. Hindi ko na hinintay na pagbuksan niya ako. Kusa na lang akong bumaba.
Tumayo sa harap ko si Jason at namulsa. “Ah, uhmm… salamat Jason,” wika ko.
“I mean, sobrang nagpapasalamat ako. Nag-enjoy ako,” nakangiting saad ko kahit na parang bumibigat ang dadamin ko. Parang namamaalam na ako sa kaniya. Namamaalam ako sa boyfriend ko.
Tahimik naman siyang nakatunghay sa akin at seryoso ang mukha. Hindi ko mabasa kung ano ang reaksyon sa mga mata niya.
“Ah… sige na. Mag-iingat ka pauwi,” wika ko at tumalikod na. Hindi kasi siya nagsasalita at nakatitig lang sa akin.
“Baby,” mahinang tawag niya. Bumundol ng malakas ang puso ko dahil sa pagtawag niyang ‘yon. Nilingon ko siya.
“B-Bakit?” alanganin ko pang tanong.
Lumapit siya sa’kin. “Can I kiss you?” bulong niya. Napalunok ako at hindi makasagot.
“Ahmm..” iyon lang ang tanging lumabas sa bibig ko. Buhol-buhol na rin ang t***k ng puso ko.
“Gusto kitang mahalikan… bago ako umuwi,” wika niya. Hindi ko alam ang sasabihin kaya tumango na lang ako.
Nilagay niya ang dalawang palad sa magkabilang pisngi ko at hinalikan ako sa labi. Malambot pero may diing halik na parang mag-iiwan ng marka. Ilang segundong nagtagal ang labi namin bago niya ako bitawan.
“Good night,” wika niya. Tinaas ko na lang ang isang kamay bilang paalam nang humakbang siya at pumasok sa sasakyan niya. Ang mga mata ko ay tulala lang.
Nang makaalis na siya ay hindi pa rin ako pumapasok sa bahay. Inaantay kong mawala sa paningin ko ang sasakyan niya.
“J-Jason,” mahinang boses ko. Naninikip ang dibdib ko. Ang isang araw namin ay tapos na. Agad kong winaksi ang lungkot. Hindi dapat ako apektado ng ganito. Wala naman talagang kami. Wala rin ako sa lugat para magkaganito.
Pumasok ako sa bahay at naabutan ko pa si Nanay na naghuhugas sa kusina. Lumapit ako at nagmano.
“Nariyan ka na pala. Kamusta ang lakad niyo ni pogi?” nakangiting wika ni Nanay.
“Masaya po,” matamlay kong sagot.
“Masaya? Bakit mukha kang nalugi?” tanong niya at sinalansan ang mga nahugasang plato sa lagayan.
“Napagod lang po. Ito po may dala ako,” wika ko at inabot ang pinadala ng Mommy ni Jason.
Kinuha ‘yon ni Nanay at binuksan. “Saan galing ito? Ang dami,” wika niya.
“Sa Mommy po ni Jason, ‘Nay. Hinandaan din po ako doon. Sige po, magpapahinga na ‘ko,” walang gana kong sagot.
Hindi ko na inantay ang sasabihin ni Nanay at naglakad palabas ng kusina. Tumungo ako sa kwarto ko at mabigat na umupo sa kama. Labis akong naapektuhan dahil kanina. Ang daming nangyari at naganap. Hindi ko akalain na isang araw lang lahat ‘yon.
Kinapa ko ang labi kong hinalikan ni Jason kanina lang. Nakauwi na kaya ‘yon o nasa byahe pa? Kinuha ko ang phone at nagtipa ng text. Buti at may number ako sa kaniya. Binigay niya sa’kin ito dati para ako raw ang tatawagan niya kapag hindi niya makontak si Vanessa.
Agad akong natigilan. Dapat ko ba siyang i-text? Alam kong si Vanessa pa rin ang gusto niya. Kasi kung talagang naka-move on na siya, dapat wala na ang litrato ni Esang sa kwarto niya. Binura ko ang ni-type ko.
Mabigat akong bumuntong-hininga. Hindi na dapat ako nag-a-assume na pagkatapos ng kanina ay makaka-move on na rin ako kay Mark. Agad akong kinabahan nang makita ang pangalan ni Mark sa screen ng phone ko.
Tumatawag siya! Hindi ko alam kung sasagutin ko ba o hindi. Galit ako pero mahal ko pa rin siya. Sasabihin na kaya niyang may iba siya? Kung oo ay tatanggapin ko na lang. Kahit masasaktan ako. Lumunok muna ako bago sinagot ang tawag.
“H-Hello,” alanganin kong bungad.
Pagkatapos ng tawag kaninang umaga ay hindi ko inaasahan na tatawagan niya pa ako. May iba na siyang girlfriend. Alam kong hindi na ako kahit hindi pa kami naghihiwalay.
“Pupunta ako ngayon diyan,” wika niya. Kinabahan agad ako.
“Ah… h-huwag na,” kinakabahan kong wika.
“Bakit? Ngayon mo lang yata ako pinagbawalang pumunta diyan?” wika niya.
Kung umasta siya ay parang wala siyang kasalanan sa akin. Na akala mo’y normal lang lahat kahit na durog na durog na ako. Alam kong niloloko niya lang ako dahil umamin na ‘yong babae niya.
“G-Gabi na kasi at saka… inaantok na ‘ko,” palusot ko.
“Diyan na lang ako matutulog,” wika niya.
Hindi niya pa yata alam na birthday ko ngayon. Kung sabagay ay mula noon pa, hindi naman siya nag-abalang alamin ang birthday ko. Ni hindi niya nga ako babatiin kung hindi ko sasabihin.
“N-Nakahiga na ‘ko ‘e,” pagsisinungaling ko.
“May tinatago ka ba sa’kin?” may diing tanong niya. Natigilan ako bigla. Bakit feeling ko may ginawa akong masama? Iyon bang sa amin kanina ni Jason? Hindi pa kami naghihiwalay ni Mark pero pumayag ako kay Jason. Nahalikan niya pa ako ng ilang beses. Nagtaksil na ba ako no’n?
“Dati-rati, palagi mo akong pinapapunta diyan at pinapatulog. Excited ka pa nga lagi,” dagdag niya pa.
Totoo ‘yon. At dati ‘yon. Dati ay gusto ko siya palaging nakikita at nakakasama. Kahit alam kong napipilitan lang siya. Hindi ko alam kung naging masaya ba siya sa akin? O napipilitan lang. Baka hindi.
Kasi kung talagang naging masaya siya sa’kin hindi siya maghahanap ng iba. Hindi niya ako kinakahiya sa barkada niya. Lahat ng ugali niya tiniis ko. Lahat ng kaya kong ibigay ibinigay ko. Pero naghanap pa rin siya ng iba. Inintidi ko ang pagtatanggi niya sa ibang girlfriend niya ako. Si Vanessa nga lang at mga magulang ko yata ang nakakaalam na boyfriend ko si Mark.
Naging martyr ako. Ni hindi ko na iniisip ang sarili ko. Tinitipid ko pa ang baon ko para lang may mabili akong regalo para sa monthsary namin na palagi niyang nakakalimutan. Hindi ko alam kung relasyon bang matatawag ang mga pinagsamahan namin. Hindi ko rin alam kung paano umabot ng halos dalawang taon.
“Hindi ka makapagsalita. May ibang lalaki ka siguro,” wika niya. Boses pa lang niya ay parang nakikita ko na ang nakakatakot niyang itsura. Galit na naman siya. Madalas niya rin akong pagbintangang may iba. Madalas niya ako awayin kapag mainit ang ulo niya. Lalo na kung talo sila sa drag race ng barkada niya.
“W-Wala,” agad kong sagot.
“Kung wala, hahayaan mo ‘kong pumunta diyan,” wika niya at agad na binaba ang tawag. Alam ko na ang sunod na mangyayari. Pupunta talaga ‘yon dito. Aawayin na naman ako at pagbibintangan ng kung ano-ano.
Kaya mabilis akong nagbihis ng pantulog. Kinuha ko rin ang mga binigay ni Jason na regalo sa akin. Nasa sala pa ‘yon at baka makita ni Mark. Sinabi ko muna kay Nanay na doon muna sa kwarto nila ilalagay ang mga regalo ni Jason.
Nang marinig ko ang busina ng motor niya sa labas ay binuksan ko ang pinto. Nagkukunwari akong inaantok na. Salubong ang kilay niya nang maalis ang helmet niya.
Hindi ko alam kung anong meron kay Mark at hindi ko siya mabitawan. Natatakot din akong magsalita kung ano ang nalaman ko kaninang umaga noong tumawag ako sa kaniya.
“Bakit ayaw mo ‘kong papuntahin?” tanong niya. Iyon agad ang bungad niya sa’kin. Kahit nakita na niya si Nanay ay hindi man lang niya ito binati.
“Masama kasi ang pakiramdam ko,” wika ko. Kinapa naman niya ang noo ko.
“Wala ka namang lagnat ‘a,” saad niya.
“May tinatago ka ba sa’kin? Nasa kwarto mo ba ang lalaki mo?!” nagagalit niyang tanong.
“Wala akong tinatago,” tanggi ko. Hinawi niya ako at dere-deretsong pumasok sa bahay at tumungo sa kwarto ko. Naghalugad siya at wala siyang nahanap.
“Pinaalis mo?!” nagagalit niyang tanong. Naiiyak ako dahil sa takot at galit. Nagagalit ako sa kaniya.
Anong karapatan niya para pagbintangan ako? Siya naman itong may ginagawang masama. Naiiyak ako dahil hindi ko magawang sabihin ang nararamdaman ko. Wala akong lakas at tapang para sabihin ‘yon dahil mahal ko pa rin siya.
“W-Wala naman talaga akong tinatago. Palagi ka na lang ganiyan sa’kin,” naiiyak kong saad.
Natatakot ako dahil mukha siyang wala sa mood. Baka maulit ang nangyari kagabi. Umupo siya sa kama ko. Natigilan saglit dahil sa sinabi ko.
“Mahal mo ba ako?” natatakot kong tanong.
Natatakot akong sagutin niya. Kung iisipin ko ang mga pinagdaanan ko sa kaniya ay parang hindi ang sagot. Sa aming dalawa, malinaw na ako lang ang nagmamahal. Nakuntento lang ako doon dahil mahal ko siya. Hindi ako naghangad ng iba. Dahil si Mark ang first love ko. Siya ang una kong inibig at minahal.
Minahal ko siya sa lahat ng bagay. Na kahit palagi na lang akong nasasaktan tuwing inaaway niya ako, pinag-iinitan at pinagbibintangan. Hindi ko alam kung bakit gano’n siya pero minahal ko siya. Kahit ilang beses na akong pinapayuhan ni Vanessa ay hindi ko siya nilayuan. Nabulag ako sa pagmamahal ko sa kaniya. Naging bingi dahil sa pagmamahal ko sa kaniya. At dahil sa pagmamahal ko sa kaniya, nakalimutan ko na ang sarili ko.
“Bakit mo tinatanong ‘yan?” balik tanong niya.
“Gusto ko lang malaman, Mark. Hindi ko pa kasi naririnig sa’yo ‘yon. Magdadalawang taon na tayo,” wika ko at pilit pinapatatag ang sarili sa harap niya. Pilit kong pinipigilan ang luha kong gustong bumagsak kanina pa.
Tumayo siya sa kama at naglakad. “Saan ka pupunta?” pahabol kong tanong nang lumabas siya sa kwarto ko.
“Uuwi na ‘ko,” walang gana niyang sagot habang hindi ako nililingon. Dere-deretso lang siyang lumabas.
Nang marinig ko ang motor niyang umalis ay doon na ako napaiyak. Bakit ko nga ba siya minahal ng sobra? Nahihirapan tuloy ako ng sobra.
Mahal ko pa rin si Mark. Paano ko ba siya makakalimutan? Palagi akong takot at hindi kayang magsalita. Hindi ko kayang sabihin ang nararamdaman ko. Hindi ko kayang sabihin na nasasaktan na ako. Hindi ko kayang sabihin na galit ako dahil sa ginagawa niya.
Never akong nagreklamong pagod na ako sa kaniya dahil umaasa akong isang araw ay magbabago ang trato niya sa’kin. Pinunasan ko ang luha nang mag-ring ang phone ko. Nakita ko ang pangalan ni Jason. Sinagot ko ‘yon.
“Nakauwi ka na?” banayad kong tanong. Lumalandas pa rin ang luha ko. Nahihirapan ang kalooban ko.
“Umiiyak ka ba?” Tanong niya. Umiling ako kahit hindi niya nakikita.
“Hindi. Magpahinga ka na. Alam kong pagod ka,” saad ko.
“May nangyari ba?” tanong niya. Umiling uli ako at mas lalong lumandas ang luha nang maalala si Mark. Gustong-gusto kong magsabi kay Jason. Kaya lang ay nakakahiya na. Masiyado na akong abala sa kaniya. Baka pumunta oa ‘yon dito. Delikado na at gabi na.
“W-Wala naman. Bakit?” pinilit kong umaktong normal pero ang hirap pala.
“Gusto lang sana kitang marinig bago ako matulog,” wika niya. Bumilis ang t***k ng puso ko nang sabihin niya ‘yon. Tumahimik ako at hindi nagsalita.
Narinig ko siyang nagsalita ulit kaya lang ay namatay na ang phone ko. Na-lowbat na. Hindi ko pa siya na-charge mula kagabi.
Kinuha ko ang clip charger ng battery. Inalis ko ang dalawang goma na nakatali sa cell phone ko. De-goma na kasi ang phone ko dahil wala pang pambili. Pinagtatiyagaan ko muna dahil maayos pa naman. Medyo lobo na ang battery at hindi na nasasara ang takip.
Sabi pa ni Tatay ay bibilhan niya raw ako ng bagong cell phone pagka-graduate ko. Ang sabi ko’y huwag na lang dahil kaya pa naman. Kaysa bilhan pa ako ng cell phone, pag-tuition ko na lang sa college.
Pangarap kong makapagpatayo ng negosyo. Iyong negosyo na hindi na kailangang magpakapagod ng husto si Tatay. Gusto ko siyang patayuan ng pangarap niyang talyer. Si Nanay naman ay gustong magkaroon ng sariling panaderya.
Tutuusin ay mababa lang ang pangarap ng mga magulang ko. Simpleng buhay lang naman ang gusto nila. At ako lang din ang inaasahan nilang anak. Wala akong kapatid at nag-iisang anak lang.
Kaya saka na ‘yang cell phone at mga luho. Aral muna para makapagtapos at mairaos ang buhay. Ni-charge ko ang battery ng phone ko at kinuha ang mga regalo ni Jason sa kwarto nila Tatay. Tulog na sila nang pumasok ako kaya maingat ang bawat kilos ko.
Dinala ko lahat ‘yon sa kwarto ko at isa-isang binuksan. Nagulat pa ako dahil may isang pares ng flat sandals. Ang ganda at mukhang mamahalin. Natuwa pa ako dahil kasiya sa akin.
Sa isang paper bag ay mga branded na damit. At may magara pang sling bag na ang lakas makasosyal. May mga bagong damit na ako, bag at sapatos. Gusto ko sanang tawagan si Jason para magpasalamat dahil lahat ay mamahalin ang binili niya. Nakakahiya dahil gumastos pa siya ng malaki. Kaya lang ay lowbat na ako. Bukas na lang ng umaga.
Inayos ko ang mga regalo ni Jason sa cabinet. Iingatan ko ang mga regalo ni Boyfriend. Miss ko na agad siya. Humiga ako sa kama at natulog na. Nahirapan pa akong makatulog dahil hindi siya maalis sa isip ko.