"Bakit bigla kayong namutla e tinatanong ko lang naman kung sinong buntis sa inyong dalawa?" pag-uusisa ng ama nina Delilah.
"Daddy, mali lang po kayo nang narinig," pag-a-alibi na lang ni Barbarella upang iwanan na sana sila ng ginoo at hindi na kulitin pa.
Tuluyan nang pumasok sa silid si Armageddon, ang haligi ng tahanan ng mga Catacutan. Napadaan lang sana siya upang kumustahin saglit ang bunsong anak pero nagpantig ang tainga niya nang marinig ang salitang "buntis". Dahil doon, napagdesisyunan niya na huwag na rin pumasok sa kumpanyang pag-aari upang makiusyoso sa pinag-uusapan ng magkapatid.
"Daddy naman, e! Bonding moment namin na mag-sister kaya no men allowed!" nayayamot na panunubok niyang itaboy pa rin ang tatay. Imbis na umalis ay umupo pa si Mr. Catacutan sa tabi ni Delilah at ibinaba ang laptop bag sa mesa.
"Hindi ba ako pwedeng sumama sa "bonding" moment niyo e tatay niyo naman ako?"
"Baka nakalimutan mo na po na may meeting ka pa sa office mamaya? Sige na Daddy dear, bye-bye!"
"Huwag mo nga akong ma-daddy-daddy dear!" pigil sa inis na tinuran niya ang pasaway na panganay. "Alam ko na ang style mo na 'yan para paalisin lang ako. Dinig na dinig ko ang usapan niyo patungkol sa buntis kaya sana umamin na kung sino sa inyong dalawa."
"OK po," tugon kaagad ni Barbarella. "Wala ngang buntis, Armageddon,"
"Wala kang galang! Bakit mo ako tinawag sa first name ko e tatay mo ako?"
"E sabi niyo po kasi, huwag ka naming tatawagin na 'Daddy'", pagdadahilan naman ni Barbarella na kapareho niyang may pagkasarkastiko at brusko sa pamamaraan ng pananalita.
Napatapik na lang siya sa noo dahil batid niya na halos magkaugali nga sila ng unang anak na kung naging lalaki ay junior version niya. Alam niya na pagtatakpan din nito palagi ang pinakamamahal na kapatid kaya walang kapupuntahan ang usapan dahil palagi itong may alibi. Imbis na ma-high blood sa kakulitan ng panganay, dumiretso na siyang tanungin si Delilah na 'di hamak na mas masunurin at mabait kumpara sa ate.
"Delilah, may aaminin ka ba?" malumanay na pagtatanong na niya sa bunso.
"Wala po. Hindi naman po ako buntis," nakatungo ang ulo na tugon nito na tila ba may sinisikreto nga kaya mas lumakas ang pagdududa ni Mr. Catacutan.
"Hindi naman ako magagalit. Sige na, sabihin mo na kay Daddy ang totoo..."
"Hindi nga po siya buntis, Daddy. Hindi ba, negative nga siya sa pregnancy test noong nasa ospital?" pagtatanggol na naman ng ate niyang si Barbarella.
"Anak, ang daldal mo. Kanina ka pa sabat ng sabat," nakakunot ang noo na pinagsabihan na naman niya ito. Tumayo na siya mula sa kinauupuan at marahan na hinila ang anak palayo sa kinaroroonan ni Delilah. Pinaupo niya ito sa may bintana upang hindi na makasingit sa usapan nila ng bunso.
"Diyan ka lang! Kaming dalawa ng kapatid mo ang mag-uusap, OK?"
"E kasi naman po, ang kulit-kulit niyo rin e. May tests nga po, 'di ba?" pangangatwiran naman ni Barbarella.
"Malay ko ba kung sinabihan niyo lang 'yun mga doktor na iba ang ipakita sa akin na result," seryosong pag-aanalisa pa rin niya. "Kayong tatlong mag-iina ang palaging magkakakampi kaya hindi ko alam kung naglilihim nga kayo."
"Wala naman po akong boyriend pa," patawa-tawang pagpapaliwanag ni Delilah. "Imposible naman po na magka-baby ako."
"Hija, huwag ka nang magsinungaling. Huwag niyo nang pagtakpan pa. Kung lumabas na buntis ka sa mga tests, sabihin mo na ang totoo para mapanagot ko 'yun gumawa sa iyo niyan."
"Pero, 'di po talaga ako buntis-"
"Shhh! Enough with the lies!" nauubos na ang pasensyang pagpapaamin pa rin ng ama. Lumakas tuloy ang kaba ni Delilah kaya kahit hindi naman totoong nagdadalang-tao siya, feeling niya ay guilty na ang verdict sa kanya.
"Sino ang lintik na lalaking bumuntis sa iyo at dudurugin ko nang pinong-pino!"
Habang ini-interrogate ni Mr. Catacutan ang kaawa-awang si Delilah, sakto naman ang pagpasok ng walang kaalam-alam na si Spartan. Dala niya ang tray ng pagkain na naglalaman ng cheeseroll, boiled egg at maligamgam na gatas na sinangkap niya with tender loving care para sa nililigawan. Siya rin ay nagulat nang makitang naroon pala ang among lalaki.
"Excuse me po. Bukas kasi ang pintuan, kaya hindi na ako nakakatok..."
Wala sa wisyong napatingin ang magkapatid sa kanya. Pakiramdam niya, parang biglaang lumamig pa ang silid lalo na at naging matalim ang tingin ni Armageddon sa kanya.
"Wrong timing po ba ako?" nauutal na pagtatanong na niya. "S-Sige po, aalis na ako kaagad."
Nanatiling tahimik lamang ang tatlo habang sinusundan nila siya ng tingin. Kabado at nanlalamig ang mga palad na pinatong na lang niya ang pagkain sa may mesa. Mapang-usig pa naman kung makatingin ang ama ni Delilah kaya kahit sino ay kakabahan kapag tinitigan na nito.
"Feeling ko tuloy, gigil akong durugin ni Sir Armageddon!" hiyaw ng kanyang isipan habang umiiwas ng tingin sa kinatatakutang amo. Nagsitaasan pa ang mga balahibo niya sa katawan nang tanungin na siya nito patungkol sa kalagayan ni Delilah.
"Alam mo ba na buntis si Delilah?" paninimula nang mag-imbestiga ng ginoo sa walang kamuwang-muwang na si Spartan.
"P-Po? Buntis?" nanlalaki ang mga matang pag-uulit niya.
"Oo. At sa palagay ko, may berdeng mga mata at bakla-baklaan 'yun hinayup*k na nakabuntis!"
"'Luh, sino po kaya 'yun?" nakatingin sa may kisame at pakurap-kurap ang mga green eyes na pag-aanalisa pa ni Spartan. "Grabe naman din po 'yun kung bakla-baklaan pa! Sasabunutan at sasampalin ko 'yun bruha! Hindi ako makakapayag na mabuntis niya si beshie ko! Never!"
Mabilis na inakbayan siya ni Delilah at inakay patungo sa may pintuan. Nais sana niyang iligtas ang kaibigan sa pag-uusisa ng tatay na alam niyang may kakulitan at daig pa ang mga imbestigador kung makapang-usig ng suspek.
"Huwag mo nang pakinggan si Daddy," akala lang niya, nabuntis daw ako," pagpapaliwanag niya habang hatak-hatak na sa braso ang isinasalba. Halos itulak na nga niya ito palabas maialis lang sa paningin ng ama na umiinit na ang ulo at sumasama na ang tingin kay Spartan.
"'Scandal pala 'yan. Hindi naman totoo na na-preggy ka ng iba, 'di ba? Please lang, huwag naman kasi iiyak ako nang isang balde! Saksi nga ako na wala ka pang boylet, e!"
"Ikaw nga ang saksi. Ang problema, malakas ang kutob ko na ikaw ang pagbibintangan na nakabuntis sa akin kaya tumakas ka na! Takbo!"
"Hu-what?" hindi makapaniwalang napatili tuloy siya. Sa haba pala ng usapan nila, napagtanto niya na siya pala ang "the who" na tinutukoy ng among lalaki. Paglingon sa likuran ay nangilabot siya nang makitang nanlilisik ang mga mata ni Armageddon at nakakuyom ang mga kamao.
Tama nga ang hinala ni Delilah.
Si Spartan ang prime suspect sa inaakalang pinagbubutis niya. Bago pa man nakalabas ng silid ang pinagbibintangan, dali-daling isinara naman ni Mr. Catacutan ang pintuan. Parang papel na hinatak lang siya nito pabalik at sapilitang pinaupo. Nang akmang tatayo sana at iilag sa nakakatakot na ginoo, napaaray na lang siya nang hagisan siya nito ng tsinelas at tumama pa iyon sa braso.
"Huwag kang kikilos!" mariin na inutos nito. "May pag-uusapan tayo! Lalaki sa lalaki! Este, lalaki sa bakla pala! Lalaki sa silahis? Ewan, basta mag-uusap tayo!"
"Aray ko naman po!" maluha-luhang pagrereklamo ng napalo habang hinahaplos ang braso na nagmarka pa ng tsinelas. "Si Daddy naman, mainit ang ulo! Chill lang po..."
"Huwag na huwag mo akong matatawag na 'Daddy' dahil hindi kita kaanu-ano! Kung hindi lang ako makukulong, lulumpuin kita dahil sa ginawa mo sa bunso ko!" naghuhurimintadaong pagbabanta ni Armageddon habang hawak-hawak pa ang isang tsinelas na nais sanang ihambalos kay Spartan.
"Daddy, this is all a misunderstanding!" pag-awat na ni Delilah. Akmang huhugutin na sana niya ang rubber slipper mula sa kamay nito pero mabilis na naiilag naman ng kanyang ama.
"Manahimik ka, Hija. Hindi ikaw ang kausap ko," puno ng awtoridad na inutos niya kaya walang nagawa ang dalaga kungdi sumunod at maupo sa isang sulok.
"Matagal na kitang pinagdududahan! Umamin ka, bakla ka ba talaga o hindi?" pagbabalik niya ng atensyon sa iniinteroga. Hinatak pa niya sa may kwelyo si Spartan na namamawis na ng malapot sa sindak.
"'Luh?" Pansamantalang nag-alangan siyang sumagot kaagad dahil baka isang bitag ang katanungan patungkol sa s*kswalidad niya Nabahala siya na baka maihampas nga sa kanya ang tsinelas kapag sumagot ng "hindi" lalo na at akala nito na nabuntis nga niya si Delilah.
"Ha! Defensive ka kaya ayaw mong sumagot!" pagdidiin lalo ni Mr. Catacutan. "Matagal na akong duda sa pagkatao mo, sa totoo lang! Siguro, gusto mo lang makalapit kay Delilah kaya nagpanggap ka! Isa kang sinungaling at oportunista! Gusto mo lang na makuha ang loob ng anak ko kasi mayaman! Sabi na nga ba at nagkukunwari ka lang na bakla!"
"S-Sir, hindi naman ako nagkukunwari na bakla," pagpapaliwanag niya kay Armageddon. "Wala akong tinatago. What you see is what you get po..."
"Hindi nagkukunwari? Ang ibig sabihin, bakla ka nga?" kaagad na pagsingit ni Delilah na naguguluhan na naman sa gender identity ni Spartan. "Ano ka ba talaga? Ang sabi mo sa akin, hindi. Pagkatapos ngayon, bakla ka na naman? Umayos ka nga at baka pinaaasa mo lang ako sa wala!"
"Ang ibig sabihin ko, hindi ako nagkukunwaring bakla kasi lalaki nga talaga ako," pagkaklaro niya habang nahihiyang napakamot na lang ng ulo. "Straight ako, hindi pa rin ba convincing? Besh naman, e..."
"Kung tunay na lalaki ka, dapat pala, palayasin kita sa pamamahay namin! Hindi nararapat na makasama mo sa iisang bahay ang anak kong mga babae!" halos ma-high blood na pahayag ni Armageddon. Makailang-beses pa siyang huminga nang malalim upang pigilin ang sarili na magwala at hampasin nang paulit-ulit si Spartan.
"Sir, huwag naman po!" pagsusumamo na niya sa ama ni Delilah. "Layas kaagad? E bakit po 'yun driver na si Mang Cardo, lalaki rin, hindi niyo naman po pinapaalis?"
"Malamang, e lolo na 'yun! Pinapa-retire ko nga kaya lang ayaw pa kasi maliliit pa raw ang mga apo na pinapaaral! Mas mabilis pa nga mag-drive 'yun nagbibisikleta kaya lang wala lang akong magawa kasi kawawa naman kung tatanggalan ko ng trabaho! Atsaka, umuuwi siya sa gabi kaya wala akong problema. Ikaw, stay-in! Kaya lumayas ka!"
"Sir, hindi naman ako many*k, pramis! Huwag niyo na akong palayasin, please lang. Ako na po ang mag-i-style ng hair niyo, pati pedicure at manicure, kahit kulayan at kulutin ko pa buhok niyo, gagawin ko. Huwag niyo lang po akong paalisin!"
"Paano pa kita mapagkakatiwalaan, e binuntis mo nga ang anak ko!"
"Wala po talagang buntis," kabadong pagkaklaro pa rin niya kay Armageddon na nanatiling mapang-usig ang tingin sa kanya.
"Hindi pa naman kami kasal ni Delilah kaya hindi pwede..."
"Kasal o hindi, pwede ka pa rin makabuntis!" pasinghal na tinuran siya nito. "Absent ka ba noong Biology class? Alam mo ba na kapag nagsip*ng ang lalaki't babae, boom! May baby!"
Napangiwi tuloy siya sa pagsusungit na natatanggap kay Mr. Catacutan. Noon pa man ay pinangingilagan na niya ito dahil may pagkabarumbado nga itong kumilos at overprotective nga sa mag-iina niya. Ganoon pa man, naiintindihan naman niya ang asal nito dahil alam niya na walang matinong tatay ang gugustuhing mapahamak ang pamilya, lalung-lalo na ang anak na babae.
"Sir, walang nangyari sa amin ni Delilah. Ang gusto ko pa rin, pakasalan ang babaeng mahal ko bago kami bumuo ng baby. Old style at conservative siguro ako pero para sa akin, deserve kasi niya na maiharap muna sa madlang pipol at Simbahan bilang legit na asawa ko. Siguro, sasabihin ng nakararami na papel lang ang kasal pero hangad ko na may kasiguruhan din siya na hindi ko nga siya iiwanan sa ere kahit ano pang mangyari."
Napanganga at namangha sina Armageddon at Barbarella sa mga deklarasyon niya. Ibang-iba kasi ang pananaw niya sa mga nagsasabing "astig" daw pero mabilis naman tumakbo sa mga responsibilidad. Kadalasan, ang mga ganoong tipo ay ikakama lang ang babae at kapag pinagsawaan, goodbye na. Hindi nila inaasahan na 'di hamak na mas "tunay" nga na lalaki itong si Spartan kumpara sa iba kahit na may kalamyaan ang pagkilos at nagme-makeup pa ng mga patay.
"OMG," nasambit na lang ni Delilah habang pinipigil ang sarili na kilabutan sa sobrang kilig. "My ultimate dream boy! He's the one!"
"Nililigawan mo ba ang anak ko?" diretsahang pagtatanong naman ni Armageddon sa binata.
Ilang sandali rin na nangapa ng dapat sabihin si Spartan. Nag-alangan siya kung nararapat ba na ipagtapat na sa ginoo kung niligawan nga ba si Delilah.
Nakangiting inilahad na niya ang mga kamay sa may direksyon ni Delilah. Buo ang loob na nagdesisyon siyang ipagtapat kay Mr. Catacutan ang tunay na intensyon sa anak nito. Malinis naman ang kanyang kunsensya at walang balak na masama kaya para sa kanya, hindi naman na nga dapat isikreto pa ang panliligaw.
"Halika, Besh. Ipaalam na natin kay Daddy mo," nakangiting pag-aya niya. Patakbo at sabik na lumapit ang dalaga at inabot naman ang palad. Marahan niyang hinagkan ang kamay nito bilang simbolo ng respeto at malinis na hangarin. Napakunot ang noo ni Armageddon sa akto nito na lantarang nagpapahiwatig na mahal nga talaga nito ang bunsong anak.
"Opo," pag-amin na niya.
"Hindi ito maaari!" pagtanggi pa rin sa sarili ni Mr. Catacutan sa nasasaksihan na suyuan ng dalawa.
"Sir, bigyan niyo po sana ako ng pagkakataon na patunayan na karapat-dapat akong maging nobyo ng anak mo," paghingi na niya ng permiso habang nakatitig sa mga mapang-usig na mga mata ni Armageddon. Medyo may takot man na ayawan ng ginoo, hinanda naman niya ang sarili na paulit-ulit na patutunayan na maganda nga ang intensyon niya hindi lang para kay Delilah, maging sa buong pamilyang Catacutan. Napamahal na siya sa butihing mag-anak kaya handa rin siyang pagsilbihan at protektahan sila sa abot ng kanyang makakaya.
Namimilog ang mga matang pinagmasdan siya ni Delilah na umaapaw ang tuwa sa paninindigan ni Spartan. Sa lahat ng mga nanligaw sa kanya, ang binata lang ang naging matapang na harapin ang ama. Kadalasan, kapag pinapakilala na niya ang tatay sa mga ito, naglalaho silang parang bula kapag na-interview o tinakot na. Sobrang istrikto kasi ito lalo na noong pumalpak ang naging engagement ni Barbarella. Simula noon, mas naging mahigpit siya sa bawat lalaking lumalapit sa mga anak.
"Bakit naman kita hahayaang maligawan ang anak ko?" mapanghamong inusisa naman siya ni Armageddon. "Alam mo naman na lahit lamok ay ayaw kong dumapo sa kanya. Hindi siya sanay sa hirap ng buhay kaya malamang, hindi ako makakapayag na basta-basta mo na lang siyang magiging nobya, lalo na kapag mapapangasawa na."
"Naiitindihan ko na pinoprotektahan mo lang ang mga anak mong babae. Ako rin, malamang, magiging ganyan kapag nagkaanak na. Pero huwag po kayong mag-alala. Pinapangako ko sa inyo na aalagaan si Delilah at sisikapin ko na maibigay ang lahat ng pangangailangan niya," paniniguro na niya upang hindi na mabahala pa si Armageddon.
"Mabuti po ang hangarin ko sa anak niyo ni Ma'am Medusa. Kaya nga nagtatrabaho ako at nais na makatapos ng pag-aaral para maging karapat-dapat ako sa puso ni Delilah at hindi niyo rin ako ikahihiya bilang manugang."
Panandaliang naghari ang katahimikan sa silid. Ramdam ng magkakapatid ang tahimik na komunikasyon ng dalawang matitinong lalaki na parehong hangad ang makabubuti kay Delilah.
Bahagyang nalungkot ang kanilang ama nang mapagtantong ang bilis lang ng panahon at nagsikalihan na ang mga baby girls niya. Noon lang ay musmos pa si Delilah at karga-karga pa niya kahit na nagpupunta sa mga business trips abroad pero ngayon, dalaga na. Hindi niya maiwasang makaramdam ng kaunting selos na ngayon, may ibang lalaki nang makakahati sa atensyon nito.
Ganoon pa man, ayaw naman niyang maging maramot at nais na makahanap pa rin ang mga anak ng makakasama sa buhay. Alam niya na darating ang araw na tatanda siya at iiwanan sina Delilah kaya hiling pa rin niya na makatagpo sila ng matitinong lalaki na mag-aalaga at puprotekta sa kanila kapag wala na siya.
"Mahal mo ba talaga ang bunso ko?" malamlam ang mga matang paniniguro pa rin niya bago tanggapin na si Spartan nga ang napupusuan ng anak.
"Opo," seryoso at mula sa puso na tugon ng binata.
"Minahal ko siya simula noong Grade One at mamahalin pa rin hanggang sa pahihintulutan ako ng Diyos na makapiling siya..."
"OK!" ang tanging nasambit ni Armageddon pagkatapos takutin, balaan, kilatisin at halos balatan nang buhay si Spartan.
Marahan na niyang hinawakan sa mga braso at pinatayo mula sa kinauupuan ang kausap. Tinapik-tapik pa niya ang mga balikat nito bilang pahiwatig na nakikipagkasundo na at hindi naman siya galit.
Sinusubok lang pala niya si Spartan kung karapat-dapat nga ba siya para sa anak. Sa katunayan ay matagal na niyang alam na may gusto nga ito kay Delilah at hindi nga binabae kahit na may kalamyaan nga. Katulad ni Barbarella, observant din siya kaya walang kawala sa kanya ang mga panakaw na sulyap ni Spartan sa anak at paninilbihan nito sa kanila na daig pa ang mamanugangin.
"Natakot ba kita? Parang kanina, iiyak ka na nga!" tumatawang pagbibiro na niya sa manliligaw ng bunso.
"Opo, ka-stress naman po kayo! Namanawis na tuloy ang singit ko, kaliwa't kanan! Hahaha!" tumatawang pag-amin naman ni Spartan na nanlalamig pa rin ang mga palad nang dahil sa dinanas na malupit na interrogation.
"Pero babantayan pa rin kita!" may pahabol na babala pa rin nito. "Tandaan mo, huwag mong sisirain ang tiwala ko! Kapag pinaiyak mo 'yan si Delilah, hindi lang tsinelas ang maihahambalos sa iyo!"
"Opo, Daddy! Aalagaan ko siya! Pramis!" tuwang-tuwa na pakikipagkasundo niya kasabay ng pagmamano sa among lalaki na kung ituring niya ay parang pangalawang ama na. Istrikto man at nakakatakot ang aura, batid niya na malambot din ang puso nito lalo na sa mga kapamilya.
"Daddy? Tigilan mo ako! Umalis ka na nga sa paningin ko!" panunuplado pa rin ni Armageddon kasabay ng pagtulak sa kanya palabas ng silid ni Delilah. "Linisin mo ang kotse ko sa garahe! Bilisan mo!"
"Yes, Sir!" nakangiting pagsunod naman ni Spartan na nakahinga na ng maluwag dahil pakiramdam niya ay part of the family na siya ng mga Catacutan.