Chapter 13: Samson's Dilemma

1413 Words
Madaling-araw na ng makarating si Samson sa liblib na sityo ng Alubebe. Sa mga walang kaalam-alam na mangilang-ngilan na mga turista, iyon ay lugar na pinamumugaran ng mga mangkukulam, maging ng mga halimaw na inaakalang sa libro lamang mababasa. Hindi sila napaghihinalaang masasamang elemento dahil pinoprotektahan sila ng mayaman at makapangyarihang tatay niyang si Caesar De Luvio, ang lider ng mga aswang. Dahil doon, itinuturing nila ang mag-ama na higit pa sa panginoon dahil nakapamumuhay sila na hindi tinutugis ng mga tao at nagagawa pa ang mga karumal-dumal na akto. Pagkakatok pa lamang ay mabilis na bumungad ang may edad ng babae na dating nagsilbing tagapag-alaga niya. Dahil maagang naulila sa ina, itinuring niyang pangalawang nanay ang mangkukulam na napag-uutusan din ng ama na pumaslang sa mga karibal sa negosyo at pamumuno, kasama ang mga aswang hunters na nakakabangga. Dahil sa edad at samu't saring sakit na ng matanda, siya na mismo ang humiling sa ama na hayaan na itong magretiro. Pinauwi na niya ito sa Alubebe at doon ay sinigurado niyang lahat ng pangangailangan ng ina-inahan ay naibibigay. "Anak," maligayang pagsalubong ni Boudica sa pinakamamahal na amo. "Yaya," masuyong pagbati rin ni Samson kasabay ng pagmamano rito. "Napadalaw ka. Kumain ka na ba?" "Wala po akong gana," malungkot na sinagot niya. Dinamdam niya masyado ang pambabasted ni Delilah, lalo na ng malaman na may nobyo na ito kaya nawalan siya ng interes sa buhay, maging ang pagkain. Kapansin-pansin ang pamumutla at pagpayat niya kaya nag-alala na rin ang matanda sa kalagayan ng amo. "Gusto mo ba...ng sanggol? May bagong panganak sa kabilang bayan. Kukunin ko para makain mo," panukala niya. Imbis na matuwa sa sinabi nito, medyo nayamot pa si Samson sa inalok. May lahing aswang man at alam niyang katakam-takam ang lasa niyon, hindi niya kailanman pinag-interesan na kumain ng walang kamuwang-muwang na sanggol. "Hindi po ako kumakain ng ganoon," pagpapaalala niya kay Boudica. "Hindi ko rin naman tinuturing ang sarili ko na katulad ni Dad kaya sa susunod, huwag niyo na akong aalukin." "Darating ang araw na magiging ganap ka rin na aswang at hindi mo na mapipigil ang pagnanasa mo sa laman ng tao. At ikaw ang papalit sa ama mo sa pamumun-" "Ibahin niyo po ako," mabilis na pagkontra niya sa pagpapaliwang nito. "Tao kasi si Mommy, kaya parte ko ay tao rin," kasunod na pahayag niya, dahilan upang mas maging malamlam ang nga mata niya. Bumalik sa alaala niya noong nabubuhay pa ang ina. Napakabuti nito at maalaga kaya noong binawian ito ng buhay nang dahil sa aksidente, hindi na siya nakabawi pa. Sampung taon na ang nakalilipas pero kahit anong gawin niya, masakit pa rin ang pagkawala ng nanay lalo na at hindi naman siya pinapansin ng ama at hindi rin kasundo. Ibinaling niya ang atensyon sa iba't ibang mga babae at barkada upang maaliw ang sarili pero sa huli't huli, sadyang malungkot at miserable pa rin siya. "Kapag kumain ako ng kauri niya, parang binastos ko na rin siya nang paulit-ulit. Mahal na mahal ko si Mommy kaya nangako ako na pipilitin kong magpakatao. At hihikayatin ko rin ang ibang mga aswang na huwag nang pumatay ng mga inosente. Kaya naman, kasi nagagawa ko. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais ko talagang magkaroon ng peaceful co-existence ang mga tao at aswang." Mayabang man at may pagkaagresibo ang ugali, hindi pa rin maatim ni Samson na pumaslang ng mga tao. Nakailang beses na silang nag-aaway ng tatay dahil gusto nitong umakto siya bilang aswang pero ayaw naman niya. Magkaiba rin sila ng paniniwala at prinsipyo kaya kadalasan, hindi sila nagkakaunawaan. Ang sa ama ay dapat lamang na maghari ang mga aswang sa mundo at pagkain lang dapat ituring ang mga tao. Ang sa kanya naman ay patas lamang na turingan, at nararapat na huwag kainin ang mga tao dahil halos katulad din nila ang nga iyon. Tinatawag man na "mahina" at "walang kwentang anak", nagmamatigas pa rin siya dahil ayaw talaga niyang pumayag sa mga nais nito. Sa mga oras na umiiral ang pagiging aswang niya, nagtitiyaga na lamang siya sa pagkain sa mga hayop na nasa bukid at gubat upang maibsan ang gutom. Kahit na mas nakakalakas ang dugo at lamang-loob ng tao, pinaninindigan pa rin niya ang naipangako sa ina. "Ganoon pala ang iniisip mo," napagtanto ni Boudica. Nakaramdan siya ng pagmamalaki sa anak-anakan dahil hindi ito katulad ng mga naunang amo na makasarili. Batid din niya ang talino at karisma nito kaya hindi malayong makumbinsi ang mga kauri na sumunod. Sa katunayan ay medyo maingat din si Caesar sa pakikitungo kay Samson dahil kapansin-pansin na maimpluwensya nga ito sa mga aswang, maging sa iba pang mga halimaw. "Kaya nga mas nararapat na ikaw ang sumunod na mamuno sa amin, may paninindigan ka. Pero kailangan mong maging mas matatag at maingat dahil paniguradong marami kang makakaaway, maging ang sarili mong ama," pagbibigay niya ng babala sa binata. "Alam ko rin po 'yan. Kaya may gusto sana akong babae na maging kakampi. Isa siya sa pinakamayaman sa buong mundo at maraming negosyo ang pamilya niya sa iba't ibang bansa. Marami silang hawak na mga lupain at maimpluwensya din sila kaya kapag nagkatuluyan kami, mas mapapalakas ang kapit ko sa mga makapangyarihan. Nagkataon pa na ang mga properties nila ay malapit sa teritoryo ng mga aswang kaya paniguradong mabibigyan ko rin sila ng pangkabuhayan at maaring mamuhay ng normal at 'di pinagdududahan o tinutugis ng mga mortal. Sa ganoong paraan, mas mapoprotektahan ko ang pinamumunuan namin." "Hmmm, masyadong ambisyoso ang iniisip mo," pag-aanalisa ng matanda. "Pero susuportahan kita. Sabihin mo lang ang maaari kong itulong at gagawin ko." Nakiramdam muna si Samson kung siguradong walang makakarinig sa kanila. Nagtungo pa siya sa may dungawan upang magmasid. Ilang sandali lang ay isinara na niya ang bintana at binalikan si Boudica. "May paraan ba, para mapaibig sa akin ang babaeng gusto ko?" Nilabas niya mula sa bulsa ang litrato ng dalagang inaasam. Nahihiya pa siyang inabot iyon sa yaya dahil unang pagkakataon niya na nagpakilala ng pormal ng babae rito. Isa pang dahilan ay sa pagkakaalam ng matanda, walang nakakatangging dilag sa kanya. "Ang pangalan niya ay Xena Delilah Catacutan," pagpapakilala niya. "Napakaganda niya. Bagay na bagay kayo!" may paghangang napabulalas ng mangkukulam. "Opo, unang tingin ko pa lang sa kanya, na-love at first sight na ako. Iba ang tama talaga ng babaeng 'yan sa akin! Para akong napana ni Kupido!" nakangiti at medyo kinikilig na paglalahad niya. "Noong pinaimbestigahan ko ang background ng pamilya niya, mas naging desidido ako na ligawan..." "Kaya lang, ayaw niya sa akin..." tiim-bagang na inamin niya, kasabay ng pagkuyom ng mga kamao. Kaagad na naglaho ang ngiti niya nang maalala na may ibang lalaki na itong mahal at nasa katauhan pa ni Spartan Dimatinag. "Imposible! Sa pogi mong 'yan, aayawan ka pa? Baka naman, nagpapakipot lang!" "Hindi po...talagang ayaw niya sa akin," pailing-iling na deklarasyon niya. Muli ay nalungkot na naman si Samson sa nagawang pambabasted sa kanya ni Delilah. Alam niya na mali ang nais na makuha ang puso nito nang sapilitan pero hindi niya matanggap na mapupunta lang ito kay Spartan, na napag-alaman pa niyang nagmula sa pamilya ng mga aswang hunters. Tila ba nababaliw na siya sa bawat araw na nakikita silang magkasama at sweet pa. Kadalasan ay natutukso na lang siya na dakpin si Delilah at pakasalan nang mabilisan upang hindi na ito makapalag pa. Subalit, alam niya na palaban din ang dalaga kaya imposibleng mapaamo ito. "Ang nais ko, maibaling ang atensyon niya sa akin, para mabigyan ng pagkakataon na maipakita ko sa kanya na karapat-dapat ako ng pag-ibig niya," paghiling na niya na ikinagulat din ng kausap. "Huwag niyo po siyang sasaktan," pahabol na panuto niya. "Ang gusto ko lang talaga ay mapansin niya." Mataimtim na tumingin si Boudica sa mamula-mulang mga mata ni Samson na may bakas pa rin ng kalungkutan. Tinantya niya kung nararapat ba na pagbigyan ito sa nais o baka naman nabibigla lamang. Matagal din niya itong inalagaan kaya alam na niya ang pag-uugali. Nang mapatunayan na tunay ngang gusto nitong makuha si Delilah at hindi nagpapadalos-dalos lamang, hinaplos na niya ang ulo nito at sinuguro na hindi mabibigo. "Madali lang ito," pahayag ng mangkukulam habang tinititigan ang larawan ng dalagang ninanais na mapangasawa ni Samson. Isang makapanindig-balahibong ngiti ang gumuhit sa kanyang mukha habang iniisip na ang mga plano upang masigurong makakatuluyan ng anak-anakan ang babaeng nasa litrato. "Bigyan mo lang ako ng labingtatlong araw at mapapasaiyo na ang puso ni Delilah..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD