Habang nagpaplano ng hindi kaaya-aya ang mag-among sina Samson at Boudica, abot-tainga ang ngiti ni Delilah habang nakakapit sa braso ng pinakamamahal niyang si Spartan. Sabado kasi at wala siyang pasok sa eskwelahan kaya nagpresinta siyang samahan ito na mamalengke sa pamilihan ng Tuk-O. 'Di alintana ang putik at malansang amoy ng lugar, masaya siya na kasama ang binata habang maligaya silang nakakapili ng sariwang gulay, prutas at isda.
"Paano mo nalalaman kapag fresh pa ang isda?" pagtatanong niya.
"Ganito, Besh," tugon nito kasabay ng pag-angat sa hasang ng bangus. "Kapag mapula pa 'yan, fresh pa. Kapain mo rin, kapag firm pa ang laman at hindi madaling maghiwalay o bumaon pababa, sariwa pa. Sa mata rin, kapag pulang-pula na parang na-sore eyes, nakow, bilasa na 'yun!"
"Oooh, ganoon pala!" patango-tangong pag-obserba niya sa isda. Inabot niya ang isang bangus at tinignan kung sariwa pa. May kaunting lamog iyon kaya binitiwan din. Kumuha siya ng mas malaki at mataba. Magkasalubong ang kilay na sinipat niya iyon bago iniabot kay Spartan.
"Ayan, pasado ba na fresh?" pakurap-kurap na parang batang nagpapa-cute na tinanong niya.
"Very good ka!" masayang pagpuri ni Spartan dahil mabilis matuto ang tinuturuan. Nilagay niya sa palanggana ang napiling mga isda at binigay sa nagtitinda.
"Ate, heto po, pakilinis na lang ito. Pakihati rin po sa apat," panuto niya sa ale na kanina pa natutuwa sa dalawang mag-beshie. Mabilis nitong nilinis ang matabang bangus kaya nagsiliparan ang mga kaliskis patungo kay Delilah. Tumalsik ang mga iyon sa buhok niya, maging sa bibig.
"Pfft! Ano ba 'yun! Ang lansa!" pagrereklamo niya nang aksidenteng malasaan pa ang kaliskis. Pinunasan niya ang labi gamit ang palad pero mas nandiri siya nang maamoy ang kamay na pinanghawak pala niya sa bangus. Nanuot ang lansa sa ilong at lalamunan niya kaya napaubo pa siya. Pigil sa pagtawa na pinagmasdan lang siya ni Spartan. Nang makahalatang pinagkakatuwaan na pala, napairap na siya at kinurot sa tagiliran ang kaibigan.
"Hmph, pinagtatawanan mo ako e!"
"Aray ko naman, Besh! Nakakatuwa ka lang kasi!"
"Ganoon? Komo ba hindi ako sanay sa palengke, pinagtitripan mo ako?"
"Hindi naman. Ang cute-cute mo lang kasi kaya napapa-smile ako sa iyo," pagpapaliwanag niya kaya natigilan na si Delilah sa panunuplada. Hindi ito makapaniwala na tinawag siyang "cute" ni Spartan kaya napatahimik na lang siya at lihim na kinilig.
"Halika na nga! Napuno na ng kaliskis ang buhok mo," pag-aya sa kanya ng binata. Marahan siyang itinabi nito sa gilid ng tindahan upang hindi makaabala sa ibang mamimili. Isa-isa niyang tinanggal ang dumi sa ulo ng kasama na halatang hindi sanay sa buhay-palengke. Maging sa leeg ay may mga kaliskis din kaya dahan-dahan niyang hinawi ang mga iyon.
"Hihi, nakikiliti ako!" patawa-tawang inamin ni Delilah nang dumampi ang palad ni Spartan sa may batok niya.
"Ay! Huwag diyan!" aniya habang humahagikgik at umiilag na. Siya na lang ang nagpagpag sa mga kaliskis dahil aminadong kilig na kilig na sa pinapakitang tender loving care ng kaibigan.
"Kiliti kaagad? Kaliskis palang 'yan ni Fishda, Besh. Baka kapag buntot na, mahimatay ka na!" panunukso din niya kaya napabulalas na ng tawa ang dalaga.
"Girlfriend mo ba 'yan? Kanina pa kayo nagpi-PDA* e!" pakikiusyoso na ng tindera ng isda kay Spartan. Kanina pa kasi ito napupuno ng kuryosidad sa dalawa na mukhang magkasintahan pero kaduda-duda naman ang gender preference ng binata. Maraming beses na kasing namimili si Spartan sa kanya at kapansin-pansin na malamya nga ito at 'di karaniwan ang kilos sa mga lalaking nakikita. Ganoon pa man, sa naoobserba niya ngayon, iba ang pagtingin nito sa kasamang babae na para bang may something special.
(Public Display of Affection)
"A-Ano po?" nauutal na paniniguro niya kung tama ba ang narinig na tanong.
"Girlfriend mo ba 'yan si Ganda?" pag-uulit ng ale.
Napatingin siya kay Delilah na natulala din sa pag-uusisa ng babae. Ilang sandali rin silang nagtitigan dahil pareho nilang hindi alam ang isasagot. Nag-alangan siya na magsalita kaagad dahil sa unibersidad na pinapasukan ng dalaga, alam ng nakararami na magnobyo nga sila. Hindi siya sigurado kung nararapat ba na maging sa labas, ipagpapatuloy pa rin ang pagpapanggap.
Bumulong siya malapit sa tainga ni Delilah upang humingi ng permiso sa isasagot.
"Anong sasabihin ko?" may tono ng paglalambing niyang tinanong, kasabay ng matamis na ngiti. "Isasagot ko ba, boyfriend mo nga ako?"
"Hmmm," mahinang sinambit ni Delilah. Siya rin ay nagdalawang-isip na pumayag dahil kahit gustong-gusto niya pa, ayaw naman niyang magmukhang naghahabol o feelingera lalo na at siya rin ay dudang-duda sa s*kswalidad nito. Umiiwas siyang mapahiya rin kaya pinaubaya na lang niya kay Spartan ang isasagot. "Ikaw, kung gusto mong i-extend ang pagpapanggap natin sa school na magnobyo, pwede naman tayong um-acting pa!"
Bahagyang napasimangot si Spartan sa naging tugon ng kasama. Inakala pa naman niya na sasagot ito ng "oo" kaagad pero taliwas sa inaasahan, napag-alaman pa niyang acting lang pala ang pagiging sweet and caring ni Delilah sa kanya.
"Pag-arte lang pala ang lahat," malungkot na napagtanto pa niya.
"Oo nga naman, nagkukunwari lang nga kami. Nadadala lang siguro ako masyado..."
"Huy, magjowa ba kayong dalawa?" may pagkayamot na pag-uulit ng tsismosang tindera sa katanungan niya habang tinatadtad ang buntot ng bangus. "Ang bagal naman sumagot! Kayo talaga e! In denial pa! Hmph!"
"A.. e...secret po," ang tanging naging tugon na lang niya sa babae.
"Sayang naman, ayaw pang mag-aminan ng feelings e!" panenermon pa ng ale habang binabanlawan ang mga bangus sa palanggana. "Life is short, 'di ba? Bakit hindi niyo pa aminin ang nararamdaman niyo sa isa't isa bago pa mahuli ang lahat? Kayo rin, kapag nawala 'yun isa, iyak pa more!"
"OK na po ba 'yan isda?" pag-iiba na ni Spartan sa usapan sapagkat napansin na niyang nagiging aligaga na si Delilah sa mga sinasabi ng babae. "Baka sumobrang linis na. Ako na lang po ang magbabanlaw sa bahay."
Pailing-iling na binalot ng babae ang mga bangus pero imbis na iabot sa suki, kay Delilah niya ito ibinigay. Bago pa man niya ito pinaalis, pinagbilinan pa niyang huwag nang pakakawalan pa ang kasamang lalaki.
"Kapag nagtu-twinkle ang eyes mo sa bawat araw na nakikita mo siya, he's the one!" sinabi ng tindera na mas kilala sa kabilang mundo bilang si Miss Elf, isa palang Love Fairy. Kasabay ng pilyang pagkindat, mas kinantyawan pa niya ito. "Iba ang tingin niya sa 'yo ni boylet, girl! May something!"
Nang dahil sa hiya, napabitiw tuloy si Delilah sa pagkakahawak sa kaibigan kaya napatawa ang tindera na wala silang kaalam-alam na isa palang magandang diwata na nagpapanggap lamang na may edad na babae. Mahilig itong makiusyoso sa mga mortal at hobby pa ang mag-love match ng mga suking tumatangkilik sa nga panindang isda.
"Sige na. Next week, sa akin kayo mamili ulit, ha! Bibigyan ko kayo ng discount!" pagpapaalam na niya sa kinatutuwaang mga tao.
Habang naglalakad sila sa mga pwesto ng gulay, kaagad na napansin ng dalaga ang
biglaang pananahimik ng katabi. Kanina lamang ay masaya ito pero napaghalata niyang tila ba naging malungkot ang aura nito.
"Uy, bakit parang nanamlay ka?" pagtatanong na niya.
"Hindi naman," pagtanggi ni Spartan sa pagpuna nito, kahit na aminadong nagtatampo dahil sa inaakalang pagkukunwari lang ni Delilah na sweet sa kanya. Asang-asa siya na kahit papaano, totoo iyon kaya masama ang loob niya nang marinig na "um-acting" lang pala sila. Ganoon man ang nararamdaman, hindi naman niya magawang magalit o magdamdam nang matagal. Pilit man ay ngumiti na siya upang hindi na mabahala pa ang kasama. "Medyo mainit lang kaya siguro nagkakaganito ako. Alam mo na, mood swings."
"Aww, gusto mo na bang umuwi? Mag-take out na lang tayo ng pagkain kaysa naman mapagod ka pa sa pamamalengke," suhestiyon na lang ni Delilah upang hindi na sana mahirapan ang inaalala. "Tara, next time na lang tayo mamalengke!"
"Gulay na lang naman ang kulang. Plano ko sana kayong ipangluto ng paksiw na bangus kasi nagustuhan ng parents at ate mo noong nakaraang linggo," tugon niya habang namimili ng talong, ampalaya at luya.
"Masarap nga 'yun!" pagpuri nito sa nilutong ulam. "I-reserve mo sa akin yun tiyan na mataba ha! Inaagawan ako palagi ni Ate Barbarella e. Dati, kinain niya lahat ng belly parts kaya nagtiyaga tuloy ako sa buntot!"
"Hindi ko alam 'yun, a. Sige, sa susunod, ipangtatabi na kita," pangako niya upang matuwa naman ang pinagsisilbihan. Batid niya na may katakawan nga ang ate ni Delilah kaya paniguradong naaagawan nga ng masasarap na pagkain.
Nang matapos mamili, nagpaalam munang magbanyo si Spartan dahil naiihi na siya. Pinauna na niyang sumakay sa kotse si Delilah upang maging kumportable na ito at hindi na mainitan pa.
"Sandali lang, ha? Mag-CR lang ako. Ihing-ihi na kasi itong jingle bells ko!"
"Sige lang, umihi ka muna. Hintayin lang kita rito sa kotse."
Halos patakbo siyang nagtungo sa palikuran ng palengke. Nasa may bungad pa lang ay tila ba natigilan siya dahil sa kakaibang atmospera na nasa paligid. Nag-aalangan man na pumasok, puno na talaga ang pantog niya kaya nagpasya na siyang tumuloy dahil kailangan na niyang maglabas. Ayaw naman niyang umihi sa mga pader o likod ng mga puno kaya kahit creepy man ang lugar, naglakas-loob na siya.
"Nakakakilabot naman," naisip pa niya habang nagmamadaling binubuksan ang zipper ng pantalon. Balita pa naman na may nagpaparamdam daw na white lady sa kubeta kaya namawis na siya nang malapot. Kung pwede lang sanang tiisin ang pag-ihi, gagawin niya dahil takot din siyang masilipan ng multo.
"Dyahe, baka makita niya ang ibong adarna ko! Pero bahala na. Siya naman ang magkakakuliti!"
Lumangitngit pa ang isa sa mga cubicle kaya mas nahintakutan siya. Pinikit niya ang mga mata at nag-concentrate na lang sa pag-ihi upang hindi na makita kung ano man ang kahindik-hindik na nilalang na naroon. Bigla-bigla ay isang malamig at mamasa-masang kamay ang tumapik sa balikat niya kaya napatili pa siya.
"Ay!" mala-sopranong napabulalas niya nang dahil sa pagkagulat.
"Kung saan-saan ka namin hinanap, dito ka lang pala namin makikita!" sinabi ng lalaking may baritonong boses na umalingawngaw pa sa kubeta at nakapagdulot ng pangingilabot sa buong pagkatao ni Spartan.
Umurong tuloy ang ihi niya nang dahil sa sindak. Muntikan pa niyang naipit ng zipper ang alaga sa madaliang pagsara ng pantalon. Mabuti na lamang at nailagan niya dahil kung hindi, sa emergency ng ospital siya madadala ng 'di oras ni Delilah. Pasalamat man na hindi nadisgrasya, ramdam niya ang pagkagasgas kaya paniguradong band-aid at betadine ang bibilhin niya mamaya.
"K-Kuya Aries?" hindi makapaniwalang nasambit niya. Hindi niya inaasahan na ang kinatatakutang kuya pala ang naroon kaya abot-langit ang kaba niya. "Anong ginagawa mo rito?"
"Ano pa? E 'di umebak!" pasinghal na sinagot nito sa kapatid.
"Huwag kang tumulala! Tulungan mo akong umigib kasi walang flush!" kasunod na inutos pa nito. "Anak ng kamatis! Bakit ba palaging walang flush ang mga inodoro sa palengke? Dapat talaga, maisabatas na bawal ang sirang flush! Tsk! Hassle!"
Dali-daling nagtungo si Spartan sa drum ng tubig habang patuloy na nagrereklamo ang kapatid. Gamit ang isang timba at tabo, kumuha siya ng maibubuhos sa inodorong ginawan ng milagro ng salbaheng kuya. Walang pagrereklamong binuhusan niya ang dumi na palutang-lutang sa bowl. Patawa-tawang pinagmasdan lang siya ng nakatatanda na nakagawiang utusan siya at pahirapan.
"OK na, Kuya. Aalis na po ako," pamamaalam na niya kasabay ng mabilisang pagtalikod.
"Hep-hep! Saan ka pupunta?" pagpigil nito kasabay ng paghila sa kwelyo ng kanyang t-shirt. "Ikaw talaga ang sadya ko rito sa Tuk-O. Pinauuwi ka na ni Tatay."
"Pinapauwi na niya ako?" Nagningning ang mga mata niya nang marinig ang sinabi nito. Inakala niya na nami-miss na siya ng ama kaya nais na siyang makita. Biglang naglaho ang pamamag-asa niya nang banggitin ni Aries ang tunay na dahilan kung bakit pinababalik na siya.
"Oo. Kulang kasi sa aswang hunters. Marami ang napapabalitang biktima ng mga halimaw kaya kailangan ang serbisyo mo," malamig na tugon nito na mas nakapagpalungkot sa bunsong kapatid.
"Kuya, alam niyo naman na ayaw ko talagang maging aswang hunter..."
"Wala kang magagawa. 'Yun ang misyon natin na mga Dimatinag."
"Pasensya na talaga pero hindi muna ako uuwi," pakikiusap na niya sa kuya. "Pakisabi na lang kay Itay, dadalaw ako sa susunod na buwan."
Nagpantig ang tainga ni Aries sa pagsuway ng nakababata sa nais ng ama. Nang dahil sa inis, mas napahigpit ang hawak niya sa kuwelyo nito at sapilitan na siyang pinalabas ng kubeta.
"Aray! Kuya, nasasaktan ako! Tama na po!" pagsusumamo niya pero tila ba walang narinig ang panganay. Pinagtulakan siya nito patungo sa tatlo pang nakatatanda na sina Hades, Nero at Cicero na nag-aabang na pala sa may bungad. Hinawakan nila siya sa magkabilaang mga braso kaya hindi na nakapalag pa.
Nagsilapitan na ang ilang mga tao at nakiusyoso sa komosyon. Akmang lalapit sana ang isang tanod pero napaurong ito nang makita ang nakakatakot at nagsisilakasang aura ng nakatatandang mga kapatid ni Spartan.
"Walang makikialam! Kapatid namin ito na pasaway!" pagbibigay ng babala ni Aries.
"Mga kuya, may kasama ako! Wait lang, hindi ko siya pwedeng iwanan!" pagsusumamo pa rin niya habang halos kaladkarin na nila siya sa lupa. "Sandali, magtatampo iyon kapag hindi ko nabalikan!"
"Wala kaming pakialam! Iuuwi ka na namin sa ayaw mo man o gusto!" pagmamatigas pa rin ng mga kadugo.
"'Hindi na tama ito!" mariin na pagkontra na niya habang nagpupumiglas. "Sumusobra na kayo! Hanggang dito ba naman, guguluhin niyo pa rin ako?"
"Lumalaban ka na, a!" pinagsabihan na siya ng pangalawa sa nakatatandang si Hades, kasabay ng pagduro sa kanya. "Ano bang ipinagmamalaki mo?"
Mula sa kotse, napalingon na si Delilah sa gawi nila nang marinig ang pagkakagulo na para bang may nag-aaway. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang tinutulak-tulak ng apat na mga lalaki si Spartan. Nadapa pa ito nang mapalakas ang paghatak nila kaya halos magdilim ang paningin niya sa nasaksihan.
"Mga hinayup*k!" naghuhurimintadong tinuran niya sa mga nang-aapi sa kaibigan.
Nakakuyom ang mga kamao at dali-dali siyang nagtungo sa kinaroroonan nila. Pinagsiksikan niya ang sarili sa mga nag-uusyoso, maipagtanggol lamang si Spartan. Hinubad niya ang suot na gomang tsinelas at pinaghahampas sina Aries. Nagsisilakihan man ang katawan ng mga kinakalaban, wala siyang pakialam basta't mailigtas ang lalaking minamahal.
"Hoy! Bitiwan niyo ang boyfriend ko! Mga balasubas! Pakawalan niyo siya!" sinigaw niya sa mga nagtatangkaran at maskuladong mga lalaki na napapaaray na sa lakas ng pamamalo niya.
"B-Boyfriend?" hindi makapaniwalang inulit ni Spartan habang unti-unting bumibilis ang t***k ng kanyang puso. Kani-kanina lamang ay akala niya na umaarte lang si Delilah sa pagiging maalalahanin nito sa kanya pero sa nakikita niya ngayon, totoo na yata ang concern na pinapakita nito sa kanya.
"Boyfriend! Bingi ka ba? Rinig mo nga, 'di ba?" pinagalitan pa siya ng sariling isipan dahil tila ba hindi pa rin nito na-gets ang nasagap ng mga tainga. Ilang sandali lang ay nag-celebrate at nagsitalunan ang brain cells niya nang dahil sa deklarasyon ni Delilah sa harap pa ng mga kapatid at pamilihang bayan ng Tuk-O.
"'Luh! Kalurkey!" wala sa wisyong napabulalas niya habang magkabilaang nakahawak sa namumulang mga pisngi.
"Kinilig akech!"