Chapter 15: Confirmed!

2377 Words
Natulala ang apat na magkakapatid, sa ginawang deklarasyon ni Delilah sa buong pamilihan ng Tuk-O na boyfriend nga si Spartan. Nakaawang pa rin ang labi naman ng binata at nagningning pa ang mga mata nang dahil sa narinig. Kung hindi lang mali ang timing, malamang ay nayakap na niya at nabuhat sa ere ang dalaga. Nag-alangan lang siyang gawin iyon dahil baka siya naman ang pagpapaluin ng tsinelas dahil batid niya na mainit nga ang ulo nito. Nang dahil sa pagka-shookt nina Aries, nabitiwan na tuloy nila ang bunsong kapatid na dali-daling tumakbo naman at nagtago sa likod ni Delilah. "Besh, sabi na nga ba hindi mo ako matitiis!" tuwang-tuwa na pahayag pa niya habang kumekendeng-kendeng nang dahil sa excitement. "Grabehan na itech! 'Di ako makapaniwala sa narinig ko na boyfriend mo ako! I'm so touched! I'm so happyyy! Ayieee!" "Che! Manahimik ka nga!" iritadong pinatigil muna niya sa kakadaldal ang malamyang si Spartan na kinikilig lang naman sa deklarasyon niya kanina lamang. "Bakit kasi hinahayaan mo na binu-bully ka ng mga mokong na ito? Dapat kasi, alam mo rin kung papaano dedepensahan ang sarili mo! Kailan ka pa matututo? Kapag end of the world na?" "Sorry na, huwag ka nang magalit. Ikaw naman, o! Hot kaagad!" panunuyo naman niya sa naghuhurimintadong kausap. Hinawakan pa niya ito sa mga balikat at marahan na hinahod-hagod pa ang mga iyon upang kumalma na at huwag na siyang kagalitan pa. "Sa katunayan e tinatangay nga nila ako. Pero kumontra ako kaagad kasi gusto talaga kitang balikan. Hindi talaga ako makakapayag na malayo sa iyo..." Nagulat silang dalawa nang sabay-sabay na humalakhak ang apat na magkakapatid. "Sigurado ka ba na boyfriend mo 'yan? Huwag ka nang umasa sa multong bakla na yan!" tawang-tawa na pahayag ni Nero. "Hindi mo ba alam, taga-makeup ng mga patay 'yan! Sa sobrang galing niya, nagmumukha silang fresh! Hahaha!" "Excuse me? Anong problema sa bakla? Atsaka, anong masama sa pagme-makeup ng patay?" nagpantig ang taingang pagdepensa niya sa panlalait ng mga lalaki kay Spartan. "Kung makapagsalita kayo, parang 'perfect men' kayo, a! E sa katunayan, mas mukha pa siyang matino kaysa sa inyo! Mas OK pa na bakla ang makatuluyan ko kaysa naman sa mukhang macho, pero manloloko naman!" "Wala maman problema, Miss," tugon ni Nero sa pagsusuplada ni Delilah. "Kaya lang, baka pagsisihan mo ang pagpatol diyan. Concerned lang naman kami para sa iyo!" "Walang sisihan kung paggising mo, malaman mo na nakipagtanan na 'yan sa kapwa lalaki!" pabirong binigyan pa siya ng babala ni Hades. "Mas kilala namin 'yan, maniwala ka!" panunulsol pa ni Cicero. "Sa bagay, mukha ka naman tibo kaya siguro, bagay naman nga kayo! Ikaw ang mag-iigib ng tubig at magsisibak ng kahoy! Hahaha!" "Tama na, mga kuya. Huwag niyo naman pagkatuwaan si Delilah," pagtatanggol na ni Spartan sa kaibigan na namumula na ang pisngi nang dahil sa inis. Inakbayan na niya ito at inamo upang hindi tuluyang mapikon sa mga sinasabi ng mga kadugo. "Huwag mo na silang pansinin, Besh. Mabiro lang talaga sila." "Mukhang hindi sila nagbibiro! Hahambalusin ko ang mga ito e!" Akmang susugurin pa sana niya ang mga nang-aasar sa kanila pero inawat na siya ni Spartan. Niyapos na siya nito upang hindi na makaabante pa at hamunin ng batuhan ng tsinelas ang mga kapatid. "Tahan na, Besh..." "E nakakainis e! Pino-provoke ako! Minamaliit nila ang pagiging bakla mo!" Nakailang beses na lumunok nang malapot ang binata dahil sa paulit-ulit na pagsambit ni Delilah na "bakla" siya. Unti-unti na niyang nari-realize na sa tagal pala nilang magkasama, akala pala talaga ng kaibigan ay beki siya. Tunay naman na kakaiba nga siyang kumilos dahil nga lumaki sa piling ng tita at pinsang mga babae, kasama rin ng mga kaibigan nilang binabae. Marahil, naisip niya, nahawa siya sa pamamaraan ng pagkilos nila at pananalita sa tagal nilang magkakasama. Musmos pa kasi ay sila na ang nakakasalamuha at sinasama pa sa mga beauty pageant upang mag-assist sa mga pinsang babae. Doon ay natuto siyang mag-ayos at mag-makeup at 'di kalaunan, nakahiligan na niya iyon. Kakatwa man ang mga trip niya sa buhay, alam niya sa sarili na straight pa rin. Sa katunayan ay mas gentleman nga siya kumpara sa iba dahil makunsiderasyon siya sa mga babae at alam ang kanyang limits bilang lalaki. "Thank you sa pagdepensa mo sa akin," pasasalamat na niya na may pahabol na klaripikasyon. "Pero, inform ko lang, ha. Lalaki ako..." "Lalaki ka nga, lalakwe!" nakataas ang isang kilay na sinambit ng dalaga. "No worries, tanggap naman kita, kahit hindi ka man straight." "Ang ibig sabihin k-" "Shhh, 'di mo na kailangang mag-explain. Boyfriend kita, maging sino ka man...maging beki ka man!" "Hindi nga ako beklash!" may pagkainis at desperasyon na kinumpirma pa rin niya kasabay ng pagkamot ng ulo. Mas lalong lumakas ang halakhak ng mga kapatid sa pagtanggi niya sa paratang na isa siyang beki. Malaki ang respeto niya sa miyembro ng mga LGBT pero kapag pinagdudahan sa p*********i niya sa harap pa mismo ni Delilah, hindi niya maiwasang makaramdam ng awkwardness. Na-insecure pa siya lalo dahil mas mukhang tigasin na nga ang dalaga kaysa sa kanya, aasarin pa nang lantaran ng mga kapatid. "Lalaki ako, OK? Straight ako! Four years old pa lang ako, crush ko na si Darna!" "Weh? 'Di nga?" halos sabay-sabay na kinumpirma pa ng mga nakatatandang kapatid, kasama na rin si Delilah. "Bakit kasi ayaw niyong maniwala? Kalurkey kayo! Kung maka-assume, dinaig pa ang mga marites!" "In denial ka pa!" tawang-tawa na tinuran ni Aries sa bunsong kapatid. "E alam ng buong bayan ng Cuh-Piz na isa ka ngang Barbita! Huwag mo nang lokohin pa si Miss Ganda!" Muli ay napahagalpak sila ng tawa dahil sa naiisip na kakatwang relasyon ng dalawa. Sa tingin nila, paniguradong ang dalaga ang magiging astig at palaban sa dalawa samantalang si Spartan ay kasing-amo naman ng tupa at baka naka-daster pa sa bahay habang pakendeng-kendeng. "Pasensya na, Miss. Pinagsasabihan ka lang namin kasi ayaw ka naming mapariwara sa kapatid namin na beki!" "H-Ha? Mga kapatid niya kayo?" may pagkagulat na napabulalas ni Delilah. Hindi talaga niya inaasahan na ang mga nakabangga pala ay kapamilya ng pinagtatanggol. "Oo," pagkumpira ni Aries. "Ayaw man namin pero kapatid talaga namin 'yan!" "Ay! Naku, mawalang-galang na po," paghingi kaagad niya ng paumanhin sa mga kuya ni Spartan. Binaba na niya ang hawak na tsinelas at isinuot muli. Kung kanina ay gigil na gigil siyang paluin ang mga iyon, ngayon ay sinikap na niyang magpakahinahon upang makapagpaliwanag nang maayos. "Ang sa akin lang naman po e huwag niyo naman sanang i-judge si little brother niyo. Ang bait-bait kaya niyan! Napakaresponsable at masipag kaya talagang kinatutuwaan ko. Hindi siya mahirap mahalin, sa totoo lang!" Halos maiyak sa tuwa si Spartan sa narinig na pagdepensa ni Delilah sa kanya. Sa paningin tuloy niya ay dinaig pa ni Darna at Wonderwoman ang pagiging superhero nito. Para sa kanya, nadagdagan to the highest power ang ganda points ng dalaga. "Gusto ko ang ugali ng babaeng ito, matapang!" paghanga na ni Aries sa inaakalang girlfriend nga ng bunsong kapatid. Napangisi pa siya habang sinisipat ang kaharap mula ulo hanggang paa. Natuwa rin siya na nagkamali sa pagdududa sa tunay na gender preference ni Spartan kaya posibleng magkaasawa at magkaanak pa. Nais niya rin iyon upang dumami pa ang lahi ng mga Dimatinag na sumusugpo sa mga aswang. "Bagay na bagay ka sa kapatid namin na malamya at matatakutin." "Pero, siguro alam mo na aswang hunter ang pamilya namin? Kahit kailan, maari siyang ipatawag kapag kinakailangan. Sana, maintindihan mo na hindi mo siya makakasama sa lahat ng ora-". "K-Kuya," pagpigil na ni Spartan sa susunod pa sanang sasabihin ng nakatatanda. Marahan niyang hinatak ang mga kapatid kung saan hindi sila maririnig ni Delilah at ng mga nakikiusyosong mamimili sa palengke. "Sandali lang, Besh, may family matters lang," pagpapaalam muna niya sa kaibigan na nagtataka sa biglaang pag-iwas nito sa usapan patungkol sa mga aswang. "Ayaw kong madawit si Delilah sa pagiging aswang hunter natin," pakikiusap niya sa mga kuya na napaniwala nga na tunay na magkasintahan sina Spartan at Delilah. "Pwede bang ilabas natin siya rito?" "Kung mapapangasawa mo siya, dapat handa na siya," pagkaklaro ni Aries. "Dapat maintindihan niya ang uri ng pamumuhay natin." Napagtanto ni Spartan na kung sakali man na gustuhin nga siya ni Delilah at maging tunay na boyfriend, ayaw niyang madamay pa ito sa mga misyon at posibleng magdelikado pa ang sitwasyon. Gusto lang niya ng normal na buhay kung saan pagsisilbihan niya ito at maligaya silang magkasama, malayo sa bayolente at magulong mundo ng pagiging aswang hunter. "Hindi na ako magiging hunter, Kuya," pagdedesisyon na niya. Nagtinginan ang mga nakatatanda sa kanya na tila ba hindi makapaniwala sa narinig. Hindi nila aakalaing kayang bitawan ng bunso ang misyon para lang sa isang babae na ngayon nga lang nila nakita. Maya't maya ay uminit na ang ulo ni Aries at pinagalitan na naman ang bunso. "Ang tigas talaga ng ulo mo! Ipagpapalit mo kami na kadugo mo sa isang babae na ilang buwan mo pa lang nakakasama?" "Hindi naman po sa ganoon," mahinahon na pagpapaliwanag niya upang hindi na siya mas kagalitan pa. "Sana, maintindihan niyo rin na hindi ito ang gusto kong buhay. Palayain niyo na ako sa pagiging hunter...please po..." "Mamili ka, si Delilah o kami nina Itay?" may tono ng pagbabantang tinuran siya ng kuya. "Sa oras na piliin mo siya, wala ka ng pamilya!" "K-Kuya...." nangingilid ang luhang pagsusumamo niya. Humawak pa siya sa braso ng kapatid upang makiusap. Umasa siya na kahit hindi maayos ang pagtraro sa kanya ng mga kapamilya, lalambot pa rin ang puso nila at pagbibigyan. "Walang ganyanan..." "Mamili ka!" nagmamatigas na pag-uulit ni Aries. Hinatak niya palayo ang braso at itinulak pa palayo ang nakababatang nakakapit sa kanya. Tuluyan nang tumulo ang luha sa mga mata ni Spartan. Bumalik sa alaala niya noong musmos pa at pinaalaga siya ng mga magulang sa kapatid ng ina na si Cleopatra. Lumipas ang mga taon na hindi man lang nila siya dinalaw, sa kadahilanang abala raw sila sa bukid at paglaban sa mga aswang. Nakakausap lang niya sila kapag natatawagan sa cellphone pero kadalasan, hirap din siyang maka-connect sa kanila dahil mahina ang signal sa lugar at iniipon pa niya ang load upang makatawag. Nang tumuntong ng ikalabing-apat na taon niya, binalikan siya ng mga ito upang iuwi na. Tuwang-tuwa pa siya na makita muli ang tunay na pamilya sapagkat sa isip niya, mahal naman pala siya ng mga ito at hindi pinabayaan. Sa pag-aakalang magiging one happy family sila, walang pagdadalawang-isip na sumama siya kahit pa iniiyakan pa siya ng butihing tiyahin, maging ng mga pinsang babae na tinuring na siyang tunay na kapatid. Iyon pala, kaya lang siya binawi sa tita ay upang i-train din na maging hunter. Tiniis niya ang pagsasanay at masamang pakikitungo nila sa pamamag-asang mamahalin siya ng mga magulang at kapatid. Subalit, habang mas tumatagal, puro insulto at pangmamaliit sa pagkatao niya ang narinig. Dinadaan na lang niya sa pagtawa at pagbibiro ang mga sinasabi nila pero ang totoo ay nasasaktan na siya. "Ayaw ko sanang umabot sa ganito. Mahal ko rin po kayo kaya huwag niyo sana akong papiliin. Siya kasi ang nagparamdam sa akin na may halaga ako at tinanggap niya ako na walang panghuhusga..." Buo sa loob na nagdesisyon siya na sa pagkakataong ito, hindi na niya iiwanan ang mga taong pinahahalagahan siya. Gagawin niya rin ito dahil sa tingin niya, karapat-dapat na ituon ang atensyon kay Delilah na ramdam niya ang sinseridad sa pag-appreciate, kahit pa sa maliliit na bagay na ginagawa niya, katulad na lang ng pagluluto niya ng mga ulam. Kapag pinuri na siya at nginitian nito, nakakalimutan na niya ang mga bagay na salat siya at lubos na nagpapasalamat pa siya sa Diyos dahil binigyan siya ng butihing babae na higit na sa kaibigan ang pagtingin niya ngayon. "Patawad sa inyo pero hindi ko kayang iwanan si Delilah," pahayag niya ng walang pag-aalinlangan. Natigilan ang nakatatandang mga kapatid at hindi na nakakibo pa. Pansamantala nila siyang tinitigan at naghintay kung babawiin pa ang mga sinabi. Nang mapagtantong hindi na magbabago ang isipan nito, tinalikuran na nila siya at tuluyang iniwan. Hindi na nagawang ihatid pa ng tingin ni Spartan ang mga kadugo habang palayo nang palayo sa kanto. Nakatungong pinigil niya ang sarili na tumangis dahil pakiramdam niya ay itinakwil na nga siya ng buong pamilya. Ganoon pa man ay wala siyang pagsisisi dahil para sa kanya, tama ang naging desisyon. Dali-daling lumapit si Delilah nang mapansing nilisan na nga ng mga kapatid si Spartan. Nais pa sana niyang habulin ang mga iyon upang ayain sanang manatili muna sa mansyon nila at magpahinga. "Bakit umalis na sila? Akala ko pa naman, maisasama natin sa bahay para makapagmiryenda. Ipapahanda ko na rin yun guest's room para kahit overnight mun-." Napahinto siya sa pagsasalita nang mapansing tuliro at malungkot ang kausap at pinupunasan pa ang mukha gamit ang t-shirt. "Bakit?" pag-uusisa niya. "W-Wala ito," tugon ng binata habang sinisikap na kumalma. "Uy, OK ka lang ba? Bakit ka lumuluha?" pag-aalala pa rin niya. Hinawakan na niya ang mga pisngi ng kaibigan at pinahid ang mga luhang kusa pa rin na dumadaloy. "Inaway ka ba nila?" "A-Ano...hindi naman," nauutal na pagdadahilan na lang niya upang hindi magmukhang masama ang mga kapatid at hindi na rin mabahala si Delilah. "Pinababalik na nila sana ako sa Cuh-Piz. Sinusundo lang naman nila ako, pero tumanggi na akong sumama. Ayaw ko na munang umuwi..." "Hmmm, masaya ako na kasama kita pero, hindi naman kaya urgent? Baka naman emergency kaya sinusundo ka. Sigurado ka ba na hindi mo na sila sasamahan? Pwede ka naman magbakasyon muna. Ipahatid ko na lang kaya kayo sa Cuh-Piz?" Nagtaka siya nang hindi na ito sumagot pa at marahan siyang hinawakan sa kamay. Isang matamis na ngiti lamang ang naging tugon nito sa pag-uusisa niya. "Sigurado ka bang hindi sasama sa mga kuya mo?" pangungulit pa rin niya subalit nanatiling tahimik lamang ang kaharap. Umiling na ito, kasabay ng marahan na paghaplos sa mahaba at kulot niyang buhok. "Sigurado ako," tahimik na tugon ni Spartan, gamit ang isipan habang nakatitig sa mapupungay na mga mata ni Delilah na noon pa man ay nakabighani na sa puso niyang singlambot ng mamon. "Kasi, mahal kita..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD