Mag-a-alas nuebe na ng umaga nang bumangon si Delilah. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, mabigat ang pakiramdam ng kanyang katawan. Kung dati ay nauunahan pa niyang gumising ang mga kapamilya, ngayon ay nais pa sana siyang bumalik sa kama at matulog buong araw.
Ganoon pa man ay pinilit na niyang tumayo at ayusin ang sarili. Nais sana niyang maabutan ang nanay, tatay at ate na mag-almusal pero dismayado siyang malaman na nakaalis na pala sila para um-attend ng business meetings. Sabado man ay nagtatrabaho pa rin sila kaya kadalasan, naiiwan na mag-isa si Delilah, kasama ang mga kasambahay.
Malungkot na naglakad na lang siya patungo sa kusina. Naabutan niya si Spartan na naghuhugas na ng mga platong pinagkanan ng mga amo. Papalapit pa lang ay masayang pagbati na at matamis na ngiti ang natanggap mula rito kaya nakalimutan na niya ang lungkot na naiwan na naman ng pamilya sa bahay. Sa pagkakataong ito, alam niya na hindi na siya nag-iisa at may maaasahang kaibigan.
"Gising na pala si ganda gurl!"
deklarasyon nito kaya kahit medyo masama ang pakiramdam, napangiti na siya.
"Anong almusal?" malambing na pagtatanong naman niya. Binuksan niya ang bintana upang pumasok ang sariwang hangin at pagkatapos ay umupo malapit roon.
"Ikaw, ano bang gusto mo?" pagbabalik ni Spartan ng tanong. Imbis na sumagot ay nanatiling tahimik si Delilah na tila ba nakatanaw sa malayo. Matamlay na sinundan lang ng mga mata nito ang mga paru-parong nagsisiliparan sa may hardin.
Hininto muna niya ang paglilinis ng mga pinggan at lumapit sa kausap na kanina pa niya napapansing tulala at walang sigla. Umupo siya sa tabi nito at marahang sinalat ang noo upang suriin kung maysakit.
"Uy! Anong ginagawa mo?" nagulantang na pag-uusisa ng dalaga sa biglaang paghawak sa kanyang ulo. Nag-blush pa siya nang medyo napalapit pa ang mukha nito habang pinagmamasdan siya.
"May sinat ka, Besh," may pag-aalalang sinambit ng kaharap.
"Sinat?" hindi makapaniwalang napabulalas nito kasabay rin ng pagkapa sa sarili. "Hala! Oo nga!"
"Gusto mo, gawan kita ng champorado?" Pagkatapos, inom ka na ng gamot."
"Hindi naman malala ito. Sa totoo nga, gutom na gutom nga ako e. Gusto ko sana, fried rice at ulam. Sarapan mo, ha!"
"'Yun lang pala," nakangiting tugon nito sa request niya. Dahan-dahan nitong hinawi palayo sa mukha ni Delilah ang ilang hibla ng buhok na humaharang sa mata nito. Lihim na natuwa ang dalaga sa aruga nito kaya napapikit na lang siya habang dinarama ang paghaplos sa mahaba niyang buhok. Tila ba isa siyang musmos na kulang sa kalinga kaya tunay na ina-appreciate niya ang presensya ni Spartan.
"Naubos nila 'yun almusal kanina. Ipanghahanda na lang kita ulit. Ano bang gusto mong ulam? Eggplant omellete with bacon bits hotdog, sausage, o tocino? Sa drinks naman may coffee, milk, tea, or-"
"Ikaw..." wala sa wisyong sinambit nito habang nakapikit pa rin. Napadila pa ito ng labi na tila ba nang-aakit kaya maging si Spartan ay naguluhan sa sagot nito.
"Ako?" hindi makapaniwalang napabulalas niya kasabay ng pagturo sa sarili. "Ikaw ha! Sabi na nga ba, type mo talaga ako! Pero sorry girl, hindi pa ako ready na magpakain! Hahaha!"
"Ay! A-Ano, ang ibig sabihin ko, ikaw ang bahala!" pagbawi ni Delilah sa nasabi kanina lamang. Napamulat tuloy at nanlaki ang mga mata niya dahil sa nabitiwang mga salita. Siya rin ay nabigla sa sinagot at kung maaari lamang na maglaho sa paningin ng kausap, ginawa na niya.
"Feelingero ka naman e! Tsk!" panunuplada na lang niya. Padabog na tinalikuran niya si Spartan at ibinaling ang pansin sa dalang cellphone.
"Akala ko pa naman, sa sobrang gutom mo, nagmumukha na akong malaking tortang talong at hotdog!"
"Siguro, gutom nga lang ito kaya anu-ano na ang nasasabi ko. Basta, ikaw na ang bahalang magluto para sa akin," nakapangalumbabang sinabi na lang niya upang tigilan na siyang biruin ni Spartan.
"Ano bang pinagsasabi mo, Delilah!" pinagalitan pa niya ang sarili. "Eeew! Dyahe!"
Napakamot na lang ng ulo ang binata nang mapansin na medyo napipikon na ang kausap. Wala naman sa kanya ang biro at nais lang sanang patawanin ang kaibigan sapagkat napansin niya na matamlay nga ito.
"Sandali lang ha, gagawan kita ng omelette at fried rice. Mabilis lang ito," pagpapaalam muna niya.
Sinundan lang ng tingin ni Delilah si Spartan habang naglalakad ito patungo sa lutuan. Hinanda nito ang mga kawali at mga sangkap upang magsangag ng kanin at magprito ng ulam.
Habang pinagmamasdan ang kaibigan na abalang naghahanda ng almusal, hindi niya maiwasang mas mapahanga sa personalidad nito na maaruga na, umaapaw pa sa lambing. Sa lahat ng lalaking nakita, tanging si Spartan lamang ang nakapagparamdam sa kanya ng tender loving care. Palagi kasing abala sa trabaho ang ama at aminadong kulang din sa pansin kaya marahil, hinahanap-hanap niya sa lalaki ang ganitong klase ng pag-aalaga.
Wala sa wisyong tumayo at lumapit siya rito. Walang anu-ano ay yumakap siya sa baywang nito at isinandal pa ang pinsgi sa likod ng binata.
"Ano 'yan ha?" humahagikgik na tinuran siya nito kasabay ng paghaplos sa kamay ng nakayapos. "Iba yata gising mo, a! Lambing yarn? I like! Hahaha!"
"May itatanong lang ako," namumula ang mga pisnging sinimulan na ni Delilah ang pag-uusisa. Ilang araw na niya itong naiisip pero nag-aalangan lamang na magtapat dahil duda nga siya noong una sa gender preference ng kasama at baka isiping liberated pa kapag unang nagsabi na may gusto nga.
"Huwag mo akong pagtatawanan, ha!" paniniguro pa niya bago ipahayag ang tunay na nararamdaman.
"Sige lang, Besh."
"Hmmm...gugustuhin mo ba akong... maging girlfriend?" pahinto-hinto na pagtatanong niya. Nang dahil sa hiya ay halos ibaon na niya ang mukha sa likod ng kinakausap.
"Ngi!" hiyaw ng kanyang isipan. "Lagot! Baka akala niya, naghahabol ako samantalang kababae kong tao!"
"Delilah," masuyong pagtawag nito na ikinagulat niya. Mas nasurpresa pa siya nang dahan-dahan itong humarap at hinawakan ang kanyang mga palad.
"Iniisip ko rin 'yan..."
"A-Ano?" nauutal na sinambit niya. "Iniisip mo rin ang iniisip ko? Wow! Psychic ka pala!"
Pigil sa pagtawa na umiling si Spartan. Siya rin ay kabado na rin sa nais sabihin kahit aminadong may pagtingin nga kay Delilah. Nag-aalangan lang din siyang umamin dahil sa estado nito sa buhay na 'di hamak na mas mataas kumpara sa kanya. Halos kapantay ng langit ang kayamanan ng pamilyang Catacutan pero ganoon pa man, naglakas-loob na siyang magtapat. Nagdesisyon siya na kung hindi man niya mapapantayan ang yaman ni Delilah, bubusugin naman niya ito sa pag-ibig at aruga.
"Kung maaari sana, pwede bang manligaw?" may bakas ng nerbiyos na tinanong niya sa dalaga. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib sapagkat unang pagkakataon na manunuyo siya para sa puso ng isang babae. Sa totoo lang, hindi niya talaga alam ang gagawin kaya nangangapa siya sa bawat sasabihin. Kahit nanghihina man ang tuhod nang dahil sa kaba, sinikap pa rin niyang huwag magpahalata at panindigan ang sinabi.
"H-Ha?" muntikan pang masamid na napabulalas ng babaeng sinusuyo kasabay ng magkakasunod na kurap ng mga mata.
"Kung pwede sana, totohanin na lang natin, kaysa naman panggap pa more? Napag-isip-isip ko rin kasi na noon pa man, kahit na noong nasa elementary at magkaklase pa tayo, happy naman tayo, 'di ba? Kahit ngayon, masaya akong kasama ka."
"J-Jusme! T-Tama ka! Compatible nga tayo!" nangingilid ang tears of joy na pagsang-ayon naman ng dalaga. "Baka, destiny nga ang naglapit sa atin!"
"Itutuloy ko ang pag-aaral upang makatapos sa kolehiyo para naman kahit kaunti, makalapit ako sa level mo at para rin hindi masabi nina Ma'am Medusa na habol ko ang kayamanan niyo," pagbabahagi ni Spartan sa mga plano niya habang mataimtim na nakatitig sa mga mata ng minamahal. "Kaunti na lang naman, ga-graduate na rin ako. Pagkatapos, magtatrabaho ako nang maayos para kaya kong ibigay ang mga pangangailangan mo. Pangako ko sa iyo na hindi ako magiging pabigat at aalagaan kita."
Napanganga si Delilah sa pagtatapat nito. Ilang sandali rin siyang natulala dahil ibang-iba ang aura ng kaharap niya ngayon at advanced pang mag-isip sa future nila. Tila ba wala rin itong bahid ng kalamyaan at parang lalaking-lalaki pa kung makapagsalita kaya hindi niya maiwasang magduda.
"S-Spartan Dimatinag...OMG! I-Ikaw ba 'yang nagsasalita?" paniniguro pa niya sa pag-aakalang may sanib ang kaibigan o kaya naman ay na-abduct ito ng aliens at dummy na lang ang kaharap. Kunurot pa niya ang pinsgi nito upang masiguradong tao nga ang kausap.
"Oo. Ako nga, Besh," pagkumpirma naman nito. "Ninenerbiyos ako, sa totoo lang. Daig ko pa ang uminom ng isang timba ng kapeng barako sa palpitations kaya pumayag ka na, please lang. Loves na loves naman kita e. Ikaw ba, 'di mo ako loves?"
Napatakip na siya sa bibig nang dahil sa pagkabigla. Hindi niya inasahan na pareho pala sila ng nararamdaman ng lalaking inaasam. Sa katunayan ay wala siyang pakialam sa estado sa buhay nito. Ang importante ay mabuti itong tao at hindi nga hangad ang kayamanan niya. Napatunayan din niya na masikap nga ito sa trabaho at hindi malayong umasenso sa buhay. Kahit may kalamyaan man at makailang beses na napagkakamalang binabae, para sa kanya, ideal man at husband material nga talaga ang binata.
"Pwede ko bang pag-isipan muna sandali kung OK magpaligaw?" pagpapakipot muna niya kahit kaunti na lang ay bibigay na siya sa paglalambing nito. "Alam mo naman, bata pa tayo. Nineteen pa lang tayo kaya baka puppy love lang!"
"Oo naman. Hindi kita binibigla. Take your time," pagpayag naman nito sa hiling niya. "Nandito lang naman ako. Kapag ready ka na, i-kiss mo lang ako! Ayiiee! Kiss kaagad? Biro lang! Basta, waiting ako!"
"Hmmm, wait lang, hehehe!" pakunwaring pag-iisip naman nang malalim ni Delilah. Nakangusong tumitig pa siya sa kisame habang nag-aanalyze kung nararapat na nga bang magpaligaw. Ilang saglit lang ay nagningning ang mga mata niya at yumakap siya nang mahigpit sa sinisinta. Halos matumba na silang dalawa dahil sa biglaan niyang pagyapos
"Sige! Go! Ligawan mo ako, now na!"
"'Luh! Grabeh siya, uy! Mas mabilis ka pa sa kidlat! Akala ko, isang linggo o buwan mong pag-iisipan, 'yun pala, one millisecond!" nagbibirong sinaway siya ni Spartan, kasabay ng pagpahid ng pawis sa noo."Wait lang, Besh! Ako yata ang nabigla sa iyo, mygash!"
"Sorry na, excited ako e!"
Umaapaw sa tuwa ang puso ni Delilah nang dahil sa narinig na balak nito na panliligaw. Sa dinami-dami ng mga nagtangkang ligawan siya, hindi niya ipagkakailang si Spartan talaga ang natitipuhan. Marami ang mas mayaman, matalino at magandang lalaki rin pero para sa kanya, walang makakadaig sa personalidad nito na tunay na nakapagpapaligaya sa kanya.
"Ginugulat mo naman kasi ako sa declaration of love mo!" kinikilig to the bones na pahayag ni Delilah. "I'm so flattered, mwehehe!"
"Kileg yarn?" may paglalambing na pangangantyaw ni Spartan habang nakayakap na rin sa nililigawan. "Ako rin! Kinikilig from the bottom of my heart, passing through my stomach down to my large intestines! Kapag umutot ako, kilig rin ang lalabas! Malalanghap mo pa ang bagsik ng pag-ibig ko sa iyo!"
"Eeew!" nakatakip ang ilong na pagrereklamo naman ng sinusuyo.
Dinig ang malutong na tawanan ng dalawa mula sa kusina. Kapwa sila maligaya nang dahil sa naging pag-amin ng tunay na nararandaman sa isa't isa. Asang-asa sila na nagsisimula na ang araw na habangbuhay na silang masayang magkasama, hindi lang bilang magkaibigan, maging mangingibig din.
Sa kasamaang-palad, panandalian lang pala ang kanilang pagdiriwang. Sa gitna ng kanilang pagsasaya ay bigla-biglang umikot ang paningin ni Delilah. Ramdam niya na tila ba may matalim na bagay na tumusok sa kanyang puso. Maging ang sikmura niya ay parang umikot, kaya hindi niya napigilang magsuka.
"A!" nakangiwing napahiyaw siya nang maramdaman ang sakit na hindi niya mawari kung sa puso o tiyan ba nagmumula. Napamaluktot siya sa kinatatayuan habang tinitiis ang magkakasunod na pag-atake ng 'di makitang pwersa na maikukumpara sa magkakasunod na pagsaksak ng punyal.
"Bakit?" kabadong inusisa ni Spartan habang hinahaplos ang likuran ng kasama. Mas nabahala siya nang sumuka ito ng puro tubig na parang nabubulok na laman ang amoy. Mas nahintakutan siya nang umikot ang mata nito patalikod at nagdeliryo. Kaagad niya itong sinalo bago pa man mapahandusay sa sahig.
"Delilah!" pagtawag niya rito habang marahan na niyuyugyog upang gumising. "Huwag kang matutulog! Huwag mong ipipikit ang mga mata mo!"
Sa tanang-buhay niya, ngayon lang siya nakaramdam ng matinding takot. Malakas ang hinala niya na nakulam ang dalaga at kapag tuluyan itong nawalan ng malay at nahimbing ay posibleng makontrol ng kung sino o ano mang elemento na nais ng masama.
Tama nga ang kutob ni Spartan.
Kasalukuyan na ngang sinusubok ng mangkukulam na si Boudica na ikonekta ang kaluluwa ni Delilah sa manikang hawak. Gamit ang mga karayom at larawan ng biktima, ginagawa niya ang ritwal na magkokontrol sa puso at kamalayan nito.
Unti-unti niyang binaon ang mga karayom sa katawan ng manika, kasabay ng sunod-sunod na panalangin sa hari ng impiyerno. Gaya ng hiling ng among si Samson, sapilitan nya itong paiibigin sa kinikilalang panginoon. Higit na malakas ang itim na kapangyarihan na ito kaysa sa gayuma dahil kung magtatagumpay siya, parang magiging alipin na sunud-sunuran lamang si Delilah. Tuluyan nang maliligaw sa kadiliman ang pakay at wala ng pag-asang mailigtas pa.
"Dito ka lang sa akin," aligaga at maluha-luhang pagsusumamo ni Spartan habang mahigpit na nakayakap kay Delilah. "Please naman, huwag mo akong iwanan! Besh naman e!"
"Lumaban ka!" kasunod na pagmamakaawa nito. "Huwag kang sasama sa kadiliman!"
Rinig man ng dalaga ang panawagan ng kasama, hindi na niya kinayang tumugon pa. Tila ba humihiwalay na ang kanyang kaluluwa at umaangat sa ere sa bawat paggalaw. Pilit niyang nilalabanan ang malakas na pwersang humahatak pero siya rin ay duda kung kakayanin niya pa ba.
"I-Ito ba ang pakiramdam ng..." habol ang hiningang pagtatanong niya, gamit ang isipan.
"Kamatayan?"
"Pero, gusto ko pang makasama si Spartan!" pagkontra pa rin ng kanyang kalooban.
"Kung kailan masaya na sana kami, bakit ngayon pa?"
"Bakit?" umalingangaw ang sariling tinig sa kanyang kamalayan.
Nahihirapan man ay inangat ni Delilah ang palad upang mahawakan ang pisngi ng binatang iniibig. Nais man niyang maiyak ay para bang namamanhid na ang kanyang puso. Sinikap niyang ibukas ang mga mata upang hindi mawala sa paningin ang mukhang kailanman ay hindi niya makakalimutan. Isang patak ng luha ang kusang tumulo pababa sa kanyang pisngi habang pinipilit na labanan ang kadiliman na unti-unting sumasakop na sa kanyang diwa.