"Delilah, gumising ka!"
Napabalikwas ang dalaga nang marinig ang isang pamilyar na tinig. Pansamantala muna siyang natigilan habang nagmamasid-masid sa silid. Madilim-dilim pa kaya nagulantang siya kung bakit biglaang may tumawag sa kanya.
"Nananaginip lang ba ako?" pagtataka niya. Kinurot-kurot pa niya ang braso upang siguruhing gising na nga talaga.
"Hmmm, nagkabangungot lang yata ako..."
Tumayo siya mula sa kama upang magtungo sa maliit na pantry ng kanyang kwarto. Nakaramdam kasi siya ng uhaw at tuyong-tuyo na ang kanyang lalamunan kaya nais muna sana niyang uminom. Laking pagtataka niya nang mapansin na parang iba ang pagkakapuwesto ng mga muwebles doon. Maging ang higaan niya ay lumaki at nadagdagan pa ng mga unan kaya hindi na niya maiwasang magduda kung gising na nga ba talaga o sakop pa rin ng panaginip ang diwa.
"Ang weird. Hindi ko naman matandaan na nagkaroon ng renovation sa bahay..."
Nang dahil sa matinding antok ay isinantabi muna niya ang mga napupuna sa kwarto. Ang nais lang sana niya ay makakuha ng tubig dahil ramdam niya ang matinding pagkauhaw. Binuksan na niya ang pintuan ng silid at pumanaog sa hagdanan.
Nakailang ikot na siya sa bahay ay hindi pa rin niya matunton kung nasaan ang kusina. Medyo kinilabutan na siya dahil talagang hindi pamilyar ang lugar sa kanya at nababalot pa ng dilim. Wala rin pintuan o bintanang natatanaw kaya kinabahan na siya.
"Mommy? Daddy? Ate?" pagtawag na niya sa mga kapamilya. Ni isa ay walang tumugon sa kanya at tanging alingawngaw lang ng kanyang boses ang narinig sa malaking mansyon.
"Spartan?" kasunod na sinambit na niya.
Maya't maya ay pumukaw sa atensyon niya ang mausok na lagusan sa isang sulok. Dali-dali siyang nagtungo roon sa pag-aakalang iyon na ang kusina at naroon ang binatang hinahanap. Kadalasan ay maaga nga itong nagigising upang maghanda ng almusal. Umasa siya na makikita na ang lalaking kinagigiliwan.
"Babe!" maligayang pagtawag niya. Patakbo pa siyang nagtungo kung saan naroon nga ang imahe ng isang makisig na lalaki. Kataka-takang hindi man ito kumibo nang yakapin niya mula sa likod at nilambing samantalang noon ay maligayang babatiin na rin siya nito at mula umaga hanggang gabi, hindi ito napapagod sa kakadaldal. Nanatili lamang ito na nakatalikod at patuloy lang sa paghiwa ng isang hayop na sa tingin niya ay matabang manok.
"Uy, silent mode! Anong meron?" pagbibiro pa niya habang nakadikit ang pisngi sa likod ng inaakalang kaibigan. Pilyang napangiti pa siya nang makapa ang tiyan nito na may mga mala-pandesal na hubog. Pumikit pa siya habang ini-imagine ang kaakit-akit na katawang mayroon si Spartan na tunay naman na makalaglag-underwear at pang-leading man. Marahil, naisip niya, kung naging astig at lalaking-lalaki lang itong kumilos ay maraming babae ang magkakandarapang humabol. Ngayon pa nga lang na may kalamyaan, kapansin-pansin na may mga nagka-crush pa rin. Sa palengke nga lang ay pinagtitinginan na ito ng mga tao lalo na at kakatwa ang kulay berde nitong mga mata at biniyayaan pa ng mala-modelong pangangatawan.
Ganoon pa man, bonus points lang sa kanya ang magandang itsura ni Spartan dahil ang talagang kinatutuwaan niya ay ang ugali nito na masayahin, malambing at maaruga. Aminadong marami ang nanligaw sa kanya na mga gwapo na nga at mayaman pa, pero hindi man lang siya naakit ng mga iyon. Talagang iba ang tama ng karisma ng binata sa kanya kaya sa palagay niya, he's the one.
"Tigas ng abs, mwehehe..." pigil sa paghagikgik na naisip pa niya habang nakahawak pa rin sa tiyan ng kayakap. "Ang pogi talaga ni bebe dinosaur ko! Ang sweet at caring pa!"
Pagmulat ng mga mata, kaagad na naglaho ang tuwang nararamdaman. Mabilis na napalitan ang kanyang ngiti ng ekspresyon na sindak nang mapansin na hindi pala manok ang pinagpaparte-parte ng kausap. Nangilabot siya nang mapagtantong puso pala ng tao ang hawak nito. Tumalsik pa ang mainit-init na dugo sa pisngi niya nang hatiin nito sa dalawa ang laman.
"What the heck? You're not Spartan!" nahintakutang napabulalas niya. Napabitiw tuloy siya sa pagkakayapos at akmang tatakbo na sana pero mahigpit na nahawakan naman siya sa braso.
Paglingon ng tinatakasan ay mas tumindi ang takot na nararamdaman niya. Sa lahat ng makakapasok sa bahay, hindi niya inaasahan na ang pinakaiiwas-iwasan pa ang makikita.
"S-Samson? I-Ikaw? Anong ginagawa mo rito?"
"Anong ginagawa?" pagbabalik ng tanong nito sa kanya. Ilang sandali lang ay ngumiti na ito at inabot ang tissue sa may mesa. Marahan na pinahid nito ang dugo na tumalsik sa pisngi niya. "Ikaw talaga, inaantok ka pa yata. E nasa bahay natin ako, kaya kasama kita."
"Imposible! Hindi tayo pwedeng magsama sa iisang bahay!" Pwersahan na niyang hinatak palayo ang braso na hawak pa rin ni Samson. Napaaray pa siya nang maramdaman na halos mapiga ang kanyang laman sa lakas ng lalaking kaharap. Kaagad na nagmarka ng pula ang kanyang balat kaya mas nangamba siya at dumistansya palayo. Naging malikot ang mga mata niya habang naghahanap ng armas na pangdepensa o ng maaring malabasan.
"Kinidnap mo ba ako?" naghuhurimintadong pagtatanong niya habang nangingilid na ang luha sa sobrang takot at pagkalito sa mga nangyayaring kakatwa. "Saan mo ako dinala?"
"Ano bang nangyayari sa iyo?" may tono ng pagkabahala na pinagsabihan naman siya ni Samson. "Halika nga, mag-usap tayo nang masinsinan."
Akmang hahawakan sana siya ulit ng kaharap pero sinagi na niya ang kamay nito. Inabot niya ang kawali na nakalagay sa lutuan upang maging sandata kung sakali man na maging marahas sa kanya ang lalaki.
"Ibalik mo na ako sa amin!" matapang na pahayag niya kahit na ang totoo ay napupuno na ng takot ang kanyang puso.
"Delilah, hindi pwede," pailing-iling na sinambit nito.
"Bakit hindi?"
Dahan-dahang lumapit si Samson sa kanya. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, nagmistulang isa siyang estatwa mula sa kinatatayuan. Sinikap man niyang kumilos ay parang may mahika na pumipigil sa kanya na lumaban. Bago pa man siya nakatakas ay kaagad na siyang nayapos nito nang mahigpit. Sa sobrang lapit ng kanilang mga katawan, ramdam niya maging ang t***k ng puso nito. Imbis na kumalma, mas nahintakutan siya sa susunod na mga pahayag nito.
"Kasi asawa mo na ako," binulong nito malapit sa kanyang tainga, dahilan upang mapuno ng kilabot ang kanyang kaluluwa. Marahan na hinagod ng palad nito ang kanyang buhok, paibaba sa kanyang baywang. Sa bawat pagdampi ng kamay nito, pakiramdam niya ay inaangkin nito ang katawan niya nang sapilitan kaya kusang tumulo na lang ang luha sa kanyang mga mata. Nais niyang magpumiglas subalit hindi naman niya magawa.
"A-Asawa? Wala akong asawa!" mabilis na pagkontra niya. "Let me go! Huwag mo akong hahawakan!"
"Nasaan si Spartan?" kasunod na pagtatanong naman niya. "Ibalik mo na ako kay Spartan!"
Ramdam niya ang pagbilis ng paghinga ni Samson nang marinig ang pangalan ng hinahanap. Ilang sandali lang ay sinunggaban siya nito sa mga balikat at marahas na niyugyog.
"Spartan? Hanggang ngayon ba naman siya pa rin ang iniisip mo?" nanlilisik ang mga matang sinigaw nito sa nahintakutang si Delilah. "Kahit anong gawin ko, si Spartan pa rin ang bukambibig mo!"
"Malamang! E siya ang gusto ko, hindi ikaw!" pangangatwiran din ng dalaga habang sinisikap pa rin na makawala sa mahigpit na pagkakahawak ni Samson. "Paano ba tayo naging mag-asawa? Wala akong natatandaan na kinasal tayo!"
"Hindi ka na makakawala sa pagkakatali sa akin kasi sa akin ka na! Tatandaan mo 'yan! I own you!" may pagbabantang sinabi pa nito sa pilit na inaangkin. Sapilitang niyapos nito si Delilah at akmang hahalikan pa sana sa labi pero isang malakas na sampal na ang natanggap kaya napahinto sa aktong hindi karapat-dapat.
Pinakawalan man siya nito sa pwersahang pagyakap, mas naging bayolente naman ang susunod na akto nito na labis na ikinatakot ng dalaga. Sa paningin niya, mas masahol pa sa aswang ang pinakitang pag-uugali ni Samson sa kanya.
"Alam mo ba kung kaninong puso 'yan nasa kusina, ha?" nakangising pahayag naman nito na tila ba isang nauulol na aso. Lumapit ito sa chopping board at dinampot ang duguang lamangloob.
"Kay Spartan!" makapanindig-balahibong deklarasyon nito kasabay ng pagtapon ng puso sa sahig. Hindi pa ito nakuntento sa ginawa kaya inapak-apakan pa iyon, dahilan upang mapatangis na sa pighati si Delilah. Nanlulumo na napaupo na lang siya sa sahig nang malaman na wala na nga ang binatang iniibig.
"Wala na ang pinakamamahal mong si Spartan! Hindi ka na niya babalikan pa!"
"Sinungaling ka!" humahagulgol na sinabi niya habang pinagsasama-sama sa sahig ang nagkapira-pirasong laman. Pakiramdam niya, maging ang puso niya ay nadurog din sa nasaksihan at narinig na masamang balita mula kay Samson.
"Anong dahilan para magsinungaling pa?" pasinghal na pagdadahilan nito. "Ayaw tumigil sa kakahabol sa iyo kahit asawa na kita! What do you expect me to do? Hangga't buhay siya, palagi mo lang siyang maiisip!"
"Hay*p ka!" tinuran niya sa lalaking kinasusuklaman. "Wala kang kasingsama!"
"Oo, masama na kung masama! Kung kailangan kong pumatay ng tao para mapasaakin ka nang tuluyan, gagawin ko!" baluktot na pangangatwiran nito kaya mas napuno ng poot ang puso ni Delilah.
"Pagbabayaran mo ito! Hindi ako mapapasaiyo kahit kailan!"
Hawak nang mahigpit ang bakal na kawali, walang pagdadalawang-isip at buong-pwersa na hinampas niya iyon sa likuran ng tuhod ni Samson. Nang mapaluhod na ito sa sakit, mabilis naman niyang ipinalo ang sandata sa ulo nito.
Mabilis niyang kinuha ang kutsilyo sa mesa at dali-dali siyang tumakbo palayo sa kusina. Nakailang ikot na siya sa bahay subalit sa kasamaang-palad, ni isang pintuan o bintana ay wala siyang mahanap. Nag-akyat-panaog na siya pero bigo pa rin na nakatakas. Wala siyang nagawa kungdi magkulong muli sa silid na pinanggalingan. Buong-lakas na tinulak pa niya ang aparador upang ipangharang sa pintuan.
"Huwag niyo siyang hahayaan na makatakas!" dinig niyang inutos ni Samson sa mga hindi nakikitang nilalang. Maya't maya ay nakita niya na may pumipihit sa doorknob. Nagsisilakasan din na katok ang sumunod kaya yumanig na ang pintuan. Nanginginig ang mga kamay na kinundisyon pa rin niya ang sarili na harapin kung sino o ano man na nilalang ang maaring umatake sa kanya.
"Bangungot lang ito!" lumuluhang kinumbinsi pa rin niya ang sarili kahit na nasa harap na ng peligro.
"Hindi ako naniniwalang basta-basta na lamang akong iiwan ni Spartan!" halos mawala na sa sariling pag-aanalisa niya sa mga nangyayaring kahindik-hindik. "Kahapon lang kasama ko siya! Ano ba talagang nangyayari sa akin? Na-hypnotize ba ako? May pinainom ba sa akin na nakaka-hallucinate? O kaya nakulam?"
"Spartan!" paulit-ulit na umalingawngaw pa rin sa kanyang isipan.
"Tulungan mo ako!"
Tila ba lumaktaw ng t***k ang kanyang puso nang mapansin na unti-unti nang nabubuwag ng mga kalaban ang pintuang hinarangan. Hinanda na niya ang sarili sa kung ano man ang maaaring mangyari. Masaktan man o masawi pa, wala na siyang pakialam basta't desidido siyang lumaban at hindi magiging sunud-sunuran kay Samson.
"Gising, huwag kang magpapatalo sa kadiliman!" dinig niyang bumulong sa kanyang isipan. Lumingon-lingon pa siya sa paligid subalit wala naman ibang naroon sa silid kungdi siya. Nagtaka rin siya nang biglang huminto ang pagkalampag sa pintuan ng mga nilalang na nais siyang kunin. Ganoon pa man, nanatili siyang alerto at handang dumepensa.
"Isa lang 'yan na patibong!" pagpapatuloy ng tinig. "Ang mga nakikita mo, hindi 'yan totoo! Panlilinlang lang 'yan ng kalaban! Ituon mo ang atensyon sa liwanag para makawala ka sa mundong nilikha nila sa iyo!"
Sa isang kisapmata, tila ba nagbigay ang babala ng pag-asa sa kanya na makakatakas pa sa kadilimang pinaglalagian. Mas lumakas ang loob niya nang magkakasunod na salitang puno ng pang-eengganyo ang pumasok sa kanyang kamalayan. Ramdam din niya ang sinseridad sa bawat katagang binibitiwan nito kaya naglaho na parang bula ang kanyang takot.
"Bumalik ka sa akin...huwag mo naman akong dedmahin..."
"Walang iwanan, liligawan pa kita nang bongga..."
"Besh, 'di ba loves mo ako? Kaya gumising ka ng bruha ka! Utang na loob, forty-eight years na akong naghihintay! Feeling Sleeping Beauty, ganern? Halikan kita e!"
"Spartan, bebe ko!" maluha-luhang pagtawag na niya nang makilala at makumpirma kung kanino ang boses na nangungulit at tumatawag sa kanya. Kung kanina ay takot at lungkot ang nadarama, kaagad nang napalitan ng tuwa at pamamag-asa ang emosyon niya. Napahagikgik pa siya at kinilig sa tinuran nito sa kanya na "Sleeping Beauty".
"Bruha ka rin! Iligtas mo ako! Huwag mo akong hahayaan na mapunta kay Samson!" sinigaw niya sa gitna ng kadiliman.
Sa ilusyon ng kawalan ay may lumitaw na tuldok na puti. Ilang sandali lang ay lumawak ito nang lumawak hanggang sa nasilaw na siya sa liwanag na taglay nito. May lumantad na lagusan at mula roon ay natanaw niya ang isang silid sa ospital, kung saan nakahiga ang kanyang katawan na walang malay. Pagtingin sa gawing kanan, nakahinga siya nang maluwag nang makitang nakaupo sa tabi niya si Spartan at nakahawak pa sa kanyang kamay.
Marahan nitong hinaplos ang kanyang noo at pinunasan ng langis na pangontra sa kulam. Panandalian itong pumikit habang mataimtim na nananalangin. Ilang sandali lang ay yumuko ito at bumulong malapit sa kanyang tainga. Ramdam niya ang sunod-sunod na luha ng tuwa na pumapatak sa kanyang pisngi nang marinig ang mga salitang puno ng pag-ibig para sa kanya.
"Gising na, mahal ko," malambing na sinambit ni Spartan sa kanya.