Malalim na ang gabi nang makabalik sa Cuh-Piz si Spartan. Hila ang trolley bag na ginamit sa pagde-deliver ng mga packages sa Tuk-O, pinagtitiyagaan niya ang paglalakad pauwi sapagkat wala nang dumadaan na mga sasakyan. Nang dahil sa takot ng mga naroon sa napapabalitang pam-a-ambush ng mga aswang, alas-sais pa lang ng gabi ay nasa mga bahay na ang karamihan, lalo na ang mga nasa liblib na lugar. Nang dahil sa sobrang pagod ay umupo muna siya sa gilid ng daan kung saan may nagtataasang mga talahib at naglalakihang puno ng balete. Nilabas niya ang bote ng tubig sa bag upang uminom. Paglapat pa lang nito sa bibig ay napaaray na siya nang aksidenteng matamaan ang pumutok na labi. Mahapdi man ay tiniis pa rin niyang tunggain ang likido sapagkat pakiramdam niya ay made-dehydrate na siya sa ma

