Disguise One: Justin

1905 Words
TININGNAN ko ang lahat ng gamit ko. Kailangan wala na akong naiwanan na kahit ano. Mahirap kapag may naiwanan. Hindi magkalapit ang Palawan at Maynila. Hindi p’wedeng kapag may naiwan ako ipadala ko kay Mama o kaya ay bumalik ako pauwi. “Sigurado ka ba dito, anak? Malayo ang Maynila. Wala na nga ang Kuya Shaw mo dito sa `min ng Papa mo pati rin ikaw aalis,” malungkot na sabi ni Mama. “Ma, nasa Maynila lang naman ako. Saka kila Tita Marcedes naman po ako tutuloy. Malapit na rin naman umuwi si Kuya, ilang buwan na lang.” N’yakap ko siya, “Babalik po ako kung wala po akong makikitang trabaho doon.” “Baka naman mag-aasawa ka kaagad pagdating mo do’n, ha? 21 ka pa lang. Okay lang sa `kin ang pag-idolo mo kay Dyusper, pero `yung magnonobyo ka na kaagad pagdating mo do’n. Ay, naku. Bibilinan ko si Marcedes na iuwi ka kaagad kapag nangyari `yun,” bilin n’ya. “Ma, Dyasper po. Dyasper po ang pagbigkas sa pangalan n’ya,” natatawang sagot ko. “Kung sino man siya. Huwag din puro siya ang aatupagin mo pagdating sa Maynila, ha? Trabaho ang paalam mo. Trabaho,” paalala n’ya pa. “Opo, Ma. Pangako. Trabaho lang.” NILIBOT ko ang paningin ko sa buong paligid. Whew. Traffic dito, usok doon. This is it. Nasa Maynila na nga ako. Parang noong nakaraan lang iniisip ko pa lang ang pagpunta dito. Ngayon nakatapak na `ko. Ito na `yun. Ito na `yung matagal ko nang pinapangarap na gawin. Jusper, just wait for me! Kinuha ko `yung papel na pinaglalagyan ng address ng Tita ko na pansamantala kong tutuluyan dito. Sabi ni Mama kung hindi ko raw alam kung paano puntahan magtanong daw ako sa guard o kaya ay basahin ang mga sign sa jeep. Eh, kung tawagan ko na lang kaya? Nandito naman `yung number. Dapat pala kanina ko pa naisip `yun. Naghanap ako ng malapit na payphone. “P’wede po bang patawag?” tanong ko sa tindera. “Limang piso tatlong minuto,” sabi nito at nilahad ang kamay. Nag abot ako ng limang piso. “Ano’ng number?” Binigay ko `yung papel. D-in-ial n’ya saglit at inabot sa `kin ang pinakatelepono. “Oh, ito na.” “Salamat po.” Inabot ko `yung telepono, “Hello.” “Sino `to?” “Si Shara po ito.” “Shara? Anak ni Ate Sabel?” “Opo. Nandito na po kasi ako sa Maynila, hindi ko po sigurado kung ano ang sasakyan ko po papunta d’yan.” “Eh, nasa pier ka pa ba?” “Opo.” “Hintayin mo na lang d’yan ang ate Jessica mo. Papasundo kita.” “Naku, maraming salamat po, Tita.” “Maghintay ka kang d’yan, ha?” “Opo. Salamat po ulit.” Binalik ko na sa tindera `yung telepono, “Salamat po.” Sinenyasan n’ya ako na umalis na kaya umalis na ko. Pumunta ako sa isang kainan malapit lang sa pier. Madali lang naman siguro ako makikita dito ni Ate Jessica. Sana lang naaalala n’ya pa kung ano ang itsura ko. Tiningnan ko `yung mga taong dumadaan sa harapan ko. Kapansin pansin pala ako. Mukha talaga akong probinsyana. Nakapalda na mahaba at nakablusa na puti. Samantalang itong mga nakikita ko parang kinapos sa tela. Ganito `ata talaga ang uso dito. “Nasa kabilang kanto pa lang ako tanaw na tanaw na kita.” Napatingin ako sa nagsalita. Bumungad sa `kin ang nakangiting mukha ni Ate Jessica. “Kumusta, `insan?” “Ate Jessica!” N’yakap ko siya. “Okay lang. Pasensya na kung na abala pa kita sa pagsundo sa `kin.” Umiling siya. “Ano ka ba? Okay lang `yun!” Inaya na n’ya ako papunta sa kotse n’ya. Kumpara sa `min, `di hamak na mas nakakaangat sila sa buhay. Nakapag-asawa kasi si Tita ng Amerikano, eh. Pero kung titingnan mo si Ate Jessica, parang Pinoy din ang tatay n’ya. Morena, maganda, medyo kulay brown ang buhok. Masasabi mo lang na may lahi siya dahil sa kulay asul n’yang mga mata. Masasabi mo rin na medyo na-iinggit ako sa kanya. No’ng nagpasabog kasi `ata si Bro ng lahat ng magandang katangiang pisikal nakapayong ako o kaya nakikipaglampungan sa kama ko. Hay. “Sha, okay lang dumaan muna tayo sa office? May kukunin lang akong importanteng files,” tanong n’ya. “Sige lang.” Umiwas na ko nang tingin sa kanya at tinuloy na lang ang pagsa-sight seeing sa labas. Ibang iba dito kaysa sa probinsya. Doon kasi puro puno, kaunti lang ang tricycle, walang polusyon at buhol buhol na traffic. Simple lang ang pamumuhay. Hindi maingay katulad dito. Ngayong iniisip ko `to napapatanong ako. Nag sisisi ba ako na nag punta ako dito sa Maynila? Syempre hindi. Nangako ako kay Jusper na pupuntahan ko siya dito. Ito na ang pagtupad ko no'n. Sana lang na aalala n’ya pa ako para hindi naman masayang ang effort ko. Ilang araw pa lang naman ang nakakalipas, naaalala pa naman siguro n’ya? “Sha, may in-apply-an ka na ba na work? Graduate ka ng Accountancy, `di ba?” “Oo, bakit mo na itanong?” “Hiring kasi kami ngayon sa office. Baka gusto mong mag-apply? Ayos na din `yun if ever na makukuha ka p’wede kang sumabay sa `kin papasok.” “Talaga, ate? Okay lang talaga?” Natatawang tumango siya. “May dala ka bang resume o kaya biodata? Para maibigay ko na mamaya.” “Oo, dala ko lahat ng p’wedeng requirements." Kinuha ko kaagad `yung envelop na dala ko, “Nandito na lahat, transcript of record, diploma, birth certificate, MIB clearance, baranggay clearance, tapos—“ “Oo na, dala mo na lahat.” Napapailing siya habang tumatawa. “Resume lang ang kailangan ko.” Tinignan n’ya ako ng pasimple. “Gan’yan ba lahat nang dala mong damit?” “Oo, eh. Eh, alam mo naman sa probinsya masarap lang manirahan pero medyo mahirap din kumita ng pera. Eh, `yung naiipon ko naman pinambibili ko ng album.” Ngumiti siya. “Ni Jusper?” Nakangiting tumango ako. “Alam mo bang sa AYV Entertainment ako nag tatrabaho?” “AYV Entertainment? Alex Yael Valdez Entertainment, Ate?” Natatawang tumango siya. “Oh my gad! Hindi nga?” Tumangu-tango siya. “Seryoso ate?!” “Oo nga. Pero kung matatanggap ka do’n hindi p’wedeng gan’yan ang `itsura mo, ha? Paano ka mapapasin ni Jusper kung gan’yan?” “Baka nga kilala n’ya na ako, ate. Nag kita kami no’ng nag punta siya do’n sa probinsya.” Napakunot `yung noo n’ya, kaya kinuwento ko. “Kaya `ayun, sana naaalala n’ya pa ako, `no?” “Malay mo naman.” Niliko n’ya sa isang magandang building `yung kotse n’ya. “Akin na `yung resume mo, sa-submit ko na.” Inabot ko sa kanya `yung resume ko. “Gusto mong pumasok ka muna sa loob? Baka mabagot ka dito sa kotse.” Tumango ako at sumabay na sa kanya pagbaba. “Wait mo lang ako dito sa lobby. Mabilis lang ako.” Tumango na lang ako. Tiningnan ko `yung lobby nila puno ng mga picture ng iba't ibang artist. Hinanap ko `yung kay Jusper. Isa siya sa may pinakamalaking picture sa hall. Nakalagay din sa info n’ya na isa siya sa may mga may best selling album. Ang lapad nang ngiti ko habang pinagmamasdan ang guwapo n’yang mukha. “Sana matanggap ako dito at makasalubong kita. Hay,” sabi ko sa litrato ni Jusper. “Justin! Saan ka na naman pupunta?!” Napatingin ako sa babaeng sumigaw. Parang pamilyar siya. “What do you want me to do? Sit there after mong sabihing ikakasal na si Ysabelle?” Lumipat `yung tingin ko do’n sa lalaking nag salita. “Jusper...” bulong ko sa sarili. “Get back to the recording now!” galit nang sigaw no’ng babae. “No!” mariing sigaw naman ni Jusper. Napatingin siya sa `kin. Napalunok ako ng ilang sunod. “Leave me alone, Lheine. Kahit ngayon lang.” At nagmadali na siyang umalis. “Justin!” tawag pa no’ng Lheine. Ay wait. Bakit ba Justin ng Justin `tong Lheine? Eh, si Jusper `yun? “Nasaan na si Justin?” tanong ng isang lalaki. Oh, Justin na naman. Tiningnan ko `yung nagsalita. Siya `ata si Mark, `yung vocalist ng The Cliché sikat din sila pero hindi ako fan. “Just let him be muna, Lheine. Ako na ang bahala.” “Lagi na lang siyang gan’yan. Hindi kasi siya ang napapagalitan,” mangiyakngiyak na reklamo ni Lheine. “Why it has to be Justin? May sariling mundo ang isang `yun. Sa inyo naman talaga ako na assign, bakit ako na lipat sa kanya?” “Masasanay ka din. We're currently hiring, mag request ka na lang ng transfer `pag may na hire na,” tinapik n’ya ito sa balikat, “Sige susundan ko na si Justin, baka kung ano pa ang gawin no’n, eh.” Nanlulumong tumango si Lheine. Bakit kaya nila tinatawag na Justin si Jusper? Hindi naman ako p’wede magkamali, sigurado akong si Jusper `yun. Boses pa lang, eh. “Shara.” Tinignan ko si Ate Jessica na papalapit na sa `kin. “Ready ka na ba for an interview? Urgent hiring kasi `to. Sakto nandito si Sir Yael, gusto ka ng ma-interview.” Wala na akong nagawa kundi ang sumunod sa kanya papunta sa conference room. Nagtanong lang sila sa akin ng “Bakit ikaw ang kukuhanin namin para sa posisyon na `to?” at simpleng about yourself. Nakahinga ako nang maluwag pagkalabas ko ng kuwarto. “Hired ka na daw, pero sa field ka muna daw since may two weeks pa `yung sa nag-resign sa accounting deparment.” May inabot siya sa `kin na papel. “Here, ikaw muna ang mag-a-assist sa The Cliché habang hindi ka pa nata-transfer sa accounting.” “H-ha? Ano’ng gagawin ko?” Tinignan ko `yung papel. Schedule `ata ito, puro date, time at location ang nakalagay. “You just need to follow them. As in susunod ka lang nang susunod sa kanila. Madali lang `yan, Mark will definitely assist you sa simula. Makulit sila pero mabait.” Inaya na n’ya akong bumalik sa sasakyan n’ya. “And minsan may collaboration si Jusper at The Cliché malay mo makadaupang palad mo siya ulit.” “Ah. Ate Jessica kanina kasi nakita ko sa lobby si Jusper pero ang tawag nila sa kanya Justin.” Pinatakbo na muna n’ya `yung kotse bago ako sinagot, “Ang alam ko kambal sila, eh pero...” Biglang nag-ring `yung phone n’ya. “Wait sagutin ko lang 'to.” Kambal? Bakit hindi naman nakalagay sa internet na may kakambal siya? Pero mag kamukhang magkamukha sila. Magkaboses din. Gano’n ba talaga ang kambal?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD