“Ate Jess, kailangan ba talaga ganito ang suot ko? Hindi kaya magkasakit ako nito?” Tiningnan kong maigi `yung itsura ko sa salamin. Kailangan ko na `atang masanay sa mga ganitong kasuotan.
Labas ang kalahati ng hita at naka-sleeveless. Sh-in-ave n’ya pa kanina ang balahibo ko sa binti’t hita. Para tuloy may kung anong malamig ang tumatama sa binti ko ngayon. Hindi ako sanay. Hindi naman kasi gan’to sa `min.
“Oo. Dapat masanay ka na. Kahit assistant ka lang ng artist kailangan presentable ka.” Nagbaba siya ng isang sapatos na may nakapakataas na takong. “Specially pag may mga press conference sila. Always think na dala mo ang pangalan ng Artist na hawak mo. Hindi p’wede ang puchu-puchu lang.” Sinuot n’ya sa `kin `yung sapatos at inalalayan ako hanggang nakatindig na ako nang maayos. “You look beautiful.”
“Baka matapilok ako, ate. Hindi ba p’wedeng naka-flats lang ako?” Umiling siya at inalalayan akong maglakad. Medyo gume-gewang gewang pa ako. “Baka ito ang ikamatay ko, ate,” kinakabahang sabi ko.
Natawa siya. “Hindi `yan. Masasanay ka din d’yan.” Inabutan n’ya ako ng isang shoulder bag. “Here, nag lagay na ako d’yan ng pang retouch mo tapos notepad and ballpen.”
Napakunot `yung noo ko. “Para saan ang notepad at ballpen?”
“Trust me, you'll need it.” Nagkibit balikat na lang ako. “Pag dating naman natin sa office may sarili kayong service so, hindi ka maliligaw, you just need to be on time lagi.”
“`Yun lang ba, ate? Baka may nakalimutan ka pa, sabihin mo na lahat.” Humawak ako sa dibdib ko. Parang nagpa-palpitate ako. Kinakabahan ako.
“Uhm. `Yun lang naman `ata. Io-orient ka naman mamaya sa office, don't worry.”
“Kinakabahan ako, Ate. Okay lang naman kung may kinalaman sa numbers ang gagawin ko.”
Tinapik n’ya ako sa braso. “Ano ka ba? `Di hamak na mas madali `to kaysa sa pagsolve mo ng mga number,” nakangiting sabi n’ya sabay kindat.
HINDI AKO mapakali sa kinauupuan ko. Katapat ko ngayon ang Big Boss namin na si Sir Yael at ang lahat ng member ng The Cliché. Para akong kakainin nang inuupuan ko. Hindi ako makatingin sa kanila ng diretso. Feeling ko hihimatayin ako. Ang guwa-guwapo pala nila sa personal, para akong nasa isang harem na puno ng mga pinagpalang nilalang.
“So, Shara, right?” tanong ni Sir Yael. Kinakabahang tumango ako. Ang ganda ng boses ng big boss. “I think you already know them.” Sabay turo sa apat, “Papakilala ko pa din. This is Mark.” Nginitian ako ni Mark. Ngumiti rin ako. “Siya si James.” Nakangiting kumaway sa `kin si James. Tingin ko siya `yung pinaka-jolly sa kanilang apat. “And that guy with hindi katiwa-tiwalang mukha is John.” Natawa ako sa pag introduce n’ya do’n kay John.
“Mabait ako,” defensive na sabi naman ni John. Tumayo siya at nakipag shake hands sa `kin. “Single ka pa ba? Ang ganda mo kasi, eh,” biglang banat n’ya.
Napakurapkurap ako.
“Sabi ko sayo hindi katiwa-tiwala `yan, eh.” Inalis ni Sir Yael `yung kamay ni John sa kamay ko. “And that is Marco the drummer, just let him be. Drum lang ang pinapansin n’yan.” Tiningnan ko si Marco, ngumiti naman siya sa `kin. “And that means in-imagine ka n’ya as a drum.”
“P-po?”
“Biro lang.” May inabot siya sa `king folder. “Here's their schedule. Make sure na sundin lahat ito. If mag kakaroon ng cancellations sa schedule nila, they will call here.” Inabutan n’ya ako ng iPhone, “For company use lang ito, lahat ng numbers nila nand’yan. Personal, pang chix, pang work at kung para saan pa nand’yan lahat. And last but not the least, relationship is allowed. I don't mind.” Sabay kibit balikat, “Any questions?”
“W-wala na po,” sagot ko at umiling iling pa ako.
“Shara, familiar ka ba dito sa Manila?” tanong ni Mark. Mariing umiling ako bilang pagsagot. “As in?”
“First time ko lang po dito,” sagot ko.
“Po?” natatawang tanong nila.
“`Wag ka nang mag ‘po’, bata pa kami, `no!” sabi ni James.
“Sir Yael.”
Napatingin kaming lahat sa biglang pumasok.
“Yes, Lheine?” kunot noong tanong ni Sir.
“Kuya Yael, magre-request na naman `yan nang transfer.”
Biglang bumilis `yung t***k ng puso ko. Nagkaroon ng lula sa tummy ko.
“Jus—”
“Justin,” tawag ni Sir.
Napatingin ako kay Sir. Justin? Si Jusper siya, `di ba?
“Ano na naman ang ginawa mo?”
Napatingin si ‘Justin’ sa `kin, umiwas din bigla.
“Wala, ewan ko ba d’yan kay Lheine kung bakit ayaw na ayaw sa `kin. Mabait naman ako katulad nila,” sabay turo kila Mark, “`Di hamak na mas guwapo ako sa kanila, nakaka-frustrate talaga.” Umupo siya sa tapat ko. “Hi. I'm Justin.”
“J-Justin?” Tumango siya at inabot `yung kamay. “S-Shara. Shara Santiago,” pakilala ko. Inabot ko na rin `yung kamay n’ya. “H-hindi ka ba si J-Jusper?” Binitawan n’ya `yung kamay ko.
“Justin,” ulit n’ya pa. Tumayo na siya. “Lheine, let's go. Male-late na `ko sa schedule ko.”
Paglabas nila biglang nagbulungan sila Mark.
“May topak na naman?” tanong ni Sir Yael.
“Baka,” sabay sabay na sagot ng tatlo at nagkibit balikat.
GRABE PALA maging assistant ng mga `to. Takbo dito, takbo doon. Ang sakit sakit na ng paa ko dahil sa heels ko. Bukas magi-sneakers na lang ako. Ganito pala ang trabaho tapos kailangan naka-heels? Pinagloloko ba nila ako?
“First day mo pa lang, mukhang susuko ka na, ah!” Tiningnan ko si Mark. “Tubig?” alok n’ya. Kinuha ko `yung inalok n’yang tubig. “If hindi ka comfortable d’yan sa suot mo, mag suot ka na lang sa susunod kung saan ka comfortable. Wala namang dress code, e.”
“Talaga? Sabi kasi ni Ate Jessica kailangan daw ganito.”
“Jessica? Eh, hindi naman n’ya kasi na-experience ang field kaya walang idea `yun,” natatawang sagot n’ya. “Wait, pinsan mo si Jessica? Jessica Smith?”
“Yep. Why?” Naningkit ang mga mata ko nang tingnan ko siya.
“Wala lang, ang ganda ng blue eyes n’ya.”
“Uhm. Mark, p’wede ba akong magtanong?” Ngumiti siya at saka tumango. Okay. Guwapo talaga siya. Para siyang Prince. Kung hindi man prince, para siyang may royal blood.
“Magtatanong ka ba o titingnan mo lang ako?” natatawang tanong n’ya.
“Uhm. `Di ba, si Jusper dito din naman siya sa entertainment niyo?”
“Uh yeah.” Lumapad `yung ngiti n’ya. “You’re Jusper’s fan!” Alanganing ngumiti ako. “I knew it! The way you look at him kanina.”
“Wait. Kanina? Si Justin `yun, `di ba?” nagtatakang tanong ko.
“Yep.” Napakunot `yung noo ko. “Si Justin at si Jus—”
“Jusper!” Napatayo ako sa kinauupuan ko. “Oh si Justin `yan?” tanong ko. Tiningnan ko si Mark. “Kambal sila, `di ba? Si Jusper lang kasi ang kilala ko, eh.” Medyo kumunot `yung noo n’ya. Tumayo siya at nilapitan si Jusper o si Justin. Ah, basta isa do’n.
Pero ang weird. I have the same reaction kay Justin. Nararamdaman ko lang naman `yun `pag nakikita ko si Jusper. Gano’n ba talaga `pag magkamukha? Isa lang din ang mararamdaman mo kahit magkaibang tao sila?
Umupo ako ulit. Tiningnan ko si Mark at si Justin o si Jusper na nag-uusap. Napaayos ako ng upo nang bigla silang lumapit sa puwesto ko.
“Shara, this is Jusper,” pakilala ni Mark.
Napalunok ako ng tatlong sunod at napahawak sa dibdib ko. Grabe ang bilis talaga nang t***k nito. Para akong hihimatayin.
“Shara?” nakakunot noong tanong n’ya. “You’re from Palawan, right?”
“Oh my! Naaalala mo pa ko?!” Ngumiti siya. “Hindi nga?!”
“Of course I remember you! Ikaw `yung naipit no’ng nagka-stampede, `di ba? I helped you pa nga, eh.” Napakurap kurap ako. “Are you okay?”
“Oh my. Oh my!” Hindi ko mapigilan. Tumayo ako at medyo tumalon talon. “Oh my talaga!”
“Shara?” Huminto ako. “You okay?” natatawang tanong ni Mark.
“Hindi lang kasi ako makapaniwala na na aalala n’ya pa ako.” Tumingin ako kay Jusper. Nakangiti pa rin siya. “Baka naman nananaginip lang ako. Puwede pakurot?” Nagtinginan sila ni Mark. Kinurot ko na lang `yung sarili ko. Masakit! “Totoo nga! OMG talaga!”
“Shara, calm down,” saway sa `kin ni Mark.
Hingal na umayos ako nang tayo.
“Sorry. Fan mo kasi talaga ako, e” Kinuha ko `yung iPhone na binigay sa `kin ng office. Wala kasing camera `yung phone ko talaga. “P’wede bang mag papicture ulit?”
“S-sure.” Kinakabahang lumapit ako sa kanya.
“Jus, ikaw na. Hurry up! Late na tayo sa airing!”
Pag pindot ko wala na si Jusper sa tabi ko.
“Sorry, Shara, next time na lang.”
Nakangangang tiningnan ko na lang siya.
“Get use to it. Ganyan `yan si Jus—” Napatingin ako kay Mark. “Jusper. Work first. Si Amber lang ang makakapagpatigil d’yan.” Napakunot `yung noo ko.
“May girlfriend na siya?” malungkot na tanong ko.
“Mabuti sana kung girlfriend n’ya. Kaya lang ikakasal na `yun sa susunod na linggo.”
Nagkibit balikat na lang ako. Ikakasal na naman pala, eh. Hindi ko na karibal `yun.
“Mark! Mark! P’wede pong magpa-picture?!” tanong ng isang fan na biglang lumapit sa `min.
Napangiti ako. Parang noong nakaraang linggo lang gan’yan na gan’yan ang peg ko sa harapan ni Jusper noong magkita kami sa Palawan.
“Kung alam ko lang na makikita kita dito sana dinala ko `yung album niyo,” malungkot na sabi ng teenager.
Tiningnan ako ni Mark. “Do you have notepad or something and pen?”
Mabilis na tumango ako at kinuha sa bag ko ang notepad at ballpen at inabot kay Mark.
“Nice. Quiet impressive for your first time,” sabi n’ya sabay kindat. “Your name, miss?” tanong n’ya sa teenager.
So, para do’n ang ballpen at notepad. I think I’m gonna love this job. Makaka-relate ako sa mga fans nila.