Sinundan ko lang nang sinundan si Jusper hanggang sa nakalabas na siya sa mismong building ng facility. May isang maliit na bahay sa likod. Medyo outcast siya sa mismong building. Oo nasa loob siya ng vacinity ng home for the aged pero mapapansin mo na bukod pa rin siya. May sariling bakuran ang bahay at may bench sa ilalim ng malaking puno na nasa loob ng bakuran.
Nagtago ako sa hindi kalayuan para hindi ako makita ni Jusper. Pumasok siya sa bahay at ilang sandali lang ay lumabas na. Kasama na n’ya `yung babaeng nakita kong kasama n’ya dati sa office. `Yung maliit na magandang babae. May kasama rin silang isang middle aged na babae. Naupo sila sa bench at parang nagkuwentuhan sila.
May ilang minuto rin ang tinagal nang pagkukuwentuhan nila bago sila bumalik sa loob ng bahay. Pagkalabas ni Jusper, kaagad na sumunod sa kanya `yung magandang babae. N’yakap siya nito at base sa itsura n’ya, umiiyak ito. Ano kaya ang nangyari sa kanila? Hahakbang na sana ako papalapit sa kanila nang may narinig ako mula sa likuran ko.
“Nand’yan si Jusper! Bumisita sa Mama n’ya,” narinig kong sabi ng isang babae.
“Nakita ko nga. Ang guwapo n’ya talaga sa personal, `no? May girlfriend na kaya?” tanong naman ng isa.
“Kaya lang nakakaawa rin, minsan hindi siya maalala ng sarili n’yang nanay,” naiiling na sabi ng nauna nang dumaan na sila sa `kin.
“Mama ni Jusper `yun? Pero ano `yung sinasabi nilang minsan hindi maalala?” bulong ko sa sarili ko.
Tiningnan ko ulit sila Jusper. Wala na `yung magandang babae. Nakaupo na lang siya sa bench at may hawak na gitara. Lumipat ako sa likod ng puno `di kalayuan sa kanya. Narinig ko rin ang magandang boses n’ya. Kumakanta siya habang sinasabayan nang pagtutog ng gitara. Base sa boses n’ya halatang malungkot siya.
Naibagsak ni Jusper ang gitara nang may marinig kaming parang nahuhulog na mga bagay. Mabilis na pumasok siya sa loob ng bahay ako naman ay napalabas sa pinagtataguan ko. Mabilis na sinundan ko siya papasok sa loob ng bahay. Nakita ako ang nagdudugong kamay ng Mama n’ya.
Mabilis na kumilos ako at kinuha ang first aid kit ko sa bag ko. Nilinis ko kagad ang sugat sa kamay ng Mama ni Jusper. Habang ginagamot ko ang sugat n’ya ay hindi ko maiwasan na mapatingin sa mukha n’ya. Nakatingin lang siya sa `kin at nakangiti. Para bang may nakikita siyang kung ano sa `kin.
“Dalagang dalaga ka na, Jasmine,” malambing na sabi n’ya at hinawi ang bangs ko gamit ang isa n’yang kamay. “Kumusta na ba ang mga kuya mo?”
“P-po?” naguguluhan na tanong ko. “Hind—”
Napatingin ako kay Jusper. Nakaluhod na siya sa tabi ko.
“Sakyan mo lang ang sinasabi ni Mama,” bulong n’ya sa `kin. Tiningnan n’ya ang Mama n’ya. “Ma, okay ka lang po ba?” nag-aalalang tanong n’ya.
Lumawak ang ngiti ng Mama n’ya nang makita siya. “Justin!” napalinga siya sa paligid, “Nasaan si Jusper? Bakit hindi mo siya kasama?” tiningnan n’ya `yung magandang babae na umiiyak pala, “Sino siya? Nobya mo ba?”
“Ma, magpahinga ka na.”
“Teka, hindi pa tapos gamutin ni Jasmine ang kamay ko,” binalik n’ya ang tingin n’ya sa `kin, “Pasensya ka na, anak, ha? Hindi kasi nag-iingat ang mama,” malungkot na sabi n’ya at hinawakan ang kamay kong gumagamot sa sugat n’ya.
“Okay lang po,” kinuha ko na `yung benda sa bag ko, “Ibebenda ko na po muna, pero pagkatapos nito huwag niyo na po muna galawin itong kamay niyo para maiwasan na po natin ang pamamaga,” bilin ko. Tumango lang siya bilang pagsagot.
Naghintay pa kami ng ilang minuto bago nakatulog ang Mama ni Jusper. Naupo kaming tatlo sa lamesa. Hinihintay ko silang magsalita dahil nahihiya naman akong magtanong. `Yung magandang babae naman, humihikbi pa rin pero parang kumalma na naman siya.
“Ano’ng ginagawa mo dito?” seryosong tanong ni Jusper. “`Di ba sabi ko iwanan niyo na ako? Ano’ng ginagawa mo dito?”
“Kuya,” saway sa kanya no’ng magandang babae.
Wait. Kuya? Ibig sabihin magkapatid sila?
“M-magkapatid kayo? Ikaw si Jasmine?” tanong ko.
Marahang tumango si Jasmine. “Salamat pala kanina, ha?”
“Nako, wala `yun,” huminga ako nang malalim, “Uhm. P’wede ba akong magtanong?” kinakabahang tanong ko sa kanila.
“No,” mabilis na sagot ni Jusper.
Pero hindi ko siya pinansin. “Bakit tinawag n’ya akong Jasmine at Justin naman si Jusper?”
Saglit na napakunot ang noo ni Jasmine sa tanong ko. Itatanong ko sana kung bakit pero sumagot na naman siya. “Our mom has this thing called early dementia or early alzheimer’s disease. Rare ang case n’ya. Nasa late forty’s pa lang kasi si Mama. And katulad ng may mga sakit na alzheimer’s, madalas nakakalimutan nila ang mga tao sa paligid nila,” mahinang paliwanag n’ya.
“I’m sorry to hear that. Kaya ba gano’n?” halos pabulong nang sagot ko. “Pasensya na, hindi na sana ako nagtanong.”
“Pinigilan kita, pero tinuloy mo pa rin,” singit naman ni Jusper. Napayuko na lang ako. “Tara na, ihahatid na kita.”
“H-hindi. Kaya ko na. May taxi naman d’yan sa labas mas kailangan kayo dito,” sagot ko. “Pasensya na talaga. Don’t worry, walang makakaalam nito.”
Tumayo na ako at naglakad na palabas. Pagdating ko sa gate naramdaman kong may tao sa likuran ko kaya tiningnan ko. Si Jusper pala. Hindi na ako nagsalita. Alam ko namang hindi ito ang tamang panahon para dumaldal ako. Tama na `yung nakita ko kanina. Tama na `yung nalaman ko tungkol sa kanya.
Si Jusper na ang pumara ng taxi para sa `kin. Nagpasalamat ako sa kanya pero hindi naman siya sumagot kaya hinayaan ko na lang. Pagsakay ko ay t-in-ext ko na lang na mag-ingat silang magkapatid sa pag-uwi.
“HOY! Ano’ng ginagawa mo d’yan?” untag sa `kin ni Justin. Alam kong si Justin siya dahil ang jolly n’ya. Hindi gan’yan si Jusper. Hindi ko siya pinansin at pinagpatuloy na lang ang pagtingin sa view dito sa rooftop. “Kung itulak kaya kita d’yan sa kinauupuan mo?” inis na sabi n’ya.
“Ano ba’ng kailangan mo?” inis din na balik ko sa kanya.
“E, bakit ang sungit mo?”
Napailing na lang ako at hindi na siya sinagot pa. Ginugulo pa rin ang utak ko sa mga nalaman ko. Kaya siguro noong nasa Palawan kami ang seryoso ni Justin ay dahil sa Mama n’ya. Siguro kaya siya nando’n ay para kahit paano ay maibsan ang nararamdaman n’yang lungkot.
“May problema ka ba, Shara?” seryosong tanong ni Justin. Umiling lang ako bilang sagot. “Galit ka ba sa `kin?” Umiling lang ulit ako. “E, bakit gan’yan ka?”
“Wala lang,” yumuko ako, “Paano mo nagagawang ngumiti gayong may problema ka?”
“H-huh? Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Nakita ko `yung facility kung nasaan ang Mama mo,” mahinang sagot ko.
“Ah, `yun?” umupo siya sa tabi ko, “Kung magmumumok ba ako gagaling ang Mama ko? Kung iiyak ba ako may mangyayari?” umiling siya, “All I can do is to smile for her. Kahit minsan hindi n’ya ako naaalala. `Yun lang naman, e. Tanggap na naman namin na maliit lang ang chance n’ya na gumaling. Tuwing nakikita namin siyang ngumingiti, sapat na sa `min `yun. Sapat na `yun para kahit papaano ay magkaroon pa kami ng lakas ng loob.”
“Justin.”
Nakangiting lumingon siya sa `kin. `Yung ngiti n’ya ngayon hindi katulad ng nakikita kong ngiti n’ya dati. Hindi umabot sa mga mata n’ya ang ngiti n’ya ngayon.
“Justin, p’wede kang maglabas ng saloobin mo sa `kin.”
“Gusto mong malaman kung ano ang sikreto ko?” seryosong sabi n’ya. Napatitig lang ako sa kanya. “Joke lang, parang may itinatago nga ako.” Pilit na tumawa siya.
“Wala nga ba?”
Siya naman ang tumitig sa mga mata ko. “Ano ba sa tingin mo?”
Matagal kaming nagtitigan. Sinusubukan kong basahin kung ano ang naiisip n’ya pero hindi ko talaga mabasa. Pakiramdam ko talaga may sikreto siya pero parang wala.
“Hindi ka pa ba kailangan nila Mark?” biglang tanong n’ya sa `kin.
Napatingin ako sa relos ko at nagulat ako sa oras. Inalalayan n’ya akong makababa sa kinauupuan ko. Hindi na ako nakapagpasalamat sa kanya dahil nagmadali na akong bumaba. Late na ako. Ilang beses na akong nale-late sa schedule nila. Hindi ko alam kung ano na ba ang nangyayari sa `kin.
NAPAPAINDAK ako sa tugtugan dito sa bar na pagmamay-ari ng asawa ni Ma’am Ysabelle. Dito kasi ang huling schedule ng The Cliché. Regular silang nagge-guest dito pero walang definite na oras kung kailan lang maisisingit sa schedule nila.
Nandito lang ako sa itaas. VIP lounge yata ito. Kitang kita ko mula rito ang buong lugar. Malaki siya, pero kahit ganoon ay napupuno pa rin ng mga tao. May ilang beses na rin naman akong napunta dito. Base sa mga naririnig ko, bukod sa The Cliché na siyang pinupuntahan ng tao ay iba rin daw ang hatak ng may-ari. Magaling din kasing kumanta si Sir Ethan at sikat din na chef kaya kilala na rin ng mga tao.
“Nag-e-enjoy ka ba?” tanong sa `kin ni Ma’am Ysabelle. Na hindi ko namalayan na nasa tabi ko na pala.
“Opo, Ma’am,” nakangiting sagot ko.
“`Wag mo na akong i-ma’am. I’m sure na magkasing edad lang tayo o kung hindi man mas matanda lang ako sa iyo ng kaunti,” natatawang sabi n’ya. “Fan ka ni Jusper, `no?”
Alanganing ngumiti ako at saka tumango.
“Bakit hindi ka na lang kay Justin? Magkamukha naman sila at mukhang close na kayong dalawa.”
“H-huh? Friends lang po kami,” natatawang sagot ko.
“Friends don’t kiss friends,” sabi n’ya sabay kindat.
“Paanong...?”
P’wede na akong lamunin ng lupa ngayon.