PROLOGUE
Hindi ko siya gusto.
Sa totoo lang, ayoko nga siyang makita.
Mula pa noong unang araw na tumapak ako sa gusali ng Maison Delacroix, alam ko nang hindi magiging madali ang lahat. Sa bawat hakbang ko sa marble floor na ‘yon, ramdam ko ang mga matang humuhusga. Ang mga tinging nagsasabing, “Hindi ka bagay dito.”
At isa siya sa mga unang nagpatunay niyon.
Adrien Delacroix.
Ang anak ng may-ari. Ang batang pinagpala ng pangalan, ng talento, ng mundo.
Siya ang taong sinasamba ng lahat sa industriya maliban sa akin.
“Your stitching’s messy,” malamig niyang sabi sa akin noong unang araw ng internship ko. Walang tingin, walang pakialam. Parang hindi ako tao. Parang isa lang akong dumi sa puting sahig ng imperyong pagmamay-ari niya.
Ngumiti ako noon hindi dahil masaya ako, kundi dahil gusto kong itago kung gaano niya ako sinasaktan.
Fine, bulong ko sa sarili ko. Kung laro ang gusto mo, handa akong makipaglaban.
Hindi ako lumipad papuntang Paris para lang umatras sa unang pagkadapa.
Hindi ako nagpakasakit sa bawat rejection para lang umatras sa unang mapanuyang tingin.
Kaya ko siyang talunin.
Kaya kong patunayan sa kanya at sa lahat na kaya kong makipagsabayan kahit wala akong pangalan. Kahit wala akong koneksyon. Kahit wala akong kahit ano.
Pero habang tumatagal, napapansin kong may kakaiba sa bawat pagbangga ng mundo namin. Sa bawat pagtatalo. Sa bawat masungit niyang komento. Sa bawat pagkakataong nilalapastangan niya ang pride ko… may kung anong init na unti-unting kumakain sa loob ko.
At doon ako natakot.
Kasi paano kung isang araw, hindi na galit ang maramdaman ko tuwing nakikita ko siya?
Paano kung isang araw… siya na mismo ang dahilan kung bakit hindi ko na kayang lumayo?
Ayoko sa kanya.
Ayoko sa tingin niyang parang alam niya ang lahat.
Ayoko sa boses niyang palaging may bahid ng pagmamataas.
Pero bakit, sa bawat pag-iwas ko, lalo lang akong lumalapit?
He was the storm I promised myself I’d never walk into. And yet… here I am, standing right at the center of it.