Chapter Eleven - Supot ng Pagkain
Walang lakas para buksan ni Margarita ang kahong metal. Nakatulala lamang ito sa kawalan ng napakadilim nitong loob. Blanko ang kanyang isipan, wala itong nararamdaman, at nawalan na rin ito ng pag-asa.
Isang pagyanig ang nagpagising sa kanya noong narinig nito ang pagsabog sa ibabaw na kanyang kinalalagyan. Nag-uunahan ang kanyang mga luhang lumandas sa kanyang mga pisngi. Napaigtad siya noong naramdaman niya ang lamig ng metal na kahon. Ngayon lang bumalik ang mga alaala, mga damdaming nagpapabigat sa kanyang dibdib, at poot na nagbibigay sa kanya ng pag-asa para maghiganti.
Malakas niyang siniko ang metal na dingding upang ilabas lahat ng kanyang nararamdaman. Ang poot ng makitang patay lahat ng minamahal ay unti-unting namumuo sa kanyang dibdib. Sa isang iglap ay biglang naglaho na parang bula ang kanyang anak at asawa.
Nangako siyang ipaghihiganti niya ang mga taong nadamay at namatay sa pakikipagdigma laban sa kanyang ama. Sa kanyang anak, asawa, at sa kaibigang si Ronald bibigyan niya ng hustisya ang pagkamatay nila. Sinikap niyang abutin ang maliit na pindutan para buksan ang metal na kahon.
Dahan-dahang bumukas ang kahon na metal. Bumungad sa kanya ang maalat na hangin ng karagatan. Narinig niya ang mga malalakas na hampas ng alon, ang malamig na simoy ng hangin, at ang buwang napakaliwanag.
Isang paa ang unang iniapak niya sa buhangin, dama nito ang mga matutulis nitong maliliit na bato. Tuluyan na itong lumabas at tiningnan ang nasusunog na bahay isang kilometro ang layo. Hindi niya parin mapigilang maging emosyonal.
Naglakad ito sa napakalawak na dalampasigan. Papunta siya sa dagat na naghahampasan ang mga alon. Mabilis na lumubog ang paa nito sa loob ng buhangin ng abutan ng tubig dagat.
Tumigil ito sa paglalakad at tumayo lamang doon. Tumingala ito sa napakalaking buwan. Napakabilog nito, napakaliwanag.
Naalala niya ang kasisilang niyang anak na ngayon ay wala na sa kanyang mga bisig. Nagsisisi siya kung bakit hindi niya nilubos ang panahong nasa mga bisig niya ito. Ang maliliit nitong mata, ang mumunti nitong pag-iyak, at ang maliit nitong mga kamay. At ang asawa niyang mapagmahal, matiyaga, at handa siyang ipaglaban - sa isang iglap nawala silang lahat.
"Mahal? Bakit mo ako nilisan?" bigkas nito habang pumapatak ang mga luha nito.
Dahan-dahan itong umupo at niyakap ang nilalamig na sirili. Hinihipan ng hangin ang buhok nito kaya kitang-kita ang mukha nitong madungis.
"Anak? Bakit mo nilisan si mommy?" At doon, mas lalo itong humagulhol ng iyak.
"Tahan na aking mahal..." bulong ni Victor sa kanyang asawa. Hindi narin napigilan nito at napaluha narin.
Humarap sa kanya si Margarita at niyakap siya ng kay higpit. Walang ni isa ang nagsalita. Bawat isa ay pinapakiramdaman ang bawat pagsusumamo ng kanilang mga pag-iyak.Napapikit si Victor. "Tahan ka na aking mahal. Harapin nating dalawa ito. Walang susuko mahal," ani nito at napahikbi.
"Kung mananatili tayong mahina, paano natin haharapin ang mga kinabukasan? Kung mananatili tayong magpapatali sa ating nakaraan, paano tayo uusad sa pang-araw-araw? Kung hindi tayo marunong tumanggap sa mga nangyayari ngayon," tumigil ang boses nito sa pagsasalita. "Paano na ang pamilya natin? Ang magiging mga anak natin, at mga anak ng anak natin?" dagdag nito sa mahinang boses. "Paano nalang lahat ng mga plano natin kung hindi tayo lalaban? Susuko ka nalang ba?"
Tumigil si Margarita sa pag-iyak. Umiling-iling ito sa kanyang asawa bilang pagtutol sa tanong. Kailanman ay hindi siya susuko, ipaglalaban niya ang kanyang pamilya kahit anong unos ng problema ang dadating sa kanilang buhay.
Hinahalik-halikan nito ang noo ni Margarita. Dinaramdam ang bawat parte ng kanyang mukha. Ang noo, ilong, mga lumuluhang mata, mga pisnge, at ang mga labi nito. Gusto niyang pawiin ang sakit na dala ng kanyang asawa.
"Mahal? Paano na ang mga pangako mo kung iiwan mo ako?" ani nito.
Namamaga na ang mga mata nito sa kakaiyak. Wala na itong luha na mailalabas pa. Wala na itong lakas para igalaw ang nanghihinang katawan.
Umihip ulit ang malamig na hangin. Nanuot ito sa kanyang balat na ani mo ay para itong hinihele. Unti-unting pumikit ang mga mata ni Margarita hanggang tuloyan na itong nahiga sa buhangin ng dagat.
Nagising ito kinabukasan noong tinutuklaw ito ng isang ibon. Pinaalis niya ito at bumangon sa pagkakahiga. Nanginig ito noong napagtanto niyang sa dalampasigan siya natulog. Unti-unti naring magbukang-liwayway kaya agad itong tumayo baka kung sino pa ang makakakita sa kanya.
Tinanaw nito ang bahay kung saan usok nalang ang kanyang nakikita. Tinatagan niya ang kanyang loob habang inuukit nito sa isipan ang hustisya na kailangan niyang hanapin. Buo na ang loob nito na magpakatagtag sa buhay para makamit nito ang tinatamasa.
Wala siyang magagawa kong parati niyang ibinabaon ang kanyang sarili sa mga kahapon. Kailangan niyang tanggapin kung ano man ang nangyari na upang malaya nitong nilalakad ang buhay ngayon at sa hinaharap. At, para narin ito sa kanyang kapakanan upang madali niyang makuha ang hustisya na kanyang hinahanap.
Wala itong suot na tsinelas kaya paika-ika itong naglakad sapagkat may matutulis na mga batong maliliit. Patungo ito sa bahay malapit sa kanyang kinatatayuan. Plano nitong maghanap ng masusuot na damit at tsinelas.
Hindi pa gaanong maliwanag kaya malaya niyang kinuha ang mga damit na nakalagay sa labas ng sampayan. Nagdala narin ito ng reserbang damit at nilagay sa maliit na supot.
Lumapit ito malapit sa pintuan at isinuot nito ang kasyang tsinelas. Patingin-tingin ito sa paligid nung napatingin ito sa salamin. Kita na niya ang kanyang mataas na buhok kaya naghanap ito ng gunting at pinutol ang buhok nito, hanggang sa maiksi na ito. Sinisiguro niyang walang tao nakakakita bago nilisan ang bahay na iyon.
Sumikat ang napakaliwang at napakainit na haring araw habang naglalakad ito sa gilid ng kalsada. Hindi siya pamilyar sa lugar kaya nagpatuloy lamang ito hanggang saan siya dalhin ng kanyang mga paa. Marami-rami narin ang mga sasakyan at mga taong dumadaan.
Isang matandang pulubi may dalang sungkod ang kanyang nakita sa gilid ng kalsada. Nakaupo lamang ito habang nakataas ang mga kamay sa mga dumadaang mga tao. Gusto niya man itong bigyan ngunit siya man ay nangangailangan rin ng pera.
Nilapitan niya ito. "Magandang umaga po! Pwede pong magtanong?"
"Ano iyon hija?" sagot naman ng matandang pulubi.
"Anong bayan po ba ito ng San Luis?'
"Naku ineng! Nasa Poblacion ka ngayon," ani ng matanda. "Bakit? Naliligaw ka ba?"
Tumawa lamang si Margarita, "saan po ba patungo ang daang ito? Sa pier po ba?"
"Nasa kabila pa iyon hija. Mahaba-habang byahe pa bago mo marating ang pier."
Napatango nalang ito. Wala itong perang dala kaya hindi siya makasakay papuntang pier. Mahabang lakarin din ang kanyang lalakarin kung sakaling maglalakad ito.
Napabuntong-hininga nalang ito. "Maraming salamat po manong," pagpapaalam niya sa matanda.
"Walang ano man ineng."
Wala na siyang mapupuntahan pa sapagkat wala siyang dalang pera. Biglang kumulo ang kanyang tiyan tanda na nagugutom na siya. Napatingin ito sa karenderyang puno ng mga tao. Hinagod nito ang tiyang walang laman simula pa kahapon.
"Maraming Salamat hijo," dinig niyang banggit ng matanda.
Napatingin siya sa kanyang likuran at nakita niya ang matanda na mayroong supot ng pagkain. Dali-dali siyang pumunta malapit sa matanda at nakiupo narin sa sementadong sahig. Inayos niya ang kanyang bandana at itinakip ito ng husto sa kanyang mukha.
"Maraming salamat po," ani ni Margarita noong bigyan siya ng supot.
Dali-dali niyang binuksan ang supot na ibinigay ng lalaki. May laman itong limang ibat-ibang klase ng biscuits, isang mansanas, dalawang ponkan, at isang malaking bote ng tubig.
"Sino po pala sila?" baling nito sa matanda.
"Mga tauhan ng TriCore Corporation hija. Naku! Kapag wala kang pangkain, dalasan mo dito tuwing umaga tiyak ikaw ay mabibigyan ng ayuda."
" Ganoon po ba? Mabuti naman at tumutulong parin sila sa mga tulad nating," hilaw itong ngumiti, "nag-aantay ng tulong galing sa kanila. Kay busilak naman pala ng puso nila para hindi nila kinalimutan ang mga tulad nating naghihirap."
"Oo nga! Pero may sasabihin ako," palinga-linga ito sa paligid,"huwag mong sasabihin kahit kanino."
Tumango naman si Margarita bilang pagsagot.
"Naririnig ko na tumutulong sila dahil simula noong nawalan ng anak ang may ari niyan, madalas na itong tumutulong. Nangungulila nga daw," Patango-tango nito. "Nagbabakasakaling makita nila ulit ang anak nila," ani ng matanda na nagpahinto kay Margarita.
Naalala niya rin ang kanyang anak at naiintindihan niya kung ano ang nararamdaman ng mga taong ito. Ang mawalan ng anak ay napakasakit at habambuhay mong dadalhin ang sakit sa iyong dibdib. Kaya, naiintindihan niyang ang pagtulong ang nagbigay daan sa mga magulang nito upang maibsan ang sakit na kanilang dinaramdam.
Isang ngiti ang kanyang iginawad sa matanda. "Ang babait naman po pala nila," dagdag niya.
Tiningnan niya ulit ang mga pagkain sa loob ng supot. Tinatansya niya kung aabot pa ba ito ng hapunan. Tiningala nito ang kalangitan at napabuntong-hininga. Mataas-taas pa ang araw at wala siyang maisip kung ano ang kanyang unang gagawin.
"Sasama ka sa akin," sabi ng matanda na ikinabigla niya.
Napaisip siya kung ano naman ang gagawin niya kapag sasama siya nito. Baka magiging pabigat nalang siya kapag sasama siya. Ngunit, naisip niya rin na wala pa naman siyang maisip na gagawin.
"Saan naman po?"
"Mangangalakal," ngiting tugon ng matanda.
"Ho?" alinlangan niyang sagot at napakamot ng ulo.