Chapter Twelve - Squatter Area
"Saan po ba tayo papunta manong?" tanong ni Margarita habang binabaybay nila ang mahabang kalsada ng Poblacion.
Kakatapos lang nilang kumain kanina, at ngayon ay naglalakad siya kasama ang matandang pulubi. Nadadaanan nila ang ibat-ibang maliliit na negosyong makikita sa bayang iyon. Hindi gaanong malalaki ang mga imprastraktura at kadami ang mga taong bumibili dito. Sa tingin niya rin ay hindi ito katulad ng syudad na makikita sa bayan.
"Dito tayo hija," napabaling siya kung saan nakaturo ang kamay ng matanda.
Puno ang lugar ng maliliit na bahay. Yari sa yero ang iilan nitong dingding, tabla ng plywood at mga gulong ang nakabitin o di kaya ay nilalagay nila sa ibabaw ng bubong upang hindi ito liparin ng hangin. At bawat bahay ay nakapatong rin sa nakapatong na bahay.
"Ano pong gagawin natin dito?" ani niya habang sinusundan ang daang tinatahak ng matanda.
Tinawid nila ang marupok na taytayan papunta sa mga bahay. Sa ibaba nito ay isang imbornal na may nakalutang na mga basura. Napatakip siya ng ilong sapagkat napakasangsang ng baho nito na nanunuot sa kanyang ilong.
"Mangangalakal," ulit nito. "May imbakan kasi ng basura dito para makakalakalan natin. Ayun!" turo nito.
Kitang-kita niya ang gabundok na mga basurang nakaimbak sa likod ng mga bahay. Halos magkasingtaas ang mga gabundok na basura at ang mga bahay kung tawagin ay squatter area. Napakadumi nitong tingnan na halos nasusuka na siya habang tinitingnan ito.
Nakapalibot naman ang mga tao dito habang masinsining pinupulot at kinukuha ang pwedeng ipagbili. Walang pili sa edad ang mga naroroon. Nakikita niya ang mga batang naglalaro sa mga basura, may mga matatanda ring kumakayod parin, at mga kabataang pursigidong punoin ang dala-dala nilang sako.
Habang dinadaanan nila ng nagsisikipang bahay ay hindi niya napigilang maawa sa mga taong nakatira roon. Nakikita niya kung gaano kaliit at kasikip ang kanilang bahay. Napapaisip siya kung nakakatulog pa ba ang mga tao dito ng maayos.
"Isuot mo ito," ani ng matanda habang binibigyan siya nito ng pares na guwantes. "Higpitan mo narin ng balot iyang ilong mo para hindi mo malanghap ang mabahong dumpsite."
Isinuot niya ito ng walang pag-aalinlangan. Mabuti nalang ang suot niyang damit ay long sleeve habang naka-pajama naman ang suot niyang pambaba.
"Araw-araw niyo po bang ginagawa ito?" hindi niya napigilang magtanong.
"Oo kailangan! Para mabuhay.” Huminga ito ng malalim. “Kailangan kong gawin lahat para lang maituwid ko ang aking sarili bawat araw na lumilipas," ngiti nito. "Kung kailangan kong sumuong sa mga mahihirap na bagay, kahit na nagkakasakit ay kinakailangan kong indahin lahat ng aking nararamdaman para lang mabuhay."
Napatikom ng bibig si Margarita dahil sa malalim nitong sinasabi. Hindi birong kumayod sa ganitong trabaho na may katandaan na ang edad. Napahanga si Margarita dahil sa sinabi ng matanda.
"Sorry nga pala manong kung hindi ko naipakilala ng maayos ang aking sarili. Ako pala si Margarita," ani niya habang nilalahad ang kamay para makipagkamay sa matanda.
"Magandang pangalan!" galak nitong sabi." Ako din pala si Kaloy! Manong Kaloy. Hihi!" Tawa nito habang sinasabi ang pangalan.
"Bakit pala kayo napunta dito? Saan po ba ang pamilya niyo?” Kuryosong tanong ni Margarita sa matanda.
“Naku! Nandiyan lang naman sila pero nagpakalayo-layo ako sa kanila,” ani nito at humalakhak.
Nabigla si Margarita sa sinabi ng matanda. Tumawa pa ito na para bang ikinakatutuwa itong sabihin o iparinig man lang sa mga tao. Kahit nagpapakita ito ng masayahing mukha ay makikita niya kung gaano ito kalungkot. Napakunot ang kanyang noo dahil iniintindi niya ito ngunit kay hirap nitong intindihin.
“Bakit naman po?”
“Kasi malalaki na sila hija. Hindi na nila ako kailangan pa para bantayan ko sila palagi,” sagot ng matanda kay Margarita. “Minsan kasi, bilang mga magulang kinakailangan nating luwagan ang pagiging mahigpit sa ating mga anak. Kailangan nila ang kalayaang pumili para matutunan nila ang magiging leksyon ng kanilang pinili. Nakakabuti man o nakakasama para sa kanila kailangan nilang maranasan ang mga bagay-bagay upang mas maging makabuluhan ang kanilang magiging desisyon sa buhay.”
Kinuha nito ang sakong dala at pumunta na doon sa gabundok na mga basura. Napaisip siya sa mga sinasabi ng matanda sapagkat naalala niya kung gaano kahigpit ang kanyang ama sa kanya. Kung paano nito kinokontrol lahat ng mga bagay para sa kapakanan nito. Isang luha ang lumabas sa gilid ng mga mata niya na mabilis naman niyang pinahiran.
“Manong Kaloy! Kayo pala iyan. Pakilala niyo naman kami sa kasama mong magandang dilag,” ani ng isang lalaking nakabalot. Lahat sila ay nakabalot ngunit kakaiba ang lalaking ito sapagkat kay tangkad nito. Kahit soot nito ang long sleeve, hindi mawari ang kakisigang taglay nito. Ang malapad nitong dibdib, ang naninikip nitong sleeve dahil sa nag-uumbokang braso, ang makapal nitong kilay, at ang mga nakangiting mata nito na kulay asul.
Mabilis na ibinaling ni Margarita ang kanyang mga mata sa paligid noong marinig niya ito. Hindi niya nagugustohan ang makarinig ng mga ganitong diskusyon. Sumunod siya kung saan pupunta ang matanda at nagkukunwaring abala para hindi mapansin ng mga naroroon.
“Kayo talaga! Tigil-tigilan niyo iyan. Mabuti pa ay magsingbalik nalang kayo sa mga ginagawa ninyo," pinagsabihan ng matanda ang mga binatilyo.
"Kayo talaga manong Kaloy, hindi na mabiro," sagot ng lalaki at nagtawanan sila.
"Nabibiro naman pero mamaya na iyan baka mahuli pa tayo sa pagbebenta nito," ani ng matanda.
Napakamot ng ulo ang mga kalalakihan at nagpatuloy nalang sa kanilang ginagawa. Guminhawa naman ang loob ni Margarita dahil sa ginawa na pagtanggol ng matanda. Tiningnan niya ang mga ito ngunit napabaling siya kaagad sapagkat tinitignan siya noong lalaki. Napailing nalang siya at ipinagkibit nalang ito ng balikat.
Nagsimula ng mamulot ang matanda ng mga plastic na bote, babasahing bote, mga yero, at mga basurang pwede pang ipagbili. Nasa likod naman si Margarita nakasunod habang nagsisimula narin itong mamulit ng mga basura. Dama niya ang init galing sa araw na tumatagos sa soot niyang damit. Tiningnan niya ang buong paligid na punong-puno ng tao. Kahit mahirap ang kanilang ginagawa ay nakikita niya kung gaano kapursigido ang mga tao sa kanilang ginagawa.
"Siya nga pala manong Kaloy, bakit hinahayaan ka nila dito imbes na inaalagaan ka sa bahay?"
"Dahil gusto ko."
"Gusto kong lumayo muna at mamuhay kasama ang mga tao sa ating komunidad. Kasi alam mo?" tumingin ito sa mga tao sa paligid. "...gusto kong kilalanin at makiusap sa mga taong hindi ko kilala. Ewan ko ba kung dahil ba ito sa matanda na ako? Kasi sumasaya ako. Dama ko na minsan kailangan ko rin ng payapang utak na wala akong iniisip."
Gusto pa sana niyang magtanong ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili. Kay lalim nito na may pinaghuhugotan at dama niya na may mabigat itong dala-dala na kailangan niyang gawin lahat ng mga ito upang ibsan iyon.
Napatango nalang si Margarita sa sinabi ni mang Kaloy at nginitian ito. Nagpatuloy narin siya sa kanyang ginagawa at mabilis na pumunta sa ibang imbakan naman.
Tutok na ang araw kaya tagaktak na ang pawis sa kanyang noo at likod. Ang maalansangang init ay nanunuot sa kanyang damit kaya hindi ito mapakaling paypayan ang sarili. Maliit palang ang laman ng kanyang sako noong tingnan niya ito.
"Hoy! Akin iyan!" nagulat siya sa biglaang pagsigaw ng bata.
Napalingon si Margarita sa pinanggalingan ng sigaw. Isa ito sa mga batang nakita niya kanina na namumulot rin ng basura. Nagbabangayan ito malapit sa kanyang likuran.
"Nanghingi ka din naman sa akin kahapon ah? Bakit hindi mo ako mabigbigyan kahit ngayon lang?" sigaw naman ng kalaban nito.
Nagkatulakan ang mga ito kaya napasubsub ang bata papunta kay Margarita. Napasubsub siya sa basurang gabundok na nasa likuran nito. Batid ang galit sa mga mata noong bata dahil sa kanyang pagkasubsub kaya ito tumayo agad. Pipigilan na sana niya ito ngunit nahuli na ito sapagkat nakalayo na ang bata.
"Huwag," pigil ng boses sa kanyang likuran.
Binalingan niya ito ngunit papunta naman ito sa mga batang nag-away kanina. Umambang susugod ang bata pero buti nalang pumagitna iyong lalaking tumulong kay Margarita kanina.
"John! Ano ba kayo! Tigilan niyo iyan. Imbes na magtutulongan tayo dito, pinapairal niyo pa ang inyong pagiging sakim," ani nang lalaki at bumaling kay Margarita. "Tingnan niyo! Nakasakit na kayo ng tao."
Tumingin ang lalaki sa kanya. Napakunot ito sapagkat nakatingin na halos lahat sa kanya.
"Okay lang ako," sabi niya at pinagpag ang mga dumi sa damit nito.
"Pagpasensyahan mo na hija-" naputol ang sisabihin ni mang Kaloy.
"Okay ka lang? Walang masakit sa iyo?" sabat naman nung lalaking tumulong sa kanya kanina.
Tinitingnan nito ang kanyang siko at likuran kung may masakit ba. Napakunot ang kanyang noo sapagkat napasobra siya sa reaksyon nito.
"Okay lang ako," ulit niya.
Naalala niyang ito pala iyong lalaking gustong ipakilala niya ang kanyang sarili sa kanya. Binawi niya kaagad ang kanyang mga brasong hinahawakan ng lalaki.
"Ang sungit naman," bulong nito habang humalakhak ng mahina.
Napasinghap si Margarita sapagkat alam niya ang mga galawang ito. Nagpatuloy ito sa kanyang ginagawa imbes na i-intertain pa ito.
"Pumunta ka na doon Franco, baka kunin pa nang iba iyong mga kuha mo," napailing ang matanda, "kayo talagang mga kabataan hindi makapag-antay," dagdag ni mang Kaloy.
"Uy! Si mang Kaloy marunong ng magbiro," sigaw ni Franco.
Natawa narin ang mga ibang naroon. Hindi din nakaligtas si Margarita at napahalakhak siya.
"Marunong ka palang tumawa," nabigla siya dahil sa bulong ng lalaki.
Tumikhim si Margarita at inirapan niya ang lalaki. Ngumiti nalang ang lalaki at tumalikod na ito upang pumunta sa kung nasaan ang kanyang sako ng mga bote.