NANG mga sumunod na araw ay sinikap ni Katrina na iwasan sina Harvy at Laureen. Pinagbubuti na lang niya ang kanyang pag-aaral upang hindi siya gaanong nag-iisip. Kahit paano ay nagiging masaya siya dahil sa Lollipop Boys.
Alam na niya ang mga pangalan ng limang lalaki. Bukod doon, marami-rami na rin siyang alam tungkol sa personal na buhay ng mga ito katulad ng birthdays at favorites. Lahat ng tanong sa slumbook ay inalam niya ang sagot.
Minsan ay hindi siya makapaniwala sa tiyaga niyang magkalap ng mga ganoong impormasyon. Hindi artista ang mga ito kaya hindi madaling makakuha ng impormasyon tungkol sa mga ito. Pero dahil tuluyan nang papasukin ng mga ito ang entertainment business, may mga press releases na tungkol sa mga ito.
She was very excited about their official debut. Alam niyang hindi lamang siya ang nababaliw sa mga ito. May mga nakilala na siyang mga katulad niyang fan din ng mga ito. Kasapi na nga siya sa isang grupo—ang LolliGirlz. Kahit may ilang tao na nagsasabing masyado siyang naging baduy, hindi niya inalintana. She was happy being a fan. Masaya rin siyang makakilala ng ibang fans. Nadagdagan ang mga kaibigan niya. Ayaw niyang magkaroon ng impairment ang pakikitungo niya sa ibang tao dahil sa ginawa nina Laureen at Harvy. Ayaw niyang tuluyang mawala ang tiwala niya sa ibang tao, ngunit nahihirapan pa rin siyang gawin iyon dahil sa nangyari.
Hindi maipaliwanag ang kaligayahang idinudulot sa kanya ng pagiging fan ng isang boy band. Dahil sa mga ito, hindi na niya gaanong naiisip ang kabiguan niya sa pag-ibig. Nagagawa niyang ngumiti dahil nakikita niya sina Enteng, Rob, Nick, Maken, at Vann Allen sa TV.
She was their number one fan. Kahit marami rin ang nagsasabi niyon ay naniniwala pa rin siyang siya ang tunay na number one fan ng mga ito. Parang hindi kasi normal na mahal na kaagad niya ang mga ito kahit hindi pa niya nakikita ang mga ito sa personal. Hindi lang iyon basta paghanga. Hindi rin lang ang pisikal na anyo ng mga boys ang hinahangaan niya. They were not just a bunch of good-looking boys. They inspired people. They made girls smile.
Maraming napapasaya ang mga ito. They were not just celebrities to her. Ang mga ito ang nag-ahon sa kanya mula sa lungkot at sakit kahit hindi alam ng mga ito ang bagay na iyon.
Minsan ay nasasaktan pa rin siya tuwing nakikita niya sina Laureen at Harvy ngunit kinakaya niya. Tuwing nalulungkot siya ay tititigan lang niya ang larawan ng Lollipop Boys at nawawala na ang lungkot niya.
Isang araw, nagulat siya nang lapitan siya ni Laureen. Matagal na niyang hindi ito nakakausap. Kahit magkasalubong sila ay hindi na sila nagpapansinan. Nasira na talaga ang pagkakaibigan nila na ilang taon din niyang iningatan. Siguro, kung hindi ito umastang mayabang at humingi ito ng tawad sa kanya, baka isinalba pa niya ang pagkakaibigan nila. Hindi ba at nangako sila noon na walang makakasira sa pagkakaibigan nila?
Hindi man lang ito nag-exert ng effort na humingi ng “sorry” sa kanya. Pakiramdam niya ay proud pa ito sa ginawa nito. Mabuti sana kung hindi nito alam kung gaano niya kamahal si Harvy, mapapalagpas pa niya ang ginawa nito. Pinipigilan niya palagi ang paglago ng galit sa dibdib niya para dito alang-alang sa dati nilang pagkakaibigan.
“Talagang ginagantihan mo ako!” Mahina lang ang tinig nito ngunit mariin iyon. Bakas na bakas din ang galit sa mukha nito.
“Ano ba’ng pinagsasasabi mo riyan?” nagtatakang tanong niya. “Ano na naman ang problema mo?”
Hindi na nga niya ito pinapansin kahit may karapatan siyang awayin ito pagkatapos ay lalapit ito at sasabihin sa kanya ang bagay na iyon? Sino ba ito sa akala nito? Bakit parang hindi na niya ito kilala?
“Sinadya mong unahan ako sa ranking. Ganito ba ang gusto mong ganti, Katrina? Alam mong kailangan kong maging valedictorian! Bakit mo ito ginagawa? Hindi ko kasalanan kung ako talaga ang gusto ni Harvy!”
“Naririnig mo ba ang sarili mo, Laureen? Puwede ba, lumayo ka sa `kin at baka samain ka? Hindi na nga kita pinapatulan.”
“Hah! Hindi pinapatulan? Bakit ikaw na ang nangunguna ngayon sa klase? Ano ang gusto mong patunayan? Na mas magaling ka, na mas matalino ka?”
Patuyang napangiti siya. “Bakit ka kasi tinatamad mag-aral, Laureen? Hindi ko kasalanan iyon.” Totoong siya na ang nangunguna sa kanilang klase ngayon. Malaki ang agwat ng mga grado nila. Hindi naman niya sinadyang mag-aral nang maigi upang magantihan ito. Sinisipag lang talaga siyang mag-aral dahil paraan niya iyon upang may ibang pagkaabalahan ang isip niya. Mula rin nang maging fan siya ng Lollipop Boys ay sinisipag na siyang gawin ang mga bagay-bagay. Nagkaroon siya ng gana sa lahat ng bagay.
Namasa ng luha ang mga mata nito. “Alam mo kung gaano ko kailangan ang maging valedictorian, Katrina. Hindi ako kayang pag-aralin ng nanay ko kahit ipaglaba niya ang lahat ng tao. Samantalang ikaw ay may sariling negosyo ang pamilya mo. Kayang-kaya ka nilang pag-aralin. Hindi mo kailangan ng scholarship na kaakibat ng pagiging valedictorian.”
Hindi siya naantig sa mga luha nito. Ngayon ay kilala na niya si Laureen Mislang. She was a user. Ginagamit nito ang kalagayan nito sa buhay upang maging kaawa-awa ito sa paningin ng lahat. Laureen used her. Kinaibigan siya nito upang kaawaan niya ang kalagayan nito at pagbigyan ito sa unang puwesto. Ang galing nito. Matalino nga ito.
“Hindi ko kasalanan kung sinisipag akong mag-aral, Laureen. Hindi kita ginagantihan, sa maniwala ka man o sa hindi. Kung gusto mo uling maging una, magsipag ka nang husto. Huwag kang magpaawa.”
Iniwan na niya ito. Kung lalabas man siyang kontrabida, bahala ito sa ilusyon nitong ito si Mara at siya si Clara.
Masaya na siya sa buhay niya, at iyon ang mahalaga. Paulit-ulit na sinabi niya iyon sa sarili niya ngunit tila may malaking parte ng pagkatao niya na nais kumontra.
Hindi sinasadyang nabunggo niya si Harvy na papasok ng classroom. Nginitian siya nito. “Hi, Katri—”
Nilagpasan niya ito at hindi pinansin. Kumikirot na naman ang puso niya. Nais na naman niyang umiyak.
Akala ko ba masaya ka na, Katrina? tuya niya sa kanyang sarili.