Prologue
Dumadagundong ang dibdib ni Romina sa kaba. Hindi niya magawang titigan ang bagay na hawak niya. Ang liit niyon pero doon nakasalalay ang magiging kahihitnan ng susunod na kabanata ng buhay niya. Napasandal siya sa malamig na tiles at itinutok ang mga mata sa naninilaw na kisame ng banyong kinaroroonan. She sliently prayed. Dasal niya na sana mali ang kanyang hinala. Na sana mali ang kalkulasyon niya. Sana. Napupuno siya ng sana.
Inipon niya ang lahat ng lakas ng loob na meron siya. Isang tingin lang, Rome. Isang tingin lang.
“Rome! Ano na ba'ng nangyayari sa 'yo riyan? Nilamon ka na ba ng kubeta?”
Muntikan na siyang mapatalon sa gulat nang marinig ang sunud-sunod na pagbayo sa pinto.
“Nakapila na kami dito, Ate Rome.”
Hindi siya sigurado kung kanino ang tila naiiritang boses. Nakakahiya. Kanina pa siya nagbabad sa loob nang wala naman sa paliligo ang buong isipan. Naglakbay patungo sa gabi ng kamalian na habangbuhay na niyang pagsisisihan.
“Rome, okay ka lang?” Tinig ni Ria.
“O-okay lang. Tapos na ako.”
Mabilis ang mga kilos na sininop niya ang basket na pinaglalagyan ng mga toiletries. Binalot niya ang sarili sa bathrub at ang pinaghubarang damit ang ginawa niya namang pambalot sa bagay na iyon. Ayaw niyang may makakita roon. Ang pinagbalatan niyon, masinop niyang sinamsam at kinuyumos bago ihalo sa mga basura.
“Namumutla ka, okay ka lang ba talaga?” Sinalat pa ng nag-aalalang si Ria ang noo niya. Pati ang ibang boardmates na nakapila ay sa kanya na nakatuon ang mga mata. May halong inis, pagtataka at pag-aalala sa titig ng mga ito.
“Sure ka, Ate, okay ka lang?” tanong ng isa pa.
“Okay lang. Ano ba kayo?”
Sinungaling siya. Hindi siya okay. Binabagabag siya ng nga alalahanin. Tinalikuran niya ang mga ito at umakyat sa matarik na hagdanan. Sa bawat niyang hakbang ay tumutunog naman ang bawat baitang lumang hagdanan. Napahawak siya sa railing nang makaramdam ng hilo. Narating niya ang silid na tila babaligtad na ang sikmura niya.
Basta na lang niya inilapag sa paanan ng kama ang lalagyan ang mga gamit at nahiga muna.
‘Diyan ka muna,’ tila may buhay na kausap niya sa nakabalot na bagay.
Mga limang minuto rin ang pinalipas niya bago nagbihis. Isasarado na sana niya ang damit nang sa pagbutones niya ng kanyang uniporme ay natuklasan niyang hindi na iyon magkasya. Napu-frustrate siyang pinilit pag-abutin ang butones sa uhales.
“Tumataba ka, Rome. That’s a good thing, ha. Ang payat-payat mo kasi. Nakatulong yong vitamins na pinautang ko sayo, and before I forget, bayaran na sa katapusan,” mahabang litaniya ng boardmate niyang si Gigi na pumasok sa loob ng silid at walang habas na nakigamit sa foundation ni Ria. Siguradong magbubunganga na naman ang kaibigan ‘pag nalaman. “Chow!”
Lumolobo nga siya, pPero hindi ang bitamina ang dahilan ng dagdag niyang laman.
Naghanap siya ng ibang maisuot. Isang bulaklaking blusa na may kaluwangan sa gawing beywang. Nagkasya. Magtataka si Mrs. Melendez kung bakit panay maluluwang na damit ang lagi niyang suot. Nahihirapan na rin siyang magtahi ng dahilan. Kaya simpleng ngiti o kaya ay kibit-balikat na lang ang lagi niyang tugon.
Inayos niya ang buhok at isinuot ang sweater. ‘Di naman siya usual na nagpapahid ng make up pero sa pagkakataong ito ay naglagay siya ng kaunting kulay sa pisngi para mabawasan ang pamumutla. Isinalansan niya ang mga dalahin sa bag. Pinakahuli niyang inilagay ang maliit na bagay na iyon na hanggang ngayon ay ayaw pa rin niyang tingnan. Nakaupo na siya sa pinakadulong upuan ng jeep nang maisipan niya iyong silipin.
This is it, Romina.
Isa.
Dalawa.
Tatlo.
Tumahip ang kanyang dibdib. Nawindang ang diwa niya sa nakita. Dalawang pulang guhit talaga. Iniipit siya ng langit at lupa, 'yon ang pakiramdam niya. She is doomed.
“Bakit?” mahinang usal niya sa sarili.
Parang may kumpas ang mga luha niya. Agad na namuo sa gilid ng kanyang mga mata. Sinikap niyang huwag malaglag ngunit sa ikalawang beses na titigan ang bagay na iyon, parang may karerang nag-uunahan ang mga iyon sa paglandas sa kanyang mukha.
Itinukod niya sa magkabilang hita ang mga siko at tinakpan ng dalawang palad ang mukhang namamasa na ng luha. Kung maaari lang sanang burahin ang guhit na iyon at palitan ng isa, sana ginawa niya na. How she wished. Isang beses lang naman 'yon, eh. Ngunit ang kabayaran ng minsang iyon ay ang buhay na napunla sa sinapupunan niya. Unmarried, not even in a relationship but she is pregnant. The father of her child is someone she can only gaze at from a distance. A man who is in love with another woman. Someone she can never ever have.