Sa Gapos ng Katahimikan

1130 Words
Tahimik ang paligid. Tila ang katahimikan ay mas malakas pa sa pagsabog na sumira sa compound ilang araw na ang nakalilipas. Parang nilamon ng kadiliman ang lahat mga anino ng mga taong naglaho, mga bangkay na hindi na muling babangon, at mga panata ng pag-ibig na pinutol ng bala’t apoy. Pagdilat ni Alessa Cruz, ang unang naramdaman niya ay hindi sakit… kundi lamig. Malamig ang hangin sa silid. Malamig ang bakal na nakagapos sa kanyang pulso. Malamig ang mga salitang bumabalik sa kanyang alaala ang huling tinig na narinig niya bago siya mawalan ng malay. “Ngayon pa lang nagsisimula ang lahat.” Ang boses ni Zayden Villamor. Mahina. Duguan. At ngayon… wala na siya. Sinubukang bumangon ni Alessa ngunit hindi siya makakilos. Ang kaliwang pulso niya ay nakakadena sa gilid ng kama. Hindi siya sigurado kung anong uri ng lugar ang kinalalagyan niya ngayon. Maliwanag, puti ang dingding, walang bintana, walang anino ng buhay. Parang selda. Isang selda na ginawa para sa mga taong gustong patahimikin habang buhay. Humigpit ang hawak niya sa blanketong tinatakpan ang kanyang katawan. Wala siyang saplot kundi manipis na puting damit na tila uniporme ng pasyente. Inikot niya ang paningin, nagbabakasakaling may makitang pamilyar pero wala. Hindi ito ang compound ni Zayden. Hindi ito ang mansion kung saan siya dinala pagkakuha sa kanya. Ito ay bago. At nakakatakot. “Asan ako?” bulong niya. Hindi niya alam kung may makakarinig. "Asan si Zayden?" Walang sumagot. Maliban sa pulang ilaw ng maliit na camera sa sulok ng kisame na dahan-dahang kumikislap, palatandaan na may nanonood sa kanya. Hinila niya ang kadena sa kamay. “Pakawalan n’yo ako!” sigaw niya. Walang tugon. Tanging echo ng sarili niyang tinig ang bumalik sa kanya. Pagkatapos ng ilang minutong pagtitig sa kisame, napakagat si Alessa sa labi. Bakit siya dinala rito? Sino ang may pakana? At higit sa lahat nasaan si Zayden? Biglang bumukas ang pinto. Isang lalaking pamilyar ang pumasok si Lance, kanang kamay ni Zayden. Suot nito ang itim na coat na palaging malinis, seryoso pa rin ang ekspresyon ng mukha. "Alessa," malamig ang boses nito. Napalunok siya. "Asan si Zayden?" Hindi agad sumagot si Lance. Lumapit ito at inilapag ang isang puting sobre sa mesa. "Basahin mo 'to kapag kaya mo na." "Ano 'to? Nasaan siya?" Tumitig si Lance. Walang emosyon. "Patay na siya." Parang bumaligtad ang mundo ni Alessa. “Hindi... Hindi totoo 'yan!” “DOA siya. Tinamaan sa ulo. Nasa gitna siya ng labanan nung sinubukan kayong palabasin. He died protecting you.” “Hindi siya pwedeng mamatay.” Ngunit nanatiling tikom ang bibig ni Lance, saka tuluyang lumabas ng silid. Sa mga sumunod na araw, walang dumalaw. Isang awtomatikong dispenser lang ang nagbibigay sa kanya ng tubig. Wala siyang pagkain. Lalong naging mahirap kumilos habang pinapahirapan ng gutom, uhaw, at mental na pagkabali. Pero hindi iyon ang iniinda niya kundi ang pagkawala ni Zayden. Lumipas ang tatlong araw. Wala pa ring sumagot sa kanyang mga dasal. Hanggang sa isang gabi... May naamoy siyang pamilyar. Hindi disinfectant. Hindi hangin. Kundi... Amoy ni Zayden. Bigla siyang dumilat. May lalaking anino sa sulok ng kwarto. Tahimik, ngunit unti-unting lumapit. Huminto ito sa harap niya. "Alessa..." mahinang tawag nito. Halos hindi siya makahinga. “Z-Zayden?” Ngumiti ito. Sugatan. May benda sa balikat. “Akala mo ba iiwan kita?” Napaluha si Alessa. Gusto niyang tumayo, yakapin ito, hawakan ang mukha, maramdaman ang init ng balat nito ngunit ang kadena sa kanyang pulso ay humarang sa lahat ng emosyon niyang gustong kumawala. "Bakit ka nandito? Akala ko... patay ka na..." Lumapit pa si Zayden, pero hindi siya hinawakan. Tila may hadlang. “Hindi ako makalapit. Delikado.” "Delikado? Bakit? Ano'ng nangyayari?" Kinuha ni Zayden ang sobre sa mesa at iniabot iyon sa kanya. “Nandito ang katotohanan. Sa lahat ng ginawa ko, sa lahat ng sakit na dinanas mo, ito ang dapat mong malaman.” “Hindi ko kailangan ng sulat! Kailangan kita!” “Huwag kang magsalita nang ganyan, Alessa. Bawat hakbang ko ay para sa'yo. Pero kung babasahin mo 'to… baka kamuhian mo ako.” Nanginginig ang kamay ni Alessa habang tinatanggap ang sobre. “Ano’ng laman nito?” “Ang totoo. Ang simula ng lahat.” Habang binubuksan ni Alessa ang sobre, biglang may narinig siyang sunod-sunod na tunog ng yabag sa labas ng silid. Mabilis. Matitigas. Napalingon si Zayden. “Wala na akong oras,” aniya. “Zayden—!” Pero sa isang kisapmata, nawala siya sa dilim. Isang iglap, parang wala siyang naroon. Ni anino. Bumukas ang pinto. Pumasok si Lance, may dalang armas at dalawang kasamahan. Napaatras si Alessa. Hinawakan ang sobre sa dibdib. “Anong ginagawa n’yo rito?!” Tumango si Lance sa dalawang tauhan. “Bawiin ang sobre.” Napakapit si Alessa sa sobre habang papalapit ang dalawang armadong lalaki. “Wag kayong lalapit!” sigaw niya, bagaman nanginginig ang boses. Tiningnan siya ni Lance. “Hindi mo naiintindihan. Iyan ang huling alaala ng lalaking gusto mong kalimutan.” “Hindi ko siya malilimutan!” Lumapit si Lance. “Alessa, ibigay mo ‘yan. Hindi mo kayang dalhin ang bigat ng katotohanang laman niyan.” “Iyon ang gusto niyang iparating sa’kin! Hindi mo ‘to pwedeng kunin!” Isang hakbang pa, at bigla niyang itinulak ang sarili mula sa kama. Napigtas ang bahagi ng kadena hindi tuluyang naputol, pero sapat para makabagsak siya sa sahig. Duguan ang tuhod. Mahapdi ang pagkalapat ng braso sa malamig na tiles. Ngunit hawak niya pa rin ang sobre. Biglang tumigil si Lance. Tumingin sa kanya. "Sinundan ka niya rito, hindi ba?" Hindi umimik si Alessa. Nanginginig. Nanghihina. Lumingon si Lance sa kanyang mga kasama. “Umalis na kayo. Bilisan n’yo. Wala tayong oras.” Pagkaalis ng mga lalaki, lumapit si Lance kay Alessa, pero hindi niya kinuha ang sobre. “Alam mo bang kaya kong ipapatay ang bawat taong lumapit sa kanya?” bulong niya. “Pero hindi mo siya mapapatay,” sagot ni Alessa, mahina pero matatag. “Kahit sirain mo ang katawan niya, hindi mo kayang wasakin ang alaala niya sa’kin.” Isang sandaling katahimikan. Pagkatapos ay ngumiti si Lance. Malamig. Mapanganib. “Iyan ang ayaw ko sa pag-ibig. Ginagawa nitong bingi ang matalino… at bulag ang matatag.” Naglakad ito papalayo. “Alam mo ba kung sino talaga si Zayden?” tanong ni Lance, nakatalikod. “Alam ko.” “Hindi pa. Pero malapit mo nang malaman. At sa oras na mabuksan mo ang sobre na ‘yan…” Huminto siya sa pinto. “Hindi na muling babalik ang dating ikaw.” Isinara ni Lance ang pinto, iniwang mag-isa si Alessa gulo ang isip, duguan ang tuhod, nanginginig ang kamay… ...at hawak ang lihim na maaaring magwasak sa mundo niyang nakasandig sa pangalan ni Zayden Villamor.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD