CHAPTER 1.2

1793 Words
NARATNAN pa nina Marisol ang ilan pa nilang malalapit na kapitbahay na naglilinis at nag-aayos sa loob at labas ng bahay niya. Niyakap siya ng mga ito pagkadating nila saka siya kinumbinseng kumain na muna at magpahinga. Bagama’t hindi naman niya malasahan ang pagkain ay pinilit niyang kumain kasabay si Caloy. “Huwag kang mag-alala, Marisol. Sasamahan kita dito para ‘di ka matakot mag-isa,” pukaw ni Caloy sa paglalayag ng isip niya. Hindi siya kumibo at hinigop lamang ang sabaw ng sopas na inihain sa kanila. Ngayon ay mag-isa na lamang siya at kailangan niyang maging matatag. Alam niyang malulungkot ang nanay at tatay niya kapag nakita nitong nanghihina siya, na nalulungkot siya. “Magpahinga ka na muna, anak. Kami na ang bahala rito,” taboy sa kaniya ni Aling Pacita nang akmang tutulong siya sa pagliligpit. “Caloy, samahan mo na muna sa kuwarto si Marisol,” baling naman nito sa anak na tumango lang at hinawakan siya sa kamay at iginiya siya papasok sa kuwarto. “Tulog ka lang diyan, dito lang ako,” anang kaibigan niya saka siya kinumutan. Marahil ay dala ng ilang araw na puyat at pagod na sinabayan pa ng mabining panghapong hangin mula sa nakabukas na binatana ng kuwarto ay mabilis siyang napaidlip. Hindi niya alam kung ilang oras siyang nakatulog ngunit pagkagising niya ay nakayuko na si Caloy sa kama niya habang nakahawak sa braso kamay niya. Madilim na rin sa labas. Napakunot-noo pa siya nang bahagya nang may maulinigang nag-uusap sa sala ng bahay. “O, maigi’t nagising ka na,” pupungas-pungas na wika ni Caloy nang magising sa paggalaw niya. “Gabi na, eh,” namamalat na tugon niya saka tumayo mula sa kama. “’Lika kain na tayo,” yakag nito saka siya muling hinawakan sa kamay para alalayan. “’Nay, gising na po si Marisol,” deklara ni Caloy bago pa man sila makalabas ng kuwarto. Naabutan nilang papaahon mula sa pagkakaupo sa upuang-kahoy si Aling Pacita habang bumaling naman sa kanila ang mga kausap nito na kasama ni Manang Juanita. “Ay, saglit lang po at ipaghahain ko lang ang mga bata,” paumanhin ni Aling Pacita sa mga bisita saka sila iginiya ni Caloy papunta sa kusina. “Kumain kayo nang marami, ah. Dinala pa ‘yan ni Nanay Corazon para daw sa ‘yo, Marisol,” yaya ng matandang babae habang naghahain ng kanin at saka inalis ang takip ng ulam na nasa lamesa. Tila naman natakam siya pagkaamoy sa kare-kareng nakahain. Iyon ang paborito niyang ulam sa karinderya ni Lola Corazon sa tuwing isinasama siya ng magulang sa talipapa sa mga araw na walang pasok. “Wow! Kare-kare!” nanlalaki ang mga matang bulalas ni Caloy. “S-Salamat po, Nanay Pacing. Eh, kayo po? Sila po?” Tumingin siya sa mga bisita na noon ay seryosong nag-uusap. “Tapos na ako, anak. Kadarating lang din nila ulit galing sa kapitolyo at nakakain na raw sila nang alukin ko,” anito saka ipinatong ang dalawang baso sa tapat nil ani Caloy at nagsalin ng tubig. “Ikaw na Caloy ang maghugas ng plato mamaya pagkakain n’yo, ha. Pumunta ka naman kaagad sa sala pagkatapos mong kumain, Marisol,” pahayag ng ginang saka sila iniwan nang kapwa sila tumango ni Caloy. Muling bumalik sa sala si Aling Pacita at inasikaso ang mga bisita. Palibhasa ay wala namang harang sa pagitan ng kusina at sala ay dinig pa rin nila ni Caloy ang pinag-uusapan ng mga nakatatanda. "Bago lumipat ang mag-anak nina Vangie rito, nagkakuwentuhan kami ng mga pinagdaanan nilang mag-asawa at kung paano sila nabuhay kasama si Marisol," pauna ni Manang Juanita saka tumingin sa kanya at ngumiti bago muling ibinalik ang tingin kay Aling Pacita. “Kahit pareho silang under-graduate sa high school, mataas ang pangarap nila para kay Marisol. Kaya nga halos hindi tumitigil sa raket ang mag-asawang iyon. Walang hinihindian para lang makapag-ipon,” patuloy na kuwento ni Manang Juanita. “Ay siyang tunay. Napakasipag nga po ng mag-asawang iyon,” sang-ayon ni Aling Pacita. “Naging magaan ang loob namin kay Vangie dahil napakabait at maalalahanin ng babaeng iyon. Si Roberto naman ay napakamatulungin. Madalas ay nagkukuwento rin sa amin ang mag-asawa ng mga pinagdaanan nila sa Maynila kaya nga naiintindihan ko kung bakit sila nagsusumikap." Tumingin ito sa kanya saka ngumiti pagdaka’y muling ibinalik ang atensyon kay Manang Juanita nang magsalita ang bisita. “Kapag lumuluwas ng Maynila ang mag-asawa, hindi nila nalilimutang dumalaw sa akin sa ampunan at nagbibigay ng kaunting tulong para sa mga batang naroon. Napakabubuting tao. Kahit nga sila man, eh, kapos din, nagagawa pa ring tumulong sa kapwa,” salaysay ni Manang Juanita. Tumango-tango lang si Aling Pacita saka lumingon sa kaniya. Mabilis siyang umiwas ng tingin saka tumingin kay Caloy na nahuli niyang nakatitig sa kaniya. Bigla itong nagpatuloy sa pagkain saka siya sinabihan. “Kumain ka na kasi,” anito nang hindi tumitingin sa kaniya. Pagkakain ay itinaboy na siya ni Caloy sa kusina at pinapunta sa sala. Pinaupo naman siya ni Aling Pacita sa tabi nito. "Noong huling luwas nila sa Maynila noong isang taon, nagpahanap sa akin si Vangie ng abogado. Gusto raw kasi nilang ilagay sa pangalan ni Marisol ang titulo ng lupa at bahay na ito oras na mabayaran nila nang buo," dagdag ni Manang Juanita. Ginagap ng matandang babae ang kamay niya saka iyong marahang pinisil. “Eh, ano na po ang mangyayari sa bahay at lupa na ito? Ang pagkakaalam ko’y hindi pa ito bayad ng mag-asawa,” bakas ang pag-aalalang tanong ni Aling Pacita. “Wala nang dapat alalahanin pa si Marisol. Sa kaniya na nakapangalan ang lupa’t bahay na ito,” anang matandang lalaking nakasalamin saka inilapag sa mesa ang envelope na tangan nito. "Hija, ako si Atty. Saportino. Ako ang abogadong pinagkatiwalaan ng magulang mo para pangalagaan ang mga dokumento ng mga naiwang ari-arian nila na para sa iyo," pakilala nito at pagkuwa'y ipinakita sa kanya ang nilalaman ng envelope sa harap niya. "Ito ang mga naipundar ng magulang mo at ang lahat ng ito ay pawang sa iyo na. Sa ngayon alam kong hindi mo pa maiintindihan ang mga ito. Basta tandaan mo na nasa pangangalaga ko ang mga ito at kahit anong oras ay maari mo akong tawagan kung kinakailangan," patuloy nito. Napasinghap si Aling Pacita habang siya naman ay nakatitig lang sa mga papel na nakalatag sa harapan niya. Naguguluhan siya. Muli kasing sumanib ang kalungkutan sa puso niya pagkabanggit nito sa magulang niya. May iniabot itong business card sa kaniya na kimi niya lang inabot saka muling tumingin dito. “Tawagan mo kahit anong oras, hija,” wika pa nito. Walang-kibong tumango lang siya saka tumungo. Paano’y muling namuo ang luha sa mata niya. Ang tanging gusto niyang gawin ngayon ay pumasok sa kuwarto at magpahinga. Pagod na pagod na siya... ang katawan, isip at puso niya. Gusto niyang magpahinga siya kahit saglit lang... at baka sakaling sa paggising niya ay magisnan niya ang mga magulang na masayang naghuhuntahan sa maliit nilang sala… at mapagtanto niya na panag-inip lang pala ang lahat. "Siguro ang maigi pa po ay magpahinga na muna siya ulit," pumagitna na si Aling Pacita na napansin na ang lagay niya. "Mas maigi nga siguro,” sang-ayon naman ng abogado saka nag-abot din kay Aling Pacita ng calling card. “Basta iiwanan ko po sa inyo ang contact number ko at tawagan n’yo lang po ako kahit anong oras," wika ng abogado na kababakasan pa rin ng pag-aalala sa mukha bago tumayo mula sa kinauupuan. Tumango lang si Aling Pacita pagkaabot ng business card. "Mauna na po kami at gabi na rin po. Nakausap ko na rin po ang local DSWD n’yo. Baka po dumating silang ano mang araw mula bukas," puno ng simpatyang paliwanag ni Manang Juanita habang kausap si Aling Pacita saka bumaling sa kaniya. “Dadalawin ka namin palagi, ha. Mag-iingat ka at huwag mong pababayaan ang sarili mo. May pupunta ritong mga tao na kakausapin ka. Mababait sila kaya huwag kang mag-alala. Saka nariyan naman si Aling Pacita, hindi ka rin niya pababayaan,” paninigurado nito saka siya niyakap. “Aalis na kami, ha,” paalam nito saka sumunod sa mga kasamang nauna nang lumabas. Muling humarap ang abogado sa kay Aling Pacita nang nasa mismong harap na ito ng nakabukas na pintuan bago muling nagsalita, "Aling Pacita, kung maari po ay huwag na huwag n'yong hahayaan na kuhanin si Marisol ng kahit na sino maliban sa mga DSWD na nakausap ni Manang Juanita sa kapitolyo. Kung may pumunta man na ibang tao para kuhanin si Marisol, eh, tawagan n'yo po agad ako at bibiyahe kaagad ako rito ora mismo." "Wala naman po silang ibang kamag-anak, attorney," wika ni Aling Pacita. Umiling ang abogado saka bumuntong-hininga. "May kapatid po si Vangie at nabanggit niya sa akin at nakasaad rin sa testameto nilang mag-asawa na kung sakaling may mangyari sa kanila at menor de edad pa si Marisol, huwag na huwag ibibigay ang bata sa kaniya at mas maiging mapunta ang bata sa pangangalaga ng DSWD," paliwanag ni Manang Juanita. Bagama’t nagulat at nagtataka ay hindi na naghanap pa ng ibang paliwanag si Aling Pacita. Batid nitong nagsasabi ng totoo ang abogado. Muli siyang tinapunan ng tingin ng abagado saka siya tinanguan bilang paalam. Nang nakaalis na ang mga bisita ay umupo sa tabi niya si Aling Pacita at marahang hinagod ang buhok niya. "Ineng, para na rin kitang anak, alam mo naman iyon, ‘di ba? Dangan nga lamang ay hindi ko na kaya pang dagdagan ang mga anak ko ng isa pa. Kung pwede lang na ampunin kita, anak," awang-awang wika ng ginang. Tumango lang siya saka matipid na ngumiti rito. Alam naman niyang mahal siya nito tulad ng isang anak ngunit mahirap lang din ang buhay nito at anim ang mga anak na sunud-sunod na pawang mga nag-aaral pa kaya naiintindihan niya ito. “Sasamahan ka na muna rito ni Caloy, ha. Mamaya, eh, papupuntahin ko rin ang Ate Ana n’yo rito para samahan din kayo,” tukoy nito sa panganay na anak na labing-anim na taong gulang. Tumango lang siya. “Caloy, dito ka matulog sa sala at hayaan mong magtabi ang Ate Ana mo’t si Marisol sa papag sa kuwarto,” baling nito sa anak na noo’y kakatapos lamang maghugas ng mga pinagkainan. “Opo, ‘nay,” tugon ni Caloy habang papunta sa sala. Pag-alis ni Aling Pacita ay naiwan silang dalawa ni Caloy sa sala. Nanatili lamang siya tahimik at hinayaan lamang siya ni Caloy. Nakamasid lang ito sa kaniya. Hindi niya namalayang muling bumagsak ang luha sa pisngi niya nang muling sumagi sa alaala niya ang magulang at ang kalagayan niya. Ulila na siya. Wala na ang kanyang magulang. Nag-iisa na lamang siya. Paano na siya ngayon?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD