PAGKABIHIS ay pumanaog na rin siya at saka siya dumiretso sa komedor. Nang hindi matagpuan doon si Manang Avida, ang may bahay ni Manong Roy at siyang mayordoma sa mansyon, ay dumiretso naman siya sa dirty kitchen kung saan niya ito naabutang kasalukuyang nagluluto.
“Kumusta po, Manang Avida,” bati niya rito.
Kagyat pa itong nagulat pagkalingon sa kaniya saka maluwang na ngumiti sa kaniya pagkalapit niya. “Senyorito Tyrone!” tawag nito sa kaniya. “Maigi’t narine ka na. Ipinagtabi kita ng paborito mong lutong palaka!” anas nito saka tinakpan ang nilulutong sa palagay niya ay sotanghon soup, pagdaka’y ipinunas ang kamay sa apron. “Umupo ka muna riyan at ipaghahain kita,” utos nito na kaagad naman niyang sinunod, saka ito kumuha ng plato, kutsara’t tinidor at ipinatong iyon sa harapan niya. Sumandok ito ng kanin na isinaing sa palayok at amoy na amoy ang pandan bago iyon inihain sa harapan niya.
“Wow! Ang bango talaga ng sinaing mo, manang. Kanin pa lang, ulam na!” puri niya saka sumandok ng kanin bago ninamnam ang amoy niyon.
“Mangyari’y iba talaga ang luto sa kahoy at sa palayok, senyorito,” nakangiting tugon ng matanda pagkuwa’y inihain naman sa tapat niya ang ulam na lutong palaka.
“Wow! Na-miss ko talaga ‘to!” nanlalaki ang mga matang anas niya saka mabilis na sumandok ng ulam. “Buti may nahuli kayong palaka,” aniya habang naglalagay ng sarsa sa kanin niya.
“Aba, eh, napakarami namang makukuha sa bukid,” sagot nito saka kumuha ng baso at kumuha ng tubig mula sa banga at ipinatong sa tapat niya. “Kumusta naman ang kasal ni Senyor Anthony?” usisa naman nito patungkol sa kaniyang ama. Muli nitong kinuha ang sandok at binuksan ang kaldero saka hinalo ang niluluto.
“Okay lang naman po,” balewalang tugon niya saka nagsimula sa pagkain.
Marami pa silang napagkuwentuhan ng matandang babae hanggang sa matapos ito sa pagluluto at umupo sa tapat niya.
“Eh, kumusta naman pala ‘yong babaeng nakita n’yo raw ni Senyorita Annet?” pag-iiba nito sa usapan nila saka kusang nagsalin ng kanin sa plato niya nang makitang paubos na ang kinakain niya.
Uminom muna siya ng tubig saka sinagot ang tanong nito. “Wala pa rin pong malay nang umalis ako kanina sa ospital,” tugon niya saka muling sumandok ng ulam.
“Eh, palagay mo, ano nga kaya ang nangyari doon? Sabi ni Senyora Antoinet, eh, pihadong biktima ng salvage na nakatakas daw?” Muli itong tumayo at sinalinan ng tubig mula sa banga ang baso niya saka muli iyong inilapag sa lamesa bago umupo ulit sa tapat niya.
Nagkibit-balikat lang siya habang ngumunguya bagama’t malaking posibilidad nga iyong iniisip ng Tita Antoinet niya.
Umiling-iling ang matanda saka humalukipkip at padaskil na sumandal sa upuan bago nagpakawala nang malalim na hininga.
“Napakadelikado na talaga ng panahon ngayon,” komento nito.
Nag-angat lang siya ng tingin dito saka tumango.
Nagpahinga lamang siya nang saglit bago kinuha ang bike niya na nasa garahe na magkaminsan ay ginagamit din ng mga anak nina Manong Roy kaya nasa magandang kondisyon. Iyon ang ginamit niya patungo sa kabelyerisa para sana puntahan ang abuela, Tita Antoinet niya at pinsang si Annet. Ngunit nakasalubong na niya ang mga ito sa kalagitnaan ng daan pauwi sa mansyon. Palibhasa’y magdidilim na kaya siguro naisipan na ng mga ito na bumalik na.
Kaagad siyang nagmano sa abuela saka ito niyakap pagkakita rito. Halata sa hitsura nito ang labis na kasiyahan.
“I missed you, nana!” aniya saka ito muling niyakap.
“Hmp! Bakit kasi minsanan n’yo lang ako dalawin dito,” may halong tampong wika nito bagama’t mahigpit pa ring yumakap sa kanya.
“Ayan, kasi—” Hindi na naituloy pa ni Annet ang pagsulsol sana sa abuela na pagalitan siya nang pandilatan niya ito.
Pagdating na pagdating nila ng mansyon ay naabutan na nilang nakaabang sa front porch si Manang Avida. Napagawi ang mata niya sa cellphone niya na hawak nito.
“Kanina pa nag-iingay ang telepono mo, Senyorito,” salubong nito sa kaniya saka ibinigay ang telepono.
“Sinagot n’yo po?” tanong niya.
“Aba, eh, hindi naman ako marunong niyan,” sagot nito.
“Baka si Tito Anton at hinahanap ka na,” humahagikhik na tukso ni Annet na sinundan ng mga naroon nang sumimangot siya.
Habang papasok sa loob ng mansyon ay tiningnan niya ang missed calls list. Nagsiupuan naman sa upuang gawa sa mahogany ang mga babae samantalang dumiretso naman sa komedor si Manang Avida.
Tatawagan niya sana ang numero nang bigla na naman itong tumawag. Hindi siya pamilyar sa numerong iyon at hindi naka-register sa phonebook niya.
“Hello?” sagot niya saka hinintay ang pagtugon ng nasa kabilang linya.
“Hello? Si Sir Tyrone Belmonte po ba ito?” tanong ng babaeng kausap niya sa kabilang linya.
Tumango siya at saka sumagot. “Ito nga po. Sino po sila?”
“Ah, sir, si Galvez po ito, ‘yong pulis na may hawak sa kaso ng babaeng dinala n’yo sa St. Peter Hospital dito sa Tagaytay,” pakilala nito.
“Ah, hello po, sir,” alanganing bati niya saka hinintay ang susunod pa nitong sasabihin. Bahagya pa siyang kinabahan dahil malamang sa hindi ay tungkol sa babaeng iniligtas nila ni Annet ang dahilan ng pagtawag nito.
“Ah, sir, gusto ko lang po sanang ipaalam na nagising na po ang biktima,” anito na ikinaluwag ng paghinga niya.
“Talaga po? Salamat naman sa Diyos kung ganoon,” aniya saka bumaling sa tatlong babae na pawang nakamata lamang sa kaniya mula sa sala habang siya naman ay nasa may pintuan.
“Natingnan na po ulit ang pasyente ng mga doktor dito at wala naman pong nakitang internal bleeding sa kaniya… pero may isa lang pong problema, sir,” pahayag nito saka ibinitin ang pagsasalita.
“Ano po’ng problema?” kunot-noong tanong niya.
“Kinailangan po siyang bigyan ng sedative kanina para lang kumalma. Marahil ay dala ng trauma kaya agad na nag-hysterical pagkagising niya,” paliwanag nito.
Hindi niya alam kung ano ang sasabihin sa mga narinig. Napuno na naman ng awa ang puso niya para sa babae. Sigurado siyang hindi biro ang pinagdaanang paghihirap nito. Both physically and psychologically.
“So, hindi n’yo pa po siya nakakausap?” usisa niya.
“Yes, sir. Sabi ng nurse niya, baka po bukas pa siya ng umaga magising,” tugon nito.
“Ah, okay po. Babalik na lang din po ako riyan bukas nang umaga kung sakaling kailanganin n’yo ang statement ko,” wika niya.
“Salamat, sir,” anito saka nagpaalam.
“Is there a problem?” usisa kaagad ng abuela niya nang tabihan niya ito sa pagkakaupo.
Nagpakawala muna siya nang malalim na hininga saka tiningnan isa-isa ang mga kaharap saka seryosong nagsalita.
“The girl… she woke up and out of danger physically…” He bit his lower lip then heaved another sigh. “But definitely, not psychologically…”