MAKIKITA ANG MATINDING pagkagulat kay Saleen habang itinuturo ang boss ng sindikato—hindi! Mafia Boss daw na iginigiit ni Nurse Vicky. Ang Nurse na kasama niya, nabitawan pa ang kinuhang gamit sa supply room matapos makita ang lalaking itinuro at inaakusahan niya.
“Doktora, ang gwaaaapooo!” parang bulate na inasinan na saad ni Nurse Vicky. “Napaka-specific ng description mo sa akin ha, doktora! Fit na fit sa dadzzy na katulad niya!”
Tumaas ang kilay ni Saleen. Ano bang description na ibinigay niya at parang biglang naging teenager si Nurse Vicky?
“Mukhang may kalaban na si Sir Cain kung papogian ang pag-uusapan—”
Dali-daling hinila ni Saleen si Nurse Vicky papaupo nang lumingon ang lalaki sa direksyon nila. Hindi sila pwedeng makita nito! Maghahalo talaga ang balat sa tinalupan.
“Bakit tayo nagtatago, doktora?” tanong nito na halos idikit na ang mukha sa kanya habang baon ang matinding pagtataka. Umiral na naman dito ang pagiging tsismosa.
“Kriminal nga–mafia boss nga kase iyon!” paggigiit niya. “Kinidnap tayo—”
“Kung ganyan naman ki-kidnap sa akin, kahit ako pa ang mag-volunteer na dalhin mga damit ko, doktora! Handa akong magpaalipin at mahalin siya,” seryosong turan nito at may nakakalokong ngiti na para bang ini-imagine ang scene na hindi pwede sa mga bata.
“Nurse Vicky—”
“Huwag kang kokontra, doktora! Kahit ikaw nagwapuhan sa kanya.”
“Ha? Ano bang sinabi ko sa ‘yo?”
“Ganito, doktora,” tumayo si Nurse Vicky.
Dali-dali na naman ang panghihila ni Saleen sa lugar na hindi sila makikita ng lalaki.
Iniabot ni Nurse Vicky sa kanya ang kinuha sa stuck room. Hinawakan nito ang magkabilaang balikat niya habang may seryosong ngisi sa labi. “Nurse Vicky, na-kidnap tayo ng lalaking nakakaakit kung tumitig lalo na kapag galit, ang itim at ang kapal ng kilay niya—”
“Wala akong sinasabing ganyan, Nurse Vicky—” kontra kaagad ni Saleen at hindi pinatapos ang sasabihin ni Nurse Vicky.
“Nanlalaban ang panga na bumagay sa napaka-sexy nitong mga mata at kissable na lips! Kahit na nakasuot ng leather jacket na itim at loose black t-shirt with cargo pants na itim at combats, siguradong well built ang muscle niya—”
“Sigurado talaga dahil nakita natin ang katawan niya—” wala sa sariling turan ni Saleen. Totoo naman dahil inoperahan nila ang lalaki.
“Nakita mo, doktora?” nanlalaking mga mata ni Nurse Vicky at parang nasurpresa pa.
Napahilot ng sintido si Saleen. Lahat na lang talaga may malisya kay Nurse Vicky! Bakit ba kase ito ang kinakausap niya? Ang mga description nito ay hindi galing sa kanya!
“Hindi ako naniniwala na ganyan ang kumuha sa atin, doktora! Baka sa ‘yo pa oo. Sa ganda at sexy mo, kahit ilang paligo ang gawin ko, hindi ko maa-achieve ang ganyang body!” tumingin itong muli sa kanya nang nanghihinala. “Hindi kaya naka-one night stand mo ang lalaki—”
“Nurse Vicky!” dali-daling tinakpan ni Saleen ang bibig nito. “Saan mo ba napupulot iyang mga pinagsasabi mo?”
“Hay nako si doktora! Kaya hindi pa rin nakukuha iyang perlas ng silangan mo dahil sa pagiging virgin minded mo—”
“O my ghad, Nurse Vicky! Layuan mo ako,” dali-daling naglakad si Saleen upang iwasan ang makasalanang bibig ng nurse. “What’s he doing here?” tanong ni Saleen sa sarili habang nagmamadali sa paglalakad at tinatakpan ang kanyang taynga upang hindi na marinig pa ang sinasabi ni Nurse Vicky.
Nahinto sa paglalakad si Saleen ng biglaan na lamang tumunog nang napakalakas ang alarma. Nagsusunod-sunod iyon hanggang sa lumakas nang lumakas.
“Code white!” sabi ni Nurse Vicky.
“Which department?” tanong kaagad ni Saleen nang makita ang ibang mga tao na papalabas sa isang direksyon nang natataranta.
“Emergency department, doktora!” sagot isang doktor sa kanya.
“Doktora Saleen!” sigaw ni Nurse Vicky upang tawagin ang kanyang pangalan.
Hindi nagdalawang-isip si Saleen na takbuhin ang lugar patungo sa emergency department. Maraming pasyente ang maapektuhan sa taong gumawa ng kaguluhan. Ang ibig sabihin ng Code White ay may bayolenteng tao na nasa loob ng hospital at nang-aamok o ‘di naman kaya’y may hawak na hostage ang taong iyon.
“Pvtanginaaa!” malakas na sigaw ng tatay kasabay ng sunod-sunod pagbagsak ng mga medical equipments ng hospital matapos nitong itumba. “Ang anak ko! Ang anak ko!” paulit-ulit nitong turan na parang wala sa sarili at hawak ngayon ang isang dalagita na katulad ang uniporme sa pasyenteng nakahiga sa hospital.
Nabaling ang tingin ni Saleen sa isa ring doctor na intern din katulad ni Doktora Mika. Hindi nito alam gagawin sa pasyenteng nakahiga sa hospital bed dahil sa pagkataranta. Isinasalit-salitan ng hostage taker ang pagtutok ng patalim sa babaeng hawak nito at sa intern na doktor.
“Ang anak ko!” humahagulgol na turan ng tatay ng biktima. “Kasalanan mong lahat ng ito!” baling ng ama sa biktimang hawak niya.
Nabaling naman ang atensyon ni Saleen sa hostage na hawak nito. Patuloy ang pagluha nito at paulit-ulit ang paghingi ng tawad. Dinedepensahan din nito ang sarili at walang tigil sa pagsasabi ng katagang, “Hindi ko sinasadya”. Iyon ang bukang-bibig nito habang ipinagkakaskas ang dalawang palad na senyales na nanghihingi ito ng tawad. Mahigpit ang hawak dito ng tatay ng biktima kaya hindi ito makawala.
“Ano ng lagay ng anak ko? Napakabagal mong kumilos!” singhal nito sa intern na nagtitingin sa kamay ng anak nito.
“Saglit lang ho—”
“Hindi mo ba alam ang trabaho mo?” itinutok nitong muli ang patalim sa intern ngunit sa pagkakataong iyon ay napakalapit na. “Sigurado ka ba na doktor kang talaga—”
“Sir!” malakas na sigaw ni Saleen. Hindi niya na kayang manood lang at walang gawin habang may nakikita siyang nagdurusa sa harapan niya.
“Ako ang titingin sa anak mo!” malakas niyang sigaw rito upang makuha ang atensyon nito. “Pasensya ka na’t baguhan ang iba naming doktor dito pero hayaan mong makatulong ako,” mahinahon niyang sabi habang unti-unting lumalapit.
Hindi mo talaga kayang manood lang Saleen? Kaya ka laging napapahamak! Pinapagalitan ni Saleen ang sarili sa kanyang utak. Dahil sa pangingialam niya’y ilang beses na siyang napapamak ngunit wala pa rin siyang kadalaan. Bakit naman kase nataong break time ng ibang guwardya? Ang dalawang narito naman ay hindi alam ang gagawin dahil mukhang baguhan lang.
“Ibaba mo ang kutsilyo, sige na,” pakiusap ni Saleen habang patuloy pa rin ang paglapit nang dahan-dahan.
“Huwag ka sabing lumapit!” ulit muli ng hostage taker.
Nabaling muli ang atensyon ni Saleen sa pasyenteng nakaratay. Kailangan niya ng matignan ito bago pa mahuli ang lahat. Mukhang marami-rami ng dugo ang nawawala rito dahil sa kulay ng mukha ng pasyente. Kahit pa sabihing umampat na iyon kanina’y kailangan pa rin nito ng buong pagsusuri.
Kalahating metro na lang ang layo ni Saleen sa pasyente. Hindi niya kase ito masusuri kung hindi dadaan sa hostage taker dahil ang pwesto nito’y nasa dulo. Kaya hindi rin makaalis ang intern dahil sa sitwasyong iyon.
“Sabing huwag dadaan! Dahil sa bully na ‘to ay hindi na maitutuloy ng anak ko ang pangarap niyang magpintor!”
“Kailangan kong masuri ang anak mo! Dahil sa inaasta mo, manganganib ang buhay niya!” galit na turan ni Saleen at humakbang muli.
Ganoon na lamang ang paglaki ng mga mata ng doktora nang makita niyang hindi nagdalawang-isip ang lalaki na itutok sa kanya ang kutsilyo na hawak nito.
Sunod-sunod ang paglunok ni Saleen nang kakaunti na lang talim ng kutsilyo sa kanyang leeg. Siguradong nagripuhan na siya kung mas lumapit pa iyon sa kanya ng isang pulgada.
Masyadong naging mabilis ang sumunod na nangyari nang bigla na lamang umeksena ang kidnapper na tinutukoy niya kanina kay Doktora Vicky at pinuntirya nito ang leeg lalaki. Ang kutsilyong hawak nito ay nasalo ng lalaki nang walang kahirap-hirap. Nahawakan din nito kaagad ang lalaki sa kamay bago mahulog sa lapag. Basta na lamang din nito iyon hinila paitaas at ipinasa sa dalawang security guard na nakatunganga lang kanina.
Umalis ang lalaki na para bang hindi nito pinatumba ang assulter na nanggulo sa hospital.
Nakabawi naman kaagad si Saleen sa mga pangyayari nang maalalan niya ang kanyang pasyente.
“What’s your finding?” tanong ni Saleen sa intern. Dalawang beses na pinatunog ni Saleeen ang daliri upang kuhanin ang atensyon ng doktor. “What’s your finding?” ulit niyang muli.
"His pulse and blood pressure are stable, but she said can't feel her left arm, Doktora Saleen. She has cuts and abrasion because of the shattered window," -sabi ng intern.
"Do you feel your thumb?" Saleen asks after she holds the thumb of the patient. Nang hindi ito sumagot ay binasa niya ang pangalan ng dalagita sa school id na suot nito. “Camilla, you need to cooperate with me. Stop crying. Your father will be okay. I will make sure that he will be ok. Hindi ako magkakaso. Don’t put his sacrifices for nothing.”
“Camilla… Camila.”
"H-hindi, doktora," sagot ng dalagita habang patuloy pa rin ang paghikbi.
“Camilla! Anak, Camilla!” tawag ng kung sino at tumatakbo patungo sa kanilang direksyon. “Dok, anong nangyari sa anak ko?” nag-aalalang tanong nito nang makalapit sa kanila.
"Her median nerve is damaged."
"P-po?" nag-alalang tanong ng nanay.
"Median nerve is the one that helps the forearm, finger, wrist, and hand to move, misis," paliwanag ni Saleen.
"Maigagalaw pa po ba ng anak ko ang kamay niya? Isa siyang pintor."
"We will do everything we can, misis," sagot ni Saleen at nagsimulang ayusin ang hospital bed ng pasyente para ilipat ito sa ER.
Nang mapansin niyang hindi tumitigil ang pag-iyak ng ginang, inutusan niya ang intern at doktor na tumutulong sa kanya kanina na mauna na sa OR.
Kinuha ni Saleen ang kamay ng nanginginig na ginang at bahagyang ngumiti rito. “Kailangan po ninyong tatagan ang loob niyo. Maupo po muna kayo,” inilalayan niya ito paupo sa upuan. Sinenyasan niya rin ang nurse na bigyan ito ng tubig upang kumalma.
“Observe her,” bilin ni Saleen sa nurse.
“Yes, doc.”
“Ayos lang po ba kayo, doktora?” tanong sa kanya ng isa sa mga pasyente niya.
Bahagyang ngumiti si Saleen sa may edad na ginang. “Ayos lang ho ako, La.”
“Natakot kami, doktora. Ikaw pa naman ang paborito naming doktor. Hindi namin yata kayang magpatingin sa iba,” sabi naman ng isa sa mga pasyenteng inoperahan niya kasama ang ibang doktor kamakailan.
“Buti na lang dumating ang pogi, Ate Dok!” nakangiting wika naman ng teenager na tinitignan-tignan minsan ni Saleen kapag may doktor na nakikipagpalitan ng ship sa kanya.
“Ang galing mo, doktora!” bati sa kanya ni Nurse Vicky nang madaanan niya ito. Sumabay rin ito sa paglalakad dahil mag-a-assist sa pasyenteng ooperahan. “Pero ninerbyos ako sa ‘yo. Buti na lang dumating si pogi!”
Hindi na sumagot pa si Saleen. Pakiramdam niya’y ngayon niya naramdaman ang nerbyos dahil sa adrenaline.
“Ayos ka lang, doktora?” tanong kaagad sa kanya ni Nurse Vicky nang nag-aalala.
Laking pasasalamat niya’t nakahawak siya kay Nurse Vicky matapos mawalan ng lakas ang tuhod niya. Hindi siya natakot kanina dahil sa adrenaline niya ngunit ngayon, heto siya’t napakabilis ng t***k ng puso…