Prologue

1953 Words
 MALAKAS ANG PAG- ULAN nang hapong iyon. Gumuguhit din ang matatalim na kidlat sa kalangitan habang walang tigil ang pagdagundong ng nakabibinging pagkulog. Hindi magkandaugaga ang binatilyong si Augustus sa pagdadala ng mga nahuli niyang isda sa laot. Hindi niya naman akalain na may paparating na bagyo nang hapong iyon kaya hindi siya nagmadali sa pag-uwi kanina. Kung alam niya lamang ay hindi na siya umidlip sa laot at dumiretso na kaagad sana ng uwi. Paniguradong nag-aalala na ang kanyang ina na naiwan sa kanilang tahanan. Hindi pa naman siya nagpaalam. Patuloy sa pagmamadali si Augustus kahit na hindi magkandaugaga sa pagbitbit ng mga isdang nahuli. Nasa ganoon siyang sitwasyon nang mapahinto siya sa pagtakbo dahil sa natanaw mula sa hindi kalayuan ng buhanginan. Sumingkit ang mga mata ng binatilyo upang tanawin ang nakahandusay sa buhanginan. Hindi siya maaaring magkamali sa kanyang nakikita. Nasa tamang wisyo siya at busog na busog sa kinain. Sa katunayan nga’y nakadalawang hotdog sandwich pa siya at may natira pa roon kaya imposibleng nililinlang siya ng mga mata at nakikita niya ngayon ang isang dalagita na may buntot ng isda at kalahating tao! “Walang malay?” hindi niya siguradong tanong sa sarili. Mas naging mabagal ang paglalakad ni Augustus. Palakas nang palakas ang pintig ng kanyang puso dala ng labis na kuryosidad. Hindi niya alintana ang malakas na pag-ulan kaya ngayo’y basang-basa na siya. Kung hindi nga lang din matibay-tibay ang kanyang pangangatawan baka tinangay na siya ng malakas na hangin. Halatang malakas ang paparating na bagyo. Nakalimutang huminga ni Augustus nang mga sandaling iyon noong mabaling ang tingin niya sa mukha ng dalagita matapos na itihaya ito… Nakabaling lamang ng ilang minuto ang tingin ni Augustus sa napakagandang mukha ng dalagita. Hindi niya ikakaila na nabighani siya rito sa unang pagkakataon na masilayan ito. Napakaamo ng mukha nito. Litaw na litaw ang malalantik na itim pilikmata. Tila sinadya ring ilagay ng iskultor ang nunal nito sa ibaba ng mga mata. Ang labi ay mala-rosas na bahagyang nakabukas pa na palatandaang walang malay ang dalagita. May maputla itong kutis na tila ba’y hindi nasisikatan ng araw. Higit sa lahat, kapansin-pansin ang pulang buhok nito na alon-alon.Tuyo iyon kanina nang hawakan niya kaya nagtataka siya ngayon kung bakit unti-unting nababasa ang buhok ng dalagita. Maging ang katawan nito’y nababasa rin ngunit hindi ng tubig, kundi ng langis! Langis ang tila lumalabas sa katawan nito. Sa pagkabigla ni Augustus, wala sa sariling nabitawan niya ang dalagita matapos nitong dumulas sa pagkakahawak niya at magmulat ng mga mata. Parang gusto niyang kusutin ang mga mata nang bahagyang kumislap ang mga mata ng dalagita. Hindi niya rin alam kung guni-guni niya ang naririnig na pagkanta mula sa karagatan kahit na napakalakas na ng pag-ulan. Gutom na ba siya ulit? Bakit kung anu-ano na ang nakikita at naririnig niyang hindi naman kapani-paniwala? Imposibleng hypothermia rin ang mga senyales na iyon. Alam niya ang kundisyon ng katawan niya. Hindi siya basta-bastang tinatablan ng sakit. Tumitig lamang sa kanya ang dalagita sa loob ng ilang minuto. Wala itong sinasabi. Tila ba, katulad niya’y pinag-aaralan din nito ang kinikilos niya. Mayamaya’y kumunot ang noo nito at humawak sa tiyan. “M-may pagkain ka?” “H-ha?” bakas ang pagkagulat sa mukha ni Augustus dahil sa naging tanong ng dalagita. Hindi niya iyon inaasahang pagkatapos ng matagal nilang pagtititigan ay ito ang unang lalabas sa bibig nito. “May pagkain ka kako?” ulit nito. “Nagugutom ako.” “Ah…ito? Kaso hindi pa luto.” Itinaas niya ang mga isdang nasa kaliwang kamay. “O ito?” itinaas naman niya ang natirang hotdog sandwich sa kanang kamay. Bakas ang pagtataka sa mukha ng dalagita nang tumingin sa kanan niyang kamay na bahagya pa ring nakataas. Kita kase sa loob ng supot ang tinapay at bahagyang nakalitaw doon ang hotdog. Nakangiti niyang ibinigay iyon sa dalagita ang hawak niya na kaagad naman nitong tinanggap at kinain. “Tagasaan ka? Bakit naka-costume ka ng pangsirena? Artista ka ba at may shooting kayo rito sa isla?” kung saan-saan nabaling ang tingin ni Augustus upang malaman kung may camera na nakatago at hindi niya lamang nakita dahil sa pagmamadali. “Ha?” nagtatakang tanong nito at bahagyang huminto sa pagkain. Napakamot si Augustus ng ulo. Tila ba’y hindi nito naintindihan ang sinabi niya. Nabaling ang tingin niya sa buntot ng dalagita. Iyon pa ang isa sa kapansin-pansin dito bukod sa maamo at magandang mukha nito. Kung alam niya lang na hindi totoo ang mga sirena, baka naniwala na siyang totoo ang buntot nito. Kaparehas ng kulay ng buhok nito ang buntot ng dalagita. May disenyong itim at dilaw ang palipik nito habang ang kaliskis ng buntot ay kasingkintab ng ginto. Walang sabi-sabing kinarga ni Augustus ang dalagita. Halatang ukupado pa rin ang isipan nito dahil hindi tinutulan ang pagkarga niya nang walang paalam. Dali-dali ang pagtakbo ni Augutstus patungo sa kalapit na kweba ng pangpang. Hindi niya na talaga matiis ang lamig ng pag-ihip ng hangin. Isa pa, lalong tumatalim ang pagguhit ng kidlat sa kalangitan. Delikado para sa kanila ang manitili sa pangpang. Imposibleng mabuhay sila sa oras na matamaan. “S-sino ako?” naguguluhang tanong ng dalagita matapos mabaling ang tingin sa buntot nito nang mailapag niya. “Sino ako?” tanong nitong muli matapos na ibaling naman ang tingin sa kanyang mga paa. Nang mga sandaling iyon, bahagyang nagsalubong ang kilay ni Augustus. Hindi niya talaga maintindihan ang inaakto ng dalagita. Sinasama ba siya nito sa pagsasanay para sa proyekto bilang artista? Masyado naman yata itong propesyonal na kahit break time ay piniling magsanay. Nang mabaling ang tingin niya sa mga nahuling isda, saka niya naalala ang inang naghihintay sa pag-uwi niya. Lihim pa man din ang pagtungo niya sa laot dahil balak niya itong surpresahin sa kaarawan nito bukas. Hindi rin malabo na pinapahanap na siya sa mga katiwala nila dahil kalahating araw na siyang hindi nagpapakita sa kanila. “Pasensya na, kailangan ko na kaseng umuwi. Pihadong hinahanap na ako ng inay,” saad niya nang bahagyang nahihiya. Hinintay niya pang sumagot ang dalagita ngunit mukhang malalim pa rin ang iniisip nito. Hindi niya na aabalahin pa ang dalagita. “Sige, mauna na ako!” nagmamadali niyang saad nang hindi pa rin tumugon ang dalagita nang magpakilala siya. Dali-dali ang pagtakbo niya habang bitbit ang mga nakawil na isda. Hindi niya alintana ang pagkulog at pagkidlat sa kalangitan dala ng pagmamadali. Mas inaalala niya ang ina na nag-aalala na sa kanya. Halos maiwan niya pa ang tsinelas na lumulubog sa kabuhanginan dahil sa malalaki niyang paghakbang. Bahagyang nakalayo na siya sa kweba nang mahinto si Augustus sa pagtakbo. Nilingon niya nang nag-aalala ang kweba. Ngayon lang pumasok sa isipan niya na walang kasama roon ang dalagita. Na maaaring matakot ito sa lugar na pinag-iwanan niya. Bakit hindi niya ba naisip na isama ito kanina? Hindi niya rin natanong ang pangalan ng dalagita dahil sa pagmamadali. Nagpakilala siya rito ngunit hindi niya alam kung narinig nito. Sinabi rin ng dalaga na gutom ito. Malamang ay kulang ang kinain nito. Bahagyang napakamot siya ng ulo matapos na magdesisyong balikan ito. Sigurado siya na maiintindihan siya ng ina kung ito ang nasa posisyon niya ngayon. Isa pa, sobrang bait ng nanay niya. Hindi ito pumipili ng tutulungan. Nakakailang hakbang pa lamang ng pagtakbo pabalik si Augustus nang makarinig siya ng sunod-sunod na pagtawag sa pangalan niya. Huminto siya pagtakbo upang lingunin si Evans. Isa ito sa mga katiwala nila. Habang papalapit ito ay mas nauulinigan niya na nahihirapan ito sa paglalakad. Tila ba’y may iniinda ito na sa braso na kaliwa. Dala ng pag-aalala sa kanilang katiwala, tinakbo niya ang pagitan nila. Nang tuluyang makalapit, ganoon na lamang ang paglaki ng mga mata ni Augustus dahil sa sinapit ng katiwala nila. Bakas ang sunog sa kalahati ng mukha ni Evans maging sa kaliwang braso nito! Sunog na sunog rin ang damit na suot nito at may mga tela pang bahagyang nakadakit sa sugat nito. “Evans…” hindi maalis ang tingin niya sa katiwala dala ng matinding pag-aalala. “Y-young Master—” bahagyang pumiyok ang boses nito nang mag-alinlangan sa sasabihin. “A-anong nangyari, Evans?” tanong niya rito nang muling titigan ang katiwala nila. Hindi maganda ang kutob niya. Hindi si Evans ang uri ng tao na kayang magbiro sa kanya. “Evans, anong nangyari?” ulit niyang muli. Sa pagkakataong iyon ay nilakasan niya ang kanyang loob. Hindi ito nakapagsalita kaagad. Bahagyang iniyuko ang ulo. Doon niya napagtantong umiiyak ito. Nang mga sandaling iyon, naramdaman ni Augustus ang kakaibang lamig na ngayon niya lamang naranasan sa buong buhay niya. Walang panama ang malakas na pagbuhos ng ulan at pag-ihip ng hangin. Tila naririnig niya rin ang malakas na pagdagundong ng kanyang puso. Nabitawan niya pa ang mga isdang hawak na nahuli niya sa pangangawil kanina. Matagal siyang napako sa kinatatayuan habang tila nabibingi sa mga salitang lumalabas sa bibig ni Evans. Nagsunod-sunod din ang pagtulo ng kanyang luha. Natatabunan iyon ng malakas na ulan ngunit bakas sa mukha niya ang matinding pagguhit ng sakit na nararamdaman sa dibdib. Bahagya ang naging pag-iling niya. Hindi niya matatanggap ang sinasabi nito. Kailangang siya mismo ang makakita na wala na ang ina niya! Maaari… sa ganoong paraan niya matatanggap ang katotohanan. Ngunit kaya niya bang tanggapin? Matibay ba ang loob niya para makita ang ina na wala ng buhay? Ngumiti si Augustus. “Nagbibiro ka lang… nagbibiro ka lang, Evans!” galit niyang wika kasabay ng mabilis na pagtakbo patungo sa kanilang bahay. Malalaki ang mga naging paghakbang niya. Mabilis ang naging pagtakbo patungo sa kanilang bahay. Alam niyang nahihirapan si Evans sa pagsunod sa kanya dahil sa sugat nito ngunit ang nasa isip niya nang mga sandaling iyon ay ang ina na nasa panganib ang buhay. Napahinto siya sa kinatatayuan nang makita ang dalawang palapag ng bahay nila na nilalamon ng apoy. Napakatindi ng pagsiklab niyon. Walang silbi ang ulan na napakalakas upang maapula. Tupok na tupok na ang bahay. Hindi niya man aminin, alam niya sa sarili na walang kahit na sinong makakaligtas doon. Sinundan pa ng malakas na pagsabog na naging dahilan para manigas siya sa kinatatayuan habang walang tigil ang pagluha. Para pinipiga ang puso niya nang mga sandaling iyon. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman. Nanlalabo na ang paningin niya dahil sa luha na patuloy na paglabas sa kanyang mga mata. Gusto niyang sumigaw ngunit walang lumalabas sa kanyang bibig. Nawawalan ng pag-asa. Wala sa sarili at tanging pagluhod lamang ang nagawa niya nang mga sandaling iyon. “Y-young Master…” mahinang tawag sa kanya ni Evans matapos nitong ituro ang mga armadong lalaki na nakaitim. Galing ito sa likod-bahay nila na tinutuluyan ng mga katiwala. Nasa ganoong posisyon si Augustus nang makita niya ang sarili na umuurong at nagtatago sa dilim kasabay ng paghinto ng kanyang luha. Sa isang iglap, napalitan ng galit ang kanyang nararamdaman. Patuloy niyang inobserbahan ang kinikilos ng mga ito. Tila ba’y sinisigurado na walang kahit na sinong matitirang buhay sa loob ng kabahayan… Mas tumalim ang paraan ng pagtitig ni Augustus nang ibaling ang tingin sa isa sa mga armadong lalaki. Kung nakasusugat iyon, baka bumulagta na ang mga halang ang bituka na pumatay sa pamilya niya. Matindi ang pagkakakuyom niya sa kamao habang hindi inaalis ang tingin sa kakaibang tattoo ng isa na nasa siko ng isa pababa ng kamay nito. Nang mga sandali ring iyon ay ipinangako niya sa sarili na hindi siya titigil hanggang hindi naitutumba ang pumatay sa mga inosenteng tao na nasa loob ng kanilang tahanan. Nakahanda siyang puntahan ang impyerno maipaghiganti lang ang kanyang ina. Handa siyang maging demonyo makuha lang ang hustisya na nararapat para sa kanyang pamilya…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD