Chapter 1: Bad Day

1870 Words
“MANONG, INGAT SA pagmamaneho!” muling paalala ni Saleen sa driver ng sinasakyan nilang ambulansya habang paulit-ulit na tinitignan ang lagay ng sakay nilang pasyente. Kailangan kaagad nitong madala sa kabilang sitio para sa emergency surgery ngunit dapat pa ring mag-ingat sila sa daan dahil ang ibang bahagi ng sitio ay matatarik at maraming bangin. “Oho, Ma’am!” sagot naman ng driver. Mahigpit na napahawak sa oxygen tank ang trainee doctor na kasama niya matapos maalog ng tangke dahil sa pagdaan nila sa malubak na bahagi ng daan. Muli namang inayos ni Nurse Vicky ang kumot ng pasyente dahil bahagya iyong lumihis. “Aabot ba tayo, Doktora Skelton?” nag-aalalang tanong sa kanya ni Doktora Mika. Hindi sumagot si Saleen. Kailangan nilang umabot. First aid lamang ang naibigay nila sa pasyente. Kailangan kaagad nitong maoperahan. Magiging delikado ang buhay nito sa oras na mag-seizure. Hindi kumpleto ang mga gamit na dala nila sa medical mission sa Sitio Masantol dahil kinabukasan pa ang dating ng mga iyon galing sa kabilang sitio matapos masiraan ang sasakyang maghahatid sana ng mga medical equipments. Dahil sa landslide na nangyari kagabi ay naaksidente ang isang rescuer sa Sitio Masantol. Nailigtas ng rescuer ang limang miyembro ng pamilya ngunit nang muling gumuho ang lupa ay sa rescuer tumama ang poste ng kuryente habang papapalabas ito ng bahay. “Doktora, his blood pressure keeps dropping,” imporma ng nurse sa kanya. Muli, hindi sumagot si Saleen dahil sa pag-aalala. Kumuha lamang siya ng panibagong IV at pinalitan ang pasyente matapos na makitang ubos na ang inilagay niya kanina. Naniniwala siyang aabot sila. Ilang kilometro na lamang naman ang tatakbuhin ng sasakyan at nasa kabilang sitio na sila. Awtomatikong napatingin si Saleen sa labas ng bintana matapos makarinig ng malakas na pagkulog. Hindi pa nagtatagal ay nasundan naman iyon ng pagkidlat. Ganoon na lamang ang pag-aalala niya nang bumuhos ang malakas na pag-ulan. Hindi man lamang nakisama sa kanila ang panahon ngayong nagmamadali sila. Napabalik ang kamalayan ng doktora nang magpreno nang biglaan ang kanilang driver. Kaagad na napabaling ang tingin niya sa driver seat upang alamin ang nangyari. “Manong Ben, malayo pa tayo ah. Bakit tayo huminto?” tanong niya kaagad dito. “Manong?” tanong niyang muli nang hindi sumagot ang driver sa kanya. Tatanungin niya sanang muli ang kanilang driver ngunit biglang bumukas ang pinto ng likuran ng ambulansyang gamit nila. Mula roon ay nakita niya ang isang armadong lalaki na may takip ang mukha. Nakatutok sa kanila ang handgun na hawak nito sa kaliwang kamay. Walang ano-ano’y bigla nitong hinila ang nurse na kasamahan nila at dito muling itinutok ang baril na hawak. “Doktora…” mahinang paghingi ng saklolo ni Nurse Vicky nang humarap sa kanila. Tumulo kaagad ang luha nito dala ng matinding takot. Bakas ang panginginig ng nurse habang pinipilit na pakalmahin ang sarili. “Saglit lang, anong kailangan niyo?” may bahagyang kalakasan ang boses na tanong ni Saleen. Pilit niyang pinapakalma ang sarili kahit na ang totoo’y dumagundong na rin ang dibdib niya sa kaba. Sandali niyang nilingon ang pasyenteng kailangan nilang madala sa kabilang sitio bago ibaling muli ang tingin sa armadong lalaki. “Who’s the doctor here?” tanong kaagad ng lalaki sa kanila habang hindi inaalis ang pagkakatutok ng baril kay Nurse Vicky. Nang walang sumagot sa kanila, isang lalaki na may takip rin sa mukha ang pumasok sa ambulansya at bigla na lamang hinila si Doktora Mika. Bago pa man ito tuluyang mailabas ng ambulansya ay pinigilan niya ang lalaki at seryoso itong tinitigan. “Sigurado ka ba na doktor ang kinuha mo?” tanong niya rito. “Ako ang kunin niyo. Sasama ako!” “Doktora!” bulalas ni Doktora Mika. Hindi ito sang-ayon sa sinabi niya. Kaagad niyang sinenyasan na ang intern na doktora na ang bahala sa pasyenteng sakay nila. Nginitian niya rin si Doktora Mika para ipaalam dito na ayos lang. Na magiging ok siya kahit na ang totoo’y hindi niya alam ang kahihinatnan nila sa oras na tangayin ng sindikato. Kailangan nitong tibayan ang loob lalo pa’t hawak nito ang buhay ng pasyente. Wala siya roon upang tulungan ito. Pilit na pinapakalma ni Saleen ang sarili matapos huminga nang malalim habang kinukuha ang mga maari niyang magamit sa operasyon na gagawin. Sigurado siya na may nasaktan sa mga armadong lalaki kaya naghahanap ang mga ito ng doktor. “Scissor, IV, forceps, scalpel, suture—” “Faster!” sigaw ng isa pa sa mga armadong lalaki. Sa pagkataranta ni Saleen dahil sa pagsigaw nito ay kinuha niya kaagad doon ang first aid kit at isinaksak sa bag ang ibang hindi pa nakalagay kanina. Muntik pang mawala ang balanse ni Saleen nang hilahin siya pababa ng armadong lalaki. “Saglit lang, doktor lang naman ang kailangan niyo, ‘di ba?” alma niya nang mapansing parehas silang kinaladkad ni Nurse Vicky nang makababa siya ng sasakyan. “Collateral,” simpleng sagot ng lalaking may tattoo sa mukha. Hindi man sinasadya, napatagal ang pagtitig ni Saleen sa tattoo ng lalaki. Hindi nakaligtas sa paningin niya ang dahilan ng mga nakaukit sa katawan nito. Sa ilalim kase ng mga tattoo na iyon ay mahahalata ang nasunog na balat. Mula sa mukha, pababa sa kaliwang kamay ng lalaki ang tattoo nito. “Move,” galit na wika ng lalaking maraming tattoo matapos mapansin ang tinitignan niya. Wala sa sariling binilisan ni Saleen ang paglalakad matapos na ibaling ng lalaki ang matalim na tingin sa kanya. Hindi niya na rin nagawa pang magtanong dito matapos nilang umakyat ng bundok. Kahit magreklamo dahil sa malakas na pag-ulan at maputik na daan ay hindi niya na ininda. Mahal niya pa ang buhay niya. Kailangan pa siya ng mga pasyente niya. Habang naglalakad patungo sa kanilang destinasyon, itinatak niya sa isipan na wala silang balak na saktan ng mga armadong lalaki kaya dapat na mapanatag siya. Kung gusto silang saktan kanina pa, hindi imposibleng dumanak na ang dugo at pinatay ang mga hindi na mapapakinabangang tao bago pa sila tangayin ng mga ito. Bubuhayin sila kung susundin nila ang mga kondisyon na ibibigay sa kanila. Hindi nila alam kung gaano pa kalayo ang nilakad nila ngunit sapat na iyon upang mangatog si Saleen sa lamig dahil sa malakas na pag-ulan at pag-ihip ng hangin. Panaka-naka rin ang pagsilip niya kay Nurse Vicky upang makasigurado na nasa maayos itong kalagayan. Hindi nagtagal ay huminto sila sa isang kweba sa itaas ng bundok. Kung tatanungin siya ng pulis kung natatandaan niya ang daan sa lugar na pinagdalhan sa kanila, maaaring itikom niya na lamang ang bibig dahil sa kahihiyan. Ganoon siya kahina pagdating sa direksyon. Nang pumasok sila ng kweba, mahabang kadiliman ang sumalubong sa kanila. Kalaunan ay nakakita siya ng mga solo na nakasindi nang malayo na sila sa b****a ng kweba. May ilan ding armadong lalaki ang nakabantay at hindi umaalis sa kanilang pwesto. Doon siya nakasigurado na importanteng tao ang kailangang bigyan ng medical assistance. Hindi nagtagal ay bumungad kay Doktora Saleen ang lalaking nakahiga sa isang airbag bed. Wala itong malay at maputla. Kung gaano karaming dugo ang nawala rito ay hindi niya alam. Malaking pagpapasalamat niya lamang at inampatan ang sugat nito. Dali-dali ang paglapit ni Saleen sa lalaking nakaratay matapos na tanungin ang armadong lalaki na maraming tattoo ng mga importanteng tanong bago daluhan ang pasyente. Isa na lamang sa mga naging tanong niya ay kung may allergy ba ito, o kung may sakit na kailangan niyang bigyang pansin at kung ano-ano pa na maaaring maging dahilan ng komplikasyon kapag isinagawa na ang operasyon. Ibinaba kaagad ni Saleen ang dalang bag para i-check ang blood pressure ng pasyente gamit ang dala niyang sphygmomanometer. Walang sabi-sabi na tinanggal niya rin ang tela na nakatali sa katawan nito matapos gupitin ang suot na damit ng lalaki. Mabilis din ang pagpunit niya ng suot nitong damit. “Gunshot wound in stomach!” sigaw niya kay Nurse Vicky para ipalam dito ang lokasyon ng bala. Ilang beses na binuhusan ni Saleen ng alcohol ang kamay niya upang matanggal ang dumi roon. Limitado lamang ang materyal na meron siya. Sa ganoong paraan niya lamang malilinisan ang kamay. Nagsuot din siya kaagad ng nitrile gloves na gagamitin niya para sa surgery. Ginamit niya ang gauze pad na dala-dala para mabawasan ang bleeding ng pasyente. Sa ganoong paraan din ay mabilis niyang malalaman ang lokasyan ng bala. “Thank god, bullets didn’t penetrate through any internal organs,” mahina niyang saad sa sarili. Dahil doon may posibilidad na buhayin sila ng mga kumuha sa kanila. “Tandaan mo, sa oras na mamatay ang boss namin, mauuna ang nurse na ‘to!” babala ng isa sa mga kumidnap sa kanila. Nabaling ang tingin ni Saleen dito bago bigyan ng blankong ekspresyon ang lalaki. “I am a doctor. I don’t choose my patients. I saved them.” Ang sinabi nito ang isa sa mga salita na ayaw na ayaw niyang naririnig. Hindi siya tatahimik kung pinagbabantaan ang buhay ng kahit na sino para mailigtas ang isa pa. Hindi niya rin tino-tolerate ang kahit na sinong huhusga sa pagiging doktor niya. Bilang doktor, pantay-pantay ang buhay para sa kanya. Hindi niya tinitignan kung gaano man kabuti o kasama ang isang tao. Nailagay niya na ang IV fluid sa pasyente ngunit wala pa ring Nurse Vicky na lumalapit sa kanya. Kung wala lang gloves na nakalagay sa kamay niya, baka pumamaywang na siya matapos harapin ang mga armadong lalaki dahil sa pagkainis. “What do you think I am doing here? Do you think I’m a god and I can remove the bullet on my own by miracle?” mabilis niyang tanong sa mga ito. “ I don’t care if she is your collateral. Let me do my job first, will you? I need my nurse!” sabay senyas niya sa nurse na hawak ng mga ito para bitiwan na. Hindi siya makakapag-concentrate sa ginagawa kung nakakaramdam pa rin ng takot ang nurse niya at naririnig niya ang patuloy nitong pag-iyak Nang bitiwan ng mga ito si Vicky, sinenyasan niya itong tumigil sa pag-iyak at gawin ang mga dapat nilang gawin. Kahit na hindi alanganin ang tama ng bala, maaari pa rin itong manganib dahil sa impeksyon at pagkawala ng maraming dugo. Mahihirapan siya kapag nangyari iyon dahil sa limitadong kagamitang meron siya. Hindi niya rin halos hiningi ang tulong ni Vicky dahil habang tinatanggal ang bala ay wala ito sa wisyo. Iniwasan niyang magkamali ito at maging dahilan pa ng pagiging alerto muli ng mga dumukot sa kanila. Wala man siyang alam sa sindikatong ito, sigurado naman siya sa isang bagay—handang pumatay ang mga narito para sa boss nila. Katulad ng sinabi ng mga ito, kapag may nangyari sa lalaki, tapos ang buhay nila. Nakangiti niyang nilingon si Vicky nang matapos na tahiin ang sugat ng lalaki. Doon, muli na namang bumuhos ang luha nito dahil sa pagpapasalamat sa kanya. “Kaya mong tanggalin mag-isa ang bala—” “Shhh…” suway niya rito para pigilan ito sa pagsasalita. Totoo. Kaya niyang tanggalin mag-isa ang bala pero hindi niya maitim na may naghihirap nang wala siyang ginagawa. Ganoon siya habang lumalaki. Ganoon niya pinalaki ang sarili…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD