Chapter 2: Her Secret

1991 Words
BUONG MAGDAMAG ANG naging pagbabantay ni Saleen sa boss ng sindikato na dumukot sa kanila. Hindi niya inaalisan ng tingin ang pasyente niya kahit na ilang beses ng bumabagsak ang mata niya dahil sa matinding antok at pagod. Mahigpit ang pagkakapulupot ng kumot sa katawan niya dahil sa matinding lamig na nararamdaman. Tila ba’y walang silbi ang bonfire na nakasindi sa may hindi kalayuan ng kweba sa tuwing umiihip nang malakas ang hangin. Kalaunan, hindi rin siya nagtagumpay na pigilan ang sarili na matulog. Nagapi rin siya ng matinding antok dahil sa matinding pagod na naranasan sa buong maghapon. Hindi nagtagal, nagising mula sa mahimbing na pagkakatulog si Doktora Saleen nang makarinig ng magkakasunod na putukan ng baril. Mabilis ang naging pagtayo niya mula sa kinauupuan nang mas lumakas pa iyon. Tila ba ay malapit na sa direksyon nila ang nangyayaring engkwentro. Sapo niya ang dibdib dahil sa matinding nerbyos na naramdaman habang palinga-linga sa kanyang paligid. Hindi mawala ang tila nagkakarerahang kabayo sa kanyang dibdib lalo na’t hindi niya alam ang gagawin sa ganoong sitwasyon. Namumuo rin ang kanyang pawis na malamig sa kanyang mukha. Kailangan niyang pakalmahin ang sarili para makapag-isip nang tama. Kaagad na inilibot ni Saleen ang tingin sa kanyang paligid matapos na huminga nang malalim. Wala siyang nakita ni isang nagbabantay sa kanila. Kung nasaan man ang mga guwardya kagabi ng boss ng mga armadong lalaki, iyon ang hindi niya alam. Nakatulog siya sa pansitan at ito tuloy ngayon ang naging resulta. Abot-abot man ang takot na nararamdaman niya nang mga sandaling iyon, pinilit ni Saleen na paganahin ang kanyang utak. Alam niya dapat kung paano kumalma dahil isang taon siyang nadistino sa medical mission na may giyera, pero bakit hanggang ngayon ay ganoon pa rin ang matinding epekto ng mga naririnig niya? Hindi pa rin siya sanay na makarinig ng putok ng baril o kahit ng mga ingay na may kaugnay sa kahit na anong labanan. Ang sumunod na pumasok sa isipan niya nang mga sandaling iyon ay ang kanyang pasyente. Kaya niyang tumakbo para mailigtas ang sarili pero maiiwan niya ang lalaki. Walang popretekta sa pinuno ng sindikato. Alam niyang ito puntirya ng mga kalabang sumusugod ngayon sa kanila. Imposibleng buhayin ito sa oras na matagpuan ng kalaban. Wala sa sariling iniikot muli ni Saleen ang tingin sa kanyang paligid. Nagbabakasakali ang doktora na may kapaki-pakinabang na bagay na magagamit doon upang madipensahan ang kanyang sarili at maprotektahan ang kanyang pasyente. Doon niya nakita ang anesthesia na natira kagabi sa operation. Dali-dali niyang kinuha ang syringe upang bahagyang pigain. Tama lang para makita niya na lumalabas sa karayom ang likido. Hindi nag-iisip na niyakap niya ang boss ng sindikato na dumukot sa kanila matapos na makarinig ng yabag ng paa. Dumadagundong ang dibdib niya dahil sa matinding kaba habang mahigpit ang pagkakahawak sa anesthesia. Ang kailangan niya lang ngayong gawin ay maghanap ng tamang tyempo. Sa oras na magmintis siya, alam niyang katapusan na nila. Habang nasa ganoong pwesto ay binilang niya kung ilang kalaban ang naroon. Magiging malaki ang problema niya kapag mahigit sa isa ang bilang ng mga ito. Wala siyang alam sa kahit na anong uri ng pakikipaglaban kahit pa sabihing nadistino siya sa lugar na may giyera sa loob ng isang taon. Doktor ang kinuha niya, ang trabaho niya’y protektahan ang buhay ng iba hindi ang kumuha ng buhay kaya hindi siya masisisi ng kahit na sino kung siya ang mauunang mawala sa kahit na anong labanan. Nang tuluyan ng makalapit ang kung sinuman sa kanila, nagbilang siya ng hanggang tatlo bago idilat ang mga mata upang alamin kung sino iyon. Sa ganoong paraan ay malalaman ni Saleen kung kalaban ba ang nasa likuran niya o hindi. Nang mapagtantong hindi iyon grupo ng mga armadong lalaking nakamaskara kagabi, mabilis ang naging pagkilos niya para itusok sa leeg nito ang anesthesia na hawak! Hindi pa man niya tuluyang nauubos ang laman ng syringe ay nararamdaman na ni Saleen ang malakas na pagsampal sa kanya na naging dahilan para bumagsak siya sa tabi ng kanyang pasyente. Mas tumindi ang takot ng doktora nang ibaling niya ang tingin sa armadong lalaki matapos na itapon ang syringe na nakabaon sa leeg nito kanina. Sapo niya ang pisngi na nasampal habang umuurong papalayo rito dahil sa matinding takot. Itinutok nito sa kanila ang baril habang bakas sa mukha ang matinding galit. Pinilit din nitong binabalanse ang pagkakatayo matapos na kumapit sa upuang ginamit niya nang magbantay sa boss ng sindikato. Bago pa man maiputok ng lalaki ang baril ay bumagsak na ito sa kanilang harapan matapos na mawalan ng malay. Maririnig pa ang pag-echo sa kweba ng pagtama ng katawan nito sa lapag dahil sa malakas na pagbagsak. Tila napatid ang paghinga ni Saleen nang mga sandaling iyon dahil sa labis na pagpapasalamat. Natagpuan niya na lamang din ang sarili na humahagulhol sa tabi ng lalaki habang yakap ito. Tatlong buhay ang mawawala sa oras na manganib ang buhay ng pinuno ng sindikato. Sa kanya, kay Nurse Vicky at maging buhay nito na hindi niya pare-parehong papapayagang mangyari. Nang mga sandaling iyon din ay tila bumuhos sa kanya ang halo-halong emosyon na nararamdaman at pinipigilan magsimula pa kagabi nang bihagin sila ng mga armadong lalaki. Naroon ang galit, takot at desperasyon. Galit dahil nasangkalan ang buhay ng pasyenteng sakay ng ambulansya sa sitio matapos na pigilan sa pagtakbo ng mga armadong lalaki. Takot para sa buhay ni Nurse Vicky at desperasyon na makaligtas sa kamay ng mga ito. Bakit ba sunod-sunod ang kamalasan niya? Wala siyang natatandaan na ginawang masama upang pagdaanan niya ang mga ganitong bagay. Pahigpit nang pahigpit ang pagkakayakap niya sa lalaki habang humahagulgol dahil sa samot-saring emosyong nararamdaman. Gusto niya pang humaba ang buhay niya pero palagi siyang natatatalo ng konsenya sa tuwing may nangyayari sa paligid niya. Hindi niya kayang hindi unahin ang iba bago ang sarili niya. Handa niyang isangkalan ang buhay para sa iba. Nang maalala na may sugat ang kanyang pasyenteng nakaratay, saka lamang nagawang bumitaw ni Saleen sa pagkakayakap dito. At sa unang pagkakataon, nagawa niyang titigan ang lalaki na kinalimutang gawin kagabi dahil sa dami ng mga nangyari at adrenaline rush. Muli, abot-abot na naman ang kaba na naramdaman niya nang mapansing pamilyar sa kanya ang leader ng sindikato na dumukot sa kanila. Sigurado siya. Hindi siya maaaring magkamali. Ang binatilyong una niyang namulatan sa dalampasigan at ang leader ng sindikato ay iisa! Hindi niya makakalimutan ito dahil ang lalaki ang unang namulatan niya nang mapadpad siya sa pangpang ng Isla Sitia! Bahagyang napaatras si Saleen nang biglaang magmulat ito ng mga mata… Natuluan niya ito ng luha! Awtomatikong nabaling ang tingin niya parte ng katawan nito na inoperahan niya. Bakit ba hindi siya nag-iingat? Ang emosyon niya talaga ang magpapahamak sa kanya. Sa tinagal-tagal niya sa mundo ng mga mortal, ito pa ba ang magiging dahilan para mabisto siya at malaman ng lahat ang sikretong itinatago niya? “Who are you?” tanong ng lalaki sa kanya habang dahan-dahang tumatayo mula sa pagkakahiga. Muling napalunok si Saleen habang nakabantay sa mga susunod na gagawin at sasabihin ng lalaki. Kailangan niyang malaman kung naaalala siya nito. Sa ganoong paraan niya lamang mapoprotektahan ang sarili. Imposibleng pakawalan pa siya ng mga armadong lalaki kapag nalaman ang lihim at kakayahan niya! Nabaling ang tingin ng lalaki sa sugat na ginamot niya kagabi. Bahagyang kumunot ang noo nito nang mapansing gumagaling na iyon matapos itaas ang damit at pagmasdan ang sugat. Hindi na nagulat si Saleen nang makitang tila ba’y walang bumaon na bala sa katawan nito kamakailan nang tanggalin ang benda na nasa katawan. Bilang isang sirena na naging tao, iyon ang isa sa mga kakayahan na nakakatulong sa mga mortal ngunit hindi sa kanya. Wala siyang kakayahan na gamutin ang sarili kaya sa oras na manganib ang buhay niya, hindi niya matutulungan ang sarili niya. Hindi pa man nakakasagot si Saleen sa tanong ng lalaki nang manlaki naman ngayon ang mga mata niya matapos na kumuha ng baril ang lalaki at itutok iyon sa kanya! Papatayin ba siya nito? Hindi ba nito alam na siya ang dahilan kaya wala ng bala na nakabaon sa katawan nito? Iniisip ba ng lalaki na isa siya sa mga kalaban? Iyon ang mga tanong na tumatakbo sa isipan niya nang mga sandaling iyon. Wala sa sariling napaupo ang doktora para protektahan ang sarili niya. Doon naman siya nakarinig ng dalawang magkasunod na putok ng baril. Mayamaya pa’y may bumagsak na katawan sa likuran niya. Takot na napaatras si Saleen habang nakatingin sa katawang wala ng buhay. Dilat na dilat ang mga mata nito at nakatingin sa kanyang direksyon habang dumadaloy ang dugo sa bibig na bahagyang nakabukas. Naroon na naman ang mabilis na pagtibok ng puso ni Saleen habang ang malamig niyang pawis ay patuloy sa paglabas. Ramdam niya rin ang panginginig ng kanyang tuhod. Kung hindi siya nakakapit sa bangko ay maaaring natumba na siya. Bangungot talaga para sa kanya ang putok ng baril. Kailanman ay hindi siya masasanay sa tunog na iyon kahit paulit-ulit pang marinig. Tulala at wala sa sarili nang hilahin siya ng pinuno ng sindikato na dumukot sa kanila. Hinila siya nito papatago sa mabatong parte ng kweba. Sa bahaging madilim at hindi kaagad mapapansin ng kung sinumang susugod sa kanila mula sa labas. Doon, ilang minutong nakipagpalitan ng pagbaril sa mga kalabang patuloy na sumusugod sa kanila ang lalaki. Mayamaya pa’y inilabas nito ang magazine ng baril upang palitan ng panibago. “Are you good at running?” tanong ng lalaki sa kanya nang hindi tumitingin. Abala pa rin ito sa pakikipaglaban habang nakaplaster ang seryosong reaksyon. Hindi pa man nakasasagot si Saleen nang muli siyang hilahin ng lalaki papasok sa pusod ng kweba. Kung saan sila patungo, hindi niya alam. Basta’y patuloy lamang ang pagsunod niya sa lalaki. Hindi naman siguro siya nito papatayin dahil iniligtas niya ang buhay nito? Ngunit hindi niya rin alam kung hanggang kailan siya magiging ligtas ngayong nasa bingit pa rin ng kamatayan ang buhay nila. Hindi nagtagal ay nakalabas rin sila ng kweba pagkatapos ng walang hanggang kadiliman, pagtakbo, at palitan ng putukan ng baril. Matataas na talahiban ang bumungad sa kanila nang makalabas sa kweba. Hindi sila huminto sa pagtakbo habang hawak pa rin ng lalaki ang kamay niya. Hindi alam ni Saleen kung paano niya ito nasasabayan sa pagtakbo gayong napakalalaki ng paghakbang nito. Sa isang bagay lang siya sigurado nang mga sandaling iyon. Gusto niya pa talagang mabuhay! Ibinaling ni Saleen ang tingin sa kanyang likuran upang tingnan kung gaano pa karami ang mga nakasunod sa kanila. Tatlo. “I can’t run anymore!” pasigaw niyang imporma sa lalaki. Mapapatiran na siya ng hininga kung tatakbo pa siya. Walang sabi-sabi na bigla na lamang huminto ang lalaki sa pagtakbo at humarap sa direksyon ng pinanggalingan nila kanina. Itinutok nito ang baril sa mga kalabang naroon at ilang ulit na kinalabit ang gatilyo ng baril. Nanlaki ang mga mata ni Saleen nang isa-isang bumagsak ang tatlong kalaban na hindi man lang nakapormang bumaril muli. Wala sa sariling nabaling ang tingin niya sa lalaki. Makikita ang matinding galit sa mukha nito habang hindi pa rin ibinaba ang kamay na may hawak ng baril. Nasa ganoong posisyon lamang sila nang mga sandaling iyon. Nakatitig siya rito habang ang tingin nito’y puno ng galit. Nang mabaling ang tingin niya sa mga mata nito, iba ang sinasabi niyon. Nakikita niya roon ang matinding kalungkutan na tila tumatagos patungo sa kanya. Bakit siya nasasaktan para dito? Awtomatikong kumilos ang mga kamay ni Saleen nang sandaling iyon. Dahan-dahan niyang hinawakan ang baril na hawak nito upang ibaba ng lalaki. Hindi niya pa rin inaaalis ang tingin sa lalaki habang humahangin nang malakas at isinasayaw ang kanyang buhok. Nang mga sandaling iyon, gusto niyang malaman ang dahilan ng matinding pagbabago dito. Bakit tila ba’y puno ng galit at kalungkutan ang puso nito? Malayong-malayo na ito sa dating binatilyong nakilala niya sa dalampasigan…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD