Habang inaayos pa ni Auntie Cel 'yong k'warto ko ay lumabas muna ako ng opisina niya at nagsimula maglibot sa mga lugar na may mga alaala kaming tatlo. Sa kusina na nahuli kami ni Auntie na kumukuha ng friend chicken.
“Isusumpong ko talaga kayo kay Auntie sige kayo,” sabi ng maliit na Ella.
“Ikaw Ella sumbungera ka talaga. Sige magsumbong ka roon at hindi na tayo bati,” saad ng maliit na Ria na patuloy sa pagkuha ng pritong manok. Lumapit ito kay Ella at sinubo sa kan’ya ‘yong manok. “masarap ‘di ba? Sige magsumbong ka hindi kita bibigyan.” Wala ng nagawa si Ella kun’di ang sumang-ayon sa kaibigan niya.
Masaya kaming kumain no'n ‘yon nga lang ay nahuli kami ni Auntie at isang linggo kaming pinagbunot ng sahig.
Napadaan ako sa Chapel kung saan kami madalas humiling kay God sa mga gusto namin.
“Ako God kahit poging asawa lang po at dalawang anak okay na po ako,” saad ng 9 years old na si Ella. Nagkatingnginan kami ni Ria dahil sa sinabi nito.
“Ano ba ‘yan Ella bata ka pa asawa na kaagad hinihiling mo. Dapat ganito ‘Ako God kahit malaking bahay lang po na may swimming pool okay na’ dapat ganoon Ella. Aanhin mo pogi wala namang pera,” pang-aasar ni Ria kay Ella.
“Hansel oh inaaway na naman ako niyan. Hilingin mo nga kay God na mawalan ng boses ‘yan para hindi na siya makapagsalita,” pagsusumbong ni Ella sa akin. Nasa gitna ako ni Ella at Ria na patuloy sa pagbabangayan.
“God masaya na po ako kung wala kaming sakit at magkakasama kami hanggang pagtanda kahit wala po kaming pera basta masaya kami,” taimtim kong dasal sa Panginoon. Napansin kong natahimik ‘yong dalawa kaya tiningnan ko sila.
Niyakap nila ako kaya napangiti ako.
“Pero kailangan pa rin natin ng pera pagtanda natin,” saad ng makulit na Ria kaya natawa kaming dalawa ni Ella.
Maraming nagbago sa lugar na ito pero hindi nito mababago ang masasayang alaala ng kabataan ko.
Lumabas ako ng bahay at pumunta sa puno na madalas naming tambayan pagtapos naming sa gumawa ng gawaing bahay. Ang puno kung saan nagsimula ang pagkakaibigan naming tatlo.
Nagsimula ito noong unang dating ko rito noong 4 years old ako. Close na ang mga bata rito maliban sa ’kin wala ni isang bata ang lumapit at nakipag-usap sa akin kaya rito ako sa puno laging nagtatago. Umaakyat ako sa sanga ng puno at doon pinagmamasdan ang paglubog ng araw.
Isang araw ay nakaiglip ako sa sanga at nagising na lang sa mga boses na naririnig ko.
“Batuhin mo ‘yong kapre sa taas Ella,” boses ito ng batang babae. Hindi ko ito pinansin dahil hindi naman ako ang pinaguusapan nila.
“Ayoko nga Ria, ikaw na lang bumato tsaka wala naman kapre diyan Ria,” sagot ng kausap nito.
“Duwag ka talaga Ella. Paano natin kukunin ‘yong saranggola kung hindi natin ipapakuha sa kapre sa taas? At tsaka anong wala meron ‘yan. Lagi akong nakakarinig ng hilik dito kaya malamang may kapre.” sino bang kapre ang pinag-uusapan nila? May kapre ba rito? “Ayaw mo talaga? Ako na lang gigising sa kapre,” saad nito.
Maya-maya pa ay nakaramdam ako ng sakit sa braso ko kaya napabanggon ako at sinilip kung sino ‘yong bumato sa akin.
“Sino bumato sa ’kin?” tanong ko sa kanila. Tinuro nang isang bata ‘yong katabi niya na nakataas ang kilay sa ’kin.
“Bakit mo k-” hindi ko naituloy ‘yong sasabihin ko dahil nagsalita ito.
“’Di ba n***o ang kapre bakit hindi ka n***o? Nagkokojic ka?” tanong nito habang nakataas pa rin ang kilay.
“Anak ng tinapa. Mukha ba akong kapre? Sa guwapo ko ‘to no way!” sagot ko rito.
“Kung hindi ka kapre anong ginagawa mo d’yan? Bakit d’yan ka natutulog?” tanong pa nito.
“Pakielam mo? Umalis kana nga d’yan bata, natutulog ako istorbo ka.” Humiga ako ulit at ipinikit ang aking mata pero maya-maya lang ay nakaramdam ako ng tama ng bato sa tiyan ko. “Anak ng tin-”
“Pakuha ng saranggola sa taas,” sabi nito. Hindi ako makapaniwala sa naririnig ko dahil pagtapos niya akong batohin ay bigla siyang hihingi ng tulong.
“Paano kapag ayaw ko? Anong gagawin mo?” tanong ko.
“Isusumbong kita kay Auntie. Oras ng gawaing bahay pero nandito ka at natutulog,” sagot nito. Inismiran ko siya at humiga ulit.
“Wala akong pakielam kahit magsumbong ka pa gusto mo samahan pa kita,” saad ko.
“Tama na ‘yan Ria pumasok na tayo sa loob dahil papagalitan tayo ni Auntie kapag naabutan niya tayong hindi naglilinis,” sabi nang kausap. Napasang-ayon ako sa isip ko sa sinabi ng kasama niya.
“Pero… tara na nga panget kasi nang isa d’yan,” sabi nito bago ko narinig ‘yon mga yapak nila paalis.
Napatingngin ako sa taas at natanaw ko roon ‘yong saranggola na sinasabi nila. Hindi siya ganoong kalayo sa’ kin pero hindi ko ito kukunin dahil masama ugali niya. Bahala sila d’yan.
Ilang araw ang lumipas pero hindi pa rin nakukuha ‘yong saranggola at hindi na rin ako kinulit noong dalawa. Araw-araw akong nakatambay sa sangga ng puno pagtapos ko maglinis ng bahay. Pero sa araw na ito ay hindi ako pumunta roon dahil madilim ang kalangitan at may paparating daw na bagyo ayon sa balita.
“Magsipasok na kayo sa mga kuwarto niyo at maiglip dahil hindi kayo makakapaglaro sa labas dahil may paparating na bagyo. Gigisingin ko na lang kayo kapag magmemeryenda na,” sabi ni Auntie Cel.
“Opo Auntie,” sabay-sabay na sagot ng mga bata. Sabay-sabay kaming umakyat sa taas pero habang paakyat ako ay nakasalubong ko si Ella at mukhang nagmamadali. Pinagsawalang bahala ko ito at pumasok sa aming kuwarto.
Sa aming kuwarto ay may anim na double deck kaya sa isang kuwarto ay may doseng bata na puro lalaki. Nagsimula ng umulan pero hindi pa rin ako makatulog kaya napagpasyahan ko na tumambay na lang sa bintana. Ganoon na lang ang gulat ko ng makita ko na umaakyat sa puno si Ria. Hindi pa gaanong malakas ang ihip ng hangin pero delikado ang ginagawa niya.
“Anak talaga ng tinapa oh.” Lumabas ako ng kuwarto at dali-daling bumaba. Siniguro ko na hindi ako makikita ni Auntie. Nakita ko sa may pintuan palabas si Ella. “Bakit hindi mo pinigilan ang kaibigan mo?” tanong ko sa kan'ya.
Halatang nagulat ito sa pagdating ko. “Hansel tulungan mo si Ria hindi marunong umakyat ng puno ‘yon baka mapaano siya please,” pagmamakaawa nito. Tumakbo ako palabas at pumunta sa puno.
“Ano bang pumasok sa kokote mo at talagang ngayon ka pa umakyat ng puno?” sabi ko kay Ria na nasa taas ng puno.
“Hi kapre. Ngayon ka lang kasi hindi tumambay rito kaya ngayon ko lang kukunin! Tsaka anong ginagawa mo rito! Tatambay ka? Maulan ah!” sigaw nito mula sa taas. Humawak ito sa mga sangga at pilit inaabot ‘yong saranggola. Nagsisimula ng magsayawan ang mga sangga ng puno at lalong lumalakas ang ulan dahil sa bagyo.
“Bumaba kana diyan! Ako na kukuha kapag wala ng bagyo!” sigaw ko.
“No thank you! Maabot ko na teka-teka.. ayan na. nakuha ko n- AHHHHHH!” napatinggin ako sa taas at dumulas si Ria sa sangga kaya kaagad akong pumwesto sa ilalim para sambutin ito. Nang masambot ko si Ria ay napahiga ako sa impact ng paglaglag niya. “Kapre okay ka lang? Sorry,” sabi nito.
Buti na lang at walang bato dito at puro d**o lang kaya hindi medyo masakit ang pagkakabagsak ko.
“Sa susunod ‘wag mo nang uulitin iyon okay. Napaka-delikado ng ginagawa mo.” Tumango-tango ito at hinila ako papasok sa loob ng bahay. Buti na lang at wala sila Auntie.
“Ria! Ikaw talaga pinakaba mo ako!” sabi ng kaibigan niya pagpasok namin.
“Shhh~ ‘wag kang maingay Ella tara puntahan na natin si pampam.” Hinila ni Ria si Ella kung saan kaya sumunod na lang ako. Napadpad kami sa kuwarto ng mga toodler. Pumasok doon ‘yong dalawa at nilapag sa kama nong isang bata ‘yong saranggola.
Doon ko napagtanto na kinuha ni Ria ‘yong saranggola para sa bata na ‘yon. Handa siyang mapahamak maibalik lang sa bata ang kan’yang saranggola.
Doon ako humanga sa kan’ya.