Chapter Four

2048 Words
NATATAWA si Jamelia habang pinapanood si Linda na kinukuhanan ng sukat ng mananahi ng dress shop. Panay kasi ang pagre-react nito habang sinasabi ng mananahi ang sukat ng katawan nito. Pagkatapos ay umupo ito sa tabi niya.  “Ang laki talaga ng itinaba ko. Todo na nga ang pagda-diet ko pero parang walang epekto!”  “Anong diet ang sinasabi mo? Iyong tatlong kanin per meal?” natatawang sabi niya.  Hinampas siya nito sa braso. “Ang yabang mo! Por que hindi ka tumataba kahit anong kain ang gawin mo, nanlalait ka na. Kapag ako talaga pumayat, who you ka sa `kin!”  Lalo siyang natawa sa sinabi nito. Nanghaba naman lalo ang nguso ni Linda sa inis. Maya-maya ay siya naman ang tinawag ng mananahi. Tumayo siya at pumuwesto sa kinatatayuan ni Linda kanina. Sinimulan nang kunin ng mananahi ang sukat niya. “Kumusta nga pala ang pagdya-job hunting mo? May resulta na ba?” tanong ni Linda habang binuklat nito ang album ng iba’t ibang design ng mga wedding gowns.  “Wala pa nga, eh. Naiinip na nga rin ako.”  “Sinabi ko naman kasi sa iyo, mag-apply ka na rin doon sa pinagtuturuan ko. Okay iyong habang nagtatrabaho ka, eh, nagma-master ka.”  “Ayoko nga ng ganoon dahil baka mawili ako sa pagtuturo at mawala na sa isip ko na ipagpatuloy ang pag-aaral ko. Tingnan mo ikaw, plano mo rin dati na mag-master pero nang makapagturo ka na, nawalan ka na ng ganang ituloy.”  Nagkibit-balikat ito. “Dapat kasi, pagka-graduate natin, nag-masteral ka kaagad.”  “Alam mo namang malaki ang gastos namin noon, 'di ba? Mabuti sana kung hindi nagkasakit si Lester noon.” Huminga siya nang malalim. “Parang nagsisisi na nga ako kung bakit iniwan ko ang trabaho ko noon sa Maynila, eh.”  Nagtrabaho siya noon sa Maynila pero nag-resign siya dahil nahirapan siyang mapalayo sa kanyang mga kapatid. Sa dalawang taong pagtatrabaho niya ay linggu-linggo siyang umuuwi para makasama ang mga ito. Hanggang sa sinabihan siya ng kanyang ate na magbitiw na lang sa trabaho dahil wala naman daw nangyayari sa suweldo niya. Napupunta lamang daw iyon sa pamasahe niya. Pagbalik niya sa San Felipe ay natanggap siya sa isang maliit na department store pero ilang buwan lang ay nag-resign siya dahil ayaw niya sa ugali ng boss niyang lalaki.  “Sa Huwebes nga pala, lalabas tayo nina Aileen. Girls’ night out daw,” sabi ni Linda nang tumabi uli siya rito.  “Hindi ako puwede. May trabaho kami ni Ate Jenny. Anniversary kasi ng Benitez Pineapple Plantation. Kailangan ng dagdag na serbidora kaya nagprisinta ako.”  Sumimangot ito. “Lagi ka na lang hindi nakakasama sa mga gimik ng barkada natin.”  “Balikan na lang ninyo sa Sabado ang mga gowns ninyo,” sabi sa kanila ng mananahi.  Tumango sila at pagkatapos ay lumabas na sila ng shop. Gusto na sana niyang umuwi pero pinilit siya ni Linda na mag-merienda muna kaya wala siyang nagawa kundi pagbigyan ito.  NAPAHINGA ng malalim si Jamelia bago lumabas sa malawak na hardin ng mansiyon ng mga Benitez kung saan ginaganap ang selebrasyon para sa anibersaryo ng plantasyon ng mga ito. Bitbit ang tray na may lamang baso ng alak, nag-serve uli siya sa mga bisita. Nang maubos ang mga baso ng alak na dala niya ay bumalik uli siya sa kusina. Nagmamadali siyang uminom ng isang basong tubig at naupo. Nananakit na ang mga binti niya at pagod na talaga siya. “Okay ka lang ba?” tanong sa kanya ng Ate Jenny niya. Abala ito sa pagsu-supervise sa mga nagluluto. Tumango siya habang minamasahe ang kanyang mga binti.  Napapangiti ang kanyang ate.  “Ano’ng nakakatawa?” tanong niya rito.  “Wala,” sagot nito. “Hindi ka kasi talaga sanay sa ganitong trabaho. Ikaw kasi, nagprisinta ka pa.”  “Kaya ko naman, eh. Mataas lang kasi ang takong ng sapatos ko kaya nanakit tuloy ang mga binti ko.” “Hmp! Nangatwiran ka pa.”  Magsasalita pa sana siya nang may pumasok na babae sa kusina.  “Ate Jenny, pakidalhan daw ng pagkain sina Sir Adrian at iyong tatlong kausap niya doon sa study room.” Tumango ang ate niya. “Sige, ako na ang bahala. Ilabas mo na lang ito sa garden.” Iniabot nito sa babae ang isang tray ng pagkain at saka siya binalingan. “Puwede bang ikaw na lang ang magdala ng pagkain sa study room?”  Tumango siya. Magkatulong nilang inihanda ang mga dadalhin niya. Ilang sandali pa ay nasa ikalawang palapag na siya ng mansiyon kung saan naroon ang study room. Ibinaba niya sa console na nasa tabi ng pinto ang dala niyang tray at saka siya kumatok sa pinto.  “Come in,” narinig niyang sabi ni Adrian mula sa loob.  Pinihit niya ang doorknob bago uli niya kinuha ang tray at saka siya pumasok sa loob ng study room. Nakaupo sa harap ng parihabang mesa ang tatlong lalaki na kausap ni Adrian, habang ang binata ay nakatayo sa tabi ng nakasinding projector. “Pakilagay na lang diyan sa table,” sabi nito sa kanya.  Tumalima siya. Pagkatapos ay humakbang na siya palabas ng study. Malapit na siya sa pinto nang tawagin siya ni Adrian.  “Jamelia, pakisabi naman kay Tita Vera na umakyat siya sandali rito.”  “Yes, Sir.” Eksaktong pagharap niya sa pinto ay bigla namang bumukas iyon. Hindi na siya nakaiwas kaya tumama iyon sa kanyang ulo. “Aray!” daing niya. Napaatras siya. Parang nakakita siya ng maraming bituin sa lakas ng pagkakatama niya sa pinto.  “Bakit ka ba kasi nakaharang diyan?” mataray na tanong sa kanya ng boses ng isang babae.  Ipinilig niya ang kanyang ulo at saka niya ito tiningnan. Isang maganda at sopistikadang babae ang nakita niya. Magkasalubong ang mga kilay nito habang nakatingin sa kanya. Nasapo niya ang nasaktang bahagi ng kanyang ulo. “Okay ka lang ba, Jamelia?” tanong sa kanya ni Adrian nang lumapit ito sa kanya.  Nilingon niya ito. “O-opo, Sir,” mahinang sabi niya.  “Hi, Adrian,” bati rito ng magandang babae na parang walang nangyari. “Ano’ng ginagawa mo rito, Angelie?” baling rito ni Adrian. Gusto na sana niyang lumabas ng silid pero nakaharang sa pinto ang babaeng tinawag nito na “Angelie” kaya hindi siya makaraan.  “Ang tagal mo kasing bumaba kaya naisip kong umakyat na lang dito,” malambing na sagot nito sa tanong ni Adrian.  “May kausap pa akong mahahalagang tao, Angelie.” Halata ang iritasyon sa tinig ng binata. Sinulyapan siya nito. Nabigla pa siya nang pahilang inalis nito ang kamay niyang nakahawak pa rin sa nasaktan niyang noo. “Bumaba ka sa ibaba at hanapin mo si Manang Dang. Palapatan mo ng first aid ang noo mo.” Binitiwan nito ang kamay niya at muling binalingan si Angelie. “Bakit hindi ka muna kumatok bago mo binuksan ang pinto?”  Nagkibit-balikat ang babae. “Hindi ko naman kasi alam na may tao pala. It was her fault. Tatanga-tanga kasi. Nakaharang siya sa may pinto,” mahina pero mariing sabi nito.  Nagtagis ang kanyang mga bagang. Ito na nga ang nakasakit ay ito pa ang may ganang magsalita ng ganoon. Noon lang may nagtaray sa kanya nang ganoon. Kung hindi lang ito bisita nina Adrian ay nasabunutan na niya ito.  Napabuntong-hininga si Adrian. “Sige na, Angelie. Mamaya na tayo mag-usap. Hintayin mo na lang ako sa ibaba,” sabi nito.  Hihirit pa sana si Angelie pero tinalikuran na sila ni Adrian. Bumaling ang mga mata sa kanya ni Angelie at nakataas ang isang kilay na hinagod siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa bago lumabas ng pinto. Nagpipigil ng inis na sumunod siya rito. Magkasabay silang bumaba ng hagdan. Gustung-gusto niya itong itulak para mahulog ito at nang makaganti siya pero pinigil niya ang sarili. Hindi niya ito puwedeng patulan dahil bisita ito ng mga amo nila. Ayaw rin niyang mapagalitan siya ng kanyang ate kapag ginawa niya ang kanyang iniisip.  Pagkatapos niyang hanapin si Ma’am Vera at sabihin dito ang ibinilin ni Adrian ay bumalik siya sa kusina. Kumuha siya ng yelo at inilapat iyon sa kanyang noo. Umupo siya sa harap ng mesa at saka sumimangot. Tiningnan siya ng kanyang Ate Jenny.  “Ano’ng nangyari sa iyo?”  “Natamaan ako ng pinto.”  Napa-iling ito. “Hindi ka kasi nag-iingat. Lagi ka na lang nagkakaroon ng small accident dahil napaka-clumsy mo.”  “Hindi ko kasalanan ang nangyari, 'no," nakasimangot na pakli niya. "Iyong buwisit na bisita ni Sir Adrian ang may kasalanan. Bigla niyang binuksan ang pinto kaya tumama sa ulo ko.”  “Hindi naman siguro niya sinasadya 'yon.”  “Oo nga. Pero sana, nag-sorry pa rin siya. Hindi na nga siya humingi ng paumanhin, tinawag pa akong tanga ng bruhang iyon!” nanggigigil na sabi niya.  “Sino bang bisita 'yon?” tanong nito. Lumapit ito sa kanya at tiningnan ang kanyang bukol.  “Si Angelie Ronquillo, iyong anak ni Mayor Ronquillo. Maganda at sosyal nga siya pero nuknukan naman ng gaspang ang ugali! Tama pala iyong bali-balita na napakalayo raw ng ugali ng babaeng iyon sa mga magulang niya. Kung gaano kabait sina Mayor ay ganoon naman kasama ang ugali ng bruhang anak niya.”  "Tumahimik ka na nga. Baka may makarinig pa sa iyo. Hayaan mo na 'yon. Sige na, magpalamig ka na ng ulo at nang makabalik ka na sa trabaho.”  Napabuga siya ng hangin bago tumayo.  SIMANGOT na simangot si Jamelia habang tinitingnan si Angelie na nakapulupot ang isang kamay sa braso ni Adrian.  “Hoy! Sino ang tinitingnan mo riyan?” tanong sa kanya ng isa sa mga regular waitresses na nagtatrabaho sa restaurant ni Ma’am Vera.  “Iyong bruhang Angelie na 'yon,” naiinis na sagot niya. Inginuso pa niya ang babaeng tinutukoy niya. Tumawa ito. “Masakit ba talaga iyang bukol mo at parang kakatayin mo na siya sa pagkakatingin mo sa kanya?”  “Hindi naman itong bukol ko ang ipinaghihimutok ko kundi iyong pagtawag niya sa akin ng ‘tanga.’ Ang kapal ng mukha ng babaeng 'yan. Akala mo kung sino! Buwisit!”  “Nag-iisang anak kasi kaya spoiled brat.”  “Girlfriend ba siya ni Sir Adrian?”  “Hindi. Pero grabe kung makapulupot kay Sir, 'no? Parang sawa kung makalingkis.”  Natawa siya sa sinabi ng babae. Hindi lang naman pala siya ang nakakapansin niyon.  Itinuloy na niya ang pagsisilbi sa mga guest na naroon. Pabalik na siya sa kusina nang kalabitin siya ng isang kasamahan niya at itinuro nito ang lamesang kinaroroonan nina Adrian at Angelie.  “Dalhan mo sina Sir ng fruit salad,” anang lalaki.  “Ha? Ikaw na lang,” tanggi niya.  “May gagawin pa ako, eh. Sige na.” Tinalikuran siya nito.  Kakamut-kamot sa ulo na nagtungo siya sa kusina at kumuha siya ng isang bowl ng salad at saka siya nagtungo sa kinaroroonan nina Adrian at Angelie.  “Excuse me ho,” aniya.  “Vheng, umiwas ka. Baka mabuhusan ka niya ng salad,” sabi ni Angelie sa babaeng nakaupo sa harap niya. Pagkatapos ay binalingan siya nito. “Mag-iingat ka riyan sa ilalagay mo. Baka mabuhusan mo ang kaibigan ko.”  Nagtitimpi ng inis na ibinaba niya sa mesa ang kanyang dala. Kung puwede lang niyang ibuhos ang salad kay Angelie ay talagang ginawa na niya. Pasalamat ito at kaya pa niyang magtimpi. Agad na rin niyang tinalikuran ang mga ito at bumalik siya sa kusina.  “Bruha talaga siya,” nanggigigil na sabi niya. “Kung wala lang siya sa harap ni Sir Adrian, nakatikim na siya sa akin eh!”  “Ano na naman ba 'yon?” tanong ng Ate Jenny niya.  Hindi siya umimik. Nanatili lang siyang nakasimangot.  “Jamelia, gusto mo bang palitan na lang kita? Ako na lang ang magse-serve sa labas. Ikaw na lang ang tumulong dito,” prisinta ng kaibigan ng ate niya na nagpi-prito ng chicken fillet. “Hay, naku, Ate Vilma, mabuti pa nga,” aniya rito. “Salamat, ha?” Hindi bale nang matalsikan siya ng mga mantika kaysa naman makita niya ang mukha ng babaeng kinaiinisan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD