Chapter Three

2179 Words
MAAGANG nagising si Jamelia nang umagang iyon. Nag-inat siya at saka bumangon mula sa kama. Iniligpit niya ang kanyang higaan at akmang lalabas na siya ng silid nang mapansin niya ang isang paper bag na nakalagay sa ibabaw ng study table niya. Kunot-noong binuksan niya iyon at tiningnan ang laman. Namilog ang kanyang mga mata nang makitang cellphone ang laman niyon. Napangiti siya nang maisip kung kanino posibleng nanggaling iyon.  Nagmamadali siyang lumabas ng kanyang kuwarto. Dumiretso siya sa kusina. Naabutan niya roon ang kanyang ate na nagluluto ng almusal nilang magkakapatid. Tiningnan siya nito.  "Gising ka na pala. Ang aga mo naman yatang bumangon," wika ni Jenny. Ibinagsak nito sa kawali ang dinikdik na bawang para sa iluluto nitong sinangag.  "Sa `yo ito galing?" Ipinakita niya rito ang bagong cellphone na hawak niya.  "Oo," matipid na sagot nito. Nilingon siya nito habang nag-gigisa ito ng bawang.  Napangiti siya at mabilis siyang nakalapit rito saka niyakap ng mahigpit ang kapatid. "Thank you," sabi niya.  "Wala 'yon. Naaawa na kasi ako sa `yo. Alam kong ang nawalang cellphone mo ang ipinaghihimutok mo kaya lagi kang tahimik. Alam kong importante iyon sa iyo dahil pinaghirapan mong pag-ipunan ang ipinambili mo ro'n."  "Pero nagastusan ka na naman ng dahil sa akin."  "Okay lang 'yon. Sige na, bumitaw ka na sa akin at nang makapagluto ako ng maayos."  Bumitaw siya rito at inayos niya ang mesa. "Magkano ang bili mo sa cellphone na ito?" usisa pa niya. "Bakit itinatanong mo pa ang presyo n'yan? Babayaran mo?" pabirong sabi nito.  Natawa siya. "Itinatanong ko lang naman, eh. Nahihiya kasi ako. Nabawasan na naman ang budget mo dahil dito."  "Naisip ko kasing kailangan mo iyan kapag may lakad ka, lalo na ngayong naghahanap ka ng trabaho."  "May landline naman tayo, eh."  Tiningnan siya nito. "Bakit ba parang hindi mo nagustuhan iyang ibinigay ko? Akin na nga iyan. Ibalik mo na lang sa akin kung ayaw mo."  "Hindi naman sa ayaw ko. Sayang kasi ang pera," agad na sabi niya.  "Huwag mo na kasing intindihin 'yon. Basta ipangako mo lang sa akin na iingatan mo iyan at mag-iingat ka na sa susunod." Tapos na itong magsangag. Hinango nito iyon sa isang bandehado at saka inihain iyon sa lamesa. Nagprito naman ito ng tuyo at itlog.  Maya-maya ay pumasok si Lester sa kusina. Naupo ito sa harap ng mesa at agad nitong nakita ang hawak niyang cellphone. "Bago 'yan, ah," puna nito.  "Binili sa akin ni Ate Jenny," sabi niya.  "Alam ko. Magkasama kami ni Ate nang bilhin niya iyan. Huwag mong ingatan 'yan, ha? Pairalin mo uli ang katangahan mo," pabirong sermon nito sa kanya.  Nakasimangot na tiningnan niya ito. "Oho, 'Kuya.' Mag-iingat na ako," nakalabi pa niyang sabi. Ilang sandali pa ay magkakasalo na silang nag-almusal. Nasa kalagitnaan sila ng pagkain nang tumunog ang telepono sa sala. Tumayo si Lester at sinagot nito iyon.  "Ate Jam, para sa 'yo! Si Ate Linda raw!" malakas na sabi nito.  Tumayo siya at naghugas ng kamay sa lababo bago patakbong nagtungo sa sala. Kinuha niya kay Lester ang telepono. "Hello, Linda. Bakit napatawag ka?" tanong niya sa nasa kabilang linya.  "Ikaw ang bakit hindi nagpaparamdam? Tatlong araw na akong nagte-text sa iyo pero hindi ka sumasagot," ani Linda.  "Paano ko naman masasagot ang mga text mo, eh, wala na `yong cellphone ko. Na-holdap kasi ako noong galing ako diyan sa inyo."  "Ha?" gulat na sabi nito.  "Huwag mo na akong pagkuwentuhin. Ayoko nang maalala ang nangyari nang gabing iyon. Bakit ka ba tumawag?"  "Kasi, pinakiusapan ako ni Aileen na sabihin sa iyo na ikakasal na siya two weeks from now. Abay raw tayong dalawa."  Nabigla siya sa narinig. "Two weeks from now? Bakit biglaan? Sino'ng mapapangasawa niya?" sunud-sunod na tanong niya. Nagulat talaga siya sa ibinalita nito dahil hindi niya alam na may nobyo pala ang kaibigan nilang si Aileen. Matagal na rin kasi nila itong hindi nakakasama dahil sa Maynila ito nagtatrabaho.  "Hay, naku, lukaret kasi ang kaibigan nating iyon, eh," ani Linda. "Buntis siya kaya minadali ng mga magulang niya ang kasal nila ng boyfriend niya. Huwag mo akong tanungin dahil pareho lang tayong walang alam. Basta ang balita ko, taga-rito rin sa atin ang mapapangasawa niya."  "Paano iyong gown na isusuot natin?" bigla ay naalala niyang itanong. Parang gusto niyang umatras nang maisip na gagastos pa siya sa pagrerenta ng ipang-aabay niya.  "Kaya nga kita tinawagan dahil sabay na lang tayo bukas ng hapon na pumunta sa pag-aarkilahan natin ng gown. Sagot na raw nina Aileen ang pang-renta ng gown ng mga abay. May napili na rin daw silang design. Pumunta na lang daw tayo sa dress shop. Basta puntahan mo na lang ako sa opisina ko bukas nang alas-kuwatro ng hapon, okay?"  "O, sige. Bye!" Ibinaba na niya ang telepono at bumalik siya sa kusina. Ipinagpatuloy niya ang pagkain. "Ano iyong narinig kong gown na sinasabi mo?" tanong ng kanyang ate.  "Ikakasal na kasi si Aileen," matipid na sagot niya.  "Talaga?" ani Lester. "Ikakasal na si Ate Aileen pero ikaw ni boyfriend hindi pa nagkakaroon."  "Oo nga, Jamelia," segunda ng kanilang ate. "Beinte-kuwatro ka na pero hindi ka pa nagkaka-boyfriend. Wala rin akong nababalitaang nanliligaw sa iyo."  "Ikaw rin naman, 'di ba? Bente-otso ka na pero hindi mo pa naiisip na mag-asawa o makipag-boyfriend," ganti niya rito.  "Wala naman talaga akong planong mag-asawa hangga't hindi ko nasisiguro ang kinabukasan ninyong dalawa ni Lester, eh. Nandiyan lang naman ang mga lalaki. Kapag handa na akong mag-asawa, `di saka na ako makikipagrelasyon," sabi nito.  "See? Pareho lang tayo ng rason," aniya.  "Sus, nakigaya ka pa ng rason kay Ate," kantiyaw sa kanya ni Lester. "Si Ate Jenny, may mga manliligaw pero inaayawan lang niya. Ikaw, wala kang manliligaw na maaayawan mo."  Napipikon na pinanlakihan niya ng mata si Lester at sinipa pa ang paa nito sa ilalim ng mesa.  "Aray!" daing ni Lester. "Bakit ka ba naninipa? Totoo naman ang sinasabi ko, ah. Karma kasi iyan sa iyo. Noong high school ka, kinukuwelyuhan mo at inaaway ang lahat ng lalaking nagpapalipad-hangin sa iyo. Kaya `ayan, wala na ngayong nanliligaw sa iyo."  "Tumigil ka na. Sasamain ka na sa akin!" babala niya rito na nandidilat ang mga mata. "Tama na nga iyan," saway sa kanila ni Jenny. "Kumain na kayo. Lester, may pasok ka pa kaya bilisan mo na ang pagkain."  Nanahimik sila ni Lester pero pangiti-ngiti pa rin ito sa kanya na tila nakakaloko. Sinimangutan naman niya ito. "HI, ATE!" Nakangiting nilapitan ni Jamelia ang kanyang kapatid na abala sa pagbibilang ng pera sa kaha. "Ano'ng ginagawa mo rito?" nagtatakang tanong nito pagkakita sa kanya.  "Gabi na kasi pero hindi ka pa umuuwi. Nag-aalala ako kaya naisip kong sunduin ka."  Tumawa ito. "Ano'ng akala mo sa akin, bata na maliligaw? Wala kasi iyong isa naming kahera kaya napilitan akong mag-overtime."  Napangiti siya. "Ang totoo, wala lang akong kasama sa bahay kaya naisip kong sunduin ka. Wala kasi si Lester. Manonood daw sila ng sine ng mga kaibigan niya."  "Ang akala ko pa naman, talagang nag-aalala ka sa akin! Sige, maupo ka muna riyan. Tatapusin ko lang ito ha,"wika ng babae. Nagtungo siya sa lamesa na malapit lang sa counter at doon naupo habang hinihintay niya ang kapatid na matapos sa ginagawa nito. Inilabas niya ang kanyang cellphone at nilibang ang sarili sa paglalaro doon. Hindi pa siya nagtatagal doon nang may dumating na lalaki. Napakunot-noo siya pagkakita niya rito. Para kasing pamilyar ito sa kanya. Nilapitan nito ang kapatid niya.  "Nandiyan ba si Tita?" tanong nito sa ate niya.  "Opo, Sir. Naroon siya sa opisina," sagot ni Jenny rito.  Pagkatapos pasalamatan ng lalaki ang Ate Jenny niya ay nagtungo ito sa pinto na nasa likuran lang ng counter na kinauupuan ng kapatid niya. Pagpasok nito sa opisina ng may-ari ng restaurant ay tumayo siya at nilapitan ang kapatid.  "Ate, sino 'yon?" tanong niya.  "Si Sir Adrian," sagot nito. "Pamangkin siya ni Ma'am Vera. Siya ang namamahala ng Benitez Pineapple Plantation at ng mga resort nila. Bakit?"  "Para kasing nakita ko na siya, eh."  "Malamang nakita mo na nga siya dahil taga-rito din siya."  Nagkibit-balikat siya.  "Sandali lang, ipapasok ko na ito sa loob ng opisina ni Ma'am Vera," paalam nito. Tumayo ito mula sa high stool at bitbit ang mga resibo at pera ay pumasok ito sa opisina ng boss nito.  Bumalik siya sa kanyang kinauupuan. Ilang sandali pa ang lumipas ay lumabas uli ang kanyang ate. Kasunod nito sina Ma'am Vera at Adrian.  "Ikaw na ang bahalang mamili ng mga pagkain, Tita. Just make sure na magugustuhan iyon ng mga bisitang darating para sa anniversary ng plantasyon," sabi ni Adrian sa tiyahin nito.  "Okay," sabi naman ni Ma'am Vera. "Anyway, ilan ba ang estimated number ng mga dadalo?"  "More or less, two hundred fifty, Tita."  "Two hundred fifty? Kulang ang mga waiters at waitresses natin kung ganoon karami ang mga bisita."  "Kumuha na lang kayo ng extra. Puwede naman 'yon, 'di ba, Jenny?" ani Adrian nang balingan nito ang kanyang ate.  "Oho," tugon ng kanyang ate.  Biglang may pumasok na ideya sa kanyang isip. Kinawayan niya ang kanyang ate para mapansin siya nito. Nakita naman nito ang isinesenyas niya.  "Puwede hong mag-extra ang kapatid ko," kapagkuwan ay sabi nito sa mga kausap.  "Sinong kapatid?" tanong ni Ma'am Vera.  "Si Jamelia po." Itinuro siya ng kanyang ate.  Sabay na lumingon sa gawi niya ang magtiya. Kunwari ay ngumiti siya ng kimi.  Kumunot ang noo ni Adrian habang tinitingnan siya nito pero agad din itong nagbawi ng tingin. "Sige. Kumuha pa kayo ng iba," wika nito.  "Si Jenny na ang bahala roon," sabi ni Ma'am Vera.  Tumango naman ang kapatid niya.  "Bueno, umuwi na tayo at papalalim na ang gabi," sabi ni Ma'am Vera. Isinukbit na nito ang shoulder bag nito. "Hijo, ihatid mo na sila. Baka kung mapaano sila sa daan. Mga babae pa naman sila."  "Paano ho kayo, Tita?"  "Dala ko naman ang kotse ko. Sige na, Jenny. Sumabay na kayo kay Adrian," baling ni Ma'am Vera sa kapatid niya.  "Nakakahiya ho kay Sir," anang ate niya.  Ngumiti si Adrian na lalong nagpalitaw ng magandang feature ng mukha nito. "Okay lang, Jenny. Let's go." Hinagkan nito sa pisngi ang tiyahin nito bago nagpatiuna na lumabas ng restaurant.  Pagkatapos magpaalam kay Ma'am Vera ay sumunod na sila kay Adrian. Umupo siya sa backseat at ang ate naman niya ay sa unahan pumuwesto. Pabor iyon para sa kanya dahil malaya niyang mapag-aaralan sa rearview ang hitsura ni Adrian.  Pare-pareho silang walang kibo habang tinatahak nila ang daan pauwi sa kanilang bahay. Napapitlag pa siya nang tumunog ang kanyang cellphone. Inilabas niya iyon mula sa kanyang bulsa at tiningnan kung sino ang tumatawag. Si Linda ang caller niya. Sinagot niya ang tawag nito.  "O, bakit?" tanong niya.  "Ipapaalala ko lang sa iyo na bukas tayo pupunta sa pag-aarkilahan natin ng gown para sa kasal ni Aileen."  "Oo, alam ko. Ang kulit mo naman, eh. Kanina ka pa text ng text para i-remind sa akin iyan," aniya na hininaan lang ang tinig.  "Hindi ka kasi nagre-reply sa akin, eh. Basta bukas, ha? Sige, bye!" Nawala na ito sa kabilang linya. Pinindot niya ang end call button at muli nang ibinulsa ang cellphone niya.  "Nakabili ka na pala ng bagong cellphone," biglang sabi ni Adrian na ikinatingin niya rito. Maging ang ate niya ay tila naguguluhang napatingin kay Adrian.  "Ano ho?" nagtatakang tanong niya kay Adrian.  Sinulyapan siya nito sa rearview mirror. "Hindi mo na ba ako natatandaan? Ako iyong lalaking naghatid sa iyo sa bahay ninyo noong gabing ma-holdap ka."  Napamaang siya rito. Kaya pala pamilyar ito sa kanya. Bakit ba hindi niya natandaan ito? Masyado kasi niyang inaalala ang pangho-holdap sa kanya kaya hindi niya masyadong binigyan ng pansin ang mukha nito. "I-ikaw 'yon?" nasabi niya.  Tumango lang ito.  "Naku, Sir Adrian, maraming salamat sa pagtulong ninyo sa kapatid ko," sabi ni Jenny. Ngumiti si Adrian. "Wala 'yon, Jenny. Kahit sino ang nasa lugar ko ay tiyak na tutulungan din siya."  "P-pasensiya ka na nga pala kung napag-isipan kita ng masama nang gabing 'yon," nahihiyang sabi niya.  Tiningnan uli siya nito sa rearview at muling nginitian. "Wala 'yon. Naiintindihan ko naman. Natural lang na ganoon ang maging reaksiyon mo pagkatapos ng nangyari sa iyo."  "Thank you uli," aniya.  Tumango lang ito. Namayani ang katahimikan sa loob ng kotse hanggang sa makarating sila sa apartment nila.  "Salamat ho, Sir," ani Ate Jenny nang ihinto ni Adrian ang kotse. "Walang anuman."  "Mag-ingat ho kayo," sabi naman niya bago sila magkasabay na bumaba ng sasakyan ng ate niya. Sinundan niya ng tingin ang sasakyan. Nagbawi lang siya ng tingin nang kurutin siya ni Jenny sa tagiliran. "Aray ko naman!" reklamo niya na hinimas-himas ang kanyang tagiliran. "Bakit ba?"  "Kanina ka pa titig na titig kay Sir Adrian."  "Hindi naman, eh," agad na tanggi niya.  "Hindi raw, eh, ang lagkit-lagkit nga ng pagkakatingin mo sa kanya!"  "Kung anu-ano ang sinasabi mo riyan, hindi naman totoo. Halika na nga sa loob. Inaantok na ako, eh," iwas niya sa usapan. Pero bago magpatiuna sa pagpasok sa bahay ay muli niyang tinanaw ang papalayong kotse.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD