Chapter Two

2810 Words
MAGHAPONG naghanap ng trabaho si Jamelia. Kahit anong posisyon ay in-apply-an niya. Basta sa tingin niya ay kaya niyang gawin o pag-aralan ang trabaho ay nagpapasa agad siya ng resume. Malaking bayan ang San Felipe at marami na ring nagsusulputang mga establishment sa kanilang lugar kaya kahit paano ay nakakasabay ang kanilang bayan sa modernong pamumuhay ng ibang mga siyudad. Pagkatapos mag-apply ay naisip niyang dumaan sa bahay ng kaibigan niyang si Linda na nakatira sa katabing bayan nila. Kalahating oras lang naman ang biyahe mula roon hanggang sa kanila. Dahil napasarap ang kuwentuhan nila ni Linda ay hindi na niya namalayan ang oras. Mag-aalas otso ng gabi nang umalis siya sa bahay nila Linda, pinilit din kasi siya ng mga magulang ni Linda na maghapunan  muna bago siya umalis. “Ano ba? Ang tagal naman ng jeep! Magkikinse minutos na ako rito, ah,” mahinang sabi niya sa sarili habang mag-isang nag-aabang ng jeep sa waiting shed. Hanggang doon lang siya inihatid ni Linda. Pinauwi na rin niya ito dahil alam niyang marami pa itong gagawin lalo na at may trabaho pa ito kinabukasan. Napabuga siya ng hangin. Luminga-linga siya. Madilim na at ang tanging nagbibigay ng liwanag sa paligid ay ang ilaw sa poste na malapit sa waiting shed na kinatatayuan niya. Mayamaya ay isang lalaki na sa tingin niya ay nasa late thirties na ang dumating at tumayo sa tabi niya. “Mahirap bang makasakay ng jeep dito, Miss?” tanong nito sa kanya. “Opo, lalo na kapag ganitong oras,” sagot niya. “Hindi po ba kayo tagarito?” “Taga-kabilang bayan ako,” tugon nito. “Ang layo nga ng nilakad ko papunta rito dahil wala akong masakyang jeep doon sa pinuntahan ko.” “Mabuti ho at hindi kayo napaano. Minsan ho kasi may mga loko sa lugar na ito. Ilang beses na hong nabalita na may na-r**e at na-holdap dito. Kaya nga ho nagsisisi ako at nagpagabi ako. Nagkasarapan po kasi kami ng kuwentuhan ng kaibigan ko.” “Ganoon ba?” “Opo. Kaya ho mag-iingat kayo. Kanina pa nga ho ako kinakabahan, eh. Mabuti na lang ho at dumating kayo, Manong. At least, may makakasama ako sa paghihintay ng jeep dito. Saan nga ho pala ang pun—” Natigil siya sa pagsasalita nang biglang tumunog ang kanyang cellphone. “Excuse me,” aniya sa lalaki bago niya kinuha sa loob ng kanyang bag ang cellphone at sinagot iyon. “Nasaan ka na ba? Gabi na, ah,” sabi ni Ate Jenny sa kabilang linya. “Pumunta kasi ako kina Linda. Sa kanila ako pinag-dinner ng mama niya pero pauwi na rin ako, Ate,” tugon niya. “Ikaw talagang babae ka, alam mong delikado sa bayan na iyan kapag gabi, pumunta ka pa riyan.”  “Oo na, sorry na. Pauwi na nga ako. Nandito na ako sa sakayan ng jeep. Huwag kang mag-alala dahil may kasabay naman akong naghihintay rito. Sige na, bye.” Pinindot niya ang end call button ng kanyang cellphone. Ibabalik na sana niya iyon sa loob ng kanyang bag nang may maramdaman siyang tumutusok na matulis na bagay sa kanyang tagiliran. “Akin na iyang cellphone mo,” utos sa kanya ng lalaking katabi niya. “Hubarin mo rin iyang kuwintas mo at ibigay mo sa akin ang wallet mo.”  Gusto niyang manlambot sa narinig. Napatingin siya sa kanyang tagiliran at nakita niya ang nakatutok na balisong doon.  “Bilisan mo! Ibigay mo na sa akin ang mga iyan!” may pagmamadali sa boses na sabi nito. Nanginginig ang mga kamay na iniabot niya sa lalaki ang kanyang cellphone. Hinubad din niya ng mabilis ang kanyang kuwintas na regalo pa sa kanya ng ate niya noong magtapos siya ng high school. Inilabas din niya ang kanyang wallet at ibinigay rito. Pagkaabot nito sa mga iyon ay itinulak pa siya nito bago ito kumaripas ng takbo. Maluha-luha siyang tumayo. “Walanghiya kang lalaki ka! Madapa ka sana! Hayop!” umiiyak na sigaw niya habang nakatingin sa palayong lalaki. Pinagpag niya ang narumihan niyang pantalon. Hindi siya makapaniwala sa nangyari sa kanya. Sino bang mag-aakala na masamang tao pala ang lalaking iyon. Dahil wala siya kahit piso ay naisip niyang maglakad na lang pauwi. Kapag may nakasalubong siyang tricycle ay sasakay siya at magpapahatid sa kanilang bahay at doon na lang siya magbabayad. Kung sa jeep kasi siya sasakay ay hindi siya puwedeng magpahatid sa kanila. Ayaw rin niyang mamura siya ng driver dahil wala siyang pambayad. Parang bata na kinukusut-kusot niya ang kanyang mga mata habang umiiyak. Hindi pa siya gaanong nakakalayo nang may kotseng bumusina mula sa kanyang likuran. Napalingon siya roon. May bumundol na kaba sa kanyang dibdib kaya lalo niyang binilisan ang paglalakad. “Miss!” narinig niyang tawag sa kanya ng lalaking nagmamaneho ng kotse. Nakasunod sa kanya ang sasakyan nito. Hindi niya ito tiningnan. Lalo niyang binilisan ang paglalakad. Kulang na lang ay tumakbo siya upang makalayo rito. Ayaw niyang huminto dahil natatakot siya na baka kung ano na naman ang mangyari sa kanya. Ilang minuto pa lang ang nakalilipas nang ma-holdap siya, baka naman ngayon ay ma-r**e na siya. Muling tumulo ang kanyang mga luha sa labis na takot nang maisip iyon. Napatili siya nang biglang may humawak sa kanyang braso. Pinaghahampas niya ang kung sinumang iyon ng kanyang bag.  “Bitiwan mo ako! Bitiwan mo ako!” aniya habang nagpupumiglas. “Miss, teka lang. Sandali lang! Ano ba’ng problema?” malakas na sabi ng lalaki. Hinuli nito ang mga kamay niya. “Kung holdaper ka, wala ka nang makukuha sa akin! At kung r****t ka, utang-na-loob, maghanap ka na lang ng ibang bibiktimahin! Huwag na ako. Please lang, huwag mo nang dagdagan ang kamalasang nangyari sa akin!” malakas na sabi niya. Patuloy pa rin ang pagtulo ng kanyang mga  luha at pinipilit pa rin niya itong hampasin. Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. “Hindi ako holdaper at hindi ako r****t!” malakas na sabi nito. “Ano ba’ng nangyari sa `yo?” Sa narinig ay napatigil siya sa paghampas dito. Tinitigan niya ito. Bahagya lamang niyang naaaninag ang mukha nito sa ilaw ng nakahintong sasakyan. Mukha ngang hindi naman ito gagawa ng masama. Napahagulhol na naman siya ng iyak. “Teka, Miss. Ano ba’ng problema? Ano’ng nangyari sa iyo?” tanong uli nito. Bakas ang pag-aalala habang nakatingin sa kanya. “Na-holdap ako! Walang natira sa akin kahit pamasahe pauwi,” pagbibigay-alam niya rito. Para siyang bata na sumisiguk-sigok habang nagsusumbong. “Saan ka ba uuwi?” “Sa Camambugan.” “Gusto mo bang ihatid kita sa inyo?” pagpiprisinta nito. “Doon din ang punta ko. Taga-roon din kasi ako.”  Natigilan siya at napatitig dito. Hindi niya matandaan ang mukha nito kaya nagdududa siyang taga-Camambugan nga rin ito. “Wala ka ba talagang balak na masama sa akin?” tanong niya. Ngumiti ito. “Hindi naman ako mukhang masamang tao, 'di ba? Nakita kasi kitang naglalakad mag-isa at parang umiiyak. Naisip kong may masamang nangyari sa iyo kaya in-approach kita.” Hindi siya umimik. May kung ano sa ngiti at tinig nito na nakapag-papayapa sa dibdib niya. “Sige na, Miss, sumabay ka na sa akin. Baka kapag itinuloy mo ang paglalakad mo rito ay mangyari na talaga iyang iniisip mo at mapahamak ka pa. Ano? Sasabay ka na ba sa akin?” Tinitigan muna niya ito bago siya tumango. Inalalayan na siya nito pasakay sa kotse. Habang nagbibiyahe sila ay itinanong lang nito sa kanya kung saan ang bahay nila. Pagkatapos niyang sabihin dito ang direksiyon ay hindi na sila parehong nagsalita. Tahimik lang siyang nakikiramdam. Lihim niyang inihahanda ang sarili sa anumang maaaring gawin nito sa kanya. Subukan lang niyang magtangka na gumawa ng hindi maganda, at talagang lalaban ako. Hindi na baleng maaksidente kami. Mas mabuti na iyong pareho kaming mamatay kaysa mapagsamantalahan niya ako, aniya sa sarili. Sinulyapan niya ito.   “SALAMAT,” ani Jamelia sa lalaking naghatid sa kanya nang ihinto ng lalaki ang kotse sa tapat ng kanilang apartment. Tumango ito. “Sa susunod, mag-iingat ka sa pag-uwi mo sa gabi,” paalala nito sa kanya. Ngumiti lang siya ng tipid at bumaba na ng kotse. Sinusundan niya ng tingin ang papalayong sasakyan nito nang maalala niyang hindi niya naitanong kung ano ang pangalan ng lalaki. “Bakit ngayon ka lang?” tanong sa kanya ng Ate Jenny niya pagpasok niya sa pinto. Nanonood ito at si Lester ng telebisyon sa sala.  Hindi siya sumagot. Sa halip ay dumiretso siya sa kusina at uminom ng malamig na tubig. Hindi pa rin siya nakaka-recover sa inabot niyang kamalasan. Sinundan siya ng dalawang kapatid niya.  “May problema ba?” tanong sa kanya ni Ate Jenny. “Bakit namumutla ka at namumugto `yang mga mata mo?”  Hindi siya umimik. Inubos niya ang tubig na laman ng basong hawak. “Hoy, Ate Jam! Ano ba’ng nangyari sa `yo? Okay ka lang ba?” tanong din ni Lester. Tiningnan niya ang mga ito at walang sabi-sabi na muli na namang napaiyak. “Bakit?” alalang-alalang tanong ni Ate Jenny. “Iyong sinabi ko sa iyo kanina na kasabay kong naghihintay ng jeep, hinoldap ako!” pagsusumbong niya at saka siya humagulhol ng iyak. Kapwa hindi nakaimik ang mga kapatid niya. Napamaang lang ang mga ito sa kanya. “Ang walanghiyang 'yon. Sinabihan ko pa siya na mag-ingat sa lugar na `yon, iyon pala holdaper na mismo ang kinakausap ko! Napakawalang-puso niya! Ako pa ang biniktima niya na isa ring mahirap katulad niya! Buwisit!” Pinahid niya ang kanyang mga luha. “Isang taon kong pinag-ipunan ang cellphone na 'yon, 'tapos kukunin lang niya. At iyong kuwintas na iniregalo mo sa akin, Ate, tinangay rin ng walanghiyang magnanakaw na 'yon!” Panay pa rin ang pag-iyak niya. Nilapitan siya ni Ate Jenny at hinagod nito ang kanyang likod. “Hayaan mo na 'yon. Mga materyal na bagay lang 'yon. Mapapalitan mo rin 'yon. Ipagpasalamat mo na iyon lang ang ginawa niya sa iyo. Paano kung sinaksak ka pa niya?” “Naunahan kasi ako ng takot kanina kaya hindi ako nakalaban, eh," pasiguk-sigok na sabi niya. “Sira!” sabad ni Lester. “Kung lumaban ka, talagang sasaksakin ka ng lalaking 'yon.” Hindi siya umimik. Nagsalin uli siya ng tubig sa baso at ininom iyon. “Paano ka nakauwi kung pati ang pera mo ay dinala ng holdaper na iyon?” tanong ng ate niya. “May lalaking nagmagandang-loob na ihatid ako rito,” sagot niya. “Nakakahiya nga, eh. Pinagbintangan ko pa siyang masamang tao. Iyon pala, gusto lang talaga niya akong tulungan.” “Sinong lalaki?” tanong ni Lester. “Hindi ko kilala. Ngayon ko lang siya nakita, eh. Hindi ko rin naitanong kung ano ang pangalan niya. Tuliro na kasi ako sa nangyari sa `kin. Sayang talaga iyong cellphone at kuwintas.” “Sige na, huwag mo na iyong masyadong isipin. Ang mabuti pa’y umakyat ka na sa kuwarto at magpahinga. Kalimutan mo na ang nangyari.” IPINARADA ni Adrian ang kanyang kotse sa malawak na parking lot ng El Paraiso Beach Resort na pag-aari ng kanilang pamilya. Isa lamang iyon sa mga resorts na pag-aari nila. Doon ginaganap ang debut party ni Raiza, ang kapatid ng matalik niyang kaibigan na si Ruel. Bumaba siya ng kotse at pumunta sa pinagdarausan ng Hawaiian party. “Kuya Adrian!” masayang bati sa kanya ni Raiza nang lapitan niya ito. “Happy birthday,” bati niya rito. Hinagkan niya ito sa pisngi at iniabot rito ang binili niyang regalo. “Nag-abala ka pa, Kuya. Sana hindi mo na lang ako ibinili ng regalo. Sobra-sobra ng regalo para sa akin ang pagpayag mong dito ko i-celebrate ng libre ang debut ko,” nahihiyang sabi nito. “Wala 'yon. Para na rin naman tayong magkapatid,” nakangiting sabi niya. Yumakap ito sa kanya.  “The best ka talaga, Kuya Adrian. Mabuti ka pa, doble ang regalo mo sa akin, samantalang iyong nuknukan ng kuripot kong kapatid, ni bulaklak, walang ibinigay sa akin.” “Maldita ka talaga!” ani Ruel na palapit sa kanila. Nang makalapit ay binatukan nito ng mahina ang kapatid. “Aray!” daing ni Raiza. “Ano ba, Kuya? Birthday na birthday ko, binabatukan mo ako!” “Kung anu-ano kasi ang sinasabi mo tungkol sa akin kapag nakatalikod ako,” ani Ruel. Lumabi si Raiza. “Totoo lang naman ang sinabi ko, ah.” Akmang babatukan na naman ni Ruel si Raiza pero pinigilan niya ang kamay nito. “Tama na iyan. Hindi ko na kayo nakitang magkasundo.” “Ang tigas kasi ng ulo ng babaeng 'yan, eh,” sabi ni Ruel. “Ang sabihin mo, pikon ka!” pakli naman ni Raiza bago ito kumaripas ng takbo palayo sa kanila. Natatawang sinundan niya ng tingin ang papalayong babae. “Pasaway talaga ang kapatid kong iyan,” naiiling na sabi ni Ruel bago siya nito binalingan. “Bakit ngayon ka lang? Kanina ka pa namin hinihintay.” “Actually, kanina pa ako dapat narito kaya lang, may nakita akong na-holdap na babae. Naawa ako kaya tinulungan ko. Inihatid ko muna siya sa bahay nila.” “Kawawa naman,” wika nito. “Oo nga. Iyak nga ng iyak nang makita ko at mukhang na-trauma siya sa nangyari. Halatang takot na takot, eh. Pati nga ako, pinaghinalaang masamang tao.” Magkasama nilang tinungo ang kinaroroonan ng iba pa nilang mga kaibigan na imbitado rin sa party. “Pare, ang akala namin, hindi ka na naman makakapunta," salubong sa kanya ni Duke na tinapik pa ang kanyang balikat. "Palagi mo na lang kasi kaming hindi sinisipot sa mga lakad natin.” “Pasensiya na, masyado lang talaga akong abala sa trabaho,” aniya at kinuha ang isang lata ng beer na iniaabot sa kanya ng isa pa nilang kaibigan. “Wala ka nang inatupag kundi magpayaman,” umiiling na sabi ni Luis. Inakbayan siya nito. “Pare, maiintindihan pa namin kung ang pinagkakaabalahan mo ay babae kaysa sa trabaho.” Natatawang siniko niya ang tiyan nito. “Sira-ulo! Kahit ano ang mangyari, hindi ako tutulad sa iyo na halos lahat ng babae, eh, pinapatulan.” Nagpatuloy sila sa pagkukuwentuhan habang nag-iinuman. Mayamaya ay nagyaya sina Luis at Duke na maligo sa dagat. Tumanggi siyang sumama sa mga ito kaya naiwan siyang mag-isa sa cottage. Tahimik lang siyang nakatingin sa mga nagkakasiyahang bisita ni Raiza nang biglang may tumakip na mga kamay sa kanyang mga mata. “Guess who?”  Nakilala agad niya ang boses nito. “Angelie,” nababagot na sabi niya. Tinanggal nito ang kamay sa mga mata niya. “It flatters me to know na kabisado mo ang boses ko.” Ngiting-ngiti ito habang umiikot papasok sa cottage. Umupo ito sa tabi niya. “Hindi ko alam na narito ka,” aniya na sinubukang maging kaswal ang tinig. “Ninang ko ang mommy ni Raiza,” sabi nito. “Hindi ko alam na pupunta ka rito. Pumunta pa ako sa bahay ninyo kanina para magpasama sa iyo rito, 'tapos, sinabi nga ni Tita Vera na pupunta ka naman daw talaga rito.” Hindi siya umimik. “Hindi mo sinasagot ang mga tawag ko these past few days. After mo akong samahan sa party ng kaibigan ko last week, hindi ka na naman nagparamdam,” anito na may himig ng pagtatampo sa tinig. “Marami kasi akong ginagawa,” pagda-dahilan niya. “Abala ako sa trabaho. Ikaw, kumusta iyong negosyong binuksan mo?” Sumimangot ito at pinagkrus nito ang mga braso nito sa tapat ng dibdib nito. “Ewan ko...” Nagkibit-balikat ito. “Parang hindi ko linya ang negosyong napasok ko. I mean, no matter what I do, parang hindi kumikita, eh.” Gusto sana niyang sabihin dito na hindi siya magtataka kung babagsak agad ang negosyo nito dahil alam niyang wala itong hilig doon. Mas gusto nitong makipag-sosyalan kaysa magbanat ng buto. Isa pang dahilan iyon kung bakit hindi niya ito magustuhan. Kung sabagay, lahat ng babaeng lumalapit sa kanya ay hindi niya magustuhan. Sa totoo lang, sinubukan naman niyang magustuhan ang mga ito pero lagi siyang nakakakita ng pangit sa personalidad ng mga ito. “Anyway, are you free this Saturday? Kung gusto mo, sumama ka sa amin ng mga kaibigan ko sa Cebu. Three days lang naman kami doon.”  Umiling siya. “I’m sorry, Angelie, marami akong kailangang asikasuhin dahil malapit na ang anniversary ng plantasyon namin.” Bumakas ang panghihinayang sa mukha nito. Magsasalita pa sana ito nang may tumawag dito na mga babae. Tumayo ito at nagpaalam na pupuntahan ang mga kaibigan. Sinamantala naman niya ang pagkakataong iyon para makalayo rito. Nakisali na rin siya sa mga kaibigan niya na naliligo sa dagat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD